Maaari Ka Bang Mamatay Dahil sa Isang Pusong Wasak?
NAKALULUNGKOT nga, ito ay isang karaniwang pangyayari: Ang isang tila malusog na may edad nang tao na bago lamang namatayan ng kabiyak ay hinimatay at namatay sa loob lamang ng ilang araw o linggo. Ang sanhi ng kamatayan? “Isang pusong wasak,” sabi ng mga kaibigan.
Maaaring higit pa ito sa isang talinghaga. Malaon nang alam ng mga mananaliksik na dinaragsaan ng di-malunasang kaigtingan ang puso ng mga kemikal na magpapangyari sa puso na magkaroon ng di-regular na tibok o panginginig pa nga. Subalit kung paano nagsisimula ang prosesong ito sa utak ay nananatiling isang hiwaga.
Si Stephen M. Oppenheimer, isang neurologo sa paaralang pangmedisina ng Johns Hopkins University sa Baltimore, Maryland, E.U.A., ay naniniwala na nakilala na niya ang bahagi ng utak na nag-uugnay sa puso sa mga damdamin. Ang insular cortex ay isang maliit na bahagi ng utak kung saan ang awtomatikong sistema nerbiyosa, na sumusupil sa mga kilos na gaya ng paghinga at tibok ng puso ay nakakatagpo ang limbic system, na nauugnay naman sa mga damdamin, gaya ng galit, takot, at kasiyahan. Natuklasan ni Dr. Oppenheimer na ang pagpapasigla sa insular cortex sa mga daga ay nagbunga ng pinsala sa kalamnan ng puso na kahawig ng nakikita sa mga tao na biglang dumaranas ng di-regular na pintig ng puso. Ang pagpapasigla sa insular cortex sa mga tao ay gumawa rin ng mga pagbabago sa bilis ng tibok ng puso at presyon ng dugo. Ang mga tuklas na ito ay nagpapahiwatig na posible ngang mamatay dahil sa isang pusong wasak.
Ang ilan ay nagsasabi na ang isang pusong wasak ay isang sanhi ng kamatayan ni Jesu-Kristo, na tungkol sa kaniya ay inihula: “Ang kahihiyan mismo ay nagwasak sa aking puso, at ang sugat ay wala nang lunas.” (Awit 69:20) Ang mga salitang ito ba ay dapat unawain sa literal na paraan? Marahil, sapagkat ang mga oras bago ang kamatayan ni Jesus ay sakbibi ng sakit—hindi lamang sa pisikal kundi sa emosyonal na paraan din naman. (Mateo 27:46; Lucas 22:44; Hebreo 5:7) Isa pa, maaaring ang isang pusong wasak ang dahilan kung bakit ang “dugo at tubig” ay umagos mula sa sugat na likha ng pagkakaulos kay Jesus pagkamatay niya. Ang pagputok ng puso o ng isang malaking ugat ay maaaring maglabas ng dugo alin sa chest cavity o sa pericardium—isang lamad na naglalaman ng likido na bumabalot sa puso. Ang isang butas alinman dito ay maaaring pagmulan ng pagdaloy ng kung ano sa wari’y “dugo at tubig.”—Juan 19:34.
Mangyari pa, tiyak na may iba pang salik na kasangkot sa mabilis na kamatayan ni Jesus, pati na ang paraan ng pagkakapako sa kaniya at ang pag-abusong binata niya bago niyan. Kay-laki ng pasasalamat natin na sa ilalim ng matinding mga kalagayang ito, napanatili ni Jesus ang kaniyang katapatan! Bunga nito, siya ay lubhang itinaas ng kaniyang Ama, si Jehova. (Filipos 2:8-11) Bukod pa riyan, ginawa niyang posible para sa atin na mabuhay magpakailanman sa isang paraisong lupa.—Juan 17:3; Apocalipsis 21:3, 4.