Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • it-2 “Pag-uusig”
  • Pag-uusig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pag-uusig
  • Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Paksa sa Bibliya na Mapag-Uusapan
    Mga Paksa sa Bibliya na Mapag-uusapan
  • Kristiyano
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Inusig Dahil sa Katuwiran
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • Jesu-Kristo
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
Iba Pa
Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
it-2 “Pag-uusig”

PAG-UUSIG

Panliligalig o sinasadyang pamiminsala sa mga tao dahil sa kanilang katayuan sa lipunan, lahing pinagmulan, o relihiyosong pananampalataya at mga paniniwala. Sa huling nabanggit, ang layunin ng pag-uusig ay upang pawiin ang gayong mga paniniwala at hadlangan ang paglaganap ng mga ito sa mga bagong kumberte. Ang pandiwang Hebreo na ra·dhaphʹ at ang Griegong di·oʹko, na nangangahulugang “pag-usigin,” ay maaari ring isalin bilang “tugisin, itaguyod, habulin.”​—Exo 15:9; Deu 1:44; Ro 14:19; Luc 17:23.

May iba’t ibang uri ng pag-uusig. Maaaring nagsasangkot lamang ito ng berbal na pang-aabuso, panunuya, at pang-iinsulto (2Cr 36:16; Gaw 19:9), o maaaring may kasama itong mga panggigipit sa kabuhayan (Apo 13:16, 17), pinsala sa katawan (Mat 27:29, 30; Gaw 5:40), pagkabilanggo (Luc 21:12; Gaw 16:22-24), poot, at kamatayan. (Mat 24:9; Gaw 12:2) Maaaring ang pasimuno nito ay mga lider ng relihiyon (Mar 3:6; Gaw 24:1, 27), o maaaring isinasagawa ito ng mga taong walang-kabatiran (Gen 21:8, 9; Gal 4:29) at walang-alam (1Ti 1:13) o ng di-makatuwiran at panatikong mga pulutong. (Luc 4:28, 29; Gaw 14:19; 17:5) Ngunit kadalasan, ang mga taong ito ay mga ahente lamang ng mas makapangyarihan at masasamang manunulsol, ang di-nakikitang balakyot na mga puwersang espiritu.​—Efe 6:11, 12.

Sa unang hula na nasa Genesis 3:14, 15, patiunang sinabi ng Diyos na Jehova ang tungkol sa alitan sa pagitan ng “serpiyente” at ng “babae” at sa pagitan ng kani-kanilang “binhi.” Pinatutunayan ng Bibliya ang katuparan ng hulang ito. Malinaw na ipinakilala ni Jesus ang serpiyente bilang si Satanas na Diyablo at kasabay nito’y sinabihan niya ang mga umuusig sa kaniya na sila ay ‘mula sa kanilang amang Diyablo,’ samakatuwid ay kabilang sa “binhi” nito. (Ju 8:37-59) Ipinakikita ng aklat ng Apocalipsis na magpapatuloy ang gayong pag-uusig hanggang sa panahon ng pagluklok ni Kristo bilang hari at sa loob ng isang yugto pagkatapos nito, sapagkat kapag si Satanas at ang kaniyang mga anghel ay inihagis sa lupa, ‘pag-uusigin ng dragon ang babae, anupat makikipagdigma sa mga nalalabi sa kaniyang binhi na sumusunod sa Diyos at nagpapatotoo kay Jesus.’ (Apo 12:7-17) Ang isang prominenteng ahente na matagal nang ginagamit ni Satanas ay ang “mabangis na hayop,” isang makasagisag na hayop na ipinaliliwanag sa artikulong HAYOP, MAKASAGISAG NA MGA (Apo 13:1, 7); ang isa pa ay ang “Babilonyang Dakila,” na tinatalakay naman sa artikulong may gayong pamagat. (Apo 17:5, 6) Ang pakikipag-alit ni Satanas sa mga nagsisikap na gumawa ng kalooban ng Diyos ayon sa katuwiran at ang paggamit niya ng mga ahensiyang nabanggit ay makikita sa lahat ng yugto ng panahon ng Bibliya, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na kasaysayan.

Kasaysayan. Ayon kay Jesus, ang kasaysayan ng pag-uusig ay nagsimula noon pang panahon ng anak ni Adan na si Cain. (Gen 4:3-8; Mat 23:34, 35) Pinatay ni Cain ang kapatid niyang si Abel dahil sa pag-udyok ng “isa na balakyot,” si Satanas na Diyablo. (1Ju 3:12) Nakasentro sa tapat na pagsamba kay Jehova ang usaping nasasangkot sa pagkamatay ni Abel. (Heb 11:4) Nang maglaon, si Job, isang lingkod ng Diyos na ang pangalan ay nangangahulugang “Tudlaan ng Pagkapoot,” ang naging tudlaan ng balakyot na pag-uusig na sulsol ni Satanas. Ang asawa at tatlong kaibigan ni Job ay mga instrumento lamang na ginamit ng pangunahing kaaway na ito ng Diyos at ng tao, nalalaman man nila iyon o hindi.​—Job 1:8–2:9; 19:22, 28.

Sa ilang pagkakataon, ang mga tagapamahala ng Juda at Israel ay nagdulot ng paghihirap sa pantanging mga kinatawan ng Diyos. Halimbawa, si David (‘ang lalaking kalugud-lugod sa puso ng Diyos’; Gaw 13:22) ay naging pangunahing tudlaan ng pagkapoot ni Haring Saul. (1Sa 20:31-33; 23:15, 26; Aw 142:6) Noong panahon ng pamamahala nina Ahab at Jezebel, maraming propeta ni Jehova ang napilitang tumakas at magtago o kaya ay pinagpapatay. (1Ha 18:13, 14; 19:10) Si Haring Manases ay nagbubo ng dugong walang-sala “na lubhang pagkarami-rami.” (2Ha 21:16) Ipinapatay ni Haring Jehoiakim si Urias, “isang lalaki na nanghuhula sa pangalan ni Jehova.” (Jer 26:20-23) Dumanas si Jeremias ng matinding pag-uusig sa mga kamay ng mga opisyal ng pamahalaan. (Jer 15:15; 17:18; 20:11; 37:15, 16; 38:4-6) Dahil sa kawalang-katapatan ng kaniyang bayang Israel, may mga panahong pinahihintulutan ni Jehova ang ibang mga bansa na usigin sila, at dalhin pa nga sila sa pagkabihag.​—Deu 30:7; Pan 1:3.

May mga pagkakataon din na ang marahas na pag-uusig, na ginawang legal ng batas ng pamahalaan, ay dinaranas niyaong mga nananatiling tapat kay Jehova, gaya noong ihagis sa maapoy na hurno ang tatlong Hebreo at nang itapon si Daniel sa mga leon. (Dan 3:13-20; 6:4-17) Noong naghahari ang Persianong si Haring Ahasuero, sumiklab ang pagsalakay at pag-uusig sa mga Judio sa pangkalahatan, at partikular na kay Mardokeo, dahil sa utos ng balakyot na si Haman na Agagita.​—Es 3:1-12; 5:14.

Maaari ring pagmulan ng pag-uusig ang dating mga kasamahan (1Pe 4:4) o mga kaibigan at mga kapitbahay sa sariling bayan ng isa. (Jer 1:1; 11:21) Sinabi ni Jesus na kung minsan, ang malalapit na kamag-anak, mga miyembro ng sariling sambahayan ng isa, ay nagiging marahas na mang-uusig niyaong mga naniniwala sa kaniya.​—Mat 10:21, 35, 36.

Gayunman, ang pangunahing mga taong manunulsol ng pag-uusig sa relihiyon ay ang mga tagapagtaguyod ng huwad na relihiyon. Totoo ito sa kaso ni Jeremias. (Jer 26:11) Ganito rin ang naging karanasan ng apostol na si Pablo. (Gaw 13:6-8; 19:23-29) Sa kaso ni Jesus, sinasabi ng ulat na “tinipon ng mga punong saserdote at ng mga Pariseo ang Sanedrin at . . . si Caifas, na siyang mataas na saserdote nang taóng iyon, ang nagsabi sa kanila: ‘ . . . hindi kayo nangangatuwiran na para sa inyong kapakinabangan na ang isang tao ay mamatay alang-alang sa bayan at upang hindi mapuksa ang buong bansa.’ . . . Sa gayon mula nang araw na iyon ay nagsanggunian silang patayin [si Jesus].” (Ju 11:47-53) Bago tuluyang mamatay si Jesus sa pahirapang tulos, dumanas siya ng iba pang uri ng matinding pag-uusig sa mga kamay ng mga taong di-makadiyos, mga tagasuporta ng relihiyosong mga lider na determinadong patayin siya.​—Mat 26:67; 27:1, 2, 26-31, 38-44.

Pag-uusig sa mga Kristiyano. Hindi nagwakas sa pagkamatay ni Jesus ang pag-uusig sa tapat na mga lingkod ni Jehova. Inihula ito ng dakilang Propetang ito tatlong araw bago siya ibayubay, nang sabihin niya sa di-tapat na Jerusalem: “Nagsusugo ako sa inyo ng mga propeta at mga taong marurunong at mga pangmadlang tagapagturo. Ang ilan sa kanila ay inyong papatayin at ibabayubay, at ang ilan sa kanila ay inyong hahagupitin sa inyong mga sinagoga at pag-uusigin sa lunsod-lunsod; upang dumating sa inyo ang lahat ng dugong matuwid na ibinubo sa lupa, mula sa dugo ng matuwid na si Abel hanggang sa dugo ni Zacarias na anak ni Barakias, na pinaslang ninyo sa pagitan ng santuwaryo at ng altar.”​—Mat 23:34, 35.

Maraming ulit ding binabalaan ni Jesus ang kaniyang mga alagad, na sinasabi, “Kayo ay magiging mga tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga tao dahil sa aking pangalan . . . Kapag pinag-uusig nila kayo sa isang lunsod, tumakas kayo patungo sa iba.” “Ang isang alipin ay hindi mas dakila kaysa sa kaniyang panginoon. Kung pinag-usig nila ako, pag-uusigin din nila kayo.” “Ititiwalag kayo ng mga tao mula sa sinagoga. Sa katunayan, ang oras ay dumarating na ang bawat isa na pumapatay sa inyo ay mag-aakalang nag-ukol siya ng sagradong paglilingkod sa Diyos.”​—Mat 10:22, 23; Ju 15:20; 16:2.

Di-nagtagal pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E., nagkaroon ng mga pag-aresto, mga pagbabanta, at mga pambubugbog. (Gaw 4:1-3, 21; 5:17, 18) Pagkatapos ay dinakip si Esteban at binato hanggang sa mamatay, ngunit nakapagpatotoo muna siya laban sa kaniyang mga mang-uusig, na sinasabi, “Sino sa mga propeta ang hindi pinag-usig ng inyong mga ninuno? Oo, pinatay nila yaong mga nagpatalastas nang patiuna may kinalaman sa pagdating ng Isa na matuwid, na sa kaniya kayo ngayon ay naging mga tagapagkanulo at mga mamamaslang.” (Gaw 7:52-60; tingnan din ang Heb 11:36, 37.) Ang pagpaslang kay Esteban ay sinundan ng matinding pag-uusig na pinangunahan noon ni Saul ng Tarso, anupat dahil dito ay nangalat ang kongregasyon ng Jerusalem, ngunit lumawak naman ang gawaing pangangaral ng mabuting balita. (Gaw 8:1-4; 9:1, 2) Nang maglaon, ipinapatay ni Herodes Agripa I si Santiago na kapatid ni Juan sa pamamagitan ng tabak at malamang na ganito rin ang gagawin niya kay Pedro kung hindi ito makahimalang iniligtas ng anghel ni Jehova sa kalaliman ng gabi.​—Gaw 12:1-11.

Nang makumberte siya sa Kristiyanismo, si Saul na mang-uusig ay naging si Pablo na pinag-uusig, gaya ng sabi niya, sa pamamagitan ng di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova. Naganap ito nang sa wakas ay matanto niya na ang Panginoon mismo ang nilalabanan niya. (Gaw 9:4, 5; 22:4, 7, 8; 26:11, 14, 15; 1Co 15:9; Gal 1:13, 23; Fil 3:6) Mula sa ulat ng kaniyang ministeryo at mga paglalakbay pagkatapos niyaon, makikita natin kung paanong si Pablo naman ang dumanas ng maraming pag-uusig sa mga kamay ng mga kaaway ng Kristiyanismo.​—Gaw 13:50; 2Co 6:3-5; 11:23-25; Gal 5:11; 2Ti 3:10, 11.

Iniuulat ng sekular na kasaysayan ang pag-uusig ng mga awtoridad ng Imperyo ng Roma sa mga Kristiyano mula noong mga araw ni Nero at pagkatapos niyaon. (Tingnan ang KRISTIYANO.) Iba’t iba ang mga paratang, ngunit waring laging iisa ang layunin, samakatuwid nga, ang pagsupil sa Kristiyanismo.

Wastong Saloobin Hinggil sa Pag-uusig. Kung tinutupad ng isa ang mga utos ng Diyos bilang isang Kristiyano, imposibleng makaiwas siya sa pag-uusig, sapagkat “lahat niyaong mga nagnanasang mabuhay na [ipinagpatuloy sa pahina 753] [karugtong ng pahina 736] may makadiyos na debosyon may kaugnayan kay Kristo Jesus ay pag-uusigin din.” (2Ti 3:12) Gayunman, nagagawang batahin ng mga tunay na Kristiyano ang lahat ng uri ng balakyot na pag-uusig at napananatili pa rin nila ang isang maligayang saloobin na hindi napopoot at naghahangad ng masama sa mga mang-uusig. Ito’y sapagkat nauunawaan nila ang mga usaping nasasangkot​—ang pinagmumulan ng pag-uusig at kung bakit ito pinahihintulutan. Sa halip na magtaka at mag-alala dahil sa gayong mga karanasan, nagsasaya silang makibahagi kay Kristo sa pagsubok na ito sa pagkamatapat sa ilalim ng pag-uusig.​—1Pe 4:12-14.

Gayunman, dapat tiyakin ng isang Kristiyano na siya ay nagdurusa dahil sa katuwiran. Ipinakikita ng ulat at parisan ng Bibliya na ang pakikibahagi sa pulitika, pagsasabuwatan, o anupamang uri ng krimen ay hindi dapat na maging dahilan upang pag-usigin ang isa. Bilang pagdiriin dito, humihimok ang apostol: “Panatilihing mainam ang inyong paggawi sa gitna ng mga bansa, upang, sa bagay na sinasalita nila laban sa inyo na gaya ng mga manggagawa ng kasamaan, luwalhatiin nila ang Diyos sa araw ng kaniyang pagsisiyasat bilang resulta ng inyong maiinam na gawa na dito sila ay mga saksi.” (1Pe 2:11, 12) Sinundan niya ito ng payo tungkol sa pagpapasakop sa mga opisyal ng pamahalaan, sa mga may-ari ng mga alipin, sa mga asawang lalaki, anupat binanggit niya ang halimbawa ni Kristo Jesus bilang huwarang dapat sundin. (1Pe 2:13-25; 3:1-6) Maaaring maging maligaya ang isang Kristiyano kung nagdurusa siya alang-alang sa katuwiran (1Pe 3:13, 14) ngunit hindi siya kailanman dapat magdusa “bilang isang mamamaslang o magnanakaw o manggagawa ng kasamaan o bilang isang mapakialam sa mga bagay-bagay ng ibang tao.”​—1Pe 4:15, 16.

Pinahahalagahan din ng mga Kristiyano ang gantimpalang naghihintay sa mga nagbabata. May kinalaman sa gantimpalang ito, ipinahayag ni Jesus: “Maligaya yaong mga pinag-usig dahil sa katuwiran, yamang ang kaharian ng langit ay sa kanila.” (Mat 5:10) Ang kaalaman tungkol sa pag-asa sa pagkabuhay-muli pati ang kaalaman tungkol sa Isa na siyang Pinagmumulan ng paglalaang iyon ay nagpapalakas sa kanila. Pinatitibay sila nito na maging matapat sa Diyos kahit na pinagbabantaan silang patayin ng mararahas na mang-uusig. Dahil sa kanilang pananampalataya sa naisakatuparan ng kamatayan ni Jesus, napalaya na sila mula sa pagkatakot sa gayong kamatayan. (Heb 2:14, 15) Mahalaga ang pangkaisipang saloobin ng isang Kristiyano upang makapag-ingat siya ng katapatan sa ilalim ng panggigipit ng pagsalansang. “Panatilihin ninyo sa inyo ang pangkaisipang saloobing ito na nasa kay Kristo Jesus din, na . . . naging masunurin hanggang sa kamatayan, oo, kamatayan sa pahirapang tulos.” (Fil 2:5-8) “Dahil sa kagalakang inilagay sa harap [ni Jesus] ay nagbata siya ng pahirapang tulos, na hinahamak ang kahihiyan.”​—Heb 12:2; tingnan din ang 2Co 12:10; 2Te 1:4; 1Pe 2:21-23.

Mahalagang salik din ang saloobin ng Kristiyano sa mga mang-uusig mismo. Ang pag-ibig sa mga kaaway ng isa at pagpapala roon sa mga salansang ay nakatutulong sa isang tao upang makapagbata. (Mat 5:44; Ro 12:14; 1Co 4:12, 13) Alam din ng Kristiyano ang bagay na ito: Sinumang nag-iiwan ng tahanan at mga kamag-anak alang-alang sa Kaharian ng langit ay pinangangakuan ng sandaang ulit pa, ngunit “kasama [rin] ng mga pag-uusig.” (Mar 10:29, 30) Totoo na hindi lahat ng nakaririnig sa mabuting balita ng Kaharian ay makapagbabata ng matinding pag-uusig, at ang ilan ay baka lumihis sa mga usapin upang makaiwas sa suliranin. (Mat 13:21; Gal 6:12) Ngunit mas makabubuting manalig sa lakas ni Jehova, anupat nananalangin gaya ni David ukol sa kaligtasan mula sa mga mang-uusig, palibhasa’y nababatid na hindi iiwan ng Diyos ang kaniyang mga lingkod sa kagipitan. Sa gayon ay masasabi ng isa ang gaya ng sinabi ng apostol: “Lubusan tayong nagtatagumpay sa pamamagitan niya na umibig sa atin.”​—Aw 7:1; 2Co 4:9, 10; Ro 8:35-37.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share