Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • od kab. 10 p. 105-115
  • Mga Paraan Para Mapalawak ang Iyong Ministeryo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Paraan Para Mapalawak ang Iyong Ministeryo
  • Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • PAGLILINGKOD BILANG MAMAMAHAYAG NG KONGREGASYON
  • PAGLILINGKOD KUNG SAAN MAS MALAKI ANG PANGANGAILANGAN
  • PANGANGARAL SA IBANG WIKA
  • PAGPAPAYUNIR
  • PAGLILINGKOD BILANG MISYONERO
  • GAWAING PANSIRKITO
  • MGA TEOKRATIKONG PAARALAN
  • PAGLILINGKOD SA BETHEL
  • PAGLILINGKOD SA KONSTRUKSIYON
  • ANO ANG ESPIRITUWAL NA MGA TUNGUHIN MO?
  • Alalahanin ang mga Naglilingkod Nang Buong Panahon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2014
  • Ang Patuloy na Pagsulong ay Humihiling na Gawing Payak ang mga Pamamaraan
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1986
  • Magagawa Ba Ninyo ang Higit Pa Upang Parangalan si Jehova?
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1993
  • Mga Tagapangasiwa na Nagpapastol sa Kawan
    Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova
Iba Pa
Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova
od kab. 10 p. 105-115

KABANATA 10

Mga Paraan Para Mapalawak ang Iyong Ministeryo

NANG panahon na para isugo ni Jesus ang kaniyang mga alagad bilang mga mángangarál ng Kaharian, sinabi niya: “Marami ang aanihin, pero kakaunti ang mga manggagawa.” Napakarami pang dapat gawin, kaya sinabi niya: “Makiusap kayo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala ng mga manggagawa sa pag-aani niya.” (Mat. 9:37, 38) Nagbigay ng tagubilin si Jesus sa mga alagad kung paano isasagawa ang kanilang ministeryo. Makikita ang pagkaapurahan sa sinabi niya: “Hindi ninyo malilibot ang lahat ng lunsod sa Israel hanggang sa dumating ang Anak ng tao.”​—Mat. 10:23.

2 Sa ngayon, marami pang kailangang gawin sa ministeryo. Ang mabuting balita tungkol sa Kaharian ay dapat maipangaral bago dumating ang wakas, at kaunti na lang ang panahong natitira! (Mar. 13:10) Ang sitwasyon natin ay halos katulad ng sitwasyon ni Jesus at ng kaniyang mga alagad. Pero mas malaki ang ating teritoryo, at napakakaunti natin kumpara sa bilyon-bilyong tao sa mundo. Pero tiyak na tutulungan tayo ni Jehova. Ang mabuting balita tungkol sa Kaharian ay ipangangaral sa buong lupa, at sa itinakdang panahon ni Jehova, darating ang wakas. Uunahin ba natin sa ating buhay ang Kaharian ng Diyos? Anong espirituwal na mga tunguhin ang puwede nating abutin para lubusang maisagawa ang ating ministeryo?

3 Sinabi ni Jesus ang hinihiling ni Jehova sa Kaniyang nakaalay na mga lingkod: “Dapat mong ibigin si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo at nang buong lakas mo.” (Mar. 12:30) Dapat nating paglingkuran ang Diyos nang buong kaluluwa. Ibig sabihin, napatutunayan nating mahal natin si Jehova at na talagang bukal sa puso ang ating pag-aalay kapag ibinibigay natin ang buo nating makakaya sa paglilingkod sa kaniya. (2 Tim. 2:15) Maraming oportunidad ang bukás sa bawat isa sa atin, depende sa ating kalagayan at kakayahan. Alamin ang ilan sa mga ito, at pumili ng espirituwal na mga tunguhing aabutin mo sa pagganap ng iyong ministeryo.

PAGLILINGKOD BILANG MAMAMAHAYAG NG KONGREGASYON

4 May pribilehiyo ang lahat ng tumanggap sa katotohanan na ihayag ang mabuting balita. Ito ang pangunahing gawain na ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga alagad. (Mat. 24:14; 28:19, 20) Karaniwan na, ibinabahagi agad ng isang alagad ni Jesu-Kristo ang mabuting balita pagkarinig niya nito. Ganiyan ang ginawa nina Andres, Felipe, Cornelio, at ng iba pa. (Juan 1:40, 41, 43-45; Gawa 10:1, 2, 24; 16:14, 15, 25-34) Ibig bang sabihin, puwede nang ibahagi ng isa ang mabuting balita bago pa man siya mabautismuhan? Oo! Kapag kuwalipikado na siya bilang isang di-bautisadong mamamahayag sa kongregasyon, puwede na siyang magbahay-bahay. At depende sa kaniyang kakayahan at kalagayan, puwede rin siyang makibahagi sa ibang uri ng ministeryo.

5 Kapag bautisado na ang isang mamamahayag, tiyak na gusto niyang gawin ang lahat para tulungan ang iba na malaman ang mabuting balita. Lalaki man o babae ay may pribilehiyong mangaral. Isa ngang pagpapala na suportahan ang Kaharian ng Diyos, kahit sa maliit na paraan. Tiyak na magiging masaya ang lahat ng nakikibahagi sa iba’t ibang larangan ng paglilingkod para mapalawak ang kanilang ministeryo.

PAGLILINGKOD KUNG SAAN MAS MALAKI ANG PANGANGAILANGAN

6 Baka madalas nang nagagawa ang teritoryo ng inyong kongregasyon. Kaya baka gustuhin mong lumipat sa lugar na mas malaki ang pangangailangan para mapalawak ang iyong ministeryo. (Gawa 16:9) Kung isa kang elder o ministeryal na lingkod, baka may ibang kongregasyon na mas nangangailangan ng tulong. Baka may mga mungkahi ang inyong tagapangasiwa ng sirkito kung paano ka makatutulong sa ibang kongregasyon sa inyong sirkito. Kung gusto mo namang maglingkod sa ibang lugar sa inyong bansa, ang tanggapang pansangay ay makapagbibigay ng impormasyong kailangan mo.

7 Gusto mo bang maglingkod sa ibang bansa? Kung oo, kailangan mo itong pag-isipang mabuti. Puwede mo itong ipakipag-usap sa mga elder sa inyong kongregasyon. Tiyak na malaki ang magiging epekto nito sa iyo at sa sinumang makakasama mo. (Luc. 14:28) Pero kung hindi mo naman planong magtagal, baka mas magandang pag-isipang maglingkod sa inyong bansa.

8 Sa ilang lupain, halos bago pa lang sa katotohanan ang nangangasiwang mga brother. Handang ipaubaya ng mapagpakumbabang mga brother na ito ang pangunguna sa mas makaranasang mga elder na lumipat sa kanilang kongregasyon. Pero kung isa kang elder at plano mong lumipat sa ibang bansa, tandaan na ang tunguhin mo ay hindi ang palitan ang lokal na mga brother. Sa halip, maglilingkod kang kasama nila. Pasiglahin silang umabót ng pribilehiyo at tumanggap ng mga pananagutan sa kongregasyon. (1 Tim. 3:1) Di-gaya sa pinanggalingan mong bansa, baka hindi nasusunod ang ilang kaayusan, kaya maging mapagpasensiya. Gamitin ang karanasan mo bilang elder para makatulong sa mga brother para kung sakaling kailangan mong bumalik sa iyong bansa, mas may kakayahan na ang lokal na mga elder na pangalagaan ang kongregasyon.

9 Bago ibigay sa iyo ng tanggapang pansangay ang mga pangalan ng kongregasyon na puwede mong tulungan, kailangang magpadala ng liham ng rekomendasyon ang inyong Komite sa Paglilingkod ng Kongregasyon. Kailangan ang liham na ito, ikaw man ay elder, ministeryal na lingkod, payunir, o mamamahayag. Ang liham na ito, kasama ang personal mong liham, ay direktang ipadadala ng komite sa paglilingkod sa tanggapang pansangay ng bansa kung saan mo gustong maglingkod.

PANGANGARAL SA IBANG WIKA

10 Para mapalawak ang iyong ministeryo, baka gusto mong mag-aral ng ibang wika, gaya ng sign language. Kung gusto mong matutong mangaral sa ibang wika, puwede kang lumapit sa mga elder at sa tagapangasiwa ng sirkito. Mapapatibay ka nila at mabibigyan ng mga mungkahi. Sa pangangasiwa ng tanggapang pansangay, nag-oorganisa ang ilang sirkito ng mga klase sa pag-aaral ng wika para sanayin ang may-kakayahang mga mamamahayag at payunir na mangaral sa ibang wika.

PAGPAPAYUNIR

11 Dapat na alam ng lahat ng mamamahayag ang pangunahing mga kahilingan para sa paglilingkod bilang auxiliary, regular, at special pioneer, pati na sa iba pang larangan ng buong-panahong paglilingkod. Ang isang payunir ay dapat na bautisado at huwarang Kristiyano na nasa kalagayang abutin ang kahilingang oras sa pangangaral ng mabuting balita. Ang Komite sa Paglilingkod ng Kongregasyon ang nag-aaproba ng aplikasyon ng mga auxiliary at regular pioneer. Ang tanggapang pansangay naman ang nag-aatas ng mga special pioneer.

12 Ang mga auxiliary pioneer ay puwedeng maglingkod nang isang buwan, nang ilang sunod-sunod na buwan, o nang patuluyan hangga’t ipinapahintulot ng kanilang kalagayan. Maraming mamamahayag ang nasisiyahang mag-auxiliary pioneer sa espesyal na mga okasyon, gaya ng panahon ng Memoryal o buwan ng dalaw ng tagapangasiwa ng sirkito. Pinipili naman ng ilan ang mga buwan ng bakasyon. Ang mga bautisadong mamamahayag na nag-aaral pa ay puwedeng mag-auxiliary pioneer sa mga panahong wala silang pasok. Puwede ring mag-auxiliary pioneer tuwing Marso at Abril at sa buwan ng dalaw ng tagapangasiwa ng sirkito kung kailan mas mababa ang kahilingang oras. Anuman ang iyong sitwasyon, kung ikaw ay may mabuting kaugalian at malinis sa moral, makakapag-iskedyul para maabot ang kahilingang oras, at alam mong kaya mong mag-auxiliary pioneer sa loob ng isang buwan o higit pa, matutuwa ang mga elder na isaalang-alang ang iyong aplikasyon sa pribilehiyong ito ng paglilingkod.

13 Para maging kuwalipikado bilang regular pioneer, dapat na nasa kalagayan kang abutin ang taunang kahilingang oras. Bilang regular pioneer, gusto mong laging makipagtulungan sa kongregasyon. Pagpapala sa kongregasyon ang masisigasig na payunir. Natutulungan nila ang iba na maging masigasig sa paglilingkod at napasisigla pa nga ang ilan na magpayunir din. Pero bago ka mag-apply bilang regular pioneer, dapat na isa kang huwarang mamamahayag at bautisado nang di-bababa sa anim na buwan.

14 Karaniwan na, ang mga special pioneer ay pinipili mula sa mga regular pioneer na napatunayang epektibo sa ministeryo. Dapat na kaya nilang maglingkod saanman sila atasan ng tanggapang pansangay. Kadalasan, ipinadadala sila sa liblib o malalayong teritoryo kung saan makakahanap sila ng mga interesado at makabubuo ng bagong mga kongregasyon. Kung minsan, inaatasan sila sa mga kongregasyong nangangailangan ng tulong sa pagkubre sa teritoryo. Ang ilang elder na special pioneer ay inaatasang tumulong sa maliliit na kongregasyon, kahit hindi malaki ang pangangailangan ng mga ito para sa mga mángangarál. Nakatatanggap ang mga special pioneer ng sapat na allowance para sa mga gastusin sa araw-araw. May ilan na inaatasan bilang pansamantalang special pioneer.

PAGLILINGKOD BILANG MISYONERO

15 Ang Service Committee ng Lupong Tagapamahala ang nag-aaproba sa mga misyonero, at ang lokal na Komite ng Sangay naman ang nag-aatas sa kanila sa mga lugar na malaki ang populasyon. Malaki ang naitutulong nila para mapatatag at mapasulong ang pangangaral at iba pang gawain sa kongregasyon. Karaniwan na, ang mga misyonero ay sinanay sa School for Kingdom Evangelizers. Pinaglalaanan sila ng tuluyan at sapat na allowance para sa pang-araw-araw na gastusin.

GAWAING PANSIRKITO

16 Ang mga tagapangasiwa ng sirkito, na inatasan ng Lupong Tagapamahala, ay naglingkod muna bilang kahaliling tagapangasiwa ng sirkito para masanay sila at maging makaranasan. Mahal ng mga brother na ito ang ministeryo at ang mga kapatid. Sila ay masisigasig na payunir, masisipag na mag-aarál ng Bibliya, at epektibong mga tagapagsalita at guro. Kitang-kita sa kanila ang mga katangian na bunga ng espiritu. Balanse rin sila, makatuwiran, at may kaunawaan. Kung ang brother ay may asawa, ang kaniyang asawa ay isang payunir na huwaran sa paggawi at pakikitungo sa iba. Epektibo rin siyang mángangarál. Nauunawaan niya ang kaniyang papel bilang isang mapagpasakop na asawang babae; hindi niya pinangungunahan ang asawa niya at hindi niya dinodominahan ang mga usapan. Napakaraming dapat gawin ng mga tagapangasiwa ng sirkito at ng kanilang asawa, kaya dapat na may mabuting kalusugan ang mga umaabót sa tunguhing ito. Ang mga payunir ay hindi nagpapasa ng aplikasyon para sa gawaing pansirkito. Sa halip, ipinaaalam nila ang kanilang tunguhin sa tagapangasiwa ng sirkito, na siya namang magbibigay sa kanila ng mga mungkahi.

MGA TEOKRATIKONG PAARALAN

17 School for Kingdom Evangelizers: Kailangan ng mas maraming mamamahayag ng Kaharian para makubrehan ang mga teritoryong bihirang magawa at mabigyan ang mga kongregasyon ng espirituwal na tulong. Kaya naman ang mga mag-asawa pati na ang mga brother at sister na walang asawa ay puwedeng mag-apply para tumanggap ng pantanging pagsasanay sa School for Kingdom Evangelizers. Ang mga nagtapos ay inaatasang maglingkod bilang regular pioneer sa mga lugar sa kanilang bansa kung saan mas malaki ang pangangailangan. Pero may mga binibigyan din ng ibang atas sa kanilang bansa o sa ibang bansa, kung handa silang tanggapin iyon. Ang ilan ay inaatasan bilang pansamantala o permanenteng special pioneer. Para malaman ang mga kuwalipikasyon, puwedeng dumalo ang mga payunir sa pulong para sa mga gustong mag-aral sa School for Kingdom Evangelizers na idinaraos sa mga panrehiyong kombensiyon.

18 Watchtower Bible School of Gilead: Ang mga mag-asawa pati na ang mga brother at sister na walang asawa na inimbitahang mag-aral sa Gilead ay nakapagsasalita ng Ingles at nasa pantanging buong-panahong paglilingkod. Puwede silang makatulong para tumibay at tumatag ang bayan ng Diyos, sa larangan man o sa sangay. Napatunayan na nila na gusto nilang paglingkuran ang mga kapatid at kaya nilang tulungan ang iba sa mabait na paraan na matutuhan at sundin ang mga tagubilin ng Bibliya at ng organisasyon. Ang lokal na Komite ng Sangay ang nag-aanyaya sa potensiyal na mga estudyante na magpasa ng aplikasyon. Ang mga nagtapos sa paaralang ito ay inaatasan sa larangan o sa tanggapang pansangay sa ibang lupain o sa bansa nila.

PAGLILINGKOD SA BETHEL

19 Ang paglilingkod sa Bethel ay isang espesyal na pribilehiyo. Ang Bethel ay nangangahulugang “Bahay ng Diyos,” at angkop na angkop ang pangalang iyan dahil sentro ito ng teokratikong gawain. Napakahalaga ng gawain ng mga kapatid na naglilingkod sa Bethel dahil may kaugnayan ito sa paggawa, pagsasalin, at paghahatid ng mga literatura sa Bibliya. Malaking tulong sila sa Lupong Tagapamahala, na nangangasiwa at nagbibigay ng mga tagubilin sa mga kongregasyon sa buong lupa. Maraming Bethelite na tagapagsalin ang nakatira at nagtatrabaho sa mga lugar na sakop ng teritoryo ng sangay kung saan ginagamit ang wikang isinasalin nila. Kaya naririnig nila kung paano ginagamit ang wikang iyon sa pang-araw-araw na buhay. Personal din nilang nakikita kung naiintindihan ng mga tao ang pagkakasalin nila sa mga publikasyon.

20 Mabigat ang karamihan ng trabaho sa Bethel. Kaya karaniwan na, ang mga tinatawag para maglingkod dito ay mga nakaalay at bautisadong brother na nasa kabataan pa, malusog, at malakas. Kung may pangangailangan sa sangay na nangangasiwa sa inyong bansa at gusto mong maging Bethelite, malalaman mo ang mga kuwalipikasyon mula sa mga elder sa inyong kongregasyon.

PAGLILINGKOD SA KONSTRUKSIYON

21 Ang pagtatayo ng mga pasilidad na ginagamit ng organisasyon ay isang sagradong paglilingkod, gaya ng pagtatayo ng templo ni Solomon. (1 Hari 8:13-18) Maraming kapatid ang nagpakita ng natatanging sigasig sa pamamagitan ng pagbibigay ng kanilang panahon at mga tinataglay para makatulong sa gawaing ito.

22 Puwede ka bang tumulong? Kung isa kang bautisadong mamamahayag na handang makibahagi sa gawaing ito, pahahalagahan ng mga brother na nangangasiwa sa konstruksiyon sa inyong lugar ang tulong mo at handa silang sanayin ka kahit wala kang masyadong kasanayan. Ipaalám sa inyong mga elder na gusto mong tumulong. Ang ilang bautisadong mamamahayag ay naging kuwalipikado pa ngang tumulong sa pagtatayo ng mga pasilidad ng organisasyon sa ibang bansa.

23 Maraming pagkakataon para makapaglingkod sa konstruksiyon. Maaaring magboluntaryo sa Local Design/Construction ang mga huwarang bautisadong mamamahayag kahit kaunti lang ang kasanayan nila. Puwede silang tumulong sa mga proyektong malapit sa kanilang lugar. Ang iba ay tumutulong sa mas malalayong proyekto sa loob ng limitadong panahon at inaatasan ng tanggapang pansangay para maglingkod bilang construction volunteer sa loob ng dalawang linggo hanggang tatlong buwan. Ang mga inatasan namang maglingkod nang mas mahabang panahon ay tinatawag na construction servant. Ang isang construction servant na naatasang maglingkod sa ibang bansa ay tinatawag na expatriate construction servant. Isang Construction Group, na binubuo ng mga construction servant at construction volunteer, ang nangunguna sa bawat proyekto. Tumutulong sa kanila ang mga Local Design/Construction volunteer at mga boluntaryo mula sa mga kongregasyong kasama sa proyekto. Pagkatapos ng isang proyekto, ang Construction Group ay lilipat naman sa ibang proyekto sa loob ng teritoryo ng sangay.

ANO ANG ESPIRITUWAL NA MGA TUNGUHIN MO?

24 Kung inialay mo ang iyong buhay kay Jehova, ibig sabihin, gusto mo siyang paglingkuran magpakailanman. Pero ano ang espirituwal na mga tunguhing inaabót mo? Kung may espirituwal na mga tunguhin ka, magagamit mo sa matalinong paraan ang iyong lakas at iba pang tinataglay. (1 Cor. 9:26) Tutulong din ito sa iyo na sumulong sa espirituwal at magpokus sa mas mahahalagang bagay habang umaabót ka ng karagdagang mga pribilehiyo sa paglilingkod.​—Fil. 1:10; 1 Tim. 4:15, 16.

25 Huwaran si apostol Pablo sa paglilingkod sa Diyos. (1 Cor. 11:1) Naglingkod siya kay Jehova sa abot ng kaniyang makakaya. Nakita niya na maraming binuksang pagkakataon si Jehova para sa kaniya. Sumulat si Pablo sa mga kapatid sa Corinto: “Isang malaking pinto na umaakay sa gawain ang binuksan para sa akin.” Hindi ba’t totoo rin ito sa atin? Oo, marami tayong pagkakataon para paglingkuran si Jehova kasama ng kongregasyon, lalo na sa pangangaral ng mabuting balita tungkol sa Kaharian. Pero gaya ng naranasan ni Pablo, kasama sa pagpasok sa “malaking pinto” na iyon ang pakikipagpunyagi laban sa “maraming humahadlang.” (1 Cor. 16:9) Handang disiplinahin ni Pablo ang kaniyang sarili. Pansinin ang sinabi niya: “Binubugbog ko ang aking katawan at ginagawa itong alipin.” (1 Cor. 9:24-27) Ganiyan din ba ang saloobin natin?

Kung may espirituwal na mga tunguhin ka, magagamit mo sa matalinong paraan ang iyong lakas at iba pang tinataglay

26 Pinasisigla ang bawat isa sa atin na umabót ng espirituwal na mga tunguhin, depende sa ating kalagayan. Marami ang nasa buong-panahong paglilingkod ngayon dahil maaga silang nagtakda ng espirituwal na mga tunguhin. Kahit bata pa, pinasigla na sila ng kanilang mga magulang at ng iba pa na gayon ang gawin. Kaya naman masayang-masaya sila sa paglilingkod kay Jehova at wala silang pinagsisisihan. (Kaw. 10:22) May iba pang magagandang tunguhin gaya ng paglilingkod sa larangan linggo-linggo, pagpapasimula o pagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya, o paglalaan ng mas maraming panahon sa paghahanda sa pulong. Ang mahalaga, manatili tayong matatag at lubusang gampanan ang ating ministeryo. Sa gayon, mapararangalan natin si Jehova at maaabot natin ang ating pinakatunguhin—ang paglingkuran siya magpakailanman.​—Luc. 13:24; 1 Tim. 4:7b, 8.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share