Ang Pagsalakay ng Sobyet sa Relihiyon
ANG Union of Soviet Socialist Republics ay binuo noong 1922, at ang Russia ang siyang di-hamak na pinakamalaki at pinakaprominente sa orihinal na apat na republika nito. Nang dakong huli, lumawak ito at sumaklaw sa 15 republika at sa halos ikaanim na bahagi ng lupain sa daigdig. Ngunit noong 1991, ang Unyong Sobyet ay biglang nabuwag.a Kapansin-pansin, ito ang unang Estado na nagtangkang magbura sa isipan ng mga mamamayan nito ng paniniwala sa Diyos.
Si Vladimir Lenin, ang unang pinuno ng Unyong Sobyet, ay isang alagad ni Karl Marx, na naglarawan sa Kristiyanismo bilang isang kasangkapan ng paniniil. Tinawag ni Marx ang relihiyon na “opyo ng bayan,” at nang maglaon ay ipinahayag ni Lenin: “Anumang relihiyosong ideya, anumang ideya hinggil sa anumang diyos, . . . ay karumihan na lubhang di-mabigkas.”
Nang si Patriyarka Tikhon ng Ruso Ortodokso ay mamatay noong 1925, hindi pinahintulutan ang simbahan na maghalal ng panibagong patriyarka. Ang kasunod na pagsalakay sa relihiyon ay nagbunga ng paggiba sa karamihan ng mga gusali ng simbahan o pag-uukol ng mga ito sa sekular na gamit. Hinatulan ang mga pari sa mga kampo ng sapilitang pagtatrabaho, kung saan marami ang namatay. “Sa ilalim ng pamamahala ni Joseph Stalin noong huling bahagi ng dekada ng 1920 at 1930,” paliwanag ng Encyclopædia Britannica, “naranasan ng simbahan ang isang madugong pag-uusig kung saan libu-libo ang namatay. Pagsapit ng 1939, tatlo o apat na obispong Ortodokso at 100 simbahan na lamang ang opisyal na pinahintulutang umiral.”
Gayunman, halos biglaang naganap ang isang kapansin-pansing pagbabago.
Ang Digmaang Pandaigdig II at ang Relihiyon
Noong 1939, ang Nazing Alemanya, na kaalyado noon ng Unyong Sobyet, ay lumusob sa Poland, at sa gayon ay pinasimulan ang Digmaang Pandaigdig II. Sa loob ng isang taon, sinakop ng Unyong Sobyet ang huling 4 sa 15 republika nito—Latvia, Lithuania, Estonia, at Moldavia. Subalit noong Hunyo 1941, naglunsad ang Alemanya ng isang malakihang pagsalakay sa Unyong Sobyet, na lubos na ikinabigla ni Stalin. Sa pagtatapos ng taóng iyon, nakaabot ang mga hukbong Aleman sa mga hangganan ng Moscow, at tila napipinto na ang pagbagsak ng Unyong Sobyet.
Sa matinding kagipitan, sinikap ni Stalin na ihanda ang bansa para sa tinatawag ng mga Ruso na Malaking Patriyotikong Digmaan. Nakita ni Stalin na kailangan niyang magparaya sa simbahan upang matamo ang suporta ng mga mamamayan para sa pakikidigma, yamang milyun-milyon sa kanila ang relihiyoso pa rin. Ano ang naging resulta ng kapansin-pansing pagbabago ng patakaran ni Stalin sa relihiyon?
Sa pakikipagtulungan ng simbahan, naihanda ang mga Ruso para sa pakikidigma, at noong 1945 isang nakagugulat na tagumpay ng Sobyet laban sa mga Aleman ang natamo. Pagkatapos na pansamantalang ihinto ng Sobyet ang pagsalakay sa relihiyon, ang bilang ng mga simbahang Ortodokso ay dumami ng 25,000, at ang bilang ng mga pari ay umabot sa 33,000.
Muling Pagsalakay
Gayunman, ang totoo ay hindi nagbago ang tunguhin ng mga lider ng Sobyet na burahin sa isipan ng kanilang mga mamamayan ang paniniwala sa Diyos. Ipinaliwanag ng The Encyclopædia Britannica: “Isang bagong kilusan laban sa relihiyon ang inilunsad ni Punong Ministro Nikita Khrushchev noong 1959-64, anupat binawasan ang bilang ng nakabukas na mga simbahan nang mababa pa sa 10,000. Inihalal si Patriyarka Pimen noong 1971 kasunod ng kamatayan ni Alexis, at, bagaman taglay pa rin ng simbahan ang katapatan ng milyun-milyon, nanatiling hindi tiyak ang kinabukasan nito.”b
Mamaya ay tatalakayin natin kung paano nagtagumpay ang Simbahang Ruso Ortodokso upang makaligtas sa muling pagsalakay ng Sobyet. Ngunit kumusta naman ang ibang mga relihiyon sa Unyong Sobyet? Sa mga ito, alin ang naging pangunahing tudlaan ng pagsalakay, at bakit? Ito ang tatalakayin sa sumusunod na artikulo.
[Mga talababa]
a Ang mga sumusunod ay ang 15 independiyenteng bansa na dating mga republika ng Sobyet: Armenia, Azerbaijan, Belarus, Estonia, Georgia, Kazakhstan, Kyrgyzstan, Latvia, Lithuania, Moldova, Russia, Tajikistan, Turkmenistan, Ukraine, at Uzbekistan.
b Ang mga pangalan nina Alexis I, ang patriyarka ng Ruso Ortodokso mula noong 1945 hanggang 1970, at Alexis II, ang patriyarka mula noong 1990 hanggang sa kasalukuyan, ay binabaybay rin kung minsan na Alexy, Aleksi, Aleksei, at Alexei.
[Larawan sa pahina 3]
Tinawag ni Lenin ‘ang anumang ideya hinggil sa Diyos na karumihang di-mabigkas’
[Credit Line]
Musée d’Histoire Contemporaine—BDIC