Isang Timbang na Pangmalas sa Trabaho
ISANG masigasig na opisyal sa militar ang nagtrabaho sa panahon ng kaniyang pananghalian upang matapos ang trabahong kailangang-kailangan ng kaniyang nakatataas na opisyal. Nang bumalik ang kaniyang mga katrabaho mula sa panananghali, nasumpungan nila siyang nakabulagta sa ibabaw ng kaniyang mesang pinagtatrabahuhan—patay.
Pagkalipas ng wala pang dalawang oras, natulala ang kaniyang mga kapuwa opisyal nang tumawag ang kanilang amo at nagsabi: “Nakakaawa si ———, ngunit kailangan ko ang isang kapalit bukas ng umaga!” Naging sanhi ito ng pagtataka ng mga nagmamasid, Ang tanging halaga lamang ba ng opisyal ay ang trabahong ginawa niya para sa kaniyang amo?
Itinatampok ng tunay na karanasang ito ang isang katotohanan—na ang halaga ng isang tao ay madalas na ibinabatay lamang sa pakinabang na nakukuha sa kaniya ng nagpapatrabaho sa kaniya. Maaari itong umakay sa isa na magtanong: Nabubuhay ba ako upang magtrabaho, o nagtatrabaho ba ako upang mabuhay? Anong mga aspekto sa aking buhay ang isinasakripisyo ko alang-alang sa aking trabaho?
Paggawa ng Matatalinong Pasiya
Ang dalawa sa itinuturing ng ilan na pinakamahahalagang desisyon sa buhay ay madalas na ginagawa nang madalian—ang pagpili ng mapapangasawa at ang pagpili ng trabaho. Noon, ang trabaho at ang pag-aasawa ay itinuturing na isang bagay na permanente. Kaya maingat na konsiderasyon ang ibinibigay sa pagpili hinggil dito. Kadalasan, hinihingi ang payo mula sa nakatatandang mga kaibigan o mga magulang.
Gayunman, sa mga panahong ito, marami ang pumipili ng mapapangasawa halos batay lamang sa pisikal na kagandahan, na may pasubali na kapag hindi magkaigi ang mga bagay-bagay, maaaring humanap ng iba pang kabiyak. Sa katulad na paraan, marami ang pumipili ng trabaho pangunahin nang salig sa nakikitang pang-akit nito, na hindi isinasaalang-alang ang posibleng mga negatibong epekto. O sa paanuman ay mabilis na ipinagwawalang-bahala ang mga negatibong posibilidad anupat iniisip, ‘Makakayanan ko naman ang mga ito.’
Nakalulungkot, madalas na positibong tumutugon ang mga babaing nasa mahihirap na bansa sa mga nang-aakit na anunsiyo para sa mga trabaho na nangangako ng isang kahali-halinang buhay sa ibang lugar. Subalit pagdating nila sa ibang bansa, kadalasan nang ipinadadala sila sa mga bahay-aliwan, kung saan ang kanilang pag-iral bilang mga patutot ay mas masahol pa kaysa sa buhay nila bago nito. Ang ganitong karima-rimarim na makabagong uri ng pang-aalipin ay isang “salot na hindi mawala-wala,” ayon sa isang artikulo sa World Press Review.
Maaari rin bang akitin ang mga tao na tanggapin ang isang lehitimong trabaho at pagkatapos ay mauwi sila sa isang kalagayan na kung saan ay nadarama nilang sila’y inaalipin? Ganiyang-ganiyan ang nangyayari! Halimbawa, nag-aalok ang ilang kompanya ng kapansin-pansing mga luho para sa kapakinabangan ng kanilang mga manggagawa. Maaaring kalakip dito ang magagarang lugar ng kainan na maaaring gamitin ng pamilya at mga kaibigan ng empleado, libreng transportasyon at dry cleaning, serbisyo ng mga dentista ng kompanya, walang-bayad na paggamit ng mga gymnasium, at panustos sa pagkain sa mamahaling mga restawran.
“Nagbabayad pa nga ang isang kompanya sa isang ahensiya ng pagde-date para sa mga tauhan nitong sobra-sobrang magtrabaho,” ulat ng peryodistang si Richard Reeves. Ngunit mag-ingat! Ipinaliwanag niya: “Inihaharap ng mga kompanyang ito ang mga pakana upang maging mas magaan ang iyong buhay, ngunit sa isa lamang kondisyon—na hahayaan mo silang kontrolin ang iyong buhay; na magtatrabaho ka nang 18 oras sa isang araw at sa mga dulo ng sanlinggo, ikaw ay kakain, mag-eehersisyo, maglalaro, at matutulog pa nga sa opisina alang-alang sa kanilang kikitain.”
Pagpili ng Isang Mas Mabuting Alternatibo
Mababasa sa isang sinaunang kawikaan: “Ang buháy na aso ay mas mabuti pa kaysa sa patay na leon.” (Eclesiastes 9:4) Ibinabangon ng gayong kawikaan ang tanong na, Sulit bang isakripisyo ko ang aking buhay o kalusugan alang-alang sa aking trabaho? Bilang sagot, muling sinuri ng marami ang kanilang situwasyon at nasumpungan ang isang paraan upang masapatan ang pangangailangan nila—gayundin niyaong sa kanilang pamilya kung mayroon man sila—at upang mabuhay nang maligaya at makabuluhan din naman.
Totoo, ang paggawa nito ay madalas na humihiling ng kahinhinan at maaaring mangailangan ng pagpapasiya kung ano talaga ang mga kinakailangan ng isa, sa halip na kung ano ang di-kinakailangang mga kagustuhan ng isa. Maaaring itakwil ng mga naghahangad ng mataas na posisyon at katanyagan sa lipunan ang mga pasiyang nagtataguyod ng pagiging katamtaman at ituring pa ngang mangmang yaong pumipili sa mga iyon. Ngunit ano ba talaga ang mahalaga sa buhay? Napag-isip-isip mo na ba ito kamakailan?
Ang matalinong hari na si Solomon, na siyang sumulat sa kawikaang sinipi sa itaas, ay nakapagtamo ng higit na maraming materyal na bagay, marahil kung ihahambing sa kaninumang tao. Ngunit bilang pagbuod sa kung ano ang tunay na mahalaga, sumulat siya sa ilalim ng banal na pagkasi: “Ang katapusan ng bagay, matapos marinig ang lahat, ay: Matakot ka sa tunay na Diyos at tuparin mo ang kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao.”—Eclesiastes 12:13.
Kasabay nito, pinahalagahan ni Solomon ang pagtatrabaho. “Wala nang mas mabuti,” ang isinulat niya, “kundi ang kumain [ang isang tao] at uminom nga at magdulot ng kabutihan sa kaniyang kaluluwa dahil sa kaniyang pagpapagal.” (Eclesiastes 2:24) Si Jesu-Kristo, ang Lalong Dakilang Solomon, ay nagpapahalaga rin sa pagtatrabaho, kagaya ng kaniyang makalangit na Ama. “Ang aking Ama ay patuloy na gumagawa hanggang ngayon, at ako ay patuloy na gumagawa,” ang paliwanag ni Jesus.—Juan 5:17; Mateo 12:42.
Gayunman, sa kasalukuyan, may hangganan ang buhay ng tao. (Awit 90:10) Ngunit alam ni Kristo na ang nagtatagal na buhay sa lupa ay tatamasahin sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian, na siyang itinuro niya na ipanalangin ng kaniyang mga tagasunod. Kung kaya’t hinimok niya sa kaniyang tanyag na Sermon sa Bundok: ‘Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang katuwiran [ng Diyos], at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.’—Mateo 6:9, 10, 33.
Hinggil sa buhay sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian na iyan, ipinangangako ng Bibliya: “Tiyak na magtatayo sila ng mga bahay at maninirahan sa mga iyon; at tiyak na magtatanim sila ng mga ubasan at kakainin ang bunga ng mga iyon. Hindi sila magtatayo at iba ang maninirahan; . . . ang gawa ng kanilang sariling mga kamay ay lubusang tatamasahin ng aking mga pinili.”—Isaias 65:21, 22.
Tunay na isang kamangha-manghang pag-asa—ang tamasahin ang isang walang-hanggang buhay na may makabuluhan at nakasisiyang trabaho! Maaaring isiwalat ng isang seryosong pagtaya sa ating sariling kalagayan na kailangan nating muling isaalang-alang ang ilang aspekto ng ating trabaho sa ngayon upang maiwasan ang mga posibleng panganib na lubhang makaaapekto sa posibilidad na matamasa natin ang “tunay na buhay”—buhay sa hinaharap sa ilalim ng Kaharian ng Diyos. (1 Timoteo 6:19) Kaya nawa’y ipakita natin sa ating trabaho, o sa anumang bagay na ating ginagawa, na ating iginagalang ang Isa na nagbigay sa atin ng buhay.—Colosas 3:23.
[Mga larawan sa pahina 8, 9]
Sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, tatamasahin ng mga tao ang trabaho na kapuwa ligtas at kasiya-siya