Pagmamasid sa Daigdig
Ang Buhay-Aso
“Ang Australia ay gumugugol ng higit na salapi sa mga alagang hayop kaysa sa pagtulong sa ibang bansa,” ang ulat ng pahayagang The Sydney Morning Herald. “Kabilang sa mga bagay na ginagastusan ng mga Australiano ng $2.2 bilyon sa isang taon ang mga lifejacket ng aso, alahas na brilyante at pampabango sa hininga para sa kanilang mga alagang hayop.” Napansin ni Jason Gram, may-ari ng isang tindahan ng mga alagang hayop, ang pagbabago ng saloobin sa mga alagang hayop sa nakalipas na dekada. “Dati-rati, ang mga aso ay nasa labas ng bahay, punô ng pulgas at ngumangatngat ng buto,” ang sabi niya. “Ngayon, nasa loob na sila ng bahay, nakaupo sa malambot na higaan ng aso at may kulyar na punô ng mamahaling bato.” Gayunman, sinabi niya na kapaki-pakinabang para sa negosyo ang pagbabagong ito ng saloobin, yamang ang mga aso ay itinuturing na ngayon bilang mga miyembro ng pamilya at binibigyan ng napakaraming mamahaling bagay. Bagaman ang ilang alagang hayop ay “inaalagaan na parang may mga pangangailangan, kagustuhan at pagnanais na maging maganda na gaya ng tao,” ang sabi ng pahayagan, “walang katibayan na mas gusto ng mga aso ang $50 na laruan kaysa sa $5 na laruan. Subalit ang pagkamaluhong ito ay waring upang sapatan ang pangangailangan ng mga may-alaga na ipakita ang kanilang pag-ibig sa mga alagang hayop.”
Polusyong Ingay
Kadalasang bumababa ang kalidad ng buhay ng mga taong nakatira sa mga lunsod dahil sa sobrang ingay. Ayon sa World Health Organization, maaari pa nga itong magkaroon ng masamang epekto sa kanilang kalusugan, ang ulat ng pahayagang ABC sa Espanya. Nakita rin ng Constitutional Court sa Espanya ang nakapipinsalang mga epekto ng polusyong ingay, anupat nagdesisyon ito laban sa isang pampublikong dako ng libangan na inaakusahan ng paglabag sa pagbabawal ng lunsod hinggil sa polusyong ingay. Binanggit ng hukuman na “nilalabag ng [sobrang] ingay ang pangunahing karapatan ng indibiduwal na ingatan ang kaniyang moral at pisikal na integridad, ang kaniyang personal at pampamilyang pribadong buhay at ang pagiging ligtas ng kaniyang tahanan mula sa pagsalakay.” Ayon sa hukuman, ang matinding polusyong ingay ay maaaring maging sanhi ng “mahinang pandinig, mga problema sa pagtulog, neurosis, alta presyon at ng pagiging palaaway.”
Mga Batang Biktima ng Digmaan
Tinataya ng United Nations Children’s Fund na sa 800,000 kataong minasaker noong kaguluhan dahil sa lahi sa Rwanda, 300,000 ay mga bata, ang ulat ng pahayagang Leipziger Volkszeitung ng Alemanya. Tinatayang mahigit sa 100,000 bata sa Rwanda ang nakatira sa mga sambahayan na walang sinumang nangangasiwang adulto. “Pinahihirapan ng matinding karukhaan ang kanilang pang-araw-araw na buhay,” ang sabi ng pahayagan.
Pagpapanatili ng ‘Matalas na Isipan’
“Ang kakayahang magsalita ng dalawang wika ay nakatutulong upang maiwasan ng mga tao na pumurol ang kanilang ‘matalas na isipan’ habang sila ay nagkakaedad,” ang sabi ng pahayagang Toronto Star. Sinubok ng sikologo sa York University na si Ellen Bialystok ang kakayahang magtamo ng kaalaman ng 104 na adulto na edad 30 hanggang 59 at ng 50 adulto na edad 60 hanggang 88, pawang may magkatulad na edukasyon at kinikita. Sa bawat pangkat, kalahati sa mga kalahok ay nagsasalita ng dalawang wika. Ang bawat tao ay hinilingang magsagawa ng isang simpleng atas na may dalawang magkasalungat na mapagpipilian samantalang inoorasan ang kaniyang reaksiyon. “Mas mabilis sa pagsubok ang nagsasalita ng dalawang wika kaysa sa nagsasalita ng isang wika lamang,” ang sabi ng pahayagan. Ayon kay Bialystok, laging napapaharap sa mga taong nagsasalita ng dalawang wika ang mga mapagpipilian sa dalawang wika, at dapat magpasiya ang kanilang utak kung anong wika ang kanilang gagamitin sa pagsagot. “Sa kalaunan, ang utak ay naiingatan ng mga ehersisyong ito ng isipan sa pamamagitan ng pagpigil sa likas na pagbagal ng isipan pagdating sa pagpapasiya kapag nagkakaedad na.”
Bibliyang “Katanggap-tanggap sa Kasalukuyan”?
“Upang udyukan ang mga mananampalataya na pag-isipan ang mga usapin hinggil sa pagkakautang ng mahihirap na bansa at sa patas na kalakalan, lubhang binago ang paboritong mga panalangin at mga awit sa Bibliya para sa isang bagong aklat-dasalan ng Anglikano,” ang ulat ng serbisyo sa pagbabalita ng Reuters. Pinalitan ng The Pocket Prayers for Peace and Justice ang pananalita ni Jesus sa Panalangin ng Panginoon na, “Ibigay mo sa amin ngayon ang aming kakanin sa araw-araw,” ng “Binibigyan mo kami ng aming pagkain sa araw-araw kapag nababawi namin ang aming mga lupain o nakukuha namin ang mas magandang sahod.” Gayundin, ang “Oo, bagaman ako’y lumalakad sa libis ng lilim ng kamatayan,” mula sa ika-23 Awit, ay inalis at pinalitan ng “Panginoon, hindi ako matatakot sumiklab man ang isang malawakan at marahas na sagupaan.” Tinawag ng mga tradisyonalista ang bagong 96-na-pahinang aklat na isang “paglapastangan at sa gayo’y mapamusong,” gayundin bilang “bulgar at mapang-insulto,” ang sabi ng pahayagang The Daily Telegraph ng London.
Mga Aborsiyon Dahil sa Pinansiyal na Kalagayan
Salungat sa iniisip ng marami, ang karamihan sa mga pasyente ng aborsiyon sa Australia ay “mga [babaing] may asawa na nasa kalagitnaang antas ng pamumuhay at hindi ang imoral na mga tin-edyer,” ang ulat ng pahayagang The Sydney Morning Herald. Palibhasa’y nagtatrabaho nang buong panahon ang mga asawang lalaki at ang kani-kanilang asawang babae naman ay nagtatrabaho nang part-time, ang desisyong huwag magkaanak ay karaniwang udyok ng pinansiyal na kalagayan. “Malubhang makaaapekto kapuwa sa karera at kita ng babae ang pagiging ina niya,” ang sabi ni Peter McDonald, propesor ng demograpiya sa Australian National University. “Ang perang maaaring kitain ng [mga babae] kung wala silang anak ay napakalaki, subalit kung may anak sila, mababawasan ang perang kikitain nila.” Ayon sa Herald, 1 sa 3 pagdadalang-tao sa Australia ay winawakasan sa pamamagitan ng aborsiyon.
“Kilalanin ang mga Kaibigan ng Inyong Anak”
Sa Estados Unidos, “ang mga tin-edyer na nagsasabing di-kukulangin sa kalahati ng kanilang mga kaibigan ang nakikipagtalik ay 31 beses na mas malamang maglasing, 5 1/2 beses na mas malamang manigarilyo at 22 1/2 beses na mas malamang gumamit ng marihuwana,” ang ulat ng The New York Times. Nakibahagi sa surbey na isinagawa ng National Center on Addiction and Substance Abuse sa Columbia University ang 500 magulang at 1,000 kabataan sa pagitan ng edad na 12 at 17 taon. Ganito ang sinabi ni Joseph A. Califano, Jr., tsirman at presidente ng center na ito: “Maliwanag ang mensahe para sa mga magulang ng mga 12- hanggang 17-taóng gulang: tiyaking may kabatiran kayo sa ginagawa ng inyong anak kapag nakikipag-date at kilalanin ang mga kaibigan ng inyong anak.” Sinabi pa niya: “Mas malamang na matulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na lumaking hindi kailanman gumagamit ng droga kung ipinakikipag-usap nila sa panahon ng pagkain ang mga paksang gaya ng pakikipag-date at paggamit ng droga o inuming de-alkohol.”
Mga Kabataang Sinasaktan ang Sarili
“Ang Britanya ang may pinakamataas na bilang ng naiulat na pananakit sa sarili sa Europa,” ang isiniwalat ng The Times ng London. Sa bawat taon, ginagamot ng mga yunit para sa aksidente at kagipitan sa Britanya ang 150,000 kaso ng mga taong sadyang sinaktan ang kanilang sarili, gaya ng paghiwa sa kanilang sarili. Ang problema ay pinakakaraniwan sa mga kabataan. “Bagaman nahigitan ng mga kabataang babae na nananakit sa sarili ang mga kabataang lalaki nang pito sa isa, ang bilang naman sa mga kalalakihan ay dumoble mula noong dekada ng 1980,” ang sabi ng The Times. Waring sinasaktan ng mga indibiduwal na ito ang kanilang sarili “bilang isang paraan upang maharap ang emosyonal na kirot o bilang tugon sa pagkamanhid ng damdamin.” Ayon kay Andrew McCulloch, ng Mental Health Foundation, ang mga bilang ay “maaaring katibayan ng dumaraming problemang nakakaharap ng ating mga kabataan, o ng lumalagong kawalang-kakayahan na harapin ang mga problemang ito.”