ZERED, AGUSANG LIBIS NG
Isang agusang libis na pinagkampuhan ng mga Israelita nang lumigid sila sa hanggahan ng Moab. Naganap ito noong papatapos na ang karagdagang 38 taon ng kanilang pagpapagala-gala mula noong panahon ng paghihimagsik sa Kades-barnea. (Bil 21:12; Deu 2:13, 14) Ito ay karaniwang iniuugnay sa Wadi el-Hasaʼ, ang pinakatimugang sangang-ilog ng Dagat na Patay. Ang libis na ito ang nagsilbing hangganan ng Moab at ng Edom. May haba na mahigit 56 na km (35 mi), ito ay papalusong nang mga 1,190 m (3,900 piye), at pumapasok sa Dagat na Patay sa TS dulo niyaon. Ang libis ay may lapad na mga 5 hanggang 6 na km (3 hanggang 4 na mi) sa itaas na bahagi nito. May katibayan na nagkaroon doon ng sunud-sunod na mga tanggulang Edomita na nagsilbing bantay sa likas na mga pasukan sa dakong T ng Wadi el-Hasaʼ.