TAGAPAGLIGTAS
Isa na nag-iingat o humahango sa iba mula sa panganib o pagkapuksa. Si Jehova ay tinutukoy bilang ang pangunahing Tagapagligtas, ang tanging Pinagmumulan ng kaligtasan. (Isa 43:11; 45:21) Paulit-ulit siyang naging Tagapagligtas at Manunubos ng Israel. (Aw 106:8, 10, 21; Isa 43:3; 45:15; Jer 14:8) Hindi lamang ang bansa ang iniligtas niya kundi maging ang mga indibiduwal na naglilingkod sa kaniya. (2Sa 22:1-3) Kadalasan ay nagliligtas siya noon sa pamamagitan ng mga lalaking inatasan niya bilang mga tagapagligtas. (Ne 9:27) Noong kapanahunan ng mga Hukom, ang piniling mga tagapagligtas na ito ay binigyan ng Diyos ng kapangyarihang hanguin ang Israel mula sa paniniil ng mga banyaga. (Huk 2:16; 3:9, 15) Habang buháy pa ang hukom, naglilingkod siya upang panatilihin ang Israel sa tamang daan, at nagdulot ito sa kanila ng kaginhawahan mula sa kanilang mga kaaway. (Huk 2:18) Noong narito sa lupa si Jesus, si Jehova ang kaniyang Tagapagligtas, na sumusuporta at nagpapalakas sa kaniya upang manatili siyang tapat sa kabila ng mahihirap na pagsubok.—Heb 5:7; Aw 28:8.
Bukod sa pagiging Tagapagligtas, si Jehova ay “Manunubos” din. (Isa 49:26; 60:16) Tinubos niya noon ang kaniyang bayang Israel mula sa pagkabihag. Upang mahango ang mga Kristiyano mula sa pagkaalipin sa kasalanan, tinutubos niya sila sa pamamagitan ng kaniyang Anak na si Jesu-Kristo (1Ju 4:14), na inilaan ni Jehova ukol sa kaligtasan at itinaas bilang ang “Punong Ahente at Tagapagligtas.” (Gaw 5:31) Dahil dito, si Jesu-Kristo ay wastong tawagin na “ating Tagapagligtas,” bagaman isinasagawa niya ang pagliligtas bilang kinatawan ni Jehova. (Tit 1:4; 2Pe 1:11) Ang pangalang Jesus, na ibinigay sa Anak ng Diyos ayon sa tagubilin ng anghel, ay nangangahulugang “Si Jehova ay Kaligtasan,” sapagkat, sinabi ng anghel, “ililigtas niya ang kaniyang bayan mula sa kanilang mga kasalanan.” (Mat 1:21; Luc 1:31) Itinatawag-pansin ng pangalang ito na si Jehova ang Pinagmumulan ng kaligtasan, na isinasagawa naman sa pamamagitan ni Jesus. Ito ang dahilan kung bakit ang Ama at ang Anak ay parehong tinutukoy na naglalaan ng kaligtasan.—Tit 2:11-13; 3:4-6.
Inilalaan ni Jehova ang kaligtasan sa pamamagitan ni Jesu-Kristo para sa “lahat ng uri ng tao.” (1Ti 4:10) Inililigtas niya sila sa kasalanan at kamatayan (Ro 8:2), sa Babilonyang Dakila (Apo 18:2, 4), sa sanlibutang ito na kontrolado ni Satanas (Ju 17:16; Col 1:13), at sa pagkapuksa at walang-hanggang kamatayan (Apo 7:14-17; 21:3, 4). Sa Apocalipsis 7:9, 10, “isang malaking pulutong” ang nagsasabing utang nila sa Diyos at sa Kordero ang kaligtasan.
Ang haing pantubos ang saligan ukol sa kaligtasan, at bilang Hari at walang-hanggang Mataas na Saserdote, si Kristo Jesus ay may awtoridad at kapangyarihan na “iligtas nang lubusan yaong mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya.” (Heb 7:23-25; Apo 19:16) Siya “ang tagapagligtas ng katawang ito,” tumutukoy sa kongregasyon ng kaniyang mga pinahirang tagasunod, at gayundin ng lahat ng nananampalataya sa kaniya.—Efe 5:23; 1Ju 4:14; Ju 3:16, 17.