Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • nwtsty 1 Samuel 1:1-31:13
  • 1 Samuel

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • 1 Samuel
  • Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
1 Samuel

UNANG SAMUEL

1 May isang lalaking taga-Ramataim-zopim*+ sa mabundok na rehiyon ng Efraim.+ Siya ay isang Efraimita na nagngangalang Elkana,+ na anak ni Jeroham, na anak ni Elihu, na anak ni Tohu, na anak ni Zup. 2 May dalawa siyang asawa; ang pangalan ng isa ay Hana, at ang isa naman ay Penina. Si Penina ay nagkaroon ng mga anak, pero si Hana ay walang anak. 3 Ang lalaking iyon ay umaalis taon-taon sa kaniyang lunsod para sumamba* at maghandog kay Jehova ng mga hukbo sa Shilo.+ Doon naglilingkod bilang mga saserdote ni Jehova+ ang dalawang anak ni Eli, sina Hopni at Pinehas.+

4 Isang araw, nang maghandog si Elkana, nagbigay siya ng mga bahagi ng handog kay Penina at sa lahat ng anak nitong lalaki at babae,+ 5 pero kay Hana ay nagbigay siya ng espesyal na bahagi, dahil si Hana ang mahal niya. Pero hindi binigyan ni Jehova si Hana ng mga anak.* 6 Bukod diyan, lagi siyang iniinsulto ng karibal niyang si Penina para pasamain ang loob niya dahil hindi siya binigyan ni Jehova ng mga anak. 7 Ganiyan ang ginagawa ni Penina taon-taon; tuwing pumupunta si Hana sa bahay ni Jehova,+ tinutuya siya nang husto ng karibal niya, kaya umiiyak siya at hindi kumakain. 8 Pero sinabi sa kaniya ng asawa niyang si Elkana: “Hana, bakit ka umiiyak, at bakit hindi ka kumakain, at bakit napakalungkot mo? Hindi ba mas mabuti ako kaysa sa 10 anak?”

9 Pagkatapos nilang kumain at uminom sa Shilo, tumayo si Hana. Nakaupo noon ang saserdoteng si Eli sa upuan sa may pasukan ng templo*+ ni Jehova. 10 Napakabigat ng kalooban ni Hana, at nagsimula siyang manalangin kay Jehova+ at umiyak nang labis-labis. 11 At nanata siya: “O Jehova ng mga hukbo, kung bibigyang-pansin mo ang pagdurusa ng iyong lingkod at aalalahanin mo ako, at hindi mo kalilimutan ang iyong lingkod at bibigyan mo ang iyong lingkod ng anak na lalaki,+ ibibigay ko siya kay Jehova sa lahat ng araw ng kaniyang buhay, at hindi siya puputulan ng buhok sa ulo.”+

12 Habang nananalangin siya nang matagal sa harap ni Jehova, pinagmamasdan ni Eli ang bibig niya. 13 Nananalangin si Hana nang tahimik* kaya hindi naririnig ang boses niya, pero nanginginig ang mga labi niya. Kaya inakala ni Eli na lasing siya. 14 Sinabi ni Eli sa kaniya: “Hanggang kailan ka magiging lasing? Tigilan mo na ang pag-inom.” 15 Sumagot si Hana: “Hindi, panginoon ko! Hindi po ako uminom ng alak o anumang nakalalasing na inumin. Naghihirap ang kalooban ko, at ibinubuhos ko kay Jehova ang laman ng puso ko.+ 16 Huwag ninyong isipin na walang-kuwentang babae ang inyong lingkod; labis akong napipighati at nababahala kaya nananalangin ako hanggang ngayon.” 17 At sinabi ni Eli: “Umuwi kang payapa, at ibigay nawa ng Diyos ng Israel ang hiniling mo sa kaniya.”+ 18 Kaya sinabi ni Hana: “Patuloy nawa kayong magpakita ng kabaitan sa inyong lingkod.” At ang babae ay umalis na at kumain, at nawala na ang lungkot sa mukha niya.

19 Kinabukasan, maaga silang bumangon at yumukod sa harap ni Jehova. Pagkatapos, bumalik sila sa bahay nila sa Rama.+ Nakipagtalik si Elkana sa asawa niyang si Hana, at binigyang-pansin* ni Jehova si Hana.+ 20 Pagkalipas ng mga isang taon,* nagdalang-tao si Hana at nagsilang ng isang anak na lalaki at pinangalanan+ itong Samuel,* dahil gaya ng sinabi niya, “kay Jehova ko siya hiniling.”

21 Sa kalaunan, naglakbay si Elkana kasama ang buong sambahayan niya para ibigay kay Jehova ang taunang handog+ at iharap ang kaniyang panatang handog. 22 Pero si Hana ay hindi sumama.+ Sinabi niya sa kaniyang asawa: “Kapag naawat na sa pagsuso ang bata, dadalhin ko siya sa harap ni Jehova, at doon na siya maninirahan habambuhay.”+ 23 Sinabi sa kaniya ng asawa niyang si Elkana: “Gawin mo kung ano sa tingin mo ang mabuti. Manatili ka sa bahay hanggang sa maawat mo siya sa pagsuso. Tiyakin nawa ni Jehova na mangyayari ang sinabi mo.” Kaya nanatili ang babae sa bahay at pinasuso ang kaniyang anak hanggang sa maawat ito.

24 Nang maawat na niya sa pagsuso ang bata, dinala niya ito sa bahay ni Jehova sa Shilo.+ May dala rin siyang isang toro* na tatlong taóng gulang, isang epa* ng harina, at isang malaking banga ng alak.+ 25 Pagkatapos ay kinatay nila ang toro at dinala ang bata kay Eli. 26 Sa gayon ay sinabi ni Hana: “Panginoon ko! Tinitiyak ko sa inyo,* ako ang babaeng nakatayong kasama ninyo rito at nananalangin kay Jehova.+ 27 Ang batang ito ang hiniling ko sa panalangin, at ibinigay ni Jehova ang hiningi ko sa kaniya.+ 28 Ibinibigay* ko siya ngayon kay Jehova. Kay Jehova na siya habambuhay.”

At yumukod siya* roon kay Jehova.

2 Pagkatapos ay nanalangin si Hana:

“Nagsasaya ang puso ko dahil kay Jehova;+

Binigyan ako ni Jehova ng lakas.*

May maisasagot na ako sa mga kaaway ko,*

Dahil nagsasaya ako sa iyong pagliligtas.

 2 Walang sinumang banal na gaya ni Jehova,

Wala nang iba maliban sa iyo,+

At walang bato na gaya ng aming Diyos.+

 3 Huwag na kayong magsalita nang may kayabangan;

Huwag lumabas sa inyong bibig ang kahambugan,

Dahil si Jehova ay Diyos ng kaalaman,+

At ang mga gawa ng tao ay natitimbang niya nang tama.

 4 Ang mga pana ng malalakas ay nawawasak,

Pero ang mga natitisod ay binibigyan ng lakas.+

 5 Ang mga busog ay nagtatrabaho sa iba para sa tinapay,

Pero ang mga gutom ay hindi na nagugutom.+

Ang baog ay nanganak ng pito,+

Pero ang babaeng maraming anak ay naging malungkot.*

 6 Si Jehova ay pumapatay at nag-iingat ng buhay;*

Nagbababa siya sa Libingan* at nagbabangon.+

 7 Si Jehova ay nagpapasapit ng kahirapan at nagpapayaman;+

Siya ay nagbababa at nagtataas.+

 8 Itinatayo niya ang hamak mula sa alabok;

Ibinabangon niya ang mahihirap mula sa bunton ng abo,*+

Para paupuin sila kasama ng matataas na opisyal

At bigyan ng upuang para sa mga taong marangal.

Kay Jehova ang mga pundasyon ng lupa,+

At ipinapatong niya sa mga iyon ang mabungang lupain.

 9 Binabantayan niya ang hakbang ng mga tapat sa kaniya,+

Pero ang masasama ay patatahimikin sa kadiliman,+

Dahil hindi lakas ang nagbibigay ng tagumpay sa isang tao.+

10 Dudurugin ni Jehova ang mga lumalaban sa kaniya;*+

Magpapakulog siya sa kanila mula sa langit.+

Hahatulan ni Jehova ang buong lupa,+

Bibigyan niya ng kapangyarihan ang kaniyang hari,+

At bibigyan niya ng lakas ang* kaniyang pinili.”*+

11 Pagkatapos, umuwi si Elkana sa bahay niya sa Rama, pero ang bata ay naging lingkod ni Jehova+ sa patnubay ng saserdoteng si Eli.

12 Ang mga anak ni Eli ay masasamang lalaki;+ wala silang paggalang kay Jehova. 13 Sa halip na kunin lang ang parte nila sa handog na dinadala ng mga tao, ganito ang ginagawa nila:+ Kapag may nag-aalay ng handog, dumarating ang isang tagapaglingkod ng saserdote na may dalang tinidor na tatlo ang tulis habang pinakukuluan ang karne, 14 at itutusok niya iyon sa lutuan, sa kaldero na may dalawang hawakan, sa kawa, o sa kaldero na may isang hawakan. Anuman ang makuha ng tinidor ay kinukuha ng saserdote para sa sarili niya. Ganiyan ang ginagawa nila sa Shilo sa lahat ng Israelita na dumarating doon. 15 At bago pa mapausok ng taong naghahandog ang taba,+ isang tagapaglingkod ng saserdote ang dumarating at nagsasabi sa kaniya: “Magbigay ka sa saserdote ng karneng iihawin. Hindi siya tatanggap ng pinakuluang karne, kundi ng hilaw lang.” 16 Kapag sinabi sa kaniya ng naghahandog: “Hayaan mo munang mapausok nila ang taba,+ saka mo kunin ang anumang gusto mo,” sasabihin niya: “Hindi, ibigay mo na sa akin ngayon; kung hindi, kukunin ko iyan nang sapilitan!” 17 Kaya naging napakalaki ng kasalanan ng mga tagapaglingkod sa paningin ni Jehova,+ dahil nilapastangan nila ang handog kay Jehova.

18 Kahit bata pa si Samuel, naglilingkod na siya+ sa harap ni Jehova, at may suot* siyang linong epod.*+ 19 At ginagawan siya ng kaniyang ina ng isang maliit na damit na walang manggas, at ibinibigay iyon sa kaniya ng kaniyang ina taon-taon kapag sumasama ito sa asawa nito para mag-alay ng taunang handog.+ 20 At pinagpala ni Eli si Elkana at ang asawa nito at sinabi: “Bigyan ka nawa ni Jehova ng isang anak mula sa asawang babaeng ito kapalit ng ibinigay* kay Jehova.”+ At umuwi na sila. 21 Binigyang-pansin ni Jehova si Hana, kaya nagdalang-tao siya;+ at nagsilang pa siya ng tatlong anak na lalaki at dalawang anak na babae. At ang batang si Samuel ay lumaking naglilingkod kay Jehova.*+

22 Napakatanda na ngayon ni Eli, at nabalitaan niya ang lahat ng ginagawa ng mga anak niya+ sa buong Israel at na sinisipingan nila ang mga babaeng naglilingkod sa pasukan ng tolda ng pagpupulong.+ 23 Sinasabi niya sa kanila: “Bakit patuloy ninyong ginagawa ang mga bagay na ito? Naririnig ko sa lahat ang masasamang ginagawa ninyo. 24 Huwag ganiyan, mga anak ko, hindi maganda ang balitang kumakalat sa bayan ni Jehova. 25 Kung ang isang tao ay magkasala sa isa pang tao, may puwedeng makiusap kay Jehova para sa kaniya;* pero kung kay Jehova magkasala ang isang tao,+ sino ang mananalangin para sa kaniya?” Pero hindi sila nakinig sa kanilang ama, dahil ipinasiya na ni Jehova na patayin sila.+ 26 Samantala, ang batang si Samuel ay patuloy na lumaki at napamahal kay Jehova at sa mga tao.+

27 Isang lingkod ng Diyos ang pumunta kay Eli at nagsabi sa kaniya: “Ito ang sinabi ni Jehova: ‘Hindi ba ipinakilala ko ang sarili ko sa sambahayan ng iyong ninuno habang sila ay nasa Ehipto bilang mga alipin sa sambahayan ng Paraon?+ 28 At pinili siya mula sa lahat ng tribo ng Israel+ para maglingkod bilang saserdote ko at umakyat sa aking altar+ para mag-alay ng handog at ng insenso,* at magsuot ng epod sa harap ko; at ibinigay ko sa sambahayan ng iyong ninuno ang lahat ng handog ng mga Israelita na pinaraan sa apoy.+ 29 Bakit ninyo nilalapastangan* ang hain at handog para sa akin na iniutos kong dalhin sa aking bahay?+ Bakit mas pinararangalan mo ang mga anak mo kaysa sa akin sa pamamagitan ng pagpapataba ng inyong sarili mula sa pinakamagandang parte ng bawat handog ng bayan kong Israel?+

30 “‘Kaya ganito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng Israel: “Totoo, sinabi ko noon na ang sambahayan mo at ang sambahayan ng iyong ninuno ay laging maglilingkod sa harap ko.”+ Pero ngayon ay sinasabi ni Jehova: “Hinding-hindi ko papayagang mangyari iyan, dahil ang mga nagpaparangal sa akin ay pararangalan ko,+ pero ang mga humahamak sa akin ay hahamakin.” 31 Makinig ka! Darating ang panahon na aalisin ko ang lakas* mo at ng sambahayan ng iyong ninuno, para walang sinuman sa iyong sambahayan ang umabot sa katandaan.+ 32 Samantalang nasa mabuting kalagayan ang Israel, makikita mo sa aking bahay ang isang kalaban;+ at hindi na magkakaroon ng isa mang matanda sa iyong sambahayan. 33 Ang lalaki sa iyong sambahayan na hindi ko aalisin sa paglilingkod sa aking altar ay magpapalabo ng mga mata mo at magdudulot sa iyo ng dalamhati, pero ang karamihan sa sambahayan mo ay mamamatay sa espada.+ 34 At para malaman mong totoo ang sinasabi ko sa iyo, ganito ang mangyayari sa dalawa mong anak na sina Hopni at Pinehas: Sa iisang araw ay pareho silang mamamatay.+ 35 At pipili ako ng isang tapat na saserdote.+ Gagawin niya ang kalooban ko;* at patatatagin ko ang sambahayan niya, at patuloy siyang maglilingkod bilang saserdote para sa pinili* ko. 36 At sinumang matitira sa sambahayan mo ay pupunta at yuyukod sa kaniya para sa kabayarang pera at isang tinapay at magsasabi: “Pakisuyo, bigyan mo ako ng isa sa mga trabaho ng saserdote para may makain akong tinapay.”’”+

3 Samantala, ang batang si Samuel ay naglilingkod+ kay Jehova sa patnubay ni Eli, pero nang mga panahong iyon, bihira ang mensahe mula kay Jehova; napakadalang ng mga pangitain.+

2 Isang araw, si Eli ay nakahiga sa kuwarto niya. Malabo na ang mga mata niya; hindi na siya makakita.+ 3 Ang lampara ng Diyos+ ay may sindi pa, at si Samuel ay nakahiga sa templo*+ ni Jehova, na kinaroroonan ng Kaban ng Diyos. 4 Tinawag ni Jehova si Samuel. Sumagot siya: “Ano po iyon?” 5 Tumakbo siya kay Eli at nagsabi: “Tinawag po ninyo ako. Ano po iyon?” Pero sinabi ni Eli: “Hindi kita tinawag. Mahiga ka ulit.” Kaya umalis siya at nahiga. 6 Tinawag ulit siya ni Jehova: “Samuel!” Kaya bumangon si Samuel at pumunta kay Eli at sinabi sa kaniya: “Tinawag po ninyo ako. Ano po iyon?” Pero sinabi ni Eli: “Hindi kita tinawag, anak ko. Humiga ka ulit.” 7 (Hindi pa kilala ni Samuel si Jehova, at hindi pa siya nakatatanggap ng mensahe mula kay Jehova.)+ 8 Muli siyang tinawag ni Jehova, sa ikatlong pagkakataon: “Samuel!” Kaya bumangon siya at pumunta kay Eli at sinabi sa kaniya: “Tinawag po ninyo ako. Ano po iyon?”

Saka lang naisip ni Eli na si Jehova ang tumatawag sa bata. 9 Kaya sinabi ni Eli kay Samuel: “Humiga ka, at kapag tinawag ka niya ulit, sabihin mo, ‘Magsalita po kayo, Jehova. Nakikinig po ang lingkod ninyo.’” At umalis si Samuel at nahiga sa puwesto niya.

10 Dumating si Jehova at tumayo roon, at tinawag niya ang bata gaya ng mga unang pagkakataon: “Samuel, Samuel!” Sumagot si Samuel: “Magsalita po kayo. Nakikinig po ang lingkod ninyo.” 11 Sinabi ni Jehova kay Samuel: “Makinig ka! May gagawin ako sa Israel na kapag narinig ng sinuman ay kikilabutan siya.*+ 12 Sa araw na iyon, gagawin ko kay Eli ang lahat ng sinabi ko tungkol sa sambahayan niya, mula sa pasimula hanggang sa wakas.+ 13 Sabihin mo sa kaniya na paparusahan ko ang sambahayan niya magpakailanman dahil sa pagkakamaling ito. Alam niyang+ isinusumpa ng mga anak niya ang Diyos,+ pero hindi niya sila sinasaway.+ 14 Kaya sumumpa ako sa sambahayan ni Eli na ang pagkakamali ng sambahayan niya ay hindi kailanman matutubos ng mga hain o handog.”+

15 Humiga si Samuel hanggang kinaumagahan. Pagkatapos, binuksan niya ang mga pinto ng bahay ni Jehova. Natatakot si Samuel na sabihin kay Eli ang pangitain. 16 Pero tinawag ni Eli si Samuel: “Samuel, anak ko!” Sumagot ito: “Ano po iyon?” 17 Tinanong niya ito: “Ano ang sinabi niya sa iyo? Pakisuyo, huwag mong ilihim iyon sa akin. Bigyan ka nawa ng Diyos ng mabigat na parusa kapag may inilihim ka sa mga sinabi niya sa iyo.” 18 Kaya sinabi ni Samuel sa kaniya ang lahat, at wala siyang anumang inilihim sa kaniya. Sinabi ni Eli: “Si Jehova iyon. Gawin niya nawa ang anumang mabuti sa paningin niya.”

19 Si Samuel ay patuloy na lumaki, at si Jehova ay sumasakaniya,+ at hindi Niya hinayaang mabigo* ang isa man sa mga salita ni Samuel. 20 Nalaman ng buong Israel mula sa Dan hanggang sa Beer-sheba na si Samuel ay talagang propeta ni Jehova. 21 At si Jehova ay patuloy na nagpakita sa Shilo, dahil nagpakilala si Jehova kay Samuel sa Shilo sa pamamagitan ng mga mensahe ni Jehova.+

4 At si Samuel ay nagsalita sa buong Israel.

Pagkatapos, lumabas ang Israel para makipaglaban sa mga Filisteo; nagkampo sila malapit sa Ebenezer, at ang mga Filisteo ay nagkampo sa Apek. 2 Ang mga Filisteo ay humanay para makipagdigma sa Israel, pero nagsimulang madaig ang Israel at tinalo sila ng mga Filisteo. Mga 4,000 lalaki ng Israel ang napatay nila sa labanan. 3 Pagbalik ng bayan sa kampo, sinabi ng matatandang lalaki ng Israel: “Bakit hinayaan ngayon ni Jehova na matalo tayo ng mga Filisteo?*+ Kunin natin sa Shilo ang kaban ng tipan ni Jehova+ at dalhin natin iyon para mailigtas tayo sa kamay ng mga kaaway natin.” 4 Kaya ang bayan ay nagsugo ng mga lalaki sa Shilo, at kinuha ng mga ito mula roon ang kaban ng tipan ni Jehova ng mga hukbo, na nakaupo sa trono niya sa ibabaw* ng mga kerubin.+ Ang dalawang anak ni Eli, sina Hopni at Pinehas,+ ay naroon din kasama ng kaban ng tipan ng tunay na Diyos.

5 Nang makarating sa kampo ang kaban ng tipan ni Jehova, ang lahat ng Israelita ay nagsigawan nang malakas, kaya nayanig ang lupa. 6 Nang marinig ng mga Filisteo ang sigawan, sinabi nila: “Bakit may napakalakas na sigawan sa kampo ng mga Hebreo?” Nalaman nilang dinala sa kampo ang Kaban ni Jehova. 7 Natakot ang mga Filisteo. Sinabi nila: “Ang Diyos ay pumasok sa kampo!”+ Kaya sinabi nila: “Paano na tayo? Ngayon lang nangyari ito! 8 Paano na tayo? Sino ang magliligtas sa atin mula sa kamay ng dakilang Diyos na ito? Ito ang Diyos na pumatay ng napakaraming Ehipsiyo sa ilang sa iba’t ibang paraan.+ 9 Lakasan ninyo ang loob ninyo at magpakalalaki kayo, kayong mga Filisteo, para hindi ninyo paglingkuran ang mga Hebreo gaya ng paglilingkod nila sa inyo.+ Magpakalalaki kayo at lumaban!” 10 Kaya nakipagdigma ang mga Filisteo at natalo ang Israel,+ at tumakas sila sa kani-kaniyang tolda. Napakaraming namatay; sa panig ng Israel, 30,000 sundalo ang namatay. 11 At ang Kaban ng Diyos ay nakuha sa kanila, at ang dalawang anak ni Eli, sina Hopni at Pinehas, ay namatay.+

12 Isang lalaking Benjaminita ang tumakas mula sa hanay ng labanan at tumakbo papunta sa Shilo at nakarating doon nang araw ding iyon, punít ang damit at may lupa sa ulo.+ 13 Nang dumating ang lalaki, nakaupo si Eli sa isang upuan sa tabi ng daan at nag-aabang, dahil nag-aalala siya nang husto sa Kaban ng tunay na Diyos.+ Nagpunta sa lunsod ang lalaki para ibalita ang nangyari, at humiyaw sa pagdadalamhati ang buong lunsod. 14 Nang marinig ito ni Eli, nagtanong siya: “Bakit nagkakagulo?” Nagmamadaling lumapit ang lalaking iyon para ibalita kay Eli ang nangyari. 15 (Si Eli ngayon ay 98 taóng gulang na at hindi na makakita.)+ 16 Sinabi ng lalaki kay Eli: “Galing po ako sa labanan! Katatakas ko lang ngayon sa digmaan.” Tinanong siya ni Eli: “Ano ang nangyari, anak ko?” 17 Sinabi ng tagapaghatid ng balita: “Tumakas ang Israel mula sa mga Filisteo, dahil natalo ang Israel at marami po ang namatay sa bayan;+ pati ang dalawang anak ninyo, sina Hopni at Pinehas, ay namatay rin,+ at ang Kaban ng tunay na Diyos ay nakuha ng kaaway.”+

18 Nang sabihin ng lalaki ang tungkol sa Kaban ng tunay na Diyos, nabuwal si Eli nang patalikod mula sa upuan niya sa tabi ng pintuang-daan, at nabali ang leeg niya at namatay siya, dahil matanda na siya at mabigat. Naging hukom siya sa Israel nang 40 taon. 19 Ang manugang niya, na asawa ni Pinehas, ay nagdadalang-tao at malapit nang manganak. Nang marinig niyang nakuha ng kaaway ang Kaban ng tunay na Diyos at na ang kaniyang biyenan at ang kaniyang asawa ay namatay, namaluktot siya dahil biglang humilab ang tiyan niya, at napaanak siya. 20 Nang mamamatay na siya, sinabi ng mga babaeng nakatayo sa tabi niya: “Huwag kang matakot; lalaki ang anak mo.” Hindi siya sumagot, at hindi niya pinansin ang sinabi nila.* 21 Pero pinangalanan niyang Icabod*+ ang bata at sinabi: “Ang kaluwalhatian ng Israel ay ipinatapon.”+ Tinutukoy niya ang pagkuha ng mga kaaway sa Kaban ng tunay na Diyos at ang nangyari sa kaniyang biyenan at sa kaniyang asawa.+ 22 Sinabi niya: “Ang kaluwalhatian ng Israel ay ipinatapon, dahil ang Kaban ng tunay na Diyos ay nakuha ng mga kaaway.”+

5 Nang makuha ng mga Filisteo ang Kaban+ ng tunay na Diyos sa Ebenezer, dinala nila iyon sa Asdod. 2 Pagkatapos, dinala ng mga Filisteo ang Kaban ng tunay na Diyos sa bahay* ni Dagon at inilagay sa tabi ni Dagon.+ 3 Kinabukasan, paggising nang maaga ng mga Asdodita, nakita nilang nakasubsob si Dagon sa tapat ng Kaban ni Jehova.+ Kaya kinuha nila si Dagon at ibinalik siya sa kaniyang puwesto.+ 4 Nang sumunod na araw, paggising nila nang maaga, nakita nilang nakasubsob si Dagon sa tapat ng Kaban ni Jehova. Ang ulo at ang dalawang kamay ni Dagon ay putol na at nasa may pintuan. Ang bahaging isda* lang ang naiwan sa kaniya. 5 Iyan ang dahilan kung bakit hanggang ngayon, ang pasukan ng pintuan ni Dagon sa Asdod ay hinahakbangan ng mga saserdote ni Dagon at ng lahat ng pumapasok sa bahay ni Dagon.

6 Ang kamay ni Jehova ay mabigat sa mga Asdodita, at sinalot niya ng almoranas+ ang mga taga-Asdod at ang mga nasa teritoryo nito. 7 Nang makita ng mga lalaki ng Asdod ang nangyayari, sinabi nila: “Huwag nating hayaang manatili rito ang Kaban ng Diyos ng Israel, dahil naging malupit siya sa atin at sa ating diyos na si Dagon.” 8 Kaya ipinatawag nila ang lahat ng panginoon ng mga Filisteo at tinanong ang mga ito: “Ano ang gagawin natin sa Kaban ng Diyos ng Israel?” Sumagot sila: “Ilipat ninyo sa Gat+ ang Kaban ng Diyos ng Israel.” Kaya inilipat nila roon ang Kaban ng Diyos ng Israel.

9 Nang mailipat nila iyon doon, pinarusahan ni Jehova ang lunsod at nagkagulo ang mga tao. Sinalot niya ng almoranas ang mga nakatira sa lunsod, ang nakabababa at ang nakatataas.+ 10 Kaya ipinadala nila sa Ekron ang Kaban ng tunay na Diyos, pero pagdating ng Kaban ng tunay na Diyos sa Ekron,+ ang mga Ekronita ay humiyaw: “Dinala nila sa atin ang Kaban ng Diyos ng Israel para mamatay tayo at ang bayan natin!”+ 11 Pagkatapos ay ipinatawag nila at tinipon ang lahat ng panginoon ng mga Filisteo at sinabi: “Alisin ninyo rito ang Kaban ng Diyos ng Israel; ibalik ninyo ito sa talagang kinalalagyan nito para hindi tayo mamatay pati ang bayan natin,” dahil natatakot ang buong lunsod na baka mamatay sila. Pinarusahan sila ng tunay na Diyos,+ 12 at ang mga taong hindi namatay ay nagkaroon ng almoranas. At umabot sa langit ang paghingi ng tulong ng lunsod.

6 Ang Kaban+ ni Jehova ay nasa teritoryo ng mga Filisteo nang pitong buwan. 2 Tinawag ng mga Filisteo ang mga saserdote at ang mga manghuhula+ at tinanong ang mga ito: “Ano ang gagawin namin sa Kaban ni Jehova? Sabihin ninyo sa amin kung paano namin ito ibabalik sa talagang kinalalagyan nito.” 3 Sinabi ng mga ito: “Kung ibabalik ninyo ang kaban ng tipan ni Jehova na Diyos ng Israel, huwag ninyong ibalik iyon nang walang handog. Dapat kayong magbigay sa kaniya ng handog para sa pagkakasala.+ Saka lang kayo gagaling, at malalaman ninyo kung bakit patuloy niya kayong pinaparusahan.” 4 Kaya nagtanong sila: “Anong handog para sa pagkakasala ang ipadadala namin sa kaniya?” Sinabi ng mga ito: “Ayon sa bilang ng mga panginoon ng mga Filisteo,+ limang gintong almoranas at limang gintong daga, dahil iisang salot ang naranasan ng bawat isa sa inyo at ng inyong mga panginoon. 5 Gumawa kayo ng mga replika ng inyong almoranas at replika ng mga daga+ na sumisira sa lupain ninyo, at parangalan ninyo ang Diyos ng Israel. Baka alisin na niya ang parusa sa inyo at sa inyong diyos at sa inyong lupain.+ 6 Bakit kayo magmamatigas gaya ng pagmamatigas noon ng Ehipto at ng Paraon?+ Nang parusahan Niya sila,+ napilitan silang paalisin ang Israel, at umalis ang mga ito.+ 7 Maghanda kayo ngayon ng bagong karwahe at ng dalawang baka na may mga guya* at hindi pa nalalagyan ng pamatok. Pagkatapos, ikabit ninyo ang karwahe sa mga baka, pero ibalik ninyo sa kulungan ang mga guya nila, malayo sa kanila. 8 Kunin ninyo ang Kaban ni Jehova at ilagay sa karwahe, at ilagay ninyo sa isang kahon katabi ng Kaban ang mga gintong bagay na ipadadala ninyo sa kaniya bilang handog para sa pagkakasala.+ At paalisin ninyo iyon 9 at tingnan ninyo: Kung umakyat iyon sa daan papunta sa Bet-semes,+ sa sarili nitong teritoryo, siya nga ang gumawa sa atin ng napakasamang bagay na ito. Pero kung hindi, malalaman natin na hindi siya ang nanakit sa atin; nagkataon lang ang nangyari sa atin.”

10 Ginawa iyon ng mga lalaki. Kumuha sila ng dalawang baka na may mga guya at kinabitan ang mga iyon ng karwahe, at ang mga guya ng mga ito ay dinala nila sa kulungan. 11 Pagkatapos ay inilagay nila ang Kaban ni Jehova sa karwahe, pati ang kahon na may mga gintong daga at mga replika ng almoranas nila. 12 At ang mga baka ay dumeretso sa daang papunta sa Bet-semes.+ Nanatili ang mga ito sa iisang lansangang-bayan, umuunga habang naglalakad; hindi lumiko ang mga ito sa kanan o sa kaliwa. Samantala, ang mga panginoon ng mga Filisteo ay naglalakad na kasunod ng mga ito hanggang sa hangganan ng Bet-semes. 13 Inaani ng mga taga-Bet-semes ang mga trigo na nasa lambak.* Nang makita nila ang Kaban, tuwang-tuwa sila. 14 Ang karwahe ay nakarating sa lupain ni Josue na Bet-semita at huminto roon malapit sa isang malaking bato. Kaya sinibak nila ang kahoy ng karwahe, at inialay nila kay Jehova ang mga baka+ bilang handog na sinusunog.

15 Ibinaba ng mga Levita+ ang Kaban ni Jehova at ang kahon na kasama nito, na kinalalagyan ng mga gintong bagay, at inilagay nila ang mga iyon sa ibabaw ng malaking bato. Ang mga lalaki ng Bet-semes+ ay nag-alay kay Jehova ng mga handog na sinusunog at ng iba pang handog nang araw na iyon.

16 Nang makita iyon ng limang panginoon ng mga Filisteo, bumalik sila sa Ekron nang araw na iyon. 17 Ito ang mga gintong almoranas na ipinadala ng mga Filisteo para kay Jehova bilang handog para sa pagkakasala:+ isa para sa Asdod,+ isa para sa Gaza, isa para sa Askelon, isa para sa Gat,+ isa para sa Ekron.+ 18 At ang bilang ng mga gintong daga ay ayon sa bilang ng lahat ng lunsod ng mga Filisteo na sakop ng limang panginoon—ang mga napapaderang* lunsod at ang mga nayon sa labas nito.

At ang malaking bato na pinagpatungan nila ng Kaban ni Jehova sa lupain ni Josue na Bet-semita ay nagsisilbing patotoo hanggang sa araw na ito. 19 Pero pinatay ng Diyos ang mga lalaki ng Bet-semes, dahil tiningnan nila ang Kaban ni Jehova. Pumatay siya ng 50,070* sa bayan, at nagdalamhati ang bayan dahil napakaraming pinatay ni Jehova+ sa kanila. 20 Kaya nagtanong ang mga taga-Bet-semes: “Sino ang makatatayo sa harap ni Jehova, ang banal na Diyos na ito,+ at saan natin siya ipadadala para mawala na siya sa atin?”+ 21 Kaya nagsugo sila ng mga mensahero sa mga taga-Kiriat-jearim+ para sabihin: “Ibinalik ng mga Filisteo ang Kaban ni Jehova. Pumunta kayo rito at kunin ninyo ito.”+

7 Kaya dumating ang mga lalaki ng Kiriat-jearim at dinala nila ang Kaban ni Jehova sa bahay ni Abinadab+ sa burol, at inatasan* nila ang anak niyang si Eleazar na bantayan ang Kaban ni Jehova.

2 At lumipas ang mahabang panahon, 20 taon lahat, mula nang araw na dumating ang Kaban sa Kiriat-jearim, at ang buong sambahayan ng Israel ay nagsimulang humanap* kay Jehova.+ 3 At sinabi ni Samuel sa buong sambahayan ng Israel: “Kung buong puso+ kayong nanunumbalik kay Jehova, alisin ninyo sa lupain ninyo ang mga diyos ng mga banyaga+ at ang mga imahen ni Astoret,+ at ibigay ninyo ang inyong buong puso kay Jehova, at siya lang ang paglingkuran ninyo,+ at ililigtas niya kayo mula sa kamay ng mga Filisteo.”+ 4 Kaya inalis ng mga Israelita ang mga Baal at ang mga imahen ni Astoret, at kay Jehova lang sila naglingkod.+

5 Pagkatapos ay sinabi ni Samuel: “Tipunin ninyo sa Mizpa ang buong Israel,+ at mananalangin ako kay Jehova para sa inyo.”+ 6 Kaya nagtipon sila sa Mizpa, at sumalok sila ng tubig at ibinuhos iyon sa harap ni Jehova at nag-ayuno* nang araw na iyon.+ Sinabi nila roon: “Nagkasala kami kay Jehova.”+ At si Samuel ay nagsimulang maglingkod bilang hukom+ sa mga Israelita sa Mizpa.

7 Nang marinig ng mga Filisteo na ang mga Israelita ay nagtipon sa Mizpa, ang mga panginoon ng mga Filisteo+ ay umalis para makipaglaban sa Israel. Nang marinig ito ng mga Israelita, natakot sila dahil sa mga Filisteo. 8 Kaya sinabi ng mga Israelita kay Samuel: “Huwag kang tumigil sa pagtawag kay Jehova na ating Diyos para tulungan niya tayo+ at iligtas sa kamay ng mga Filisteo.” 9 Pagkatapos, kumuha si Samuel ng isang korderong* pasusuhin at inialay iyon kay Jehova bilang buong handog na sinusunog;+ at tumawag si Samuel kay Jehova para humingi ng tulong alang-alang sa Israel, at sinagot siya ni Jehova.+ 10 Habang iniaalay ni Samuel ang handog na sinusunog, ang mga Filisteo ay lumusob para makipaglaban sa Israel. Si Jehova ay nagpakulog ngayon nang malakas+ laban sa mga Filisteo at nilito Niya sila,+ at natalo sila ng Israel.+ 11 Lumabas ang mga lalaki ng Israel sa Mizpa at hinabol ang mga Filisteo at pinabagsak ang mga ito hanggang sa timog ng Bet-car. 12 Pagkatapos, kumuha si Samuel ng isang bato+ at inilagay ito sa pagitan ng Mizpa at Jesana at pinangalanan itong Ebenezer,* dahil ang sabi niya: “Hanggang ngayon ay tinutulungan tayo ni Jehova.”+ 13 Sa gayon, natalo ang mga Filisteo, at hindi na sila muling pumasok sa teritoryo ng Israel;+ at ang kamay ni Jehova ay nanatiling laban sa mga Filisteo habang nabubuhay si Samuel.+ 14 Gayundin, ang mga lunsod na kinuha ng mga Filisteo mula sa Israel ay naibalik sa Israel, mula sa Ekron hanggang sa Gat, at nabawi ng Israel ang kanilang teritoryo mula sa mga Filisteo.

Nagkaroon din ng kapayapaan sa pagitan ng Israel at ng mga Amorita.+

15 Si Samuel ay nanatiling hukom sa Israel habang nabubuhay siya.+ 16 Taon-taon, nagpupunta siya sa Bethel,+ Gilgal,+ at Mizpa,+ at naglingkod siya bilang hukom sa Israel sa lahat ng lugar na ito. 17 Pero bumabalik siya sa Rama,+ dahil naroon ang bahay niya, at doon ay humahatol din siya sa Israel. Nagtayo siya roon ng altar para kay Jehova.+

8 Nang matanda na si Samuel, inatasan niya ang kaniyang mga anak bilang mga hukom sa Israel. 2 Ang pangalan ng panganay niya ay Joel, at ang ikalawa ay Abias;+ mga hukom sila sa Beer-sheba. 3 Pero ang mga anak niya ay hindi sumunod sa mga yapak niya; nandaraya sila para makinabang+ at tumatanggap ng suhol,+ at binabaluktot nila ang katarungan.+

4 Nang maglaon, nagtipon ang lahat ng matatandang lalaki ng Israel at nagpunta kay Samuel sa Rama. 5 Sinabi nila sa kaniya: “Matanda ka na, pero ang mga anak mo ay hindi sumusunod sa mga yapak mo. Mag-atas ka ngayon ng isang hari na hahatol sa amin gaya ng sa lahat ng bansa.”+ 6 Pero hindi nagustuhan* ni Samuel nang sabihin nila: “Bigyan mo kami ng isang hari na hahatol sa amin.” Kaya si Samuel ay nanalangin kay Jehova, 7 at sinabi ni Jehova kay Samuel: “Makinig ka sa lahat ng sinasabi sa iyo ng bayan; dahil hindi ikaw ang itinatakwil nila, kundi ako ang itinatakwil nila bilang kanilang hari.+ 8 Ganiyan na ang ginagawa nila mula pa noong araw na ilabas ko sila mula sa Ehipto hanggang sa araw na ito; lagi nila akong iniiwan+ at naglilingkod sila sa ibang mga diyos,+ at ganiyan ang ginagawa nila sa iyo. 9 Makinig ka ngayon sa kanila. Pero bigyan mo sila ng matinding babala; sabihin mo sa kanila kung ano ang magiging karapatan ng haring mamamahala sa kanila.”

10 Kaya sinabi ni Samuel sa bayang humihingi sa kaniya ng isang hari ang lahat ng sinabi ni Jehova. 11 Sinabi niya: “Ito ang karapatang gawin ng haring mamamahala sa inyo:+ Kukunin niya ang inyong mga anak na lalaki+ at ilalagay sila sa kaniyang mga karwahe*+ at gagawing mga mangangabayo,+ at ang ilan ay patatakbuhin niya sa unahan ng kaniyang mga karwahe. 12 At mag-aatas siya para sa kaniyang sarili ng mga pinuno ng libo-libo+ at mga pinuno ng lima-limampu,+ at ang ilan ay mag-aararo para sa kaniya,+ gagapas para sa kaniya,+ at gagawa ng kaniyang mga sandata at mga gamit sa karwahe.+ 13 Kukunin niya ang inyong mga anak na babae para gawing tagagawa ng pabango,* tagapagluto, at panadera.+ 14 Kukunin niya ang pinakamagaganda sa inyong mga bukid, ubasan, at taniman ng olibo,+ at ibibigay niya ang mga iyon sa mga lingkod niya. 15 Kukunin niya ang ikasampu ng inani ninyong mga butil at ubas, at ibibigay niya ang mga iyon sa kaniyang mga opisyal sa palasyo at mga lingkod. 16 At kukunin niya ang inyong mga alilang lalaki at babae, ang inyong pinakamagagandang baka, at ang inyong mga asno, at gagamitin niya ang mga iyon sa gawain niya.+ 17 Kukunin niya ang ikasampu ng inyong mga kawan,+ at kayo ay magiging mga lingkod niya. 18 Darating ang araw na daraing kayo dahil sa haring pinili ninyo,+ pero hindi kayo sasagutin ni Jehova sa araw na iyon.”

19 Pero ayaw nilang makinig kay Samuel, at sinabi nila: “Basta! Gusto naming magkaroon ng isang hari. 20 At magiging gaya kami ng lahat ng iba pang bansa, at ang aming hari ang hahatol sa amin at mangunguna sa amin at makikipaglaban sa mga kaaway namin.” 21 Matapos pakinggan ni Samuel ang lahat ng sinabi ng bayan, inulit niya ito kay Jehova. 22 Sinabi ni Jehova kay Samuel: “Makinig ka sa kanila, at mag-atas ka ng haring mamamahala sa kanila.”+ Pagkatapos ay sinabi ni Samuel sa mga lalaki ng Israel: “Umuwi na kayo sa inyo-inyong lunsod.”

9 May isang lalaki mula sa Benjamin na ang pangalan ay Kis,+ anak ni Abiel na anak ni Zeror na anak ni Becorat na anak ni Afias, isang napakayamang Benjaminita.+ 2 May anak siya na ang pangalan ay Saul,+ na bata pa at guwapo—walang ibang Israelita na mas guwapo kaysa sa kaniya—at mas matangkad siya* kaysa sa lahat ng iba pa sa bayan.

3 Nang mawala ang mga asno* ni Kis, sinabi niya sa kaniyang anak na si Saul: “Pakisuyo, isama mo ang isa sa mga tagapaglingkod at hanapin mo ang mga asno.” 4 Dumaan sila sa mabundok na rehiyon ng Efraim at sa lupain ng Salisa, pero hindi nila nakita ang mga iyon. Naglakbay sila sa lupain ng Saalim, pero wala roon ang mga asno. Dumaan sila sa buong lupain ng mga Benjaminita, pero hindi nila nakita ang mga iyon.

5 Nang dumating sila sa lupain ng Zup, sinabi ni Saul sa kasama niyang tagapaglingkod: “Halika, bumalik na tayo, baka sa atin na mag-alala ang ama ko sa halip na sa mga asno.”+ 6 Pero sinabi ng tagapaglingkod: “Teka! May isang lingkod ng Diyos sa lunsod na ito, isang lalaking iginagalang. Nagkakatotoo ang lahat ng sinasabi niya.+ Pumunta tayo ngayon doon. Baka maituro niya kung saan tayo dapat pumunta.” 7 Kaya sinabi ni Saul sa tagapaglingkod niya: “Kung pupunta tayo roon, ano ang dadalhin natin sa kaniya? Wala na tayong tinapay; wala tayong maipanreregalo sa lingkod ng tunay na Diyos. Ano ang maibibigay natin sa kaniya?” 8 Muling sumagot ang tagapaglingkod kay Saul: “Heto! Mayroon akong sangkapat na siklong* pilak. Ibibigay ko ito sa lingkod ng tunay na Diyos, at ituturo niya kung saan tayo pupunta.” 9 (Sa Israel noon, ito ang sinasabi ng isang taong sasangguni sa Diyos: “Halikayo, magpunta tayo sa tagakita.”*+ Dahil ang propeta ay tinatawag noon na tagakita.) 10 At sinabi ni Saul sa tagapaglingkod niya: “Maganda ang sinabi mo. Halika na.” Kaya pumunta sila sa lunsod kung nasaan ang lingkod ng tunay na Diyos.

11 Habang naglalakbay sila sa daang paakyat ng lunsod, may nakasalubong silang mga babaeng sasalok ng tubig. Kaya sinabi nila sa mga babae: “Nandito ba ang tagakita?”+ 12 Sumagot ang mga ito: “Oo. Nauna lang siya nang kaunti sa inyo. Bilisan ninyo; dumating siya dito sa lunsod dahil maghahandog+ ngayon ang mga tao sa mataas na lugar.+ 13 Pagpasok ninyo sa lunsod, makikita ninyo siya bago siya umakyat sa mataas na lugar para kumain. Hindi kakain ang bayan hangga’t hindi siya dumarating, dahil siya ang humihiling ng basbas para sa handog. Kapag nagawa na niya iyon, makakakain na ang mga inanyayahan. Kaya lumakad na kayo para makita ninyo siya.” 14 Kaya pumunta sila sa lunsod. Pagdating nila roon, papalapit naman sa kanila si Samuel para salubungin sila at sama-sama silang umakyat sa mataas na lugar.

15 Isang araw bago dumating si Saul, sinabi na ni Jehova kay* Samuel: 16 “Mga ganitong oras bukas, magsusugo ako sa iyo ng isang lalaki mula sa lupain ng Benjamin.+ Pahiran mo siya ng langis para maging pinuno ng bayan kong Israel,+ at ililigtas niya ang bayan ko mula sa kamay ng mga Filisteo. Dahil nakita ko ang pagdurusa ng bayan ko, at narinig ko ang pagdaing nila.”+ 17 Nang makita ni Samuel si Saul, sinabi ni Jehova sa kaniya: “Siya ang lalaking tinutukoy ko nang sabihin ko sa iyo, ‘Siya ang mamamahala* sa bayan ko.’”+

18 At nilapitan ni Saul si Samuel sa may pintuang-daan at sinabi: “Puwede po bang magtanong kung saan ang bahay ng tagakita?” 19 Sinabi ni Samuel kay Saul: “Ako ang tagakita. Mauna ka sa akin papunta sa mataas na lugar, at kakain kayong kasama ko ngayong araw.+ Pauuwiin kita bukas ng umaga, at sasabihin ko sa iyo ang lahat ng gusto mong malaman.* 20 Tungkol sa mga asno na nawala tatlong araw na ang nakararaan,+ huwag ka nang mag-alala, dahil nakita na ang mga iyon. At kanino ba ang lahat ng kanais-nais sa Israel? Hindi ba sa iyo at sa buong sambahayan ng iyong ama?”+ 21 Kaya sumagot si Saul: “Hindi ba mula ako sa Benjamin na pinakamaliit sa mga tribo ng Israel,+ at ang angkan namin ang pinakamababa sa lahat ng angkan sa tribo ng Benjamin? Kaya bakit ninyo sinasabi iyan sa akin?”

22 At isinama ni Samuel si Saul at ang tagapaglingkod nito at dinala sila sa bulwagang kainan at pinaupo sa puwesto na para sa importanteng mga bisita; mga 30 lahat ang naroon. 23 Sinabi ni Samuel sa tagapagluto: “Ilabas mo ang parte na ibinigay ko sa iyo at sinabi kong itabi mo.” 24 Kaya hinango ng tagapagluto ang binti at ang kasama nito at inihain kay Saul. At sinabi ni Samuel: “Ang inireserba ay inihain sa iyo. Kumain ka, dahil inireserba nila iyan sa iyo para sa okasyong ito. Dahil sinabi ko sa kanila, ‘May inanyayahan akong mga bisita.’” Kaya magkasamang kumain sina Saul at Samuel nang araw na iyon. 25 Pagkatapos, bumaba sila mula sa mataas na lugar+ at nagpunta sa lunsod, at patuloy na kinausap ni Samuel si Saul sa bubungan ng bahay. 26 Bumangon sila nang maaga, at nang magbukang-liwayway, tinawag ni Samuel si Saul na nasa bubungan ng bahay: “Maghanda ka na, para makalakad ka na.” Kaya naghanda si Saul at lumabas silang dalawa ni Samuel. 27 Habang bumababa sila sa labas ng lunsod, sinabi ni Samuel kay Saul: “Sabihin mo sa tagapaglingkod+ mo na mauna na siya sa atin,” kaya nauna na ito. “Pero ikaw, dito ka muna, para masabi ko sa iyo ang mensahe ng Diyos.”

10 Pagkatapos, kinuha ni Samuel ang lalagyan ng langis at ibinuhos ang langis sa ulo ni Saul.+ Hinalikan niya si Saul at sinabi: “Pinili* ka ni Jehova bilang pinuno+ ng kaniyang bayan.*+ 2 Sa paghihiwalay natin ngayon, makakakita ka ng dalawang lalaki malapit sa libingan ni Raquel+ sa teritoryo ng Benjamin sa Zelza, at sasabihin nila sa iyo, ‘Nakita na ang mga asnong hinahanap mo, pero hindi na iyon ang iniintindi ng iyong ama;+ ikaw na ang inaalala niya. Sinasabi niya: “Hindi pa bumabalik ang anak ko. Ano na ang gagawin ko?”’ 3 Mula roon, magpatuloy ka hanggang sa malaking puno ng Tabor, at doon ay may makakasalubong kang tatlong lalaki na papunta sa tunay na Diyos sa Bethel.+ Ang isa ay may dalang tatlong batang kambing, ang isa ay may dalang tatlong tinapay, at ang isa ay may dalang malaking banga ng alak. 4 Kukumustahin ka nila at bibigyan ng dalawang tinapay. Tanggapin mo ang mga iyon. 5 Pagkatapos, pumunta ka sa burol ng tunay na Diyos, kung saan may himpilan ng mga Filisteo. Pagdating mo sa lunsod, may makakasalubong kang isang grupo ng mga propeta na bumababa mula sa mataas na lugar. Habang nanghuhula sila, may tumutugtog ng instrumentong de-kuwerdas, tamburin, plawta, at alpa sa unahan nila. 6 Sasaiyo ang espiritu ni Jehova,+ at manghuhula kang kasama nila at mababago ka.+ 7 Kapag nangyari na ang mga tandang ito, gawin mo ang kaya mong gawin, dahil ang tunay na Diyos ay sumasaiyo. 8 Pagkatapos, mauna ka sa akin sa Gilgal,+ at pupunta ako roon para mag-alay ng mga haing sinusunog at mga haing pansalo-salo. Maghintay ka nang pitong araw hanggang sa dumating ako. Pagkatapos, sasabihin ko sa iyo kung ano ang dapat mong gawin.”

9 Pagtalikod ni Saul para iwan si Samuel, binago ng Diyos ang puso niya, at ang lahat ng tandang ito ay nagkatotoo nang araw na iyon. 10 Kaya mula roon, pumunta sila sa burol, at isang grupo ng mga propeta ang sumalubong sa kaniya. Agad na sumakaniya ang espiritu ng Diyos,+ at nagsimula siyang manghula+ kasama nila. 11 Nang makita ng lahat ng nakakakilala sa kaniya na nanghuhula siya kasama ng mga propeta, sinabi nila sa isa’t isa: “Ano ang nangyari sa anak ni Kis? Propeta rin ba si Saul?” 12 At isang lalaki mula roon ang nagsabi: “Pero sino ang kanilang ama?” Kaya naging bukambibig* ng mga tao: “Propeta rin ba si Saul?”+

13 Matapos siyang manghula, pumunta siya sa mataas na lugar. 14 Nang maglaon, ang tiyo* ni Saul ay nagtanong sa kaniya at sa tagapaglingkod niya: “Saan kayo nagpunta?” Sinabi niya: “Hinanap namin ang mga asno,+ pero hindi namin makita ang mga iyon kaya pumunta kami kay Samuel.” 15 Nagtanong ang tiyo ni Saul: “Pakisuyo, sabihin mo sa akin kung ano ang sinabi sa iyo ni Samuel.” 16 Sumagot si Saul: “Sinabi niya sa amin na nakita na ang mga asno.” Pero hindi ikinuwento ni Saul ang sinabi ni Samuel tungkol sa pagiging hari niya.

17 Pagkatapos, tinipon ni Samuel ang bayan sa harap ni Jehova sa Mizpa+ 18 at sinabi sa mga Israelita: “Ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng Israel: ‘Ako ang naglabas sa Israel mula sa Ehipto at nagligtas sa inyo mula sa kamay ng Ehipto+ at mula sa kamay ng lahat ng kaharian na nagpapahirap sa inyo. 19 Pero ngayon, itinakwil ninyo ang inyong Diyos+ na Tagapagligtas ninyo mula sa lahat ng kapahamakan at paghihirap, at sinabi ninyo: “Basta! Bigyan mo kami ng isang hari.” Ngayon, humarap kayo kay Jehova ayon sa inyong mga tribo at ayon sa inyong mga angkan.’”*

20 Kaya pinalapit ni Samuel ang lahat ng tribo ng Israel,+ at ang tribo ni Benjamin ang napili.+ 21 Pagkatapos, pinalapit niya ang bawat sambahayan sa tribo ni Benjamin, at ang sambahayan ng mga Matrita ang napili. Nang bandang huli, si Saul na anak ni Kis ang napili.+ Pero nang hanapin nila ito, hindi nila ito makita. 22 Kaya nagtanong sila kay Jehova:+ “Nandito na po ba siya?” Sumagot si Jehova: “Nagtatago siya doon sa mga dala-dalahan.” 23 Kaya tumakbo sila roon at isinama siya. Nang tumayo siya sa gitna ng bayan, mas matangkad siya* kaysa sa lahat ng iba pa sa bayan.+ 24 Sinabi ni Samuel sa buong bayan: “Nakikita ba ninyo ang pinili ni Jehova?+ Wala siyang katulad sa buong bayan.” At ang buong bayan ay sumigaw: “Mabuhay ang hari!”

25 Sinabi ni Samuel sa bayan ang magiging obligasyon nila sa hari+ at isinulat iyon sa isang aklat at inilagay iyon sa harap ni Jehova. Pagkatapos, pinauwi na ni Samuel ang buong bayan, ang bawat isa sa kani-kaniyang bahay. 26 Umuwi rin si Saul sa bahay niya sa Gibeah, kasama ang mga mandirigma na ang puso ay inantig ni Jehova. 27 Pero sinabi ng walang-kabuluhang mga lalaki: “Paano tayo ililigtas ng isang ito?”+ Kaya hinamak nila siya, at hindi sila nagdala ng anumang regalo para sa kaniya.+ Pero nanahimik lang siya.*

11 Pagkatapos, si Nahas na Ammonita+ ay nagkampo para salakayin ang Jabes+ sa Gilead. Sinabi ng lahat ng lalaki ng Jabes kay Nahas: “Gumawa tayo ng kasunduan* at maglilingkod kami sa iyo.” 2 Sinabi sa kanila ni Nahas na Ammonita: “Papayag ako sa isang kondisyon: dudukitin ang kanang mata ninyong lahat. Gagawin ko ito para ipahiya ang buong Israel.” 3 Sumagot ang matatandang lalaki ng Jabes: “Bigyan mo kami ng pitong araw na palugit para makapagpadala kami ng mga mensahero sa buong teritoryo ng Israel. Kung walang magliligtas sa amin, susuko kami sa iyo.” 4 Nang makarating ang mga mensahero sa Gibeah+ na lunsod ni Saul* at sabihin sa bayan ang tungkol sa bagay na ito, ang buong bayan ay umiyak nang malakas.

5 Pauwi noon si Saul mula sa parang, kasunod ng bakahan, at sinabi ni Saul: “Ano ang nangyayari sa mga tao? Bakit sila umiiyak?” Kaya ikinuwento nila ang mga sinabi ng mga lalaki ng Jabes. 6 Nang marinig ito ni Saul, sumakaniya ang espiritu ng Diyos,+ at nag-init siya sa galit. 7 Kaya kumuha siya ng isang pares ng toro at pinagputol-putol ang mga iyon, at ipinadala niya ang mga ito sa buong teritoryo ng Israel sa pamamagitan ng mga mensahero, na nagsasabi: “Sa sinumang hindi susunod kina Saul at Samuel, ganito ang gagawin sa mga baka niya!” At natakot kay Jehova ang bayan, kaya lumabas sila na nagkakaisa.* 8 Pagkatapos, binilang niya sila sa Bezek. Umabot sa 300,000 ang mga Israelita at 30,000 naman ang mga lalaki ng Juda. 9 Sinabi nila ngayon sa mga mensaherong dumating: “Ito ang sasabihin ninyo sa mga lalaki ng Jabes sa Gilead, ‘Bukas ng tanghali ay ligtas na kayo.’” Nang dumating sa Jabes ang mga mensahero at sabihin iyon sa mga tagaroon, nagsaya sila. 10 Kaya sinabi ng mga lalaki ng Jabes: “Susuko kami sa inyo bukas, at gawin ninyo sa amin kung ano ang gusto ninyo.”+

11 Kinabukasan, hinati ni Saul ang bayan sa tatlong grupo, at nakapasok sila sa gitna ng kampo noong oras ng pagbabantay sa umaga* at pinabagsak nila ang mga Ammonita+ hanggang sa katanghalian. Ang mga nakaligtas ay nagkawatak-watak at nagkani-kaniyang takas. 12 Pagkatapos, sinabi ng bayan kay Samuel: “Sino ang nagsasabi, ‘Si Saul ba ang maghahari sa atin?’+ Dalhin dito ang mga taong iyon, at papatayin namin sila.” 13 Pero sinabi ni Saul: “Walang sinuman ang papatayin sa araw na ito,+ dahil ngayon ay iniligtas ni Jehova ang Israel.”

14 Nang maglaon, sinabi ni Samuel sa bayan: “Pumunta tayo sa Gilgal+ para pagtibayin ang pagiging hari ni Saul.”+ 15 Kaya pumunta sa Gilgal ang buong bayan, at doon ay ginawa nilang hari si Saul sa harap ni Jehova. Pagkatapos, naghandog sila roon ng mga haing pansalo-salo sa harap ni Jehova,+ at si Saul at ang lahat ng Israelita ay nagsaya at nagdiwang.+

12 Bandang huli, sinabi ni Samuel sa buong Israel: “Ginawa ko na ang* lahat ng hiniling ninyo sa akin, at nag-atas ako ng isang hari na mamamahala sa inyo.+ 2 Ngayon ay narito na ang haring mangunguna sa inyo!*+ Matanda na ako at maputi na ang buhok, at kasama ninyo ngayon ang aking mga anak,+ at nanguna ako sa inyo mula pa sa aking pagkabata hanggang sa araw na ito.+ 3 Nandito ako sa harap ninyo. Kung may reklamo kayo sa akin, sabihin ninyo ito sa harap ni Jehova at ng pinili* niya:+ May kinuhanan ba ako sa inyo ng toro o asno?+ May dinaya ba ako o inapi? Tumanggap ba ako ng suhol sa kaninuman para ipikit ko ang mga mata ko sa kamalian?+ Kung oo, ibabalik ko sa inyo ang mga iyon.”+ 4 Sumagot sila: “Hindi mo kami dinaya o inapi, at hindi ka rin tumanggap ng anuman mula sa kamay ng sinuman.” 5 Kaya sinabi niya sa kanila: “Sa araw na ito, saksi ko si Jehova at ang pinili* niya na wala kayong nakitang anumang maipaparatang sa akin.”* Sinabi nila: “Siya ay saksi.”

6 Kaya sinabi ni Samuel sa bayan: “Saksi si Jehova, na siyang nag-atas kay Moises at kay Aaron at naglabas sa inyong mga ninuno mula sa lupain ng Ehipto.+ 7 Ngayon ay lumapit kayo, at hahatulan ko kayo sa harap ni Jehova ayon sa lahat ng kabutihang ginawa ni Jehova sa inyo at sa mga ninuno ninyo.

8 “Nang pumasok si Jacob sa Ehipto+ at humingi ng tulong kay Jehova ang inyong mga ninuno,+ isinugo ni Jehova sina Moises+ at Aaron para akayin ang inyong mga ninuno palabas ng Ehipto at patirahin sa lugar na ito.+ 9 Pero kinalimutan nila si Jehova na kanilang Diyos, at ibinigay* niya sila+ sa kamay ni Sisera+ na pinuno ng hukbo ng Hazor at sa kamay ng mga Filisteo+ at sa kamay ng hari ng Moab,+ at nakipaglaban sila sa mga ito. 10 At humingi sila ng tulong kay Jehova+ at nagsabi, ‘Nagkasala kami+ dahil iniwan namin si Jehova para maglingkod sa mga Baal+ at sa mga imahen ni Astoret;+ ngayon ay iligtas mo kami mula sa kamay ng mga kaaway namin para makapaglingkod kami sa iyo.’ 11 Kaya isinugo ni Jehova si Jerubaal+ at si Bedan at si Jepte+ at si Samuel+ at iniligtas kayo mula sa kamay ng mga kaaway sa palibot ninyo, para makapamuhay kayo nang payapa.+ 12 Nang makita ninyong sasalakayin kayo ni Nahas+ na hari ng mga Ammonita, paulit-ulit ninyong sinasabi sa akin, ‘Basta! Gusto naming magkaroon ng isang hari!’+ samantalang si Jehova na inyong Diyos ang inyong Hari.+ 13 Ngayon ay narito na ang hari na pinili ninyo, ang hiniling ninyo. Si Jehova ay nag-atas ng hari para mamahala sa inyo.+ 14 Kung matatakot kayo kay Jehova+ at maglilingkod sa kaniya+ at makikinig sa tinig niya+ at hindi kayo maghihimagsik laban sa utos ni Jehova, at kayo at ang hari na namamahala sa inyo ay susunod kay Jehova na inyong Diyos, mabuti. 15 Pero kung hindi kayo makikinig sa tinig ni Jehova at maghihimagsik kayo laban sa utos ni Jehova, kayo at ang inyong mga ama ay paparusahan ni Jehova.+ 16 Humanda kayo ngayon at tingnan ang kamangha-manghang bagay na gagawin ni Jehova sa harap ninyo. 17 Hindi ba pag-aani ng trigo ngayon? Hihilingin ko kay Jehova na magpakulog siya at magpaulan; at malalaman ninyo at maiintindihan kung gaano kasama sa paningin ni Jehova ang paghingi ninyo ng hari.”+

18 Pagkatapos, tumawag si Samuel kay Jehova, at si Jehova ay nagpakulog at nagpaulan nang araw na iyon, kaya ang buong bayan ay takot na takot kay Jehova at kay Samuel. 19 At sinabi ng buong bayan kay Samuel: “Ipanalangin mo ang iyong mga lingkod kay Jehova na iyong Diyos,+ dahil ayaw naming mamatay. Dinagdagan pa namin ang mga kasalanan namin nang humingi kami ng isang hari.”

20 Kaya sinabi ni Samuel sa bayan: “Huwag kayong matakot. Ginawa nga ninyo ang lahat ng kasamaang ito. Pero ngayon, huwag na ninyong susuwayin si Jehova,+ at maglingkod kayo kay Jehova nang inyong buong puso.+ 21 Huwag kayong lilihis para sumunod sa walang-kabuluhang* mga bagay,+ na walang pakinabang+ at hindi makapagliligtas, dahil ang mga iyon ay walang kabuluhan.* 22 Pinili kayo ni Jehova para maging bayan niya.+ Hindi pababayaan ni Jehova ang bayan niya+ alang-alang sa kaniyang dakilang pangalan.+ 23 Ako naman, hindi ko magagawang tumigil sa pananalangin para sa inyo dahil magkakasala ako kay Jehova, at patuloy kong ituturo sa inyo kung ano ang mabuti at tama. 24 Matakot lang kayo kay Jehova,+ at maglingkod sa kaniya nang tapat* at nang inyong buong puso. Hindi ba napakarami niyang ginawang dakilang bagay para sa inyo?+ 25 Pero kung magmamatigas kayo sa paggawa ng masama, malilipol kayo,+ pati ang inyong hari.”+

13 Si Saul ay . . .* taóng gulang nang maging hari,+ at namahala siya sa Israel nang dalawang taon. 2 Pumili si Saul ng 3,000 lalaki mula sa Israel; 2,000 sa mga ito ay kasama ni Saul sa Micmash at sa mabundok na rehiyon ng Bethel, at ang 1,000 ay kasama ni Jonatan+ sa Gibeah+ ng Benjamin. Ang iba pa sa bayan ay pinauwi niya sa kani-kaniyang tolda. 3 Pagkatapos, pinabagsak ni Jonatan ang grupo ng mga sundalong Filisteo+ na nasa Geba,+ at nabalitaan ito ng mga Filisteo. At pinahipan ni Saul ang tambuli+ sa buong lupain, na sinasabi: “Makinig ang mga Hebreo!” 4 Narinig ng buong Israel ang balita: “Pinabagsak ni Saul ang isang grupo ng mga sundalong Filisteo, at kinasusuklaman ngayon ng mga Filisteo ang Israel.” Kaya ipinatawag ang bayan para sumunod kay Saul sa Gilgal.+

5 Nagtipon-tipon din ang mga Filisteo para lumaban sa Israel. Mayroon silang 30,000 karwaheng pandigma at 6,000 mangangabayo at mga sundalo na kasindami ng mga butil ng buhangin sa baybayin ng dagat;+ at nagpunta sila sa Micmash sa silangan ng Bet-aven+ at nagkampo roon. 6 Nakita ng mga lalaki ng Israel na nasa matinding panganib sila dahil sa mga kaaway; kaya nagtago sila sa mga kuweba,+ hukay, malalaking bato, mga taguan sa ilalim ng lupa, at mga imbakan ng tubig. 7 May mga Hebreo pa nga na tumawid ng Jordan papunta sa lupain ng Gad at Gilead.+ Pero nasa Gilgal pa rin si Saul, at ang lahat ng sumusunod sa kaniya ay nanginginig sa takot. 8 Naghintay siya nang pitong araw hanggang sa araw na itinakda ni Samuel, pero hindi pa rin dumarating si Samuel sa Gilgal, at unti-unti na siyang iniiwan ng mga tao. 9 Kaya sinabi ni Saul: “Dalhin ninyo sa akin ang haing sinusunog at ang mga haing pansalo-salo.” At inialay niya ang haing sinusunog.+

10 Pero matapos niyang ihandog ang haing sinusunog, dumating si Samuel. Kaya sinalubong siya ni Saul at binati.* 11 Sinabi ni Samuel: “Ano ang ginawa mo?” Sumagot si Saul: “Nakita kong iniiwan na ako ng mga tao,+ at hindi ka dumating sa itinakdang panahon, at nagtitipon na ang mga Filisteo sa Micmash.+ 12 Kaya sinabi ko sa sarili ko, ‘Sasalakayin na ako dito sa Gilgal ng mga Filisteo, pero hindi ko pa nahihingi ang tulong* ni Jehova.’ Kaya napilitan akong ihandog ang haing sinusunog.”

13 Sinabi ni Samuel kay Saul: “Kamangmangan ang ginawa mo. Hindi mo sinunod ang iniutos sa iyo ni Jehova na iyong Diyos.+ Kung sumunod ka, patatatagin sana ni Jehova ang kaharian mo sa Israel magpakailanman. 14 Pero ngayon, ang kaharian mo ay hindi magtatagal.+ Hahanap si Jehova ng isang lalaking kalugod-lugod sa puso niya,+ at siya ay gagawin ni Jehova na pinuno ng bayan niya,+ dahil hindi mo sinunod ang iniutos sa iyo ni Jehova.”+

15 Pagkatapos, umalis si Samuel sa Gilgal at nagpunta sa Gibeah ng Benjamin, at binilang ni Saul ang mga tao sa bayan; mga 600 lalaki pa ang kasama niya.+ 16 Si Saul, ang anak niyang si Jonatan, at ang mga kasama pa nila ay tumigil sa Geba+ ng Benjamin, at ang mga Filisteo ay nagkampo sa Micmash.+ 17 At tatlong grupo ang sumasalakay mula sa kampo ng mga Filisteo. Ang isang grupo ay dumadaan sa lansangang papunta sa Opra, patungo sa lupain ng Sual; 18 ang isa pang grupo ay dumadaan sa lansangan ng Bet-horon,+ at ang ikatlong grupo ay dumadaan sa lansangang papunta sa hangganan kung saan matatanaw ang lambak ng Zeboim, patungo sa ilang.

19 Walang isa mang panday sa buong lupain ng Israel, dahil sinabi ng mga Filisteo: “Para hindi makagawa ng espada o sibat ang mga Hebreo.” 20 At ang lahat ng Israelita ay nagpupunta sa mga Filisteo para ipahasa ang kanilang araro,* piko, palakol, o karit. 21 Isang pim* ang halaga ng pagpapahasa ng araro,* piko, kasangkapang tatlo ang ngipin, at palakol, at ng pagpapaayos sa tungkod na panggabay ng baka. 22 At nang araw ng digmaan, walang espada o sibat ang mga kasama nina Saul at Jonatan;+ si Saul lang at ang anak niyang si Jonatan ang may sandata.

23 Ngayon, isang grupo ng mga sundalong Filisteo ang pumuwesto sa tawiran sa bangin ng Micmash.+

14 Isang araw, sinabi ng anak ni Saul na si Jonatan+ sa tagapagdala niya ng sandata: “Halika, tumawid tayo papunta sa himpilan ng mga Filisteo sa kabilang ibayo.” Pero hindi niya iyon sinabi sa ama niya. 2 Si Saul ay nasa hangganan ng Gibeah+ sa ilalim ng puno ng granada* na nasa Migron, at may kasama siyang mga 600 lalaki.+ 3 (At si Ahias na anak ni Ahitub,+ na kapatid ni Icabod,+ na anak ni Pinehas,+ na anak ni Eli,+ na saserdote ni Jehova sa Shilo,+ ang may suot ng epod.*)+ Hindi alam ng bayan na umalis si Jonatan. 4 Sa pagitan ng mga daanang tinatawid ni Jonatan para marating ang himpilan ng mga Filisteo, may isang malaking bato na tulad-ngipin sa isang panig at isang malaking bato na tulad-ngipin sa kabilang panig; ang pangalan ng isa ay Bozez, at ang isa naman ay Sene. 5 Ang isang malaking bato ay parang haligi sa hilaga sa tapat ng Micmash, at ang isa pa ay nasa timog sa tapat ng Geba.+

6 Sinabi ni Jonatan sa tagapagdala niya ng sandata: “Halika, tumawid tayo papunta sa himpilan ng mga di-tuling lalaking ito.+ Baka tulungan tayo ni Jehova, dahil makapagliligtas si Jehova marami man o kaunti ang gamitin niya.”+ 7 Sinabi sa kaniya ng tagapagdala niya ng sandata: “Gawin mo kung ano ang nasa puso mo. Magpunta ka kung saan mo gusto, at sasama ako sa iyo saanman iyon.” 8 At sinabi ni Jonatan: “Tatawid tayo papunta sa mga lalaking iyon at magpapakita sa kanila. 9 Kapag sinabi nila sa atin, ‘Diyan lang kayo at pupunta kami riyan!’ mananatili tayo sa kinaroroonan natin at hindi tayo pupunta sa kanila. 10 Pero kapag sinabi nila, ‘Pumunta kayo rito at labanan ninyo kami!’ pupunta tayo sa kanila, dahil ibibigay sila ni Jehova sa kamay natin. Ito ang magiging tanda para sa atin.”+

11 Pagkatapos, nagpakita sila sa mga Filisteo na nasa himpilan. Sinabi ng mga Filisteo: “Tingnan ninyo! Lumalabas ang mga Hebreo sa mga lunggang pinagtataguan nila.”+ 12 Kaya sinabi ng mga nasa himpilan kay Jonatan at sa tagapagdala niya ng sandata: “Magpunta kayo rito, at tuturuan namin kayo ng leksiyon!”+ Agad na sinabi ni Jonatan sa tagapagdala niya ng sandata: “Sumunod ka sa akin, dahil ibibigay sila ni Jehova sa kamay ng Israel.”+ 13 At umakyat si Jonatan sa bangin gamit ang kaniyang mga kamay at paa, at kasunod niya ang tagapagdala niya ng sandata; pinababagsak ni Jonatan ang mga Filisteo, at sa likuran niya, pinapatay ng tagapagdala niya ng sandata ang mga ito. 14 Sa unang paglusob ni Jonatan at ng tagapagdala niya ng sandata, nakapagpabagsak sila ng mga 20 lalaki sa mga kalahating tudling ng isang akre ng bukid.*

15 Pagkatapos, nabalot ng takot ang kampo sa parang at ang lahat ng sundalo sa himpilan, at nasindak pati ang mga grupong sumasalakay.+ Yumanig ang lupa, at natakot sila dahil sa ginawa ng Diyos. 16 Nakita ng mga bantay ni Saul sa Gibeah+ ng Benjamin na nagsimulang magkagulo ang buong kampo.+

17 Sinabi ni Saul sa mga kasama niya: “Magbilang kayo, pakisuyo, para malaman natin kung sino ang wala rito.” Nang magbilang sila, nalaman nilang wala roon si Jonatan at ang tagapagdala nito ng sandata. 18 Sinabi ngayon ni Saul kay Ahias:+ “Ilapit mo ang Kaban ng tunay na Diyos!” (Ang Kaban ng tunay na Diyos ay nasa mga Israelita nang panahong iyon.*) 19 At habang kinakausap ni Saul ang saserdote, lalong nagkakagulo ang kampo ng mga Filisteo. Pagkatapos, sinabi ni Saul sa saserdote: “Itigil mo ang ginagawa mo.”* 20 Kaya si Saul at ang lahat ng kasama niya ay nagtipon-tipon at lumusob sa labanan. Dinatnan nilang nagpapatayan ang mga Filisteo, at napakagulo. 21 At ang mga Hebreo na dating kumampi sa mga Filisteo at sumama sa kampo ng mga ito ay pumanig sa Israel na pinangungunahan nina Saul at Jonatan. 22 Nabalitaan ng lahat ng Israelitang nagtago+ sa mabundok na rehiyon ng Efraim na ang mga Filisteo ay tumakas, at sumama rin sila sa pagtugis sa mga ito. 23 Kaya iniligtas ni Jehova ang Israel nang araw na iyon,+ at ang labanan ay umabot sa Bet-aven.+

24 Pero nang araw na iyon, nanghihina ang mga lalaki ng Israel dahil inilagay ni Saul ang bayan sa ilalim ng ganitong sumpa: “Sumpain ang taong kakain ng anuman* bago gumabi at hanggang sa mapaghigantihan ko ang mga kaaway ko!” Kaya walang sinuman sa kanila ang kumakain ng anuman.+

25 At ang lahat ng sundalo* ay pumunta sa gubat, at doon ay may pulot-pukyutan sa lupa. 26 Pagdating nila sa gubat, nakita nilang may tumutulong pulot-pukyutan, pero walang sinuman ang kumain nito, dahil natatakot sila sa sumpa. 27 Pero hindi narinig ni Jonatan ang kaniyang ama nang ilagay nito ang bayan sa ilalim ng sumpa,+ kaya isinawsaw niya ang dulo ng tungkod niya sa bahay-pukyutan. Nang kumain siya, lumiwanag ang mga mata niya. 28 Dahil dito, sinabi ng isa sa mga sundalo: “Inilagay ng iyong ama ang bayan sa ilalim ng isang mahigpit na sumpa nang sabihin niya, ‘Sumpain ang taong kakain sa araw na ito!’+ Kaya hinang-hina ang bayan.” 29 Pero sinabi ni Jonatan: “Pinahirapan ng ama ko ang bayan. Tingnan ninyo at lumiwanag ang mga mata ko dahil tumikim ako ng kaunting pulot-pukyutan. 30 Paano pa kaya kung kumain ngayon ang bayan+ mula sa samsam na nakuha nila sa mga kaaway nila? Mas marami sanang Filisteo ang napatay.”

31 Nang araw na iyon, patuloy nilang pinabagsak ang mga Filisteo mula sa Micmash hanggang sa Aijalon,+ at pagod na pagod ang bayan. 32 Kaya nag-unahan ang bayan sa samsam, at kinuha nila ang mga tupa, baka, at mga guya* at kinatay ang mga iyon sa lupa, at kinain nila ang karne na kasama ang dugo.+ 33 At iniulat nila iyon kay Saul: “Ang bayan ay nagkakasala laban kay Jehova dahil kumain sila ng karne na kasama ang dugo.”+ Kaya sinabi niya: “Hindi kayo naging tapat. Magpagulong kayo agad dito ng isang malaking bato.” 34 Pagkatapos, sinabi ni Saul: “Pumunta kayo sa mga tao at sabihin sa kanila, ‘Dalhin ng bawat isa sa inyo ang kaniyang toro at ang kaniyang tupa, at katayin ninyo iyon dito at kainin. Huwag ninyong kainin ang karne na kasama ang dugo para hindi kayo magkasala kay Jehova.’”+ Kaya dinala ng bawat isa sa kanila ang kani-kaniyang toro nang gabing iyon at kinatay ito roon. 35 At gumawa si Saul ng isang altar para kay Jehova.+ Ito ang unang altar na ginawa niya para kay Jehova.

36 Nang maglaon, sinabi ni Saul: “Habulin natin ang mga Filisteo sa gabi at kunin natin ang mga pag-aari nila hanggang sa magliwanag. Wala tayong ititirang buháy sa kanila.” Sumagot sila: “Gawin mo kung ano ang mabuti sa paningin mo.” Sinabi ng saserdote: “Sumangguni tayo rito sa tunay na Diyos.”+ 37 At sumangguni si Saul sa Diyos: “Hahabulin ko ba ang mga Filisteo?+ Ibibigay mo ba sila sa kamay ng Israel?” Pero hindi siya sinagot ng Diyos nang araw na iyon. 38 Kaya sinabi ni Saul: “Lumapit kayo rito, kayong lahat na mga pinuno ng hukbo, at alamin ninyo kung anong kasalanan ang nagawa sa araw na ito. 39 Isinusumpa ko, kung paanong buháy si Jehova, na nagligtas sa Israel—kahit ang anak ko pang si Jonatan ang gumawa nito, mamamatay siya.” Pero walang sinuman ang sumagot sa kaniya. 40 At sinabi niya sa buong Israel: “Pumunta kayo sa isang panig, at kami naman ng anak kong si Jonatan sa kabilang panig.” Kaya sinabi ng bayan kay Saul: “Gawin mo kung ano ang mabuti sa paningin mo.”

41 Pagkatapos, sinabi ni Saul kay Jehova: “O Diyos ng Israel, sumagot ka sa pamamagitan ng Tumim!”+ At napili sina Jonatan at Saul, at ang bayan ay napawalang-sala. 42 Sinabi ngayon ni Saul: “Magpalabunutan+ kayo para malaman kung sino sa amin ng anak kong si Jonatan ang nagkasala.” At si Jonatan ang napili. 43 Pagkatapos, sinabi ni Saul kay Jonatan: “Sabihin mo sa akin, ano ang ginawa mo?” Kaya sinabi ni Jonatan sa kaniya: “Tumikim lang ako ng kaunting pulot-pukyutan sa dulo ng tungkod na hawak ko.+ Pero sige, handa akong mamatay!”

44 Kaya sinabi ni Saul: “Bigyan nawa ako ng Diyos ng mabigat na parusa kung hindi ka mamatay, Jonatan.”+ 45 Pero sinabi ng bayan kay Saul: “Dapat bang mamatay si Jonatan—ang nagbigay ng malaking tagumpay* na ito+ sa Israel? Hindi! Isinusumpa namin, kung paanong buháy si Jehova, walang isa mang buhok sa ulo niya ang mahuhulog sa lupa, dahil tinulungan siya ng Diyos sa araw na ito.”+ Kaya iniligtas* ng bayan si Jonatan, at hindi siya namatay.

46 Pagkatapos, tumigil na si Saul sa paghabol sa mga Filisteo, at ang mga Filisteo ay bumalik sa sarili nilang teritoryo.

47 Pinatatag ni Saul ang paghahari niya sa Israel at nakipagdigma siya sa lahat ng kaaway niya sa bawat panig, laban sa mga Moabita,+ Ammonita,+ Edomita,+ mga hari ng Zoba,+ at mga Filisteo;+ at saanman siya pumunta ay natatalo niya sila. 48 At buong tapang siyang nakipaglaban, at tinalo niya ang mga Amalekita+ at iniligtas ang Israel mula sa kamay ng mga kaaway nila.

49 Ang mga anak na lalaki ni Saul ay sina Jonatan, Isvi, at Malki-sua.+ At may dalawa siyang anak na babae; ang pangalan ng mas matanda ay Merab,+ at ang pangalan ng nakababata ay Mical.+ 50 Ang pangalan ng asawa ni Saul ay Ahinoam na anak ni Ahimaas. Ang pinuno ng hukbo niya ay ang tiyo niyang si Abner+ na anak ni Ner. 51 Si Kis+ ang ama ni Saul, at si Ner+ na ama ni Abner ay anak ni Abiel.

52 Matindi ang labanan sa pagitan ni Saul at ng mga Filisteo sa buong panahon ng paghahari niya.+ Kapag nakakakita si Saul ng malakas o matapang na lalaki, kinukuha niya ito para sa hukbo niya.+

15 Pagkatapos, sinabi ni Samuel kay Saul: “Isinugo ako ni Jehova para pahiran ka ng langis at gawing hari ng bayan niyang Israel;+ ngayon ay makinig ka sa sasabihin ni Jehova.+ 2 Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Pananagutin ko ang mga Amalekita sa ginawa nila sa Israel nang labanan nila ito noong naglalakbay ito mula sa Ehipto.+ 3 Ngayon, lipulin mo ang mga Amalekita+ at ang lahat ng mayroon sila. Huwag kang maaawa sa kanila; patayin mo sila,+ ang lalaki at ang babae, ang bata at ang sanggol, ang toro at ang tupa, ang kamelyo at ang asno.’”+ 4 Ipinatawag ni Saul ang bayan at binilang niya sila sa Telaim: Mayroong 200,000 sundalo at 10,000 lalaki ng Juda.+

5 Umabante si Saul at ang mga sundalo niya hanggang sa lunsod ng Amalek, at pumuwesto sila sa lambak* para sumalakay. 6 Pagkatapos, sinabi ni Saul sa mga Kenita:+ “Humiwalay kayo sa mga Amalekita, para hindi ko kayo malipol na kasama nila.+ Dahil nagpakita kayo ng tapat na pag-ibig sa buong bayan ng Israel+ nang lumabas sila mula sa Ehipto.” Kaya iniwan ng mga Kenita ang Amalek. 7 Pagkatapos, pinabagsak ni Saul ang mga Amalekita+ mula sa Havila+ hanggang sa Sur,+ na katabi ng Ehipto. 8 Nahuli niya nang buháy si Agag+ na hari ng Amalek, pero ang lahat ng iba pang tao ay nilipol niya sa pamamagitan ng espada.+ 9 Hindi pinatay ni Saul at ng bayan si* Agag at ang pinakamagaganda sa kawan, sa bakahan, sa mga pinatabang hayop, sa mga lalaking tupa, at ang lahat ng mainam.+ Ayaw nilang lipulin ang mga ito. Pero nilipol nila ang lahat ng hindi mapapakinabangan at hindi nila gusto.

10 Pagkatapos, may dumating na mensahe kay Samuel mula kay Jehova: 11 “Ikinalulungkot kong ginawa kong hari si Saul, dahil tinalikuran niya ako at hindi siya sumunod sa iniutos ko.”+ Napighati si Samuel, at dumaing siya kay Jehova nang buong gabi.+ 12 Kinabukasan, bumangon nang maaga si Samuel para puntahan si Saul. May nagsabi kay Samuel: “Pumunta si Saul sa Carmel,+ at nagtayo siya roon ng monumento para sa sarili niya.+ Pagkatapos, nagpunta siya sa Gilgal.” 13 Nang makarating si Samuel kay Saul, sinabi ni Saul sa kaniya: “Pagpalain ka nawa ni Jehova. Sinunod ko ang salita ni Jehova.” 14 Sinabi naman ni Samuel: “Pero ano itong naririnig kong ingay ng kawan at ng bakahan?”+ 15 Sumagot si Saul: “Kinuha ang mga iyon mula sa mga Amalekita. Hindi nilipol ng bayan ang* pinakamagaganda sa kawan at bakahan para ihandog kay Jehova na iyong Diyos; pero ang lahat ng iba pa ay nilipol namin.” 16 Sinabi ni Samuel kay Saul: “Tumigil ka! Sasabihin ko sa iyo ang sinabi sa akin ni Jehova kagabi.”+ Sumagot si Saul: “Sige, magsalita ka.”

17 Sinabi ni Samuel: “Hindi ba maliit ang tingin mo sa sarili mo+ nang gawin kang pinuno ng mga tribo ng Israel at nang piliin* ka ni Jehova bilang hari ng Israel?+ 18 Nang maglaon, isinugo ka ni Jehova sa isang misyon, at sinabi niya sa iyo, ‘Lipulin mo ang makasalanang mga Amalekita.+ Labanan mo sila hanggang sa mapuksa mo sila.’+ 19 Kaya bakit hindi ka sumunod sa utos ni Jehova? Sa halip, naging sakim ka at nagmadali sa pagkuha ng samsam,+ at ginawa mo ang masama sa paningin ni Jehova!”

20 Sinabi ni Saul kay Samuel: “Pero sinunod ko ang sinabi ni Jehova! Ginawa ko ang ipinagagawa sa akin ni Jehova. Nabihag ko naman si Agag na hari ng Amalek, at nilipol ko ang mga Amalekita.+ 21 Pero kumuha ang bayan ng mga tupa at baka mula sa samsam, ang pinakamagaganda sa mga dapat lipulin, para ihandog kay Jehova na iyong Diyos sa Gilgal.”+

22 Sinabi naman ni Samuel: “Alin ang mas makapagpapasaya kay Jehova: ang mga handog na sinusunog at mga hain,+ o ang pagsunod kay Jehova? Makinig ka! Ang pagsunod ay mas mabuti kaysa sa hain,+ at ang pagbibigay-pansin kaysa sa taba+ ng mga lalaking tupa; 23 dahil ang pagrerebelde+ ay katulad ng kasalanan na panghuhula,+ at ang kapangahasan ay katulad ng paggamit ng kapangyarihan ng mahika at idolatriya.* Dahil itinakwil mo ang salita ni Jehova,+ itinatakwil ka niya mula sa pagiging hari.”+

24 Pagkatapos, sinabi ni Saul kay Samuel: “Nagkasala ako. Hindi ko sinunod ang utos ni Jehova at ang sinabi mo, dahil natakot ako sa bayan at nakinig ako sa sinabi nila. 25 At ngayon, pakisuyo, pagpaumanhinan mo ang kasalanan ko, at bumalik kang kasama ko para makayukod ako kay Jehova.”+ 26 Pero sinabi ni Samuel kay Saul: “Hindi ako babalik na kasama mo, dahil itinakwil mo ang salita ni Jehova, at itinakwil ka ni Jehova bilang hari ng Israel.”+ 27 Nang paalis na si Samuel, sinunggaban ni Saul ang laylayan ng damit nito na walang manggas, pero napunit ito. 28 Sinabi ni Samuel sa kaniya: “Ngayon ay inalis* ni Jehova sa iyo ang paghahari sa Israel, at ibibigay niya iyon sa iba na mas mabuti kaysa sa iyo.+ 29 Isa pa, ang Kamahalan ng Israel+ ay hindi magsisinungaling+ o magbabago ng isip,* dahil hindi Siya gaya ng tao na nagbabago ng isip.”*+

30 Kaya sinabi niya: “Nagkasala ako. Pero pakisuyo, parangalan mo ako sa harap ng matatandang lalaki ng aking bayan at sa harap ng Israel. Bumalik kang kasama ko, at yuyukod ako kay Jehova na iyong Diyos.”+ 31 Kaya bumalik si Samuel na kasunod ni Saul, at yumukod si Saul kay Jehova. 32 Pagkatapos, sinabi ni Samuel: “Ilapit ninyo sa akin si Agag na hari ng Amalek.” Lumapit sa kaniya si Agag nang nag-aalangan,* dahil iniisip noon ni Agag: ‘Ligtas na ako sa banta* ng kamatayan.’ 33 Pero sinabi ni Samuel: “Nagdalamhati ang mga babae sa mga anak nila dahil sa iyong espada, pero ang iyong ina ang daranas ng pinakamatinding pagdadalamhati sa lahat ng babae.” At pinagtataga ni Samuel si Agag sa harap ni Jehova sa Gilgal.+

34 Pagkatapos, pumunta si Samuel sa Rama, at si Saul naman ay umuwi sa bahay niya sa Gibeah.* 35 Hanggang sa mamatay si Samuel, hindi na siya nakipagkita kay Saul, dahil nagdalamhati si Samuel para kay Saul.+ At nalungkot si Jehova na ginawa niyang hari sa Israel si Saul.+

16 Nang maglaon, sinabi ni Jehova kay Samuel: “Hanggang kailan ka magdadalamhati para kay Saul+ ngayong itinakwil ko na siya mula sa pamamahala bilang hari sa Israel?+ Punuin mo ng langis ang sungay+ at lumakad ka na. Isusugo kita kay Jesse+ na Betlehemita, dahil pumili ako mula sa mga anak niya ng isang hari.”+ 2 Pero sinabi ni Samuel: “Paano ako makakapunta? Kapag narinig iyon ni Saul, papatayin niya ako.”+ Sumagot si Jehova: “Magdala ka ng batang baka at sabihin mo, ‘Pumunta ako rito para maghandog kay Jehova.’ 3 Anyayahan mo si Jesse sa paghahandog; pagkatapos, ipaaalam ko sa iyo kung ano ang gagawin. At papahiran mo ng langis para sa akin ang isa na sasabihin kong pahiran mo.”+

4 Ginawa ni Samuel ang sinabi ni Jehova. Pagdating niya sa Betlehem,+ nanginginig siyang sinalubong ng matatandang lalaki ng lunsod, at sinabi nila: “Kapayapaan ba ang dala mo?” 5 Sumagot siya: “Oo, kapayapaan. Pumunta ako rito para maghandog kay Jehova. Pabanalin ninyo ang inyong sarili, at sumama kayo sa akin sa paghahandog.” Pagkatapos, pinabanal niya si Jesse at ang mga anak nito, at ipinatawag niya sila sa paghahandog. 6 Nang dumating sila, nakita niya si Eliab+ at sinabi niya: “Siguradong ito ang pinili* ni Jehova.” 7 Pero sinabi ni Jehova kay Samuel: “Huwag kang tumingin sa hitsura niya at kung gaano siya katangkad;+ hindi ko siya pinili. Dahil ang pagtingin ng tao ay hindi gaya ng pagtingin ng Diyos. Ang tao ay tumitingin sa panlabas na anyo,* pero si Jehova ay tumitingin sa puso.”+ 8 Pagkatapos, tinawag ni Jesse si Abinadab+ at iniharap ito kay Samuel, pero sinabi niya: “Hindi rin ito ang pinili ni Jehova.” 9 Sumunod ay iniharap ni Jesse si Shamah,+ pero sinabi niya: “Hindi rin ito ang pinili ni Jehova.” 10 Sa gayon ay iniharap ni Jesse kay Samuel ang pito sa mga anak niya, pero sinabi ni Samuel kay Jesse: “Hindi pinili ni Jehova ang sinuman sa mga ito.”

11 Bandang huli, sinabi ni Samuel kay Jesse: “Ito na ba ang lahat ng anak mong lalaki?” Sumagot ito: “Wala pa ang bunso;+ nagpapastol siya ng mga tupa.”+ Kaya sinabi ni Samuel kay Jesse: “Ipasundo mo siya, dahil hindi tayo uupo para kumain hangga’t hindi siya dumarating dito.” 12 Kaya ipinasundo niya siya at iniharap kay Samuel. Siya ay may mamula-mulang kutis, may magagandang mata, at guwapo.+ Pagkatapos, sinabi ni Jehova: “Tumayo ka, pahiran mo siya ng langis, dahil siya ang pinili ko!”+ 13 Kaya kinuha ni Samuel ang sungay ng langis+ at pinahiran si David sa harap ng mga kapatid niya. At ang espiritu ni Jehova ay sumakaniya* mula nang araw na iyon.+ Nang maglaon, pumunta si Samuel sa Rama.+

14 Ngayon, iniwan na ng espiritu ni Jehova si Saul.+ Kaya hinayaan ni Jehova na ligaligin si Saul ng masamang kaisipan.*+ 15 Sinabi ng mga lingkod ni Saul sa kaniya: “Hinayaan ng Diyos na ligaligin ka ng masamang kaisipan. 16 Pakisuyo, panginoon, utusan mo ang iyong mga lingkod na nasa harap mo na maghanap ng isang lalaking magaling tumugtog ng alpa.+ Kapag hinahayaan ng Diyos na ligaligin ka ng masamang kaisipan, patutugtugin niya iyon, at bubuti ang pakiramdam mo.” 17 Kaya sinabi ni Saul sa mga lingkod niya: “Pakisuyo, ihanap ninyo ako ng lalaking mahusay tumugtog, at dalhin ninyo siya sa akin.”

18 Sinabi ng isa sa mga tagapaglingkod: “Nakita ko kung gaano kagaling tumugtog ang isa sa mga anak ni Jesse na Betlehemita, at siya ay isang matapang at malakas na mandirigma.+ Mahusay siyang magsalita at guwapo,+ at sumasakaniya si Jehova.”+ 19 At nagsugo si Saul ng mga mensahero kay Jesse para sabihin: “Papuntahin mo sa akin ang anak mong si David, na nagpapastol ng kawan.”+ 20 Kaya nagkarga si Jesse sa isang asno ng tinapay, isang balat na sisidlan ng alak, at isang batang kambing, at ipinadala niya ang mga iyon kay Saul kasama ng anak niyang si David. 21 At pumunta si David kay Saul at nagsimulang maglingkod sa kaniya.+ Napamahal siya nang husto kay Saul, at siya ay naging tagapagdala niya ng sandata. 22 Nagpadala ng mensahe si Saul kay Jesse: “Pakisuyo, hayaan mong patuloy na maglingkod si David sa akin, dahil magaan ang loob ko sa kaniya.” 23 Tuwing hinahayaan ng Diyos na ligaligin si Saul ng masamang kaisipan, kinukuha ni David ang alpa at pinatutugtog ito, at nagiginhawahan si Saul at bumubuti ang pakiramdam niya, at napapanatag ang isip niya.*+

17 At tinipon ng mga Filisteo+ ang kanilang mga hukbo* para sa pakikipagdigma. Nagtipon sila sa Socoh,+ na sakop ng Juda, at nagkampo sila sa pagitan ng Socoh at Azeka,+ sa Epes-damim.+ 2 Si Saul at ang mga lalaki ng Israel ay nagtipon at nagkampo sa Lambak* ng Elah,+ at humanay sila sa kanilang mga puwesto para makipagdigma sa mga Filisteo. 3 Ang mga Filisteo ay nasa isang bundok, at ang mga Israelita ay nasa kabilang bundok, at nasa pagitan nila ang lambak.

4 At lumabas mula sa kampo ng mga Filisteo ang isang mandirigmang panlaban nila; ang pangalan niya ay Goliat,+ mula sa Gat,+ at ang taas niya ay anim na siko at isang dangkal.* 5 May suot siyang helmet na tanso at kutamaya* na gawa sa magkakadikit na piraso ng metal na parang kaliskis. Ang tansong kutamaya+ ay may bigat na 5,000 siklo.* 6 May baluting tanso ang mga binti niya at may diyabelin*+ na tanso sa likod niya. 7 Ang kahoy na hawakan ng kaniyang sibat ay kasinlaki ng baras ng habihan,+ at ang bakal na pinakatulis nito ay 600 siklo;* at ang tagapagdala niya ng kalasag ay nauuna sa kaniya. 8 Pagkatapos, humarap siya sa hukbo ng Israel+ at sumigaw: “Bakit kayo lumabas at humanay para makipagdigma? Hindi ba ako ang Filisteo, at kayo ay mga lingkod ni Saul? Pumili kayo ng isang lalaki, at paharapin ninyo siya sa akin. 9 Kung malalabanan niya ako at mapababagsak, magiging mga alipin ninyo kami. Pero kung matatalo ko siya at mapababagsak, kayo ang magiging mga alipin namin at paglilingkuran ninyo kami.” 10 Sinabi pa ng Filisteo: “Hinahamon ko ang hukbo ng Israel+ sa araw na ito. Magharap kayo ng isang lalaki, at maglalaban kami!”

11 Nang marinig ni Saul at ng buong Israel ang mga sinabi ng Filisteo, takot na takot sila.

12 Si David ay anak ng Eprateo+ mula sa Betlehem+ ng Juda na ang pangalan ay Jesse.+ Si Jesse ay may walong anak na lalaki,+ at matanda na siya noong panahon ni Saul. 13 Ang tatlong pinakamatatandang anak na lalaki ni Jesse ay sumunod kay Saul sa digmaan.+ Ang mga pangalan ng tatlo niyang anak na sumama sa digmaan ay Eliab,+ ang panganay; Abinadab,+ ang kaniyang ikalawang anak; at Shamah, ang ikatlo.+ 14 Si David ang bunso,+ at ang tatlong pinakamatatanda ay sumunod kay Saul.

15 Si David ay nagpapabalik-balik sa paglilingkod kay Saul at sa pag-aalaga ng mga tupa+ ng kaniyang ama sa Betlehem. 16 Samantala, ang Filisteo ay lumalabas at humaharap sa mga Israelita tuwing umaga at tuwing gabi sa loob ng 40 araw.

17 At sinabi ni Jesse sa anak niyang si David: “Pakisuyo, dalhin mo sa mga kapatid mo sa kampo itong isang epa* ng binusang butil at 10 tinapay. Magmadali ka. 18 At dalhin mo itong 10 keso* sa pinuno ng sanlibo; tingnan mo rin ang lagay ng mga kapatid mo, at mag-uwi ka ng katibayan na nasa mabuti silang kalagayan.” 19 Kasama sila ni Saul at ng lahat ng iba pang lalaki ng Israel sa Lambak* ng Elah,+ na nakikipaglaban sa mga Filisteo.+

20 Kaya kinabukasan, maagang gumising si David at ipinagbilin niya sa iba ang mga tupa; pagkatapos, naghanda siya at umalis gaya ng iniutos sa kaniya ni Jesse. Pagdating niya sa kampo, lumalabas ang hukbo papunta sa labanan, at humihiyaw sila ng isang sigaw ng pakikipagdigma. 21 Nagharap ang hukbo ng Israel at ang hukbo ng mga Filisteo. 22 Iniwan agad ni David ang mga dala niya sa tagapag-ingat ng bagahe at tumakbo sa hanay ng hukbo. Pagdating doon, nagtanong siya tungkol sa kalagayan ng mga kapatid niya.+

23 Habang nakikipag-usap siya sa kanila, dumating ang mandirigmang panlaban ng mga Filisteo na si Goliat+ na mula sa Gat. Lumabas siya mula sa hanay ng hukbo ng mga Filisteo, at inulit niya ang mga sinabi niya dati,+ at narinig siya ni David. 24 Nang makita siya ng lahat ng lalaki ng Israel, nag-atrasan sila sa takot.+ 25 Sinasabi ng mga lalaki ng Israel: “Nakita ba ninyo ang lalaking iyon na lumalabas? Iniinsulto* niya ang Israel.+ Magbibigay ang hari ng malaking kayamanan sa makapagpapabagsak sa lalaking iyon, ibibigay sa kaniya ng hari ang sarili niyang anak,+ at ang sambahayan ng ama niya ay hindi na kailangang magbayad ng buwis at magserbisyo sa Israel.”

26 Sinabi ni David sa mga lalaking nakatayo malapit sa kaniya: “Ano ang gagawin para sa lalaking makapagpapabagsak sa Filisteong iyon at makapag-aalis ng kahihiyan sa Israel? Sino ba ang di-tuling Filisteong ito para insultuhin* ang hukbo ng Diyos na buháy?”+ 27 Sinabi sa kaniya ng bayan ang sinabi nila noong una: “Ganito ang gagawin para sa lalaking makapagpapabagsak sa kaniya.” 28 Nang marinig ng panganay niyang kapatid na si Eliab+ na nakikipag-usap siya sa mga lalaki, nagalit siya kay David at sinabi niya: “Bakit ka pumunta rito? At kanino mo iniwan ang kaunting tupang iyon sa ilang?+ Alam kong pangahas ka at masama ang intensiyon mo; pumunta ka lang dito para panoorin ang labanan.” 29 Sumagot si David: “Ano ba ang ginawa ko? Nagtatanong lang naman ako!” 30 Kaya tumalikod siya at inulit sa iba ang tanong niya,+ at ganoon din ang isinagot sa kaniya.+

31 May nakarinig sa sinabi ni David at iniulat iyon kay Saul. Kaya ipinasundo siya ni Saul. 32 Sinabi ni David kay Saul: “Wala pong dapat masiraan ng loob dahil sa kaniya. Ang inyong lingkod ang lalaban sa Filisteong iyon.”+ 33 Pero sinabi ni Saul kay David: “Hindi mo kayang labanan ang Filisteong iyon, dahil bata ka lang,+ at siya ay mandirigma na mula pa noong kabataan niya.” 34 Sinabi ni David kay Saul: “Ang inyong lingkod ay naging isang pastol ng kawan ng kaniyang ama, at may dumating na leon,+ pati oso, at bawat isa ay tumangay ng tupa mula sa kawan. 35 Hinabol ko po iyon at pinabagsak at iniligtas ko ang tupa mula sa bibig nito. Nang bumangon iyon para labanan ako, sinunggaban ko ang balahibo* nito at pinabagsak ito at pinatay. 36 Parehong pinabagsak ng inyong lingkod ang leon at ang oso, at ang di-tuling Filisteong ito ay magiging gaya ng isa sa mga iyon, dahil ininsulto* niya ang hukbo ng Diyos na buháy.”+ 37 Sinabi pa ni David: “Si Jehova, na nagligtas sa akin mula sa kuko ng leon at ng oso, siya ang magliligtas sa akin mula sa kamay ng Filisteong iyon.”+ Kaya sinabi ni Saul kay David: “Sige, lumaban ka, at sumaiyo nawa si Jehova.”

38 Pagkatapos, dinamtan ni Saul si David ng mga kasuotan niya. Sinuotan niya ito ng helmet na tanso at ng kutamaya. 39 Pagkatapos, isinakbat ni David ang kaniyang espada at sinubukan niyang lumakad pero hindi siya makahakbang, dahil hindi siya sanay sa ganoon. Sinabi ni David kay Saul: “Hindi ko kayang lumaban na suot ang mga ito. Hindi po ako sanay.” Kaya hinubad ni David ang mga iyon. 40 Pagkatapos, dinala niya ang kaniyang baston at pumili siya ng limang makikinis na bato mula sa sahig ng batis* at inilagay ang mga iyon sa bulsa ng kaniyang bag na pampastol, at hawak niya ang kaniyang panghilagpos.+ Nagsimula siya ngayong lumapit sa Filisteo.

41 Ang Filisteo ay papalapit din nang papalapit kay David, at nasa unahan niya ang tagapagdala niya ng kalasag. 42 Nang makita ng Filisteo si David, hinamak niya ito dahil isa lang itong batang guwapo na mamula-mula ang kutis.+ 43 Kaya sinabi ng Filisteo kay David: “Aso ba ako,+ kaya patpat ang dala mong panlaban sa akin?” Pagkatapos, isinumpa ng Filisteo si David sa ngalan ng kaniyang mga diyos. 44 Sinabi ng Filisteo kay David: “Lumapit ka lang sa akin, at ipakakain ko ang laman mo sa mga ibon sa langit at sa mga hayop sa parang.”

45 Sinabi naman ni David sa Filisteo: “Lalabanan mo ako gamit ang isang espada at isang sibat at isang diyabelin,+ pero lalabanan kita sa ngalan ni Jehova ng mga hukbo,+ ang Diyos ng hukbo ng Israel, na ininsulto* mo.+ 46 Sa mismong araw na ito ay isusuko ka ni Jehova sa kamay ko,+ at pababagsakin kita at pupugutan ng ulo; at sa araw na ito ay ipakakain ko ang bangkay ng mga sundalong Filisteo sa mga ibon sa langit at sa mababangis na hayop sa lupa; at malalaman ng mga tao sa buong lupa na may Diyos sa Israel.+ 47 At malalaman ng lahat ng narito* na hindi sa pamamagitan ng espada o sibat nagliligtas si Jehova,+ dahil kay Jehova ang labanan,+ at kayong lahat ay ibibigay niya sa aming kamay.”+

48 Pagkatapos, habang papalapit ang Filisteo kay David, mabilis na tumakbo si David papunta sa hanay ng mga kaaway para salubungin ang Filisteo. 49 Kumuha si David ng bato sa bag niya at pinahilagpos iyon. Tinamaan niya ang Filisteo sa noo, at bumaon ang bato sa noo nito at bumagsak ito nang pasubsob sa lupa.+ 50 Kaya natalo ni David ang Filisteo gamit ang isang panghilagpos at isang bato; pinabagsak ni David ang Filisteo at pinatay ito, kahit na wala siyang hawak na espada.+ 51 Patuloy na tumakbo si David, at tumayo siya sa ibabaw ng Filisteo. Pagkatapos, hinawakan niya ang espada nito+ at binunot iyon sa lalagyan. Pinugutan niya ito ng ulo para siguraduhing patay ito. Nang makita ng mga Filisteo na patay na ang kanilang malakas na mandirigma, tumakas sila.+

52 Kaya ang mga lalaki ng Israel at ng Juda ay sumigaw, at tinugis nila ang mga Filisteo mula sa lambak+ hanggang sa mga pintuang-daan ng Ekron,+ at ang mga napatay na Filisteo ay nakahandusay sa daan ng Saaraim+ hanggang sa Gat at Ekron. 53 Pagbalik ng mga Israelita mula sa mainitang pagtugis sa mga Filisteo, sinamsaman nila ang mga kampo ng mga ito.

54 Pagkatapos, kinuha ni David ang ulo ng Filisteo at dinala sa Jerusalem, pero ang mga sandata ng Filisteo ay inilagay niya sa sarili niyang tolda.+

55 Noong makita ni Saul si David na sumusugod sa Filisteo, sinabi niya kay Abner,+ ang pinuno ng hukbo: “Kaninong anak ang batang iyon,+ Abner?” Sumagot si Abner: “Mahal na hari, isinusumpa ko,* hindi ko alam!” 56 Sinabi ng hari: “Alamin mo kung kaninong anak ang bata.” 57 Pagbalik ni David mula sa pagpapabagsak sa Filisteo, isinama siya ni Abner at iniharap kay Saul, at dala niya ang ulo ng Filisteo.+ 58 Sinabi ngayon ni Saul sa kaniya: “Anak, sino ang ama mo?” Sumagot si David: “Anak po ako ng inyong lingkod na si Jesse+ na Betlehemita.”+

18 Matapos makipag-usap si David kay Saul, naging matalik na magkaibigan sina Jonatan+ at David, at minahal ni Jonatan si David na gaya ng pagmamahal niya sa kaniyang sarili.+ 2 Mula nang araw na iyon, kinuha na ni Saul si David bilang lingkod niya, at hindi na niya ito pinahintulutang bumalik sa bahay ng ama nito.+ 3 At si Jonatan at si David ay gumawa ng isang tipan,+ dahil minahal niya ito na gaya ng sarili niya.+ 4 Hinubad ni Jonatan ang kaniyang damit na walang manggas at ibinigay ito kay David, pati ang kaniyang kasuotang pandigma, espada, pana, at sinturon. 5 Saanman isugo ni Saul si David para makipaglaban ay nagtatagumpay ito.*+ Kaya ginawa niya itong pinuno ng hukbo,+ at ikinatuwa ito ng buong bayan at ng mga lingkod ni Saul.

6 Tuwing magbabalik si David at ang mga kasama niya mula sa pagpapabagsak sa mga Filisteo, lumalabas ang mga babae mula sa lahat ng lunsod ng Israel. Masaya silang umaawit+ at sumasayaw sa pagsalubong kay Haring Saul, habang tumutugtog ng mga tamburin+ at laud.* 7 Ang mga babaeng nagdiriwang ay umaawit ng ganito:

“Si Saul ay nagpabagsak ng libo-libo,

At si David ay ng sampu-sampung libo.”+

8 Dahil dito, galit na galit+ si Saul, at nainis siya sa awit na ito. Sinabi niya: “Sinabi nilang sampu-sampung libo ang pinabagsak ni David, pero ako, libo-libo lang. Kulang na lang, gawin nila siyang hari!”+ 9 Mula noon, lagi nang naghihinala si Saul kay David.

10 Nang sumunod na araw, hinayaan ng Diyos na mapangibabawan si Saul ng masamang kaisipan,*+ at nagsimula siyang kumilos nang kakaiba* sa loob ng bahay, habang tumutugtog si David ng alpa+ gaya ng dati. May hawak na sibat si Saul,+ 11 at inihagis niya ang sibat.+ Sinabi niya sa sarili: ‘Itutuhog ko si David sa dingding!’ Pero dalawang beses siyang natakasan ni David. 12 Natakot si Saul kay David dahil si Jehova ay sumasakaniya,+ pero si Saul ay iniwan ng Diyos.+ 13 Kaya inilayo ni Saul si David at ginawa itong pinuno ng isang libo, at pinangungunahan ni David ang hukbo sa pakikipaglaban.*+ 14 Si David ay laging nagtatagumpay*+ sa lahat ng ginagawa niya, at si Jehova ay sumasakaniya.+ 15 At nang makita ni Saul na lubhang matagumpay si David, natakot siya rito. 16 Pero mahal ng buong Israel at Juda si David, dahil pinangungunahan niya sila sa mga labanan.

17 Nang maglaon, sinabi ni Saul kay David: “Heto ang panganay kong anak na si Merab.+ Ibibigay ko siya sa iyo bilang asawa.+ Pero patuloy mo akong paglingkuran nang buong tapang at ipakipaglaban mo ang mga digmaan ni Jehova.”+ Iniisip ni Saul: ‘Hindi ko siya sasaktan. Ang mga Filisteo ang magpapabagsak sa kaniya.’+ 18 Sumagot si David kay Saul: “Sino ako at sino ang mga kamag-anak ko, ang pamilya ng aking ama sa Israel, para maging manugang ako ng hari?”+ 19 Pero nang panahon na para ibigay kay David ang anak ni Saul na si Merab, naibigay na ito kay Adriel+ na Meholatita bilang asawa.

20 Ngayon, ang anak ni Saul na si Mical+ ay umiibig kay David. May nagsabi nito kay Saul, at ikinatuwa niya ito. 21 Kaya sinabi ni Saul: “Ibibigay ko siya kay David para maging pain sa kaniya at mapatay siya ng mga Filisteo.”+ Sinabi ngayon ni Saul kay David sa ikalawang pagkakataon: “Magiging manugang kita ngayon.”* 22 Iniutos din ni Saul sa mga lingkod niya: “Kausapin ninyo nang palihim si David at sabihin, ‘Natutuwa sa iyo ang hari at ang lahat ng lingkod niya. Kaya pakasalan mo na ang anak ng hari.’” 23 Nang sabihin ito kay David ng mga lingkod ni Saul, sinabi ni David: “Sa tingin ba ninyo, simpleng bagay lang ang maging manugang ng hari? Mahirap lang ako at walang maipagmamalaki.”+ 24 Pagkatapos, sinabi kay Saul ng mga lingkod niya: “Ito ang sinabi ni David.”

25 Kaya sinabi ni Saul: “Ito ang sasabihin ninyo kay David, ‘Hindi humihingi ng dote+ ang hari, kundi ng 100 dulong-balat+ ng mga Filisteo, bilang paghihiganti sa mga kaaway ng hari.’” Pakana ito ni Saul para mapatay si David ng mga Filisteo. 26 Nang sabihin ito kay David ng mga lingkod ni Saul, gusto na niyang maging manugang ng hari.+ Bago ang itinakdang panahon, 27 nakipaglaban si David at ang mga tauhan niya at nakapagpabagsak sila ng 200 lalaking Filisteo, at dinala ni David ang mga dulong-balat ng lahat ng lalaking ito, para maging manugang siya ng hari. Kaya ibinigay ni Saul kay David ang anak niyang si Mical bilang asawa.+ 28 Nakita ni Saul na pinapatnubayan ni Jehova si David+ at na mahal ito ng anak niyang si Mical.+ 29 Kaya lalong natakot si Saul kay David, at naging kaaway siya ni David hanggang sa mamatay siya.+

30 Ang mga pinuno ng mga Filisteo ay nakikipagdigma sa kanila, pero sa bawat pagkakataon ay nagiging mas matagumpay* si David kaysa sa lahat ng lingkod ni Saul;+ at nakilala ang pangalan niya.+

19 Nang maglaon, sinabi ni Saul sa anak niyang si Jonatan at sa lahat ng lingkod niya na gusto niyang patayin si David.+ 2 Dahil mahal na mahal si David ng anak ni Saul na si Jonatan,+ sinabi ni Jonatan kay David: “Gusto kang ipapatay ng ama kong si Saul. Pakisuyo, mag-ingat ka bukas ng umaga. Magtago ka sa isang lugar at manatili roon. 3 Lalabas ako at sasamahan ko ang aking ama sa parang na pupuntahan mo. Kakausapin ko ang aking ama tungkol sa iyo, at sasabihin ko sa iyo ang anumang malalaman ko.”+

4 At pinuri ni Jonatan si David+ sa ama niyang si Saul. Sinabi niya: “Hindi dapat gumawa ng masama* ang hari sa lingkod niyang si David, dahil hindi naman siya nagkasala sa iyo at nakinabang ka sa mga ginawa niya. 5 Isinapanganib niya ang buhay niya para mapatay ang Filisteo,+ at binigyan ni Jehova ng malaking tagumpay* ang buong Israel. Nakita mo iyon, at nagsaya ka. Kaya bakit mo papatayin si David nang walang dahilan? Bakit mo gagawan ng masama ang isang taong walang kasalanan?”+ 6 Nakinig si Saul kay Jonatan, at sumumpa si Saul: “Kung paanong buháy si Jehova, hindi ko siya papatayin.” 7 Pagkatapos ay tinawag ni Jonatan si David at sinabi niya rito ang lahat ng napag-usapan nila. Kaya dinala ni Jonatan si David kay Saul, at patuloy itong naglingkod kay Saul gaya ng dati.+

8 Nang maglaon, muling sumiklab ang digmaan, at lumabas si David at nakipaglaban sa mga Filisteo at napakarami niyang napatay sa kanila, at tumakas sila mula sa kaniya.

9 At hinayaan ni Jehova na pangibabawan si Saul ng masamang kaisipan*+ noong nakaupo siya sa bahay niya at hawak ang kaniyang sibat, habang tumutugtog ng alpa si David.+ 10 Tinangka ni Saul na ituhog si David sa dingding sa pamamagitan ng sibat, pero nakailag ito, kaya sa dingding tumama ang sibat. Tumakas si David nang gabing iyon. 11 Nang maglaon, nagsugo si Saul ng mga mensahero sa bahay ni David para bantayan iyon at patayin siya sa kinaumagahan,+ pero sinabi kay David ng asawa niyang si Mical: “Kung hindi ka tatakas ngayong gabi, bukas ay patay ka na.” 12 Agad na pinababa ni Mical si David sa bintana, para makatakbo ito at makatakas. 13 Kinuha ni Mical ang rebultong terapim* at inilagay iyon sa higaan, at naglagay siya ng isang telang* yari sa balahibo ng kambing sa may ulunan, at tinakpan niya iyon ng damit.

14 Nagsugo ngayon si Saul ng mga mensahero para dakpin si David, pero sinabi ni Mical: “May sakit siya.” 15 Kaya pinabalik ni Saul ang mga mensahero para tingnan si David, matapos sabihin sa kanila: “Dalhin ninyo siya sa akin habang nasa higaan siya at papatayin ko siya.”+ 16 Pagpasok ng mga mensahero, ang nakita nila sa higaan ay rebultong terapim* at isang telang yari sa balahibo ng kambing sa may ulunan. 17 Sinabi ni Saul kay Mical: “Bakit niloko mo ako at pinatakas mo ang kaaway ko?”+ Sinabi naman ni Mical kay Saul: “Sinabi niya sa akin, ‘Hayaan mo akong tumakas, kung hindi, papatayin kita!’”

18 Si David ngayon ay nakatakas na, at nagpunta siya kay Samuel sa Rama.+ Sinabi niya rito ang lahat ng ginawa sa kaniya ni Saul. Pagkatapos, umalis sila ni Samuel at nanatili sa Naiot.+ 19 Nang maglaon, may nagbalita kay Saul: “Si David ay nasa Naiot sa Rama.” 20 Agad na nagsugo si Saul ng mga mensahero para dakpin si David. Nang makita nila ang matatanda sa mga propeta na nanghuhula, at si Samuel ay nakatayo at nangunguna sa mga ito, ang espiritu ng Diyos ay kumilos sa mga mensahero ni Saul, at gumawi sila na para ding mga propeta.

21 Nang sabihin nila iyon kay Saul, agad siyang nagsugo ng iba pang mga mensahero, at gumawi rin ang mga ito na parang mga propeta. Kaya si Saul ay muling nagsugo ng mga mensahero, ang ikatlong grupo, at sila rin ay gumawi na parang mga propeta. 22 Bandang huli, nagpunta rin siya sa Rama. Nang makarating siya sa malaking imbakan ng tubig na nasa Secu, nagtanong siya: “Nasaan sina Samuel at David?” Sumagot sila: “Nandoon sa Naiot+ sa Rama.” 23 Habang papunta si Saul sa Naiot sa Rama, kumilos din sa kaniya ang espiritu ng Diyos, at gumawi siya na parang isang propeta habang naglalakad hanggang sa makarating siya sa Naiot sa Rama. 24 Hinubad din niya ang damit niya at gumawi rin siyang parang isang propeta sa harap ni Samuel, at humiga siya roon nang hubad* nang buong maghapon at magdamag. Kaya sinasabi ng mga tao: “Propeta rin ba si Saul?”+

20 At si David ay tumakas mula sa Naiot sa Rama. Pero nagpunta siya kay Jonatan at nagsabi: “Ano ba ang ginawa ko?+ Anong krimen ang nagawa ko? Ano ba ang kasalanan ko sa iyong ama at gusto niya akong patayin?” 2 Sinabi sa kaniya ni Jonatan: “Malayong mangyari iyan!+ Hindi ka mamamatay. Hindi gagawa ang ama ko ng anumang bagay, malaki man o maliit, nang hindi muna sinasabi sa akin. Bakit naman ito ililihim sa akin ng ama ko? Hindi mangyayari iyan.” 3 Pero sinabi pa ni David: “Siguradong alam ng iyong ama na magkaibigan tayo+ at sasabihin niya, ‘Hindi ito dapat malaman ni Jonatan dahil masasaktan siya.’ Pero tinitiyak ko, kung paanong buháy si Jehova at kung paanong buháy ka, nasa bingit ako ng kamatayan!”+

4 At sinabi ni Jonatan kay David: “Anuman ang sabihin mo ay gagawin ko para sa iyo.” 5 Sinabi ni David kay Jonatan: “Bukas ay bagong buwan,+ at inaasahang uupo ako kasama ng hari sa pagkain; hayaan mo akong umalis, at magtatago ako sa parang hanggang sa gabi ng ikatlong araw. 6 Kung sakaling hanapin ako ng iyong ama, sabihin mo, ‘Nakiusap sa akin si David na payagan ko siyang magpunta agad sa lunsod niya, ang Betlehem,+ dahil may taunang handog doon para sa buong pamilya.’+ 7 Kapag sinabi niyang ‘Walang problema,’ ibig sabihin ay ligtas ang iyong lingkod. Pero kapag nagalit siya, tiyak na gusto niya akong saktan. 8 Magpakita ka ng tapat na pag-ibig sa iyong lingkod,+ dahil nakipagtipan ka sa iyong lingkod sa harap ni Jehova.+ Pero kung may kasalanan ako,+ ikaw na ang pumatay sa akin. Bakit mo pa ako dadalhin sa iyong ama?”

9 Sinabi ni Jonatan: “Huwag kang mag-isip ng ganiyan! Kapag nalaman kong gusto ka talagang saktan ng ama ko, sasabihin ko iyon sa iyo.”+ 10 Pagkatapos ay sinabi ni David kay Jonatan: “Sino ang magsasabi sa akin kung galit ang iyong ama sa akin?” 11 Sinabi ni Jonatan kay David: “Halika, pumunta tayo sa parang.” Kaya pumunta sila sa parang. 12 At sinabi ni Jonatan kay David: “Si Jehova na Diyos ng Israel ang saksi na sa mga ganitong oras bukas o sa makalawa, pakikiramdaman ko ang aking ama. Kung nalulugod siya sa iyo,* magpapadala ako sa iyo ng mensahe para malaman mo. 13 Pero kung balak ng aking ama na saktan ka, bigyan nawa ako* ni Jehova ng mabigat na parusa kung hindi ko iyon sasabihin sa iyo at kung hindi kita hahayaang makaalis nang ligtas. Sumaiyo nawa si Jehova,+ kung paanong siya ay sumaaking ama.+ 14 At hindi ba’t magpapakita ka sa akin ng tapat na pag-ibig na gaya ng kay Jehova habang nabubuhay ako at kahit na mamatay ako?+ 15 Huwag sanang mawala ang tapat na pag-ibig mo sa aking sambahayan,+ kahit mapuksa na ni Jehova ang lahat ng kaaway mo* sa ibabaw ng lupa.” 16 Kaya si Jonatan ay nakipagtipan sa sambahayan ni David, na sinasabi, “Pananagutin ni Jehova ang mga kaaway ni David.” 17 Kaya ipinaulit ni Jonatan kay David ang pangako ng pagmamahal nito sa kaniya, dahil mahal niya ito gaya ng pagmamahal niya sa kaniyang sarili.+

18 Pagkatapos ay sinabi sa kaniya ni Jonatan: “Bukas ay bagong buwan,+ at hahanapin ka dahil mababakante ang upuan mo. 19 Sa makalawa, lalo kang hahanapin. Pumunta ka sa lugar na ito na pinagtaguan mo dati* at huwag kang lalayo sa batong nandito. 20 Pagkatapos, papana ako ng tatlong palaso sa isang panig nito, na para bang may pinatatamaan ako. 21 Sasabihin ko sa tagapaglingkod, ‘Hanapin mo ang mga palaso.’ Kapag sinabi ko sa tagapaglingkod, ‘Nandiyan lang malapit sa iyo ang mga palaso, kunin mo,’ puwede ka nang bumalik, dahil tinitiyak ko, kung paanong buháy si Jehova, ligtas ka at walang panganib. 22 Pero kung sasabihin ko sa lalaki, ‘Nasa banda roon pa ang palaso,’ umalis ka na, dahil pinalalayo ka ni Jehova. 23 Tungkol sa pangako natin sa isa’t isa,+ si Jehova nawa ang maging saksi sa pagitan natin magpakailanman.”+

24 Kaya nagtago si David sa parang. Pagsapit ng bagong buwan, umupo ang hari sa kainan para kumain.+ 25 Nakaupo ang hari sa lagi niyang inuupuan sa tabi ng dingding. Katapat niya si Jonatan, at si Abner+ ay nakaupo sa tabi ni Saul, pero bakante ang upuan ni David. 26 Walang anumang sinabi si Saul nang araw na iyon, dahil naiisip niya: ‘Malamang na may nangyari kaya hindi siya malinis.+ Siguradong marumi siya.’ 27 Kinabukasan, pagkaraan ng bagong buwan, sa ikalawang araw, bakante pa rin ang upuan ni David. Kaya sinabi ni Saul sa anak niyang si Jonatan: “Bakit hindi pumunta rito sa kainan ang anak ni Jesse+ kahapon at ngayon?” 28 Sumagot si Jonatan kay Saul: “Nakiusap sa akin si David na payagan ko siyang pumunta sa Betlehem.+ 29 Sinabi niya, ‘Pakisuyo, payagan mo akong umalis, dahil maghahandog ang pamilya namin sa lunsod, at pinapupunta ako ng kapatid ko. Kaya kung kinalulugdan mo ako, pakisuyo, hayaan mo na akong makaalis para makita ang mga kapatid ko.’ Iyan ang dahilan kaya wala siya sa mesa ng hari.” 30 At nag-init ang galit ni Saul kay Jonatan, at sinabi niya rito: “Ikaw na anak ng isang mapagrebeldeng babae, sa tingin mo ba hindi ko alam na kumakampi ka sa anak ni Jesse, kahit na magbigay iyan ng kahihiyan sa iyo at sa iyong ina? 31 Hangga’t nabubuhay ang anak ni Jesse sa ibabaw ng lupa, ikaw at ang iyong paghahari ay hindi magiging matatag.+ Kaya ipag-utos mo na dalhin siya sa akin, dahil dapat siyang mamatay.”*+

32 Pero sinabi ni Jonatan sa ama niyang si Saul: “Bakit siya papatayin?+ Ano ba ang nagawa niya?” 33 Dahil dito, sinibat siya ni Saul,+ kaya nakita ni Jonatan na gusto talagang patayin ng kaniyang ama si David.+ 34 Agad na tumayo si Jonatan mula sa mesa na nag-iinit sa galit, at hindi siya kumain ng anuman nang ikalawang araw pagkaraan ng bagong buwan, dahil nasaktan siya para kay David+ at hiniya siya ng sarili niyang ama.

35 Kinaumagahan, nagpunta si Jonatan sa parang, gaya ng usapan nila ni David, at kasama niya ang isang kabataang tagapaglingkod.+ 36 At sinabi niya sa tagapaglingkod niya: “Pakisuyo, tumakbo ka at hanapin mo ang mga palaso na ipapana ko.” Ang tagapaglingkod ay tumakbo, at ipinana ni Jonatan ang palaso nang lampas sa tagapaglingkod. 37 Nang makarating ang tagapaglingkod sa kinaroroonan ng palaso na ipinana ni Jonatan, isinigaw ni Jonatan sa tagapaglingkod: “Hindi ba nasa banda roon pa ang palaso?” 38 Sumigaw si Jonatan sa tagapaglingkod: “Dali! Kunin mo agad ang palaso! Bilisan mo!” At pinulot ng tagapaglingkod ni Jonatan ang mga palaso at bumalik siya sa panginoon niya. 39 Hindi naiintindihan ng tagapaglingkod ang nangyayari; si Jonatan lang at si David ang nakaaalam kung ano ang ibig sabihin nito. 40 Pagkatapos, ibinigay ni Jonatan ang mga sandata niya sa kaniyang tagapaglingkod at sinabi niya rito: “Dalhin mo ang mga ito sa lunsod.”

41 Pag-alis ng tagapaglingkod, lumabas si David sa kinaroroonan niya sa malapit, sa bandang timog. Pagkatapos ay isinubsob niya ang kaniyang mukha sa lupa at yumukod siya nang tatlong ulit, at hinalikan nila ang isa’t isa at iniyakan ang isa’t isa, pero mas matindi ang pag-iyak ni David. 42 Sinabi ni Jonatan kay David: “Umalis kang payapa, dahil nangako tayong dalawa+ sa pangalan ni Jehova, na sinasabi, ‘Si Jehova nawa ang maging saksi sa pagitan natin at sa pagitan ng iyong mga anak* at ng aking mga anak* magpakailanman.’”+

Pagkatapos ay umalis si David, at si Jonatan ay bumalik sa lunsod.

21 Nang maglaon, nakarating si David sa Nob+ sa saserdoteng si Ahimelec. Nanginig sa takot si Ahimelec nang makita si David, at sinabi niya rito: “Bakit nag-iisa ka at walang kasama?”+ 2 Sinabi ni David sa saserdoteng si Ahimelec: “May ipinagagawa sa akin ang hari. Pero sinabi niya, ‘Walang dapat makaalam sa misyon at sa mga tagubiling ibinigay ko sa iyo.’ May usapan kami ng mga tauhan ko na magkita sa isang lugar. 3 Ngayon, kung mayroon kang limang tinapay, o anumang mayroon ka riyan, ibigay mo sa akin.” 4 Pero sinabi ng saserdote kay David: “Walang pangkaraniwang tinapay ngayon, pero may banal na tinapay.+ Puwedeng kainin iyon ng mga tauhan mo kung nanatili silang hiwalay sa mga babae.”*+ 5 Sumagot si David sa saserdote: “Talagang nananatili kaming hiwalay sa mga babae kapag pumupunta sa labanan.+ Kung ang katawan ng mga tauhan ko ay banal kahit na ang misyon namin ay pangkaraniwan, tiyak na lalong banal sila ngayon!” 6 Kaya ibinigay sa kaniya ng saserdote ang banal na tinapay,+ dahil walang ibang tinapay roon maliban sa tinapay na pantanghal, na inalis na sa harap ni Jehova at kailangang palitan ng bagong tinapay sa araw na kunin iyon.

7 Nang araw na iyon, isang lingkod ni Saul ang naroon, dahil kailangan niyang manatili sa harap ni Jehova. Ang pangalan niya ay Doeg+ na Edomita,+ ang pinuno ng mga pastol ni Saul.

8 At sinabi ni David kay Ahimelec: “Mayroon ka bang maibibigay na sibat o espada? Hindi ko dinala ang sarili kong espada o mga sandata dahil apurahan ang ipinagagawa ng hari.” 9 Sumagot ang saserdote: “Nandito ang espada ni Goliat+ na Filisteo, na pinatay mo sa Lambak* ng Elah.+ Nakabalot iyon sa isang tela sa likuran ng epod.*+ Kung gusto mong kunin iyon para sa iyo, kunin mo, dahil iyon lang ang nandito.” Sinabi ni David: “Walang katulad iyon. Ibigay mo iyon sa akin.”

10 Nang araw na iyon, nagpatuloy si David sa pagtakas+ kay Saul, at nakarating siya kay Haring Akis ng Gat.+ 11 Ang mga lingkod ni Akis ay nagsabi sa kaniya: “Hindi ba ito si David, ang hari sa lupain? Hindi ba tungkol sa kaniya ang inaawit nila habang sumasayaw? Sinasabi nila,

‘Si Saul ay nagpabagsak ng libo-libo,

At si David ay ng sampu-sampung libo.’”+

12 Pinag-isipan ni David ang sinabi nila, at natakot siya nang husto+ kay Haring Akis ng Gat. 13 Kaya nagkunwari siyang baliw+ sa harap nila at kumilos na parang nasisiraan ng bait habang kasama sila.* Minamarkahan niya ang mga pinto ng pintuang-daan at pinatutulo ang laway niya sa kaniyang balbas. 14 Bandang huli, sinabi ni Akis sa mga lingkod niya: “Nakita na ninyong baliw ang taong ito! Bakit pa ninyo siya dinala sa akin? 15 Kulang pa ba ang mga baliw rito kaya dinalhan pa ninyo ako ng isa? Dapat bang pumasok ang taong ito sa bahay ko?”

22 Kaya umalis doon si David+ at tumakas papunta sa kuweba ng Adulam.+ Nang malaman iyon ng mga kapatid niya at ng buong sambahayan ng kaniyang ama, pinuntahan nila siya roon. 2 At lahat ng nasa gipit na kalagayan, may pinagkakautangan, at may hinaing ay sumama sa kaniya, at siya ang naging pinuno nila. Mga 400 lalaki ang kasama niya.

3 Nang maglaon, umalis si David doon at pumunta sa Mizpe sa Moab at sinabi sa hari ng Moab:+ “Pakisuyo, hayaan mong dumito muna sa inyo ang aking ama at ina hanggang sa malaman ko kung ano ang gagawin ng Diyos para sa akin.” 4 Kaya iniwan niya sila sa hari ng Moab, at nanatili silang kasama ng hari sa buong panahong si David ay nasa kabundukan.+

5 Nang maglaon, sinabi ng propetang si Gad+ kay David: “Huwag kang manatili sa kabundukan. Pumunta ka sa lupain ng Juda.”+ Kaya umalis doon si David at nagpunta sa kagubatan ng Heret.

6 Nalaman ni Saul na nakita na si David at ang mga lalaking kasama nito. Nakaupo noon si Saul sa ilalim ng puno ng tamarisko sa isang burol sa Gibeah+ habang hawak ang sibat niya, at ang lahat ng lingkod niya ay nakapalibot sa kaniya. 7 Sinabi ni Saul sa mga lingkod niyang nakapalibot sa kaniya: “Pakisuyo, makinig kayong mga Benjaminita. Lahat ba kayo ay bibigyan din ng anak ni Jesse+ ng mga lupain at mga ubasan? Lahat ba kayo ay aatasan niya bilang mga pinuno ng libo-libo at mga pinuno ng daan-daan?+ 8 Nagsabuwatan kayong lahat laban sa akin! Walang sinumang nagsabi sa akin nang ang sarili kong anak ay makipagtipan sa anak ni Jesse!+ Walang sinuman sa inyo ang nagmalasakit sa akin at nagsabi sa akin na sinusulsulan ng sarili kong anak ang sarili kong lingkod na magplano ng masama sa akin, gaya ng nangyayari ngayon.”

9 Si Doeg+ na Edomita, na namamahala sa mga lingkod ni Saul, ay sumagot:+ “Nakita kong pumunta ang anak ni Jesse sa Nob kay Ahimelec na anak ni Ahitub.+ 10 At sumangguni siya kay Jehova para kay David at binigyan niya ito ng mga kailangan nito. Ibinigay pa nga niya rito ang espada ni Goliat na Filisteo.”+ 11 Ipinatawag agad ng hari ang saserdoteng si Ahimelec na anak ni Ahitub at ang lahat ng saserdote sa sambahayan ng ama nito, na nasa Nob. Kaya silang lahat ay pumunta sa hari.

12 Sinabi ngayon ni Saul: “Makinig ka, pakisuyo, ikaw na anak ni Ahitub!” Sumagot ito: “Opo, panginoon ko.” 13 Sinabi ni Saul sa kaniya: “Bakit ka nakipagsabuwatan sa anak ni Jesse laban sa akin? Binigyan mo siya ng tinapay at espada at sumangguni ka sa Diyos para sa kaniya. Nilalabanan niya ako at nagpaplanong gawan ako ng masama, gaya ng nangyayari ngayon.” 14 Sumagot si Ahimelec sa hari: “Sino sa lahat ng lingkod mo ang mapagkakatiwalaang* gaya ni David?+ Manugang siya ng hari+ at isang pinuno sa mga tagapagbantay mo at pinararangalan sa iyong sambahayan.+ 15 Ngayon lang ba ako sumangguni sa Diyos para sa kaniya?+ Malayong mangyari ang sinasabi mo tungkol sa akin! Huwag nawang mag-isip ng masama ang hari sa kaniyang lingkod at sa buong sambahayan ng aking ama, dahil walang kaalam-alam ang lingkod mo sa lahat ng ito.”+

16 Pero sinabi ng hari: “Mamamatay ka,+ Ahimelec, ikaw at ang buong sambahayan ng iyong ama.”+ 17 Pagkatapos, iniutos ng hari sa mga tagapagbantay* na nakapalibot sa kaniya: “Patayin ninyo ang mga saserdote ni Jehova dahil kumampi sila kay David! Alam nilang takas siya, pero hindi nila sinabi sa akin!” Pero ayaw saktan ng mga lingkod ng hari ang mga saserdote ni Jehova. 18 Kaya sinabi ng hari kay Doeg:+ “Ikaw ang pumatay sa mga saserdote!” Agad na kumilos si Doeg na Edomita+ at siya mismo ang pumatay sa mga saserdote. Nang araw na iyon, pumatay siya ng 85 lalaking nakasuot ng linong epod.*+ 19 Pinatay rin niya sa pamamagitan ng espada ang mga nakatira sa Nob,+ ang lunsod ng mga saserdote; pinatay niya ang mga lalaki at babae, ang mga bata at sanggol, ang mga toro, asno, at tupa.

20 Pero nakatakas si Abiatar+ na anak ni Ahimelec na anak ni Ahitub. Sumunod ito kay David. 21 Sinabi ni Abiatar kay David: “Pinatay ni Saul ang mga saserdote ni Jehova.” 22 Sinabi ni David kay Abiatar: “Nang araw na makita ko+ roon si Doeg na Edomita, alam ko nang magsusumbong siya kay Saul. Ako ang may kasalanan sa pagkamatay ng bawat isa sa sambahayan ng iyong ama. 23 Manatili ka rito sa akin. Huwag kang matakot, dahil ang sinumang nagtatangka sa buhay mo ay nagtatangka sa buhay ko; poprotektahan kita.”+

23 Nang maglaon, may nagsabi kay David: “Ang mga Filisteo ay nakikipagdigma sa Keila,+ at kinukuha nila ang mga ani sa mga giikan.” 2 Kaya sumangguni si David kay Jehova:+ “Lalabanan at pababagsakin ko po ba ang mga Filisteong ito?” Sinabi ni Jehova kay David: “Makipaglaban ka at pabagsakin mo ang mga Filisteo at iligtas mo ang Keila.” 3 Pero sinabi ng mga tauhan ni David sa kaniya: “Dito pa lang sa Juda, natatakot na tayo;+ paano pa kaya kung pupunta tayo sa Keila para lumaban sa hukbo ng mga Filisteo!”+ 4 Kaya muling sumangguni si David kay Jehova.+ Sumagot si Jehova: “Sige, pumunta ka sa Keila dahil ibibigay ko sa kamay mo ang mga Filisteo.”+ 5 Kaya nagpunta si David sa Keila kasama ang mga tauhan niya at nakipaglaban sila sa mga Filisteo; tinangay nila ang mga alagang hayop ng mga ito at napakarami niyang napatay na mga Filisteo, at iniligtas ni David ang mga taga-Keila.+

6 Noong tumakas si Abiatar+ na anak ni Ahimelec papunta kay David sa Keila, may dala siyang epod.* 7 May nagsabi kay Saul: “Pumunta si David sa Keila.” Sinabi ni Saul: “Ibinigay* siya ng Diyos sa kamay ko,+ dahil ikinulong niya ang sarili niya nang pumasok siya sa isang lunsod na may mga pintuang-daan at halang.” 8 Kaya tinawag ni Saul ang buong bayan para makipagdigma, para pumunta sa Keila at paligiran si David at ang mga tauhan nito. 9 Nang malaman ni David na may pinaplano si Saul laban sa kaniya, sinabi niya sa saserdoteng si Abiatar: “Dalhin mo rito ang epod.”+ 10 Pagkatapos, sinabi ni David: “O Jehova na Diyos ng Israel, narinig ng iyong lingkod na gustong pumunta ni Saul sa Keila para wasakin ang lunsod dahil sa akin.+ 11 Isusuko ba ako ng mga pinuno* ng Keila sa kamay niya? Sasalakay ba rito si Saul gaya ng narinig ng iyong lingkod? O Jehova na Diyos ng Israel, pakisuyong sabihin mo sa iyong lingkod.” Sumagot si Jehova: “Sasalakay siya.” 12 Nagtanong si David: “Ako ba at ang mga tauhan ko ay isusuko ng mga pinuno ng Keila sa kamay ni Saul?” Sumagot si Jehova: “Isusuko nila kayo.”

13 Agad na umalis ng Keila si David at ang mga tauhan niya, mga 600 lalaki,+ at nagpalipat-lipat sila sa mga puwede nilang puntahan. Nang sabihin kay Saul na tumakas si David mula sa Keila, hindi na niya ito sinundan. 14 Nanatili si David sa mga lugar na mahirap puntahan sa ilang, sa mabundok na rehiyon sa ilang ng Zip.+ Palagi siyang tinutugis ni Saul,+ pero hindi siya ibinibigay ni Jehova sa kamay nito. 15 Alam ni David na* hinahanap siya ni Saul para patayin habang siya ay nasa ilang ng Zip sa Hores.

16 Si Jonatan na anak ni Saul ay pumunta kay David sa Hores, at pinatibay niya ang pagtitiwala* nito kay Jehova.+ 17 Sinabi niya rito: “Huwag kang matakot, dahil hindi ka makikita ng ama kong si Saul; ikaw ang magiging hari sa Israel,+ at ako ang magiging pangalawa sa iyo; at alam din iyan ng ama kong si Saul.”+ 18 Pagkatapos, gumawa sila ng tipan+ sa harap ni Jehova, at nanatili si David sa Hores, at si Jonatan naman ay umuwi sa bahay niya.

19 Nang maglaon, pumunta ang mga lalaki ng Zip kay Saul sa Gibeah+ at nagsabi: “Nagtatago si David malapit sa amin,+ sa mga lugar na mahirap puntahan sa Hores,+ sa burol ng Hakila,+ na nasa timog* ng Jesimon.*+ 20 Mahal na hari, kahit kailan ninyo gustong pumunta roon, pumunta kayo, at isusuko namin siya sa kamay ng hari.”+ 21 Sinabi ni Saul: “Pagpalain nawa kayo ni Jehova, dahil naawa kayo sa akin. 22 Pakisuyong alamin ninyo ang eksaktong kinaroroonan niya at kung sino ang nakakita sa kaniya roon, dahil may nagsabi sa akin na napakatuso niya. 23 Alamin ninyong mabuti ang lahat ng lugar na pinagtataguan niya at bumalik kayo sa akin na may ebidensiya. Pagkatapos, sasama ako sa inyo, at kung naroon siya sa lupain, hahanapin ko siya sa lahat ng libo-libo* ng Juda.”

24 Kaya umalis sila at nauna kay Saul sa pagpunta sa Zip,+ samantalang si David at ang mga tauhan niya ay nasa ilang ng Maon+ sa Araba+ sa gawing timog ng Jesimon. 25 Pagkatapos, dumating si Saul kasama ang mga tauhan niya para hanapin siya.+ Nang sabihin ito kay David, agad siyang pumunta sa malaking bato+ at nanatili sa ilang ng Maon. Nang mabalitaan iyon ni Saul, hinabol niya si David sa ilang ng Maon. 26 Nakarating si Saul sa isang panig ng bundok, at si David naman at ang mga tauhan niya ay nasa kabilang panig ng bundok. Nagmadali si David sa pagtakas+ mula kay Saul, pero si Saul at ang mga tauhan nito ay palapit nang palapit kay David at sa mga tauhan niya para hulihin sila.+ 27 Pero isang mensahero ang nagsabi kay Saul: “Bumalik kayo agad, dahil sinalakay ng mga Filisteo ang lupain!” 28 Tumigil si Saul sa paghabol kay David+ at bumalik para makipaglaban sa mga Filisteo. Kaya ang lugar na iyon ay tinawag na Malaking Bato ng Paghihiwalay.

29 Si David naman ay umalis doon at nanatili sa mga lugar na mahirap puntahan sa En-gedi.+

24 Pagbalik ni Saul mula sa paghabol sa mga Filisteo, sinabi nila sa kaniya: “Si David ay nasa ilang ng En-gedi.”+

2 Kaya si Saul ay kumuha ng 3,000 lalaking pinili mula sa buong Israel at hinanap nila si David at ang mga tauhan nito sa mabato at matarik na dalisdis ng mga kambing-bundok. 3 Nakarating si Saul sa batong kulungan ng tupa na nasa tabi ng daan, kung saan may isang kuweba, at pumasok siya roon para magbawas* samantalang si David at ang mga tauhan nito ay nakaupo sa kaloob-looban ng kuweba.+ 4 Sinabi kay David ng mga tauhan niya: “Ito ang araw na sinasabi sa iyo ni Jehova, ‘Ibibigay ko sa iyong kamay ang kaaway mo,+ at magagawa mo sa kaniya kung ano sa tingin mo ang mabuti.’” Kaya tumayo si David at tahimik na pinutol ang laylayan ng walang-manggas na damit ni Saul. 5 Pero pagkatapos nito, nakonsensiya si David*+ dahil pinutol niya ang laylayan ng walang-manggas na damit ni Saul. 6 Sinabi niya sa mga tauhan niya: “Hinding-hindi ko magagawa iyan sa aking panginoon, ang pinili* ni Jehova, dahil hindi malulugod si Jehova. Hindi ko siya sasaktan dahil siya ang pinili ni Jehova.”+ 7 At napigilan* ni David ang mga tauhan niya dahil sa sinabi niya, at hindi niya sila pinayagang saktan si Saul. Si Saul naman ay tumayo mula sa kuweba at nagpatuloy sa kaniyang lakad.

8 Pagkatapos ay tumayo si David at lumabas sa kuweba at tumawag kay Saul: “Panginoon kong hari!”+ Paglingon ni Saul, yumukod si David at sumubsob sa lupa. 9 Sinabi ni David kay Saul: “Bakit ka naniniwala sa mga nagsasabi sa iyo, ‘Gusto kang saktan ni David’?+ 10 Sa araw na ito ay nakita ng sarili mong mga mata kung paano ka ibinigay ni Jehova sa aking kamay sa kuweba. Pero nang may magsabi sa akin na patayin kita,+ naawa ako sa iyo at sinabi ko, ‘Hindi ko sasaktan ang aking panginoon, dahil siya ang pinili* ni Jehova.’+ 11 At tingnan mo, ama ko, oo, tingnan mo ang laylayan ng iyong damit na walang manggas na nasa kamay ko; nang putulin ko ang laylayan ng iyong damit na walang manggas, hindi kita pinatay. Nakikita mo na ngayon at naiintindihan na wala akong intensiyong saktan ka o magrebelde sa iyo, at wala akong kasalanan sa iyo,+ pero hinahanap mo ako para patayin.+ 12 Si Jehova nawa ang humatol sa ating dalawa,+ at ipaghiganti nawa ako ni Jehova sa iyo,+ pero hindi kita sasaktan.+ 13 Sabi nga ng sinaunang kasabihan, ‘Sa masama nanggagaling ang kasamaan,’ kaya hindi kita sasaktan. 14 Sino ang tinutugis ng hari ng Israel? Sino ang hinahabol mo? Isang asong patay? Isang pulgas?+ 15 Si Jehova nawa ang maging hukom, at hahatol siya sa ating dalawa, at diringgin niya ang aking kaso at ipagtatanggol ako+ at hahatulan at ililigtas sa kamay mo.”

16 Matapos sabihin ni David ang mga salitang ito, sinabi ni Saul: “Boses mo ba iyan, David, anak ko?”+ At umiyak nang malakas si Saul. 17 Sinabi niya kay David: “Mas matuwid ka kaysa sa akin, dahil ginawan mo ako ng mabuti, pero sinuklian ko iyon ng masama.+ 18 Sinabi mo sa akin ngayon ang kabutihang ginawa mo. Hindi mo ako pinatay nang isuko ako ni Jehova sa iyong kamay.+ 19 Sinong tao na kapag nakita ang kaaway niya ay paaalisin iyon nang hindi sinasaktan? Gagantimpalaan ka ni Jehova+ dahil sa ginawa mo sa akin sa araw na ito. 20 At ngayon, alam kong ikaw ay tiyak na mamamahala bilang hari+ at mananatili sa kamay mo ang kaharian ng Israel. 21 Sumumpa ka sa akin ngayon sa ngalan ni Jehova+ na hindi mo lilipulin ang aking mga inapo* at hindi mo buburahin ang pangalan ko sa sambahayan ng aking ama.”+ 22 Kaya sumumpa si David kay Saul. Pagkatapos ay umuwi si Saul sa bahay niya.+ Pero si David at ang mga tauhan niya ay umakyat sa ligtas na lugar.+

25 Nang maglaon, namatay si Samuel;+ at ang buong Israel ay nagtipon para magdalamhati sa kaniya at ilibing siya sa bahay niya sa Rama.+ Pagkatapos, pumunta si David sa ilang ng Paran.

2 Ngayon ay may isang lalaki sa Maon+ na ang trabaho ay sa Carmel.*+ Napakayaman ng lalaki; mayroon siyang 3,000 tupa at 1,000 kambing, at ginugupitan niya noon ang mga tupa niya sa Carmel. 3 Ang pangalan ng lalaki ay Nabal,+ at ang pangalan ng asawa niya ay Abigail.+ Ang asawang babae ay matalino at maganda, pero ang asawang lalaki, na isang Calebita,+ ay mabagsik at masama ang ugali.+ 4 Nabalitaan ni David sa ilang na ginugupitan ni Nabal ang mga tupa nito. 5 Kaya nagsugo si David kay Nabal ng 10 tauhan; sinabi niya sa mga ito: “Magpunta kayo kay Nabal sa Carmel, at ikumusta ninyo ako sa kaniya. 6 At sabihin ninyo, ‘Magkaroon ka nawa ng mahabang buhay at sumaiyo ang kapayapaan at sa iyong sambahayan at sa lahat ng pag-aari mo. 7 Narinig kong naggugupit ka ng mga tupa. Nang kasama namin ang mga pastol mo, hindi namin sila sinaktan,+ at walang anumang nawala sa kanila sa buong panahong nasa Carmel sila. 8 Tanungin mo ang mga tauhan mo, at ganoon ang sasabihin nila sa iyo. Magpakita ka nawa ng kabaitan sa mga tauhan ko, dahil dumating kami sa isang masayang panahon.* Pakisuyo, bigyan mo ang mga lingkod mo at ang anak mong si David ng anumang kaya mong ibigay.’”+

9 Kaya pumunta kay Nabal ang mga tauhan ni David at sinabi ang lahat ng salita ni David. Nang matapos sila, 10 sumagot si Nabal sa mga lingkod ni David: “Sino ba si David, at sino ang anak ni Jesse? Maraming alipin ngayon ang tumatakas sa panginoon nila.+ 11 Kukunin ko ba ang tinapay ko at ang tubig ko at ang kinatay kong hayop para sa mga manggugupit ko at ibibigay iyon sa mga lalaki na hindi ko alam kung saan nanggaling?”

12 Bumalik ang mga tauhan ni David at sinabi sa kaniya ang lahat ng salitang ito. 13 Agad na sinabi ni David sa mga tauhan niya: “Kayong lahat, isakbat ninyo ang mga espada ninyo!”+ Lahat sila ay nagsakbat ng kanilang espada, at isinakbat din ni David ang espada niya; mga 400 lalaki ang sumama kay David, at 200 lalaki ang naiwan sa mga bagahe.

14 Samantala, isa sa mga lingkod ang nag-ulat kay Abigail, na asawa ni Nabal: “Nagpadala si David ng mga mensahero mula sa ilang para bumati sa aming panginoon, pero sinigawan niya sila at ininsulto.+ 15 Napakabait sa amin ng mga lalaking iyon. Hindi nila kami sinaktan, at walang anumang nawala sa amin sa buong panahong kasama namin sila sa parang.+ 16 Para silang pader na naging proteksiyon namin sa gabi at araw, sa buong panahong kasama namin sila habang nagpapastol kami sa kawan. 17 Pag-isipan mo ngayon kung ano ang gagawin mo, dahil mapapahamak ang aming panginoon at ang buong sambahayan niya,+ at wala siyang kuwentang tao+ kaya wala siyang pakikinggang sinuman.”

18 Kaya agad na kumuha si Abigail+ ng 200 tinapay, dalawang malalaking banga ng alak, limang tupa na nakatay na, limang seah* ng binusang butil, 100 kakaning pasas, at 200 kakaning gawa sa piniping igos. Ipinasan niya ang mga iyon sa mga asno.+ 19 Pagkatapos, sinabi niya sa mga lingkod niya: “Mauna kayo sa akin; susunod ako sa inyo.” Pero wala siyang sinabi sa asawa niyang si Nabal.

20 Habang pababa siya ng bundok sakay ng asno, pababa rin si David at ang mga tauhan nito, pero hindi nila siya nakikita dahil nasa ibang bahagi siya ng bundok. Pagkatapos, nagkasalubong sila. 21 Bago pa nito, sinasabi ni David: “Walang saysay ang pagbabantay natin sa lahat ng pag-aari ng taong iyon sa ilang. Walang isa mang nawala sa mga pag-aari niya,+ pagkatapos, masama ang igaganti niya sa akin.+ 22 Bigyan nawa ng Diyos ng mabigat na parusa ang mga kaaway ni David* kung may paliligtasin akong isa mang lalaki* sa sambahayan niya hanggang sa umaga.”

23 Nang makita ni Abigail si David, bumaba siya agad ng asno at yumukod sa harap ni David. 24 Pagkatapos, sumubsob siya sa paanan nito at nagsabi: “Panginoon ko, ako na lang ang sisihin mo; hayaan mong magsalita ang iyong aliping babae, at makinig ka sa sasabihin ng iyong aliping babae. 25 Pakisuyo, huwag nang pansinin ng panginoon ko ang walang-kuwentang si Nabal,+ dahil gaya siya ng pangalan niya. Nabal* ang pangalan niya, at kamangmangan ang mga ginagawa niya. Hindi nakita ng iyong aliping babae ang mga tauhang isinugo ng aking panginoon. 26 At ngayon, panginoon ko, tinitiyak ko, kung paanong buháy si Jehova at kung paanong buháy ka—si Jehova ang pumigil sa iyo+ na magkasala sa dugo+ at ipaghiganti ang iyong sarili.* Maging gaya nawa ni Nabal ang mga kaaway mo at ang mga gustong manakit sa aking panginoon. 27 At ang regalong* ito+ na dinala ng iyong aliping babae para sa aking panginoon ay ibigay nawa sa mga tauhang sumusunod sa aking panginoon.+ 28 Pakisuyo, pagpaumanhinan mo ang pagkakamali ng iyong aliping babae, dahil pananatilihing matatag ni Jehova ang sambahayan ng aking panginoon,+ dahil mga digmaan ni Jehova ang ipinakikipaglaban ng aking panginoon,+ at sa buong buhay mo ay hindi ka gumawa ng masama.+ 29 Kapag may tumugis sa iyo para patayin ka, ang buhay mo ay iingatang mabuti ni Jehova na iyong Diyos sa sisidlan ng buhay; pero ang buhay ng mga kaaway ng aking panginoon ay itatapon sa malayo gaya ng mga bato mula sa panghilagpos. 30 At kapag tinupad na ni Jehova para sa aking panginoon ang lahat ng mabubuting bagay na ipinangako niya at inatasan ka niyang maging pinuno ng Israel,+ 31 wala kang ikalulungkot o pagsisisihan* dahil hindi ka pumatay nang walang dahilan at hindi mo ipinaghiganti* ang sarili mo.+ Kapag pinagpala ni Jehova ang aking panginoon, alalahanin mo ang iyong aliping babae.”

32 Sinabi ni David kay Abigail: “Purihin si Jehova na Diyos ng Israel, na nagsugo sa iyo sa araw na ito para salubungin ako! 33 Pagpalain ka dahil sa iyong karunungan! Pagpalain ka dahil pinigilan mo ako sa araw na ito na magkasala sa dugo+ at ipaghiganti* ang aking sarili. 34 Dahil kung hindi, tinitiyak ko, kung paanong buháy si Jehova na Diyos ng Israel, na pumigil sa akin na saktan ka+—kung hindi mo ako agad sinalubong,+ walang isa mang lalaki* ang matitira sa sambahayan ni Nabal bukas ng umaga.”+ 35 Kaya tinanggap ni David ang dinala ni Abigail sa kaniya, at sinabi niya rito: “Umuwi kang payapa sa bahay mo. Pinakinggan kita at gagawin ko ang hiniling mo.”

36 Pagkatapos, bumalik si Abigail kay Nabal, na nagdaraos ng isang malaking handaan sa bahay na gaya ng handaan ng isang hari, at si Nabal* ay masaya at lasing na lasing. Walang anumang sinabi si Abigail sa kaniya hanggang sa magliwanag kinabukasan. 37 Kinaumagahan, nang mawala na ang kalasingan ni Nabal, sinabi sa kaniya ng asawa niya ang mga bagay na ito. At ang puso niya ay naging gaya ng puso ng taong patay, at naparalisa siya at naging parang bato. 38 Pagkalipas ng mga 10 araw, sinaktan ni Jehova si Nabal, at namatay siya.

39 Nang mabalitaan ni David na namatay si Nabal, sinabi niya: “Purihin si Jehova, na nagtanggol sa akin+ matapos akong hamakin ni Nabal+ at pumigil sa kaniyang lingkod na gumawa ng masama,+ at pinagbayad ni Jehova si Nabal sa kasamaan nito!”* At ipinasabi ni David kay Abigail na gusto niya itong maging asawa. 40 Kaya nagpunta ang mga lingkod ni David kay Abigail sa Carmel at sinabi sa kaniya: “Ipinasusundo ka sa amin ni David para maging asawa niya.” 41 Agad siyang tumayo at sumubsob sa lupa at nagsabi: “Narito ang iyong aliping babae bilang lingkod na maghuhugas ng paa+ ng mga lingkod ng aking panginoon.” 42 Pagkatapos, tumayo agad si Abigail+ at sumakay sa kaniyang asno, at naglakad sa likuran niya ang lima sa mga lingkod niyang babae; sumama siya sa mga mensahero ni David at naging asawa nito.

43 Asawa na noon ni David si Ahinoam+ mula sa Jezreel,+ kaya naging asawa niya ang dalawang babaeng ito.+

44 Pero ibinigay ni Saul ang anak niyang si Mical,+ na asawa ni David, kay Palti+ na anak ni Lais, na mula sa Galim.

26 Nang maglaon, ang mga taga-Zip+ ay nagpunta kay Saul sa Gibeah+ at nagsabi: “Nagtatago si David sa burol ng Hakila sa tapat ng Jesimon.”*+ 2 Kaya nagpunta si Saul sa ilang ng Zip kasama ang 3,000 lalaking pinili niya sa Israel para hanapin si David sa ilang ng Zip.+ 3 Nagkampo si Saul sa burol ng Hakila, na nasa tapat ng Jesimon, sa tabi ng daan. Si David ay nakatira noon sa ilang, at nalaman niyang sinundan siya ni Saul sa ilang. 4 Kaya nagsugo si David ng mga espiya para tiyakin kung dumating nga si Saul. 5 Nang maglaon, nagpunta si David sa pinagkakampuhan ni Saul, at nakita ni David kung saan natutulog si Saul at ang anak ni Ner na si Abner,+ ang pinuno ng hukbo nito; natutulog si Saul sa loob ng kampo kasama ang mga tauhan niya na nakapalibot sa kaniya. 6 Pagkatapos ay sinabi ni David kay Ahimelec na Hiteo+ at kay Abisai+ na anak ni Zeruias+ at kapatid ni Joab: “Sino ang sasama sa akin sa kampo ni Saul?” Sumagot si Abisai: “Sasama ako sa iyo.” 7 Kinagabihan, sina David at Abisai ay nakapasok sa kampo, at nakita nila si Saul na natutulog doon at ang sibat niya ay nakatusok sa lupa sa may ulunan niya; si Abner at ang mga tauhan niya ay nakahiga sa palibot niya.

8 Sinabi ngayon ni Abisai kay David: “Isinuko ngayon ng Diyos sa iyong kamay ang kaaway mo.+ At ngayon, pakisuyo, hayaan mong tuhugin ko siya ng sibat sa lupa nang isang beses lang, at hindi ko na iyon kailangang ulitin pa.” 9 Pero sinabi ni David kay Abisai: “Huwag mo siyang saktan, dahil sino ang makapananakit sa pinili* ni Jehova+ at mananatiling walang-sala?”+ 10 Sinabi pa ni David: “Isinusumpa ko, kung paanong buháy si Jehova, si Jehova mismo ang mananakit sa kaniya,+ o darating ang araw niya+ at mamamatay siya, o makikipagdigma siya at mamamatay.+ 11 Hinding-hindi ko sasaktan ang pinili* ni Jehova dahil hindi malulugod si Jehova!+ Kaya pakisuyo, kunin mo ang sibat na nasa ulunan niya at ang banga ng tubig, at umalis na tayo.” 12 Kaya kinuha ni David ang sibat at ang banga ng tubig sa ulunan ni Saul, at umalis na sila. Walang nakakita+ o nakapansin sa kanila at walang nagising; tulóg silang lahat dahil pinatulog sila nang mahimbing ni Jehova. 13 Pagkatapos, tumawid si David sa kabilang panig at tumayo sa tuktok ng bundok; malayo ang agwat nila.

14 Sumigaw si David sa mga sundalo at kay Abner+ na anak ni Ner: “Sumagot ka, Abner!” Sumagot si Abner: “Sino kang nambubulahaw sa hari?” 15 Sinabi ni David kay Abner: “Hindi ba lalaki ka at wala kang katulad sa Israel? Bakit hindi mo binantayan ang panginoon mong hari? May isang sundalo na pumasok sa kampo para patayin ang panginoon mong hari.+ 16 Hindi maganda ang ginawa mo. Tinitiyak ko, kung paanong buháy si Jehova, dapat kayong mamatay, dahil hindi ninyo binantayan ang inyong panginoon, ang pinili* ni Jehova.+ Tumingin kayo sa paligid! Nasaan ang sibat ng hari at ang banga ng tubig+ na nasa ulunan niya?”

17 Nakilala ni Saul ang boses ni David at sinabi: “Ikaw ba iyan, David, anak ko?”+ Sumagot si David: “Ako nga, panginoon kong hari.” 18 Sinabi pa niya: “Bakit hinahabol ng panginoon ko ang kaniyang lingkod?+ Ano ba ang nagawa ko? Ano ba ang kasalanan ko?+ 19 Panginoon kong hari, pakisuyo, makinig ka sa iyong lingkod: Kung si Jehova ang nag-udyok sa iyo na usigin ako, tanggapin* nawa niya ang handog kong mga butil. Pero kung mga tao ang nag-udyok sa iyo,+ paparusahan sila ni Jehova, dahil itinaboy nila ako ngayon mula sa mana ni Jehova,+ na sinasabi, ‘Umalis ka, maglingkod ka sa ibang mga diyos!’ 20 At ngayon, huwag mong hayaang tumulo ang dugo ko sa lupa na malayo sa harap ni Jehova, dahil ang hari ng Israel ay lumabas para hanapin ang isang pulgas,+ na para bang humahabol ng ibong perdis* sa kabundukan.”

21 Sinabi naman ni Saul: “Nagkasala ako.+ Bumalik ka na, David, anak ko, dahil hindi na kita sasaktan. Itinuring mong mahalaga ang buhay ko+ sa araw na ito. Oo, kumilos ako nang may kamangmangan at nakagawa ng malubhang pagkakamali.” 22 Sumagot si David: “Heto ang sibat ng hari. Papuntahin mo rito ang isa sa mga tauhan mo para kunin ito. 23 Si Jehova ang magbibigay ng gantimpala sa bawat taong matuwid+ at tapat. Ibinigay ka ni Jehova ngayon sa kamay ko, pero ayokong saktan ang pinili* ni Jehova.+ 24 Kung paanong naging mahalaga sa akin ang buhay mo sa araw na ito, maging mahalaga nawa ang buhay ko sa paningin ni Jehova, at iligtas niya nawa ako mula sa lahat ng kagipitan.”+ 25 Sinabi naman ni Saul kay David: “Pagpalain ka nawa, David, anak ko. Tiyak na gagawa ka ng kahanga-hangang mga bagay, at tiyak na magtatagumpay ka.”+ Pagkatapos, umalis na si David, at umuwi naman si Saul.+

27 Pero sinabi ni David sa sarili: “Darating ang araw na papatayin ako ni Saul. Mabuti pang tumakas na ako+ papunta sa lupain ng mga Filisteo para tumigil na si Saul sa paghahanap sa akin sa buong teritoryo ng Israel+ at makatakas ako mula sa kamay niya.” 2 Kaya si David at ang 600 tauhan niya+ ay nagpunta sa hari ng Gat na si Akis,+ na anak ni Maoc. 3 Si David at ang mga tauhan niya, pati ang mga pamilya nila, ay nanirahan sa Gat kasama ni Akis. Kasama ni David ang dalawa niyang asawa, si Ahinoam+ ng Jezreel at si Abigail+ na Carmelita, ang biyuda ni Nabal. 4 Nang ibalita kay Saul na tumakas si David papuntang Gat, tumigil na siya sa paghahanap kay David.+

5 Pagkatapos, sinabi ni David kay Akis: “Kung nalulugod ka sa akin, pakisuyong bigyan mo ako ng isang lupain sa isa sa maliliit na lunsod, at doon ako titira. Bakit maninirahang kasama mo sa maharlikang lunsod ang iyong lingkod?” 6 Ibinigay ni Akis sa kaniya ang Ziklag+ nang araw na iyon. Kaya hanggang sa araw na ito, ang Ziklag ay pag-aari ng mga hari ng Juda.

7 Tumira si David sa maliit na lunsod ng mga Filisteo sa loob ng isang taon at apat na buwan.+ 8 Nang panahong iyon, nilulusob ni David at ng mga tauhan niya ang mga Gesurita,+ Girzita, at Amalekita,+ dahil nakatira ang mga ito mula sa Telam hanggang sa Sur+ at hanggang sa lupain ng Ehipto. 9 Kapag sinasalakay ni David ang lupain, wala siyang pinaliligtas na lalaki o babae,+ pero kinukuha niya ang mga tupa, baka, asno, kamelyo, at mga damit. Pagkatapos ay bumabalik siya kay Akis. 10 Tinatanong siya ni Akis: “Saan kayo sumalakay ngayon?” Sumasagot si David: “Sa timog* ng Juda”+ o “Sa timog ng mga Jerameelita”+ o “Sa timog ng mga Kenita.”+ 11 Lahat ng lalaki o babae ay pinapatay ni David para wala siyang dalhin sa Gat. Sinasabi niya: “Para walang magsumbong tungkol sa atin at magsabi, ‘Ganito ang ginawa ni David.’” (At ganoon ang ginagawa niya sa buong panahong nakatira siya sa maliit na lunsod ng mga Filisteo.) 12 Kaya pinaniwalaan ni Akis si David. Sinasabi niya sa sarili: ‘Siguradong kinasusuklaman na siya ngayon ng bayan niyang Israel, kaya magiging lingkod ko siya habang panahon.’

28 Nang mga araw na iyon, tinipon ng mga Filisteo ang mga hukbo nila para makipagdigma sa Israel.+ Kaya sinabi ni Akis kay David: “Siyempre, alam mo nang ikaw at ang mga tauhan mo ay sasama sa akin sa labanan.”+ 2 Sinabi ni David kay Akis: “Alam na alam mo kung ano ang gagawin ng iyong lingkod.” Sinabi ni Akis kay David: “Kaya nga aatasan kitang maging permanente kong tagapagbantay.”*+

3 Patay na ngayon si Samuel. Nagdalamhati sa kaniya ang buong Israel at inilibing nila siya sa Rama, sa sarili niyang lunsod.+ At inalis na ni Saul mula sa lupain ang mga espiritista at mga manghuhula.+

4 Nagtipon ang mga Filisteo at nagpunta sa Sunem+ at nagkampo roon. Kaya tinipon ni Saul ang buong Israel, at nagkampo sila sa Gilboa.+ 5 Nang makita ni Saul ang kampo ng mga Filisteo, takot na takot siya.+ 6 Sumasangguni si Saul kay Jehova,+ pero hindi siya sinasagot ni Jehova, kahit sa mga panaginip o sa Urim+ o sa pamamagitan ng mga propeta. 7 Kaya sinabi ni Saul sa mga lingkod niya: “Ihanap ninyo ako ng isang babaeng espiritista,+ at pupunta ako sa kaniya para sumangguni.” Sinabi ng mga lingkod niya: “May isang babaeng espiritista sa En-dor.”+

8 Kaya si Saul ay nagsuot ng ibang damit para hindi siya makilala at nagpunta sa babae noong gabi kasama ang dalawa sa mga tauhan niya. Sinabi niya: “Pakisuyo, manghula ka sa pamamagitan ng pagsangguni sa espiritu,+ at tawagin mo ang ipapatawag ko.” 9 Pero sinabi sa kaniya ng babae: “Alam mo naman ang ginawa ni Saul. Inalis niya sa lupain ang mga espiritista at manghuhula.+ Bakit ka naglalagay ng pain para maipapatay ako?”+ 10 Nangako si Saul sa kaniya sa ngalan ni Jehova: “Isinusumpa ko, kung paanong buháy si Jehova, hindi ka mapaparusahan dahil dito!” 11 Kaya sinabi ng babae: “Sino ang tatawagin ko para sa iyo?” Sumagot siya: “Tawagin mo si Samuel para sa akin.” 12 Nang makita ng babae si “Samuel,”*+ sumigaw siya nang malakas at sinabi kay Saul: “Bakit mo ako niloko? Ikaw si Saul!” 13 Sinabi sa kaniya ng hari: “Huwag kang matakot, pero ano ba ang nakikita mo?” Sumagot ang babae kay Saul: “May nakikita akong isang parang diyos na umaahon mula sa lupa.” 14 Tinanong niya agad ang babae: “Ano ang hitsura niya?” Sumagot ang babae: “Isang matandang lalaki ang umaahon, at may suot siyang damit na walang manggas.”+ Kaya naisip ni Saul na si “Samuel” iyon, at yumukod siya at sumubsob sa lupa.

15 Pagkatapos, sinabi ni “Samuel” kay Saul: “Bakit mo ako ginambala at ipinatawag?” Sumagot si Saul: “Malaki ang problema ko. Nakikipagdigma sa akin ang mga Filisteo, at iniwan na ako ng Diyos at hindi na niya ako sinasagot, sa pamamagitan man ng mga propeta o mga panaginip;+ kaya ipinatawag kita para sabihin mo sa akin kung ano ang gagawin ko.”+

16 At sinabi ni “Samuel”: “Bakit ka sumasangguni sa akin, gayong iniwan ka na ni Jehova+ at kalaban mo na siya? 17 Gagawin ni Jehova kung ano ang inihula niya sa pamamagitan ko: Aalisin ni Jehova ang kaharian sa kamay mo at ibibigay iyon sa iba, kay David.+ 18 Hindi mo pinakinggan ang tinig ni Jehova, at ang mga Amalekita na pumukaw ng kaniyang nag-aapoy na galit ay hindi mo pinuksa,+ kaya gagawin ito ni Jehova sa iyo sa araw na ito. 19 Gayundin, ikaw at ang Israel ay ibibigay ni Jehova sa kamay ng mga Filisteo,+ at bukas, makakasama kita+ at ang mga anak mo.+ Ibibigay rin ni Jehova ang hukbo ng Israel sa kamay ng mga Filisteo.”+

20 Biglang nabuwal si Saul at takot na takot siya dahil sa mga sinabi ni “Samuel.” Nawalan siya ng lakas, dahil hindi siya kumain nang maghapon at magdamag. 21 Nang lumapit ang babae kay Saul at makitang balisang-balisa siya, sinabi ng babae sa kaniya: “Sinunod ng iyong lingkod ang iniutos mo, at isinapanganib ko ang buhay ko+ at ginawa ko ang sinabi mo sa akin. 22 Ngayon, pakisuyo, pakinggan mo naman ang sasabihin ng iyong lingkod. Ipaghahain kita ng isang piraso ng tinapay; kumain ka para may lakas ka sa paglalakbay mo.” 23 Tumanggi siya at nagsabi: “Hindi ako kakain.” Pero pinilit siya ng kaniyang mga lingkod at ng babae. Bandang huli, nakinig siya sa kanila at bumangon siya at naupo sa higaan. 24 Ang babae ay may pinatabang guya* sa bahay, kaya dali-dali niya itong kinatay;* at kumuha siya ng harina, minasa ito, at gumawa ng tinapay na walang pampaalsa. 25 Inihain niya ang mga ito kay Saul at sa mga lingkod nito, at kumain sila. Pagkatapos, tumayo sila at umalis nang gabing iyon.+

29 Tinipon ng mga Filisteo+ ang lahat ng kanilang hukbo sa Apek, samantalang ang mga Israelita ay nagkakampo sa tabi ng bukal na nasa Jezreel.+ 2 At ang mga panginoon ng mga Filisteo ay naglalakad na kasama ang kanilang mga pangkat na daan-daan at libo-libo, at si David at ang mga tauhan niya ay naglalakad sa likuran kasama ni Akis.+ 3 Pero sinabi ng matataas na opisyal ng mga Filisteo: “Ano ang ginagawa rito ng mga Hebreong ito?” Sumagot si Akis sa matataas na opisyal ng mga Filisteo: “Siya si David, ang lingkod ni Haring Saul ng Israel, na nakasama ko nang isang taon o higit pa.+ Wala siyang ginawang masama mula nang araw na tumakas siya papunta sa akin.” 4 Pero nagalit sa kaniya ang matataas na opisyal ng mga Filisteo, at sinabi nila sa kaniya: “Pabalikin mo siya.+ Pauwiin mo siya sa lugar na ibinigay mo sa kaniya. Huwag mo siyang pasamahin sa atin sa labanan. Baka kapag naglalabanan na, buweltahan tayo niyan.+ Ano ba ang pinakamagandang magagawa niya para matuwa ang panginoon niya kundi ang ibigay rito ang ulo ng mga tauhan natin? 5 Hindi ba tungkol kay David ang inaawit nila habang sumasayaw? Sinasabi nila:

‘Si Saul ay nagpabagsak ng libo-libo,

At si David ay ng sampu-sampung libo.’”+

6 Kaya ipinatawag ni Akis+ si David at sinabi rito: “Tinitiyak ko, kung paanong buháy si Jehova—matuwid ka, at gusto kitang isama sa digmaan kasama ng hukbo ko,+ dahil wala kang ginawang masama mula nang araw na dumating ka sa akin.+ Pero walang tiwala sa iyo ang mga panginoon.+ 7 Kaya bumalik kang payapa, at huwag kang gumawa ng anumang bagay na ikagagalit ng mga panginoon ng mga Filisteo.” 8 Pero sinabi ni David kay Akis: “Bakit, ano ba ang nagawa ko? Ano ang ginawang masama ng iyong lingkod mula nang araw na dumating ako sa iyo? Bakit hindi ako puwedeng sumama sa iyo at makipaglaban sa mga kaaway ng panginoon kong hari?” 9 Sumagot si Akis kay David: “Para sa akin, naging kasimbuti ka ng isang anghel ng Diyos.+ Pero sinabi ng matataas na opisyal ng mga Filisteo, ‘Huwag mo siyang pasamahin sa atin sa labanan.’ 10 Bumangon ka nang maaga bukas kasama ang mga lingkod ng iyong panginoon na sumama sa iyo; bumangon kayo at umalis agad kapag nagliwanag na.”

11 Kaya si David at ang mga tauhan niya ay bumangon nang maaga kinabukasan para bumalik sa lupain ng mga Filisteo, at ang mga Filisteo naman ay pumunta sa Jezreel.+

30 Pagdating ni David at ng mga tauhan niya sa Ziklag+ nang ikatlong araw, nadatnan nila itong wasak at sunóg. Sinalakay ng mga Amalekita+ ang Ziklag at ang timog.* 2 Dinala nilang bihag ang mga babae+ at ang lahat ng naroon, bata man o matanda. Wala silang pinatay, pero tinangay nila ang mga ito. 3 Pagdating ni David at ng mga tauhan niya sa lunsod, nakita nilang sunóg na ito, at ang kani-kanilang mga asawa at mga anak na lalaki at babae ay dinalang bihag. 4 Kaya umiyak nang malakas si David at ang mga tauhan niya hanggang sa wala na silang lakas para umiyak. 5 Dinala ring bihag ang dalawang asawa ni David, si Ahinoam ng Jezreel at si Abigail na biyuda ni Nabal na Carmelita.+ 6 Nabagabag nang husto si David dahil pinag-uusapan ng mga tauhan niya na batuhin siya; galit ang lahat ng tauhan niya dahil sa pagkawala ng kanilang mga anak na lalaki at babae. Pero pinatibay ni David ang sarili niya sa tulong ni Jehova na kaniyang Diyos.+

7 Pagkatapos, sinabi ni David sa saserdoteng si Abiatar,+ na anak ni Ahimelec: “Pakisuyo, dalhin mo rito ang epod.”*+ Kaya dinala ni Abiatar kay David ang epod. 8 Sumangguni si David kay Jehova:+ “Hahabulin ko po ba ang grupong ito ng mga mandarambong? Maaabutan ko ba sila?” Sumagot Siya sa kaniya: “Habulin mo, dahil maaabutan mo sila, at mababawi mo ang lahat ng kinuha nila.”+

9 Agad na umalis si David kasama ang 600 tauhan niya.+ Pagdating nila sa Wadi* ng Besor, nagpaiwan ang ilan sa mga tauhan niya. 10 Ipinagpatuloy ni David ang paghabol, kasama ang 400 sa mga tauhan niya, pero nagpaiwan ang 200 tauhan niya na hindi na makatawid sa Wadi ng Besor dahil sa sobrang pagod.+

11 Nakakita sila ng lalaking Ehipsiyo sa parang at dinala nila ito kay David. Binigyan nila ito ng pagkain at ng tubig na maiinom, 12 pati ng isang hiwa ng kakaning gawa sa piniping igos at dalawang kakaning pasas. Pagkakain ng lalaki, muli itong lumakas, dahil hindi ito kumain o uminom ng tubig sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi. 13 Tinanong ito ni David: “Sino ang panginoon mo, at tagasaan ka?” Sumagot ito: “Ako ay isang tagapaglingkod na Ehipsiyo, alipin ng isang lalaking Amalekita, pero iniwan ako ng panginoon ko dahil nagkasakit ako tatlong araw na ang nakararaan. 14 Nilusob namin ang timog* ng mga Kereteo+ at ang Juda at ang timog* ng Caleb;+ at ang Ziklag ay sinunog namin.” 15 Sinabi ni David sa lalaki: “Masasamahan mo ba ako sa kinaroroonan ng grupong ito ng mga mandarambong?” Sumagot ito: “Kung susumpa ka sa akin sa ngalan ng Diyos na hindi mo ako papatayin at hindi mo ako isusuko sa panginoon ko, sasamahan kita sa grupong ito ng mga mandarambong.”

16 Kaya sinamahan siya nito sa lugar na kinaroroonan ng mga mandarambong. Nakakalat sila sa parang, habang kumakain at umiinom at nagdiriwang dahil napakarami nilang nasamsam mula sa lupain ng mga Filisteo at sa lupain ng Juda. 17 Pinabagsak sila ni David habang madilim pa sa umaga hanggang sa kinagabihan; walang nakaligtas+ maliban sa 400 lalaki na tumakas sakay ng kamelyo. 18 Nabawi ni David ang lahat ng kinuha ng mga Amalekita,+ at nailigtas ni David ang dalawa niyang asawa. 19 Walang isa man sa mga ito ang nawala, bata man o matanda. Nabawi nila ang kanilang mga anak na lalaki at babae at ang samsam;+ nabawi ni David ang lahat ng kinuha sa kanila. 20 Kinuha ni David ang lahat ng tupa at baka, at inilagay ito ng mga tauhan niya sa unahan ng kanilang mga alagang hayop. Sinabi nila: “Ito ang samsam ni David.”

21 Pagkatapos, nakarating si David sa 200 tauhan niya na nagpaiwan sa Wadi ng Besor at hindi sumama kay David dahil sa sobrang pagod.+ Sinalubong ng mga ito si David at ang mga kasama niya. Nang malapit na si David sa mga ito, kinumusta niya sila. 22 Pero masama ang ugali at walang kuwenta ang ilang lalaking sumama kay David. Sinabi nila: “Dahil hindi sila sumama sa atin, hindi natin sila bibigyan ng anumang samsam na nabawi natin. Kunin lang nila ang kanilang asawa at mga anak, at makaaalis na sila.” 23 Pero sinabi ni David: “Mga kapatid ko, huwag ninyong gawin iyan sa mga ibinigay sa atin ni Jehova. Pinrotektahan niya tayo at ibinigay sa kamay natin ang grupo ng mga mandarambong na sumalakay sa atin.+ 24 Walang papayag sa gusto ninyong mangyari. Pantay-pantay ang magiging parte ng mga sumama sa labanan at ng mga umupo sa tabi ng bagahe.+ Ang lahat ay magkakaroon ng parte.”+ 25 At mula nang araw na iyon, ito ang naging tuntunin at batas sa Israel hanggang sa araw na ito.

26 Pagbalik ni David sa Ziklag, pinadalhan niya ng samsam ang matatandang lalaki ng Juda na kaibigan niya. Ipinasabi niya: “Heto ang regalo* para sa inyo mula sa mga nasamsam sa mga kaaway ni Jehova.” 27 Ipinadala niya ito sa mga nasa Bethel,+ Ramot sa Negeb,* Jatir,+ 28 Aroer, Sipmot, Estemoa,+ 29 Racal, mga lunsod ng mga Jerameelita,+ mga lunsod ng mga Kenita,+ 30 Horma,+ Borasan, Atac, 31 Hebron,+ at sa lahat ng lugar na madalas puntahan ni David at ng mga tauhan niya.

31 Ang mga Filisteo ngayon ay nakikipagdigma sa Israel.+ At tumakas ang mga mandirigmang Israelita mula sa mga Filisteo, at marami ang namatay sa Bundok Gilboa.+ 2 Pinuntirya ng mga Filisteo si Saul at ang mga anak niya, at napatay ng mga Filisteo sina Jonatan,+ Abinadab, at Malki-sua, na mga anak ni Saul.+ 3 Napasabak si Saul sa matinding labanan, at nakita siya ng mga mamamanà, at malubha siyang nasugatan ng mga ito.+ 4 Kaya sinabi ni Saul sa tagapagdala niya ng sandata: “Hugutin mo ang espada mo at saksakin mo ako, para hindi ang mga di-tuling lalaking iyon+ ang sumaksak sa akin at nang hindi nila ako mapahirapan.” Pero ayaw itong gawin ng tagapagdala niya ng sandata, dahil takot na takot ito. Kaya kinuha ni Saul ang espada at sinaksak ang sarili.+ 5 Nang makita ng tagapagdala ng sandata na patay na si Saul,+ sinaksak din nito ang sarili gamit ang sariling espada at namatay na kasama niya. 6 Kaya si Saul, ang tatlo niyang anak na lalaki, ang tagapagdala niya ng sandata, at ang lahat ng tauhan niya ay pare-parehong namatay nang araw na iyon.+ 7 Nang malaman ng mga Israelitang nasa lambak* at nasa rehiyon ng Jordan na ang mga mandirigmang Israelita ay tumakas at si Saul at ang mga anak niya ay patay na, iniwan nila ang mga lunsod at tumakas;+ pagkatapos, dumating ang mga Filisteo at nanirahan doon.

8 Kinabukasan, nang dumating ang mga Filisteo para hubaran ang mga napatay, nakita nila sa Bundok Gilboa+ ang bangkay ni Saul at ng tatlong anak nito. 9 Pinugutan nila ng ulo si Saul at hinubaran ng kasuotang pandigma, at nagpadala sila ng mensahe sa buong lupain ng mga Filisteo para ibalita+ sa mga bahay* ng kanilang mga idolo+ at sa mga tao ang nangyari. 10 Pagkatapos, inilagay nila ang kaniyang kasuotang pandigma sa bahay ng mga imahen ni Astoret, at ipinako ang bangkay niya sa pader ng Bet-san.+ 11 Nang mabalitaan ng mga taga-Jabes-gilead+ ang ginawa ng mga Filisteo kay Saul, 12 ang lahat ng mandirigma ay naglakbay nang magdamag, at tinanggal nila ang bangkay ni Saul at ng mga anak nito mula sa pader ng Bet-san. Bumalik sila sa Jabes at sinunog nila roon ang mga iyon. 13 Pagkatapos, kinuha nila ang mga buto ng mga ito+ at inilibing sa ilalim ng puno ng tamarisko sa Jabes,+ at nag-ayuno sila nang pitong araw.

O “taga-Rama, isang Zupita.”

O “yumukod.”

Lit., “Pero isinara ni Jehova ang sinapupunan nito.”

Tabernakulo.

Lit., “sa kaniyang puso.”

Lit., “inalaala.”

O posibleng “Nang takdang panahon.”

Ibig sabihin, “Pangalan ng Diyos.”

O “lalaking baka.”

Mga 22 L. Tingnan ang Ap. B14.

O “Kung paanong buháy kayo.”

Lit., “Ipinahihiram.”

Lumilitaw na si Elkana.

Lit., “Ang sungay ko ay itinaas ni Jehova.” Tingnan sa Glosari, “Sungay.”

Lit., “Nakabuka nang malaki ang bibig ko laban sa mga kaaway ko.”

Lit., “ay natuyot.”

O “at bumubuhay.”

O “Sheol.” Tingnan sa Glosari.

O posibleng “sa tambakan ng basura.”

O posibleng “Masisindak ang mga lumalaban kay Jehova.”

Lit., “At itataas niya ang sungay ng.”

Lit., “pinahiran.” Tingnan sa Glosari, “Pahiran.”

Lit., “bigkis.”

Tingnan sa Glosari.

Lit., “ipinahiram.”

O “lumaki sa harap ni Jehova.”

O posibleng “maaaring mamagitan ang Diyos para sa kaniya.”

O posibleng “at magpailanlang ng haing usok.”

Lit., “sinisipa.”

Lit., “bisig.”

O “kung ano ang nasa puso ko.”

Lit., “pinahiran.”

Tabernakulo.

Lit., “mangingilabot ang dalawang tainga niya.”

Lit., “bumagsak sa lupa.”

Lit., “Bakit tayo tinalo ngayon ni Jehova sa harap ng mga Filisteo?”

O posibleng “pagitan.”

O “at hindi niya itinuon ang puso niya sa sinabi nila.”

Ibig sabihin, “Nasaan ang Kaluwalhatian?”

O “templo.”

Lit., “Si Dagon.”

O “batang baka.”

O “mababang kapatagan.”

O “nakukutaang.”

Lit., “70 lalaki, 50,000 lalaki.”

Lit., “pinabanal.”

O “magdalamhati.”

Tingnan sa Glosari, “Pag-aayuno.”

O “batang tupang.”

Ibig sabihin, “Bato ng Tulong.”

Lit., “Pero masama sa paningin.”

O “karo.”

O “tagatimpla ng ungguento.”

Lit., “mas matangkad siya mula sa balikat niya pataas.”

Lit., “mga asnong babae.”

Ang isang siklo ay 11.4 g. Tingnan ang Ap. B14.

Tingnan sa Glosari.

Lit., “binuksan na ni Jehova ang tainga ni.”

O “kokontrol.”

Lit., “ang lahat ng nasa puso mo.”

Lit., “Pinahiran.”

Lit., “mana.”

O “kasabihan.”

O “kapatid ng ama.”

Lit., “libo-libo.”

Lit., “mas matangkad siya mula sa mga balikat niya pataas.”

Lit., “Pero gaya siya ng isa na hindi makapagsalita.”

O “tipan.”

Lit., “Gibeah ni Saul.”

Lit., “parang iisang tao.”

Mga 2:00 n.u. hanggang 6:00 n.u.

Lit., “Nakinig ako sa tinig ninyo tungkol sa.”

Lit., “lumalakad sa unahan ninyo.”

Lit., “pinahiran.”

Lit., “pinahiran.”

Lit., “wala kayong nakitang anuman sa kamay ko.”

Lit., “ipinagbili.”

O “di-totoong.”

O “hindi totoo.”

O “sa katotohanan.”

Wala ang bilang sa sinaunang mga kopya ng Hebreong Kasulatan.

O “pinagpala.”

Lit., “hindi ko pa napalalambot ang mukha.”

Lit., “talim ng araro.”

Isang sinaunang panimbang, na mga dalawang-katlo ng isang siklo.

Lit., “talim ng araro.”

Tingnan sa Glosari.

Tingnan sa Glosari.

Ang “isang akre ng bukid” na tinutukoy rito ay sukat ng lupa na naaararo ng isang pares ng toro sa isang araw.

Lit., “nang araw na iyon.”

Lit., “Iurong mo ang kamay mo.”

Lit., “tinapay.”

Lit., “ang buong lupain.”

O “batang baka.”

O “kaligtasan.”

Lit., “tinubos.”

O “wadi.”

O “Naawa si Saul at ang bayan kay.”

O “Naawa ang bayan sa.”

Lit., “pahiran.”

Lit., “mga rebultong terapim.” Mga diyos ng pamilya; mga idolo.

Lit., “pinunit.”

O “malulungkot.”

O “malulungkot.”

O posibleng “nang hindi natatakot.”

Lit., “pait.”

Lit., “Gibeah ni Saul.”

Lit., “pinahiran.”

O “sa nakikita ng mata.”

Kay David.

Lit., “espiritu.”

Lit., “at iniiwan siya ng masamang espiritu.”

Lit., “kampo.”

O “Mababang Kapatagan.”

Ang taas niya ay mga 2.9 m (9 ft 5.75 in). Tingnan ang Ap. B14.

Kasuotang pandigma na pamprotekta sa dibdib at likod.

Mga 57 kg (125 lb). Tingnan ang Ap. B14.

Maikling sibat.

Mga 6.84 kg (15 lb). Tingnan ang Ap. B14.

Mga 22 L. Tingnan ang Ap. B14.

Lit., “gatas.”

O “Mababang Kapatagan.”

O “Hinahamon.”

O “hamunin.”

O “panga.” Lit., “balbas.”

O “hinamon.”

O “wadi.”

O “hinamon.”

Lit., “ng buong kongregasyong ito.”

O “kung paanong buháy ka.”

O “ay kumikilos ito nang may karunungan.”

Instrumentong de-kuwerdas.

Lit., “espiritu.”

O “kumilos na parang propeta.”

Lit., “at lumalabas siya at pumapasok sa harap ng bayan.”

O “kumikilos nang may karunungan.”

O “Makikipag-alyansa ka sa akin ngayon sa pag-aasawa.”

O “ay kumikilos nang mas marunong.”

Lit., “magkasala.”

O “kaligtasan.”

Lit., “espiritu.”

O “ang diyos ng pamilya; ang idolo.”

Telang parang kulambo.

O “ay diyos ng pamilya; ay idolo.”

O “nakasuot lang ng panloob.”

Lit., “kay David.”

Lit., “si Jonatan.”

Lit., “ni David.”

Lit., “sa araw ng pagtatrabaho.”

Lit., “dahil anak siya ng kamatayan.”

Lit., “iyong binhi.”

Lit., “aking binhi.”

O “kung hindi sila nakipagtalik.”

O “Mababang Kapatagan.”

Tingnan sa Glosari.

Lit., “sa kamay nila.”

O “tapat na.”

Lit., “mananakbo.”

Tingnan sa Glosari.

Tingnan sa Glosari.

Lit., “Ipinagbili.”

O posibleng “may-ari ng lupain.”

O posibleng “Natatakot si David dahil.”

Lit., “kamay.”

Lit., “sa gawing kanan.”

O posibleng “disyerto; ilang.”

O “angkan.”

Lit., “takpan ang mga paa niya.”

Lit., “sinaktan si David ng puso niya.”

Lit., “pinahiran.”

O posibleng “pinangalat.”

Lit., “pinahiran.”

Lit., “aking binhi.”

Isang lunsod sa Juda; iba sa Bundok Carmel.

Lit., “isang mabuting araw.”

Ang isang seah ay 7.33 L. Tingnan ang Ap. B14.

O posibleng “Bigyan nawa ng Diyos ng mabigat na parusa si David.”

Lit., “sinumang umiihi sa pader.” Pananalitang Hebreo na ginagamit sa paghamak sa mga lalaki.

Ibig sabihin, “Mangmang.”

O “at magligtas sa iyong sarili.”

Lit., “pagpapalang.”

Lit., “hindi ka susuray o matitisod.”

O “iniligtas.”

O “iligtas.”

Lit., “sinumang umiihi sa pader.” Pananalitang Hebreo na ginagamit sa paghamak sa mga lalaki.

Lit., “at ang puso ni Nabal.”

Lit., “ibinalik ni Jehova ang kasamaan ni Nabal sa sarili niyang ulo.”

O posibleng “disyerto; ilang.”

Lit., “pinahiran.”

Lit., “pinahiran.”

Lit., “pinahiran.”

Lit., “amuyin.”

Ibon na parang manok.

Lit., “pinahiran.”

O “Negeb.”

Lit., “maging tagapagbantay ng ulo ko sa lahat ng araw.”

O “ang lalaking parang si Samuel.”

O “batang baka.”

O “inihandog.”

O “Negeb.”

Tingnan sa Glosari.

Tingnan sa Glosari.

O “Negeb.”

O “Negeb.”

Lit., “pagpapala.”

O “timog.”

O “mababang kapatagan.”

O “templo.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share