Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Ano ang Masama sa Kapangahasan?
“SIGE na,” giit ng mga kaklase ni Lisa. “Sabihin mo sa guro na mabaho ang kaniyang hininga!” Hindi, hindi pinag-uusapan ang tuntunin sa pangangalaga sa kalusugan ng bibig. Ang katorse-anyos na si Lisa ay hinahamon—at isang mapanganib na hamon pa nga!
‘Lumaban ka!’ ‘Halikan mo ang isang babae!’ ‘Lumabas ka nang palihim sa klase!’ ‘Magnakaw ka ng relos!’ ‘Tumalon ka sa riles ng tren.’ Gayon ang udyok ng mga kabataan na lisyang nasisiyahan sa paghamon sa iba na gawin ang mga bagay na mula sa bahagyang kapilyuhan hanggang sa totoong nakamamatay.
‘Pupusta ako ng $10 takot kang tumalon sa tubig,’ hinamon ng isang kabataan ang kaniyang 14-taóng-gulang na kasama. Napadadala sa panggigipit, ang kaniyang kaibigan ay tumalon mula sa lantsa na sinasakyan nila. Hindi niya alam na may malalakas na agos sa tubig. At kung hindi nakita ng tripulante ang paglukso at tumalon upang iligtas ang kaniyang buhay, ang batang lalaki ay maaaring hindi nabuhay upang isaysay ito.
Pagkatapos ng isang pag-ikot ng mga beer, ang 17-taóng-gulang na si James ay nagbuhos ng gasolina sa kaniyang sarili at hinamon ang isa sa kaniyang mga kaibigan na sindihan siya. Tinanggap ng isa sa kanila ang kaniyang hamon. Si James ay dumanas ng matinding mga paso sa 30 porsiyento ng kaniyang katawan. Binubuod ang bagay na ito, ang ama ni James ay nagsabi: “Mula sa sinabi sa akin ng aking anak, ang mga bata ay nagkakatuwaan lamang. Ito’y isang kahangalan.” Ano sa palagay mo?
Ang “kapangahasan,” sang-ayon sa 1984 American Journal of Public Health ay ‘ang paraan kung saan ang isa ay hinahamon na isagawa ang sarisaring gawain.’ Mangyari pa, ang mga hamon sa ganang sarili ay hindi laging masama. Tumanggap ka ng mababang marka sa math at malamang na hilingin ng iyong mga magulang, ‘Pag-aralan mo ang multiplication table na iyan ngayon!’ At masusumpungan mo ang iyong sarili na tumutugon karakaraka sa hamon na iyan!
Subalit kung ikaw ay hinahamon ng gumawa ng isang bagay na hangal, hindi mabuti, o lubhang mapanganib, panahon na upang pag-isipan mong makalawa ang pagtanggap dito. Sabi ng isang pantas na tao: “Ang mga patay na langaw ay nagpapabaho sa ungguento ng manggagawa ng pabango, na bumula. Gayon ang munting kamangmangan ay sumisira ng karunungan at karangalan.” (Eclesiastes 10:1) Noong sinaunang panahon, ang mahalagang ungguento o pabango ay maaaring masira ng isang bagay na kasinliit ng isang patay na langaw. Gayundin naman, ang mahirap-kamting reputasyon ng isa ay maaaring masira ng basta “isang munting kamangmangan.” Nais mo bang isapanganib iyan?
Kung Bakit Mahirap Tumanggi
Gayumpaman, nasumpungan ng mga mananaliksik na sina Charles at Mary Ann Lewis na halos isa sa tatlong mga kabataan ang nanaisin pang tanggapin ang hamon kaysa tawaging duwag. Walang alinlangan, ang pagnanais na tanggapin ng mga kaedad ay malakas. Ang aklat na The American Teenager ay bumabanggit ng isang surbey na nagpapakitang ang mga kabataan man ay mayaman o mahirap, “nais nila na sila’y maibigan.”
Kaya ang isang kapangahasan o hamon ay maaaring maglagay sa iyo sa isang mahirap na kalagayan. Nais mong ikaw ay maibigan, kaya ang hindi pagtanggap sa hamon ay maaaring magtinging isang malaking bagay. Gaya ng sabi ng kabataang si Mike: “Ipinadarama sa iyo ng iyong mga kaibigan na para kang isang itinakwil.” Subalit ang pagsasagawa ng kapangahasan ay maaaring maging mapanganib.
Isa pa, kung tatanggapin mo ang kanilang hamon, lalabagin mo ba ang mga pamantayan ng Bibliya o yaong mga itinuro sa iyo ng iyong mga magulang? Kung gayon, talaga bang nais mong supilin ng mga pamantayan ng naghahangad-katuwaan na mga kabataan ang iyong buhay? Gayundin, ang mga kabataan ba na humihiling na isapanganib mo ang iyong buhay at reputasyon ay tunay na mga kaibigan? Isang kawikaan ang nagsasabi: “May magkakasama na handang magpahamak sa isa’t isa, ngunit may kaibigan na mahigit pa sa isang kapatid.” (Kawikaan 18:24) Hinding-hindi iisipin ng isang tunay na kaibigan na ilagay ka sa isang mapanganib na kalagayan.
Nakinig Siya sa “mga Binata”
Ang panganib ng pagsuko sa mga panggigipit ng mga kabataan ay mainam na ipinakikita ng karanasan ni Haring Rehoboam ng sinaunang Israel. Maaga sa kaniyang paghahari hiniling sa kaniya ng kaniyang mga sakop na bawasan ang mga pabigat na ipinataw sa kanila ng kaniyang ama. Una’y kinuha ni Rehoboam ang payo ng matatandang lalaki na may katalinuhang nagsabi sa kaniya “magsalita ka ng mabuting mga salita sa kanila; at sila’y magiging mga lingkod mo magpakailanman.” (1 Hari 12:7) Makatuwirang payo, hindi ba? Gayunman, hindi nasisiyahan sa kanilang sinabi, si Rehoboam ay humiling ng payo sa mga binatang nagsilaking kasama niya.
Sa katunayan, hinimok siya ng kaniyang mga kaibigan na patunayan kung gaano siya katigas. Inudyukan nila siya na sabihin: “Ang aking ama, sa kaniyang bahagi, ay inatangan kayo ng mabigat na atang; ngunit ako, sa aking bahagi, aking daragdagan pa ang atang sa inyo. Ang aking ama, sa kaniyang bahagi, ay pinarusahan kayo ng mga paghagupit, ngunit ako, sa aking bahagi, parurusahan ko kayo ng mga pambugbog.”—1 Hari 12:10, 11.
Pinili ni Rehoboam ang payo ng kaniyang batang mga kaibigan. Gayunman, ang kaniyang mga sakop ay nagalit. Nagkaroon ng paghihimagsik at 10 sa 12 tribo ng mga Israelita ang pumili ng ibang hari! Ang lahat ay dahilan sa si Rehoboam ay ‘sumunod sa payo ng mga binata na nagsilaking kasama niya.’—1 Hari 12:8-17.
Linangin ang Pagkaunawa
Maliwanag, mas mabuti para sa iyo na “ikiling mo ang iyong pakinig at dinggin mo ang mga salita ng pantas.” (Kawikaan 22:17) Iyan ay maaaring mangahulugan ng paghanap ng mas kaaya-ayang mga kasama. “Siyang lumalakad na kasama ng mga taong pantas ay magiging pantas, ngunit siyang nakikisama sa mga mangmang ay mapapariwara,” sabi ng Kawikaan 13:20.
Maaaring kasangkot din dito ang pagkatutong maunawaan ang kaibhan sa pagitan ng nakatutulong na payo at ng mga kapahayagan na mapaglaro—marahil ay nakapipinsala—na “masasamang pita ng kabataan.” (2 Timoteo 2:22) Kung may humamon sa iyo na gawin ang isang bagay, isaalang-alang ang mga kahihinatnan sa paggawa nito. Tunay, gaya ng napansin ng isang kabataan nagngangalang André, kadalasan nang sinisikap ng mga kabataan na hikayatin ka sa pagsasabing “wala namang makakakita sa iyo.” Gayunman, ‘aanihin mo kung ano ang inihasik mo.’ (Galacia 6:7) At ang parang batang mga kapilyuhan ay kadalasan nang nagbubunga ng mababang mga marka, pagkasuspende sa klase, at pag-aresto pa nga!
Matutong Tumanggi
Kaya, paano mo maiiwasan ang silo ng kapangahasan? Sabi ng isang manunulat ng Bibliya: “Bawat tao ay kailangang maging mabilis tungkol sa pakikinig, mabagal tungkol sa pagsasalita [o pagtugon].” (Santiago 1:19) Pag-isipan kung sino ang nagsasalita at kung ano ang hinihiling sa iyo na gawin mo. Ito ba ay makatuwiran? Ito ba ay maibigin? Ito ba ay nagpapakita ng kabaitan at walang kaimbutang pagkabahala sa iba? Kung hindi, huwag mong pansinin ang hamon. Tunay, gaya ng pagkakasabi rito ng isa pang kabataan, si Maurice, “ipadarama nila sa iyo na ikaw ay kakatuwa.” Subalit sino nga ba ang “kakatuwa”? Ang taong matino o ang isa na nagtataguyod ng kamangmangan?
Kung gayon maaari kang mangatuwiran sa mga kabataan na nanghahamon. Gustung-gusto ng disiotso-anyos na si Terry na “asarin” sila sa pagtatanong na gaya ng ‘Bakit ko dapat gawin ito?’ ‘Ano ang patutunayan nito kung gawin ko ito?’ ‘Paano ako makikinabang dito?’ Marahil ang paggamit sa Bibliya ay magiging mabisa. Ipaalam mo na mayroon kang tiyak na mga pamantayan na nais mong pamuhayan. Sinikap na hamunin ng isang kabataang babae ang isang kabataang lalaki sa imoralidad, na nagsasabi, “Hindi mo alam kung ano ang nawawala sa iyo.” “Oo, alam ko,” sabi ng batang lalaki. “Herpes, gonorrhea, sipilis . . . ” Anong pagkatotoo nga na ang pagsunod sa isang budhing sinanay-Bibliya ay maaaring tumulong sa iyo na maiwasan ang paggawa ng isang bagay na pagsisisihan mo sa dakong huli!—Ihambing ang Genesis 39:7-12.
Gayumpaman, ganito ang sabi ng kabataang si Lisa: “Kung alam nilang hindi ka makikisama sa kanila, karamihan ng mga kabataan ay hindi ka na guguluhin. Gayunman, may ilan na paulit-ulit kang susubukin.” Samantalang nag-iisa sa ilang sa loob ng 40 mga araw, si Jesus ay tinukso ng Diyablo sa tatlong pagkakataon. Ang tuya ni Satanas: ‘Gawin mong tinapay ang mga bato!’ ‘Tumalon ka sa pader ng templo!’ ‘Magpatirapa ka sa akin!’ Ang tugon ni Jesus ay, “Lumayo ka, Satanas!” (Mateo 4:1-10) Gayumpaman, ang Lucas 4:13 ay nagdaragdag: “At nang matapos ng Diyablo ang lahat ng pagtukso, ay hiniwalayan siya hanggang sa iba pang kombinyenteng panahon.” Ang pagtanggi sa paulit-ulit na mga hamon ay maaaring mangailangan ng gayunding pagtitiyaga sa inyong bahagi. Subalit huwag mong hayaan ang iyong sarili na mahamon ng hangal na mga paghamon. Magkaroon ng tibay-loob na manindigan sa kung ano ang tama!
Ngayon iyan ang tunay na hamon, hindi ba?
[Larawan sa pahina 19]
Ang pagsunod sa iyong budhing sinanay-Bibliya ay hahadlang sa iyo sa paggawa ng isang bagay na pagsisisihan mo sa dakong huli