Ang Pangmalas ng Bibliya
May Pasimula Ba ang Diyos?
ANG di naniniwalang lalaking Pranses, nakatayong matuwid sa harapan ng kaniyang tahanan, ay tumitig sa mata ng isa sa mga Saksi ni Jehova at nagsabi: “Kung masasabi mo sa akin kung saan nanggaling ang Diyos, makikinig ako sa iyo.” Hindi natitigatig, ang Saksi ay tumugon: “Narating ng ilang makatuwirang mga tao ang gayunding konklusyon na gaya ng ika-18 siglong pilosopong Pranses na si Voltaire, na nagsabi: ‘Kung hindi umiiral ang Diyos, kinakailangang imbentuhin siya.’ Nagpag-isipan na ba ninyo kung bakit ang isang taong kasintalino ni Voltaire ay gagawa ng gayong pangungusap?”
Inamin ng lalaki na hindi pa niya ito napag-uukulan ng pansin at pinapasok ang Saksi. Ipinagpatuloy ng Saksi ang kaniyang pangangatuwiran ayon sa sumusunod na mga pangungusap.
Maging Makatuwiran Tayo
Tulad ni Voltaire, maraming tao ang may palagay na ang buhay at ang sansinukob ay dapat na may lumikha. Upang maging sapat at makagawa ng mga bagay na ating nakikita, ang lumikha na ito ay dapat na may tiyak na mga kapangyarihan at mga katangian, gaya ng enerhiya, kakayahang mag-organisa, magaling sa sining, pag-ibig, at karunungan. Bakit? Sapagkat ang mga bagay na nakikita sa sansinukob, lalo na sa ating planetang Lupa, ay nagpapabanaag ng mga katangiang ito. Ngayon, ang mga ito ay hindi mga katangian ng mga bagay, kundi ng mga persona. Kaya tayo ay nagwawakas sa ideya ng isang Kataas-taasang Persona—ang Diyos.
“May katuwiran din,” tugon ng hindi naniniwalang lalaking Pranses, “ngunit saan ba nanggaling ang Diyos?”
Walang Pasimula
Nakakaharap natin ang nakikitang mga bagay sa isang materyal na sansinukob at maraming iba’t ibang anyo ng buhay sa lupa. Saan nagmula ang mga ito? Sinasabi ng ilang mga siyentipiko, bagaman hindi lahat, na ang mga anyong ito ng buhay ay nagkataon lamang. Subalit sa tuwina’y ipinalalagay ng iba’t ibang mga teoriya ng mga siyentipiko ang pag-iral ng isang bagay, anumang pangalan ang itawag nila rito. Sabi nila, at tama naman, ang materya ay isang anyo ng enerhiya. Batay riyan, inaakala nila na ang materyal na sansinukob ay maaaring di-sinasadya o nagkataon lamang na naging gayon. Subalit hindi nila ipinaliliwanag kung papaano nagkaroon ng pasimulang mga kalagayan. Nariyan lagi ang isang dati nang umiiral na isang bagay na ang pinagmulan nito ay hindi nila maipaliwanag.
Kaya ipinalagay ng mga ateista ang pag-iral ng isang bagay, samantalang ipinalagay naman ng mga naniniwala sa Diyos ang pag-iral ng isang persona. Dahilan sa lahat ng mga batas ng kalikasan, matematikal na presisyon, organisasyon, at karunungan na nakikita sa lupa at sa buong sansinukob, nakikita ng mga Saksi ni Jehova na mas makatuwirang maghinuha na ang Unang Sanhi ay isang Persona sa halip na isang bagay, isang matalinong Maylikha sa halip na isang bulag na puwersa. Sa batayan ng ateismo, ‘Nang pasimula ang isang bagay,’ pinipili nila ang panimulang mga salita ng Bibliya, “Nang pasimula ang Diyos.”—Genesis 1:1.
“Alam ko na sisipiin mo ang Bibliya,” sabi ng nagtatanong na lalaking Pranses.
Ang katotohanan ay na nasusumpungan ng mga Saksi ni Jehova ang pangmalas ng Bibliya tungkol sa saligang mga katotohanan na makatuwiran at kasuwato ng nakikitang mga katotohanan. Suriin natin ang ilan.
Ang Isang Bagay ay Hindi Maaaring Manggaling Sa Wala. Walang siyentipiko ang nakagawa ng isang bagay mula sa wala. Maaari lamang baguhin o gawin ng tao ang umiiral na mga materyales. Gayundin, walang matinong tao ang magsasabi na ang isang bagay na ginawa ay basta nagkagayon. Binabanggit ng Bibliya bilang isang nagpapatunay-sa-sarili na katotohanan: “Mangyari pa, ang bawat bahay ay may nagtayo.” Pagkatapos ito ay nagpapatuloy sa makatuwirang konklusyon: “Ngunit ang nagtayo ng lahat ng bagay ay ang Diyos.” (Hebreo 3:4) Ang pagkilala na ang isang bahay ay nangangailangan ng isang arkitekto at ng isang tagapagtayo at, kasabay nito, sabihin na ang isang masalimuot na atomo, molekula, o selula ay mula sa wala ay hindi makatuwiran sa pangmalas ng Bibliya. Ang Bibliya ay makatuwirang nagtatanong: “Dapat bang sabihin ng bagay na ginawa sa maygawa sa kaniya: ‘Hindi niya ako ginawa’?”—Isaias 29:16.
Ang Buhay ay Nagmumula sa Buhay. Bagaman ang ilang tao ay patuloy na naniniwala na ang buhay ay kusang lumitaw mula sa walang buhay na bagay, kailangang makita pa natin ang mga pabrika na binabago ang maraming mga kemikal at ginagawang buháy na mga selula. Kung ang buhay ay basta lumitaw, bakit hindi maulit at mapaunlad ng tao ang pamamaraan? Sapagkat ipinakikita ng mga katotohanan na ang lahat ng nabubuhay na bagay ay nagmula sa dati nang umiiral na nabubuhay na mga bagay. Kinikilala ng Bibliya na ang kauna-unahang Unang Sanhi ay isang nabubuhay na Persona, na sinasabi: “Mula nga sa panahong walang hanggan hanggang sa panahong walang hanggan ikaw ang Diyos.” “Nasa iyo ang bukal ng buhay.”—Awit 90:2; 36:9.
Ang Materya ay Isang Anyo ng Enerhiya. Ang Bibliya ay lubusang sumasang-ayon sa katotohanan na siyentipikong napatunayan na ang materya ay isang anyo ng enerhiya. Natuklasan ng tao kung paano ilabas ang enerhiya mula sa materya sa kaniyang mga bomba atomika at sa kaniyang mga istasyon ng lakas nuklear. Ipinakikita ng Bibliya na ang Diyos ang pinagmumulan ng enerhiya na nasa materyal na sansinukob. Ating mababasa: “Itingin ninyo sa itaas ang inyong mga mata at tingnan ninyo [mga pangkat ng sistema solar, mga bituin, mga galaksi]. Sino ang lumikha ng mga bagay na ito? Yaong Isa na nagluluwal ng hukbo nila ayon sa bilang. . . . Dahilan sa kasaganaan ng dinamikong kalakasan, at dahil sa siya’y malakas sa kapangyarihan, walang nawawalang isa man sa kanila.” (Isaias 40:26) “Siya ang Maygawa sa lupa sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan.”—Jeremias 10:12.
Ang Sansinukob ay Nagpapatotoo sa Layunin. Sa karanasan ng tao, ang kaayusan ay hindi bunga ng kaguluhan. Samakatuwid, makatuwiran bang maniwala na ang kaayusan na nakikita sa lupa, pati ang mga panahon at mga siklo na napakahalaga sa buhay halaman, hayop at tao, ay nagkataon lamang? Bagkus, hindi ba ang mga bagay na ito ay nagpapatotoo sa disenyo at layunin? Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ganito ang sabi ni Jehova, ang Maylikha ng langit, Siyang tunay na Diyos, ang Nag-anyo ng lupa at ang Gumawa nito, Siyang Isa na nagtayong matatag nito, na hindi niya nilkha ito para sa walang kabuluhan, at kaniyang ginawa ito upang tahanan.”—Isaias 45:18.
Isang Kahanga-hangang Layunin para sa Lupa
Ang nag-aalinlangang lalaking Pranses ay nagsabi: “Nilikha o hindi, para bang ang lupa ay magwawakas na hindi paninirahan ng anumang may buhay.”
Ang kaniyang mga pangamba ay tila tama. Kaya ang mapagpipilian sa ngayon ay sa pagitan ng walang pag-asang di paniniwala at ng makatuwirang pagkilala sa walang hanggang Tagapagbigay-Buhay, na ang nasusulat na Salita ay nagbibigay ng pag-asa na mabuhay magpakailanman sa lupa sa isang pangglobong paraiso. (Mateo 6:10; Awit 37:9, 11, 29) Tiyak na iyan ay isang pag-asa na sulit asam-asamin.
[Larawan sa pahina 17]
“Kung ang Diyos ay hindi umiiral, kinakailangang imbentuhin siya.”—Pilosopong Pranses na si Voltaire