Pagmamasid sa Daigdig
Paglilipat ng AIDS
Isang malawak na pag-aaral na kinasasangkutan ng mga membro ng pamilya ng mga biktima ng AIDS ang nagsasabi na naitatag na nila ang kapani-paniwalang ebidensiya na ang pagkalat ng nakamamatay na sakit ay hindi nagaganap sa pang-araw-araw na personal na pakikisalamuha sa isa na mayroong AIDS, sabi ng ulat sa New England Journal of Medicine. Sa pag-aaral na kinasasangkutan ng mahigit isang daang mga membro ng pamilya ng 39 na mga pasyente ng AIDS, “nagkaroon ng maraming paggamit ng iisang pasilidad ng sambahayan at mga bagay na malamang ay madumhan ng mga lumalabas sa katawan,” sabi ng mga siyentipiko. Kabilang dito ang paghalik at pagyakap ng mga pasyenteng may AIDS sa mga membro ng pamilya, gayundin ang paggamit ng iisang tuwalya, mga baso, sipilyo, kasilyas, at higaan. Isang tao lamang, isang limang-taóng-gulang, ang nagpakita ng mga palatandaan ng pagkahawa sa virus ng AIDS sa gitna ng 101 na sinuri ng mga mananaliksik. Ang mga doktor ay naghinuha na ang bata, na ang ina ay may sakit, ay malamang na ipinanganak na mayroong impeksiyon, mayroong kasaysayan ng nauugnay na karamdaman mula sa pagkasanggol. Nagkukomento tungkol sa pag-aaral, ganito ang sabi ni Dr. Harold Jaffe, isang opisyal sa Federal Centers for Disease Control: “Ito ay matibay na karagdagang ebidensiya na ang di-sinasadya o casual na paglilipat [ng AIDS] ay hindi nangyayari.”
Mga Suliranin sa Oras
Ang mga tin-edyer na taga-Sweden ay waring nahihirapang magsabi ng oras sa tradisyonal na mga orasan o relos, malamang na dahilan sa impluwensiya ng mga orasan at mga relong digital, ulat ng The Times ng London. Sang-ayon sa isang surbey kamakailan sa 2,000 mga tin-edyer na taga-Sweden, isa sa lima ang hindi maunawaan ang katagang “quarter to three.” Sa halip, pinipili nila ang “2:45” o “14:45.” Napansin din ng surbey na isa sa tatlong mga tin-edyer ay nagkakaproblema sa pagbilang ng oras sa isang digital na relos “sapagkat ito ay sinusukat sa ika-60, sa halip na sa ika-10 o ika-100.”
Krisis sa Pagpapatiwakal
Tuwing 20 minuto isang pagpapatiwakal ang nangyayari sa Estados Unidos. Mula noong 1970 hanggang 1980, 237,322 mga pagpapatiwakal ang naiulat, ginagawa itong ikasampu sa pangunahing dahilan ng kamatayan sa bansa. Binabanggit ni Dr. Mark L. Rosenberg, ng Centers for Disease Control sa Atlanta, Georgia, na sa mga taong ang edad ay sa pagitan ng 15 hanggang 34, ang pagpapatiwakal ang pangatlong pangunahing sanhi ng kamatayan. Para sa mga lalaking ang edad ay 15 hanggang 24, ang pagpapatiwakal ay dumami ng 50 porsiyento. Nagpapahayag kamakailan sa isang pambansang komperensiya tungkol sa pagpapatiwakal ng mga kabataan, binanggit ni Dr. Rosenberg na “noong nakalipas na mga taon, maaaring ang iyong ama ang nagpatiwakal. Ngayon ito’y ang inyong anak.” Ang mga eksplosibo at mga baril ang itinala na karaniwang ginamit sa pagpapakamatay.
Mga Biktimang Sanggol
Sa pagsisimula ng taóng ito, iniulat ng Federal Centers for Disease Control na 231 mga sanggol sa Estados Unidos ang ipinanganak na mayroong AIDS. Mahigit na 40 porsiyento sa kanila, o 103 na mga kaso, ay sa New York City, ginagawa ang AIDS na “pinakakaraniwang nakahahawang sakit sa bagong silang na mga sanggol” sa ilang bahagi ng lunsod, ulat ng Daily News. Sinabi ng isang opisyal ng lunsod na 69 porsiyento ng mga bata sa lunsod na may AIDS ang namatay kung ihahambing sa 52 porsiyento ng mga adultong may AIDS, na nagpapakita na ang sakit ay mas nakamamatay sa mga bata kaysa sa mga adulto. Iniulat na ang karamihan ng mga sanggol na ito ay ipinanganak sa mga babaing mga sugapa sa droga na isinasaksak sa ugat at malamang na nahawa ng sakit dahil sa iisang karayon na ginamit sa pagtuturok.
Pagtambang sa Kape
Natuklasan ng mga bandidong taga-Brazil na ang pagholdap sa isang sasakyan o isang trak na nagdadala ng kape ay mas kapaki-pakinabang at hindi gaanong mapanganib kaysa pagholdap sa isang bangko, ulat ng Latin America Daily Post. Sa Brazil, kung saan ang pambansang inumin, ang kape, ay naging isang luho, ang maliliit na sasakyan at mga station wagon na naglululan ng mga 220 hanggang 880 libra (100 hanggang 400 kg) ng kape ang naging madaling mga target. Nasaksihan ng Rio de Janeiro ang di-kukulanging 25 na mga holdap sa unang buwan ng taóng ito, na kinasangkutan ng pagnanakaw ng walong toneladong kape, na noo’y nagkakahalaga ng mahigit $148,000!
Masarap na Pagkaing Intsik
‘Una’y pasingawan ito, pagkatapos ay ibabad ito sa maalat na tubig na may luya at paminta ng mga ilang oras. Pagkatapos, hiwain ito, at pahanginan ito sa loob ng isang araw. Iluto ito na kasama ng bigas, darak, at sesame oil hanggang sa ang kusina ay mapunô ng masarap na amoy.’ Ano ang pangunahing sangkap ng popular na kakaning ito sa Timog Tsina? Karne ng daga! Ang pagtataguyod sa pagkain ay bahagi ng pagsisikap ng Tsina na bawasan ang populasyon ng mga daga, kasalukuyang tinatantiya na mga “kalahati sa walong bilyong mga daga sa daigdig,” ulat ng The Guardian ng London. Inaasahan na ang mahigit na 15 milyong toneladang binutil na kinain ng mga daga noong nakaraang taon ay hindi lubusang nasayang. Bakit? Iniulat ng isang kabalitaan ng Economic Daily ng Tsina na ang mga dagang kumakain ng mga binutil ay masarap at ‘madaling lutuin.’
Nagliligtas-Buhay na mga Salamin
Ang mga salamin ay waring nagliligtas ng mga buhay sa Hapón, ulat ng Asahi Evening News. Ikinabit kamakailan ng kagawaran ng transportasyon sa Sapporo City ang malalaking salamin sa mga dingding ng plataporma sa apat na mga istasyon ng subwey nito sa pagsisikap na hadlangan ang mga pagpapatiwakal. Mula noong magbukas ang subwey noong 1971, 60 katao ang nagpatiwakal sa pamamagitan ng pagtalon sa harap ng dumarating na mga tren. Gayunman, sapol noong ilagay ang malaking mga salamin sa Istasyon ng Odori noong 1984, walang nagtangkang magpakamatay. Hindi malaman ng mga awtoridad ang dahilan ng tagumpay ng mga salamin subalit ipinahiwatig nila na marahil ang pagkakita nila sa kanilang mga sarili sa salamin habang nagtatangkang magpakamatay, o ang pagkanaroroon ng mga tao na nagtitipon sa harap na mga salamin, ay malamang na siyang dahilan upang muling isaalang-alang nila ang posibilidad na magpatiwakal.
Dumarami ang Pang-aabuso sa Bata
Ang seksuwal na mga pagsalakay sa mga bata sa Canada ay inaakalang dumami ng 50 porsiyento noong nakaraang taon, ulat ng The Globe and Mail ng Canada. Ang mga batang babae na kasimbata ng tatlong taóng gulang ay sapilitang sinipingan, sabi ng isang opisyal ng pulisya sa Ottawa. Sabi pa niya na dahilan sa gayong pag-abuso, “ang mga bata ay nagkakaroon ng mga sakit na seksuwal na naililipat.” Ipinakikita ng mga estadistika tungkol sa mga batang seksuwal na inabuso sa Ottawa na nakikilala ng 93 porsiyento kung sino ang umabuso sa kanila.
Higit Pa sa Karne ng Baka
Bagaman ang katamtamang 1,000-libra (453 kg) na bakang lalaki ay maaaring magbigay lamang ng 435 libra (197 kg) ng karne, sinasabi ng Beef Information Centre ng Canada na walang nasasayang sa natitira, ulat ng The Toronto Star. Ang natitira ay ginagamit sa paggawa ng kakambal na mga produkto na kinabibilangan ng kola o pandikit, marshmallows, at mga kuwerdas ng biyolin. Karagdagan pa, ang mga buto at sungay ay ginagamit sa paggawa ng mga produktong gulaman, de-latang mga karne, at sorbetes. Ang iba pang kakambal na produkto ay porselana, sabon, mga butones, lipstick, mga paputok, at pampalambot ng tela. Mahigit sa isang daang nagliligtas-buhay at nagpapabuti-buhay na mga gamot ang naglalaman ng mahalagang mga sangkap mula sa hayop. Ang insulin na ginagamit sa paggamot ng diabetes ay masusumpungan sa mga lapay, ang heparin, na ginagamit sa panahon ng operasyon upang iwasan ang pamumuo ng dugo gayundin sa paggamot ng frostbite at pasò ay mula sa mga baga ng hayop.
Maalog na Paggagamot
Isang bagong gawang aparato na binansagang isang tagaalog ng buto ang nagpangyari sa mga doktor na maging optimistiko tungkol sa pagpapabuti sa panahon ng paggaling ng mga pasyenteng may malubhang mga bali sa buto, ulat ng The Times ng London. Ano ito? Isang pantanging balangkas na may mekanismong naglalaman ng muwelye o spring na nakakabit sa isang kompresor. Kapag ikinabit sa nabaling braso o paa ng pasyente, ito ay lumilikha ng bahagyang pagyanig o pag-alog na idinisenyo upang pasiglahin ang paglago ng bagong mga selula. Yamang ang aparato ay naglalaan ng pagkilos na kahawig sa paglalakad, ang mga pasyenteng ginagamot ay maaaring “maglakad” nang hindi bumabangon sa kama. Ang balangkas na metal ay idinisenyo upang maglaan ng kontroladong pagkilos sa bali minsang ang pasyente ay tumayo sa kaniyang paa, sa gayo’y binabawasan ang panganib na pag-urong ng kalamnan. Ang mga bali na ginamot sa pamamaraang ito ay sinasabing 20 porsiyentong mas mabilis na gumagaling kaysa kung ang mga ito ay sinemento.
“Panahon ng Katampalasanan”
Ang Britaniya ngayon ay may mahigit isang daang libong mga bata na nasa ilalim ng pangangalaga o nasa ilalim ng court supervision orders—mas marami kaysa anumang ibang bansa sa Europa, sabi ng ulat ng National Children’s Home. Ang pinakamataas na bilang ng kriminal na mga pagkakasala sa nakalipas na mga taon ay sa gitna ng mga batang lalaki na mula 14 hanggang 16 taóng gulang, at mahigit kalahati ng mga lalaking nagkasala ng kriminal na mga gawain ay wala pang 21 taóng gulang. Ito’y nangangahulugan na dalawa sa bawat limang lalaki sa Britaniya ang magkakaroon ng kriminal na rekord sa buong buhay nila. Hindi kataka-taka na ang Daily Mail ng London ay inilagay sa ulong-balita nito ang pagsusuri tungkol sa bagay na ito: “Isang Panahon ng Katampalasanan.”
Halaga ng Pagkakaroon ng mga Anak sa Labas!
Ipinakikita ng isang pag-aaral kamakailan na ang pagdadalang-tao ng mga tin-edyer ay nagkahalaga sa Estados Unidos ng $16.6 bilyong noong nakaraang taon. Kapag ang mga anak na ito ng mga magulang na tin-edyer ay umabot sa kanilang ika-20 taon, ang pamahalaan ay makakagugol ng $6.04 bilyong sa mga programa na gaya ng Medicaid at food stamps para sa pagsuporta sa kanila. Tinataya na ang mga pamilyang sinimulan ng mga tin-edyer ay 53 porsiyento ng lahat ng mga pamilyang tumatanggap ng tulong sa pamamagitan ng gayong mga programa na itinataguyod ng gobyerno. Binabanggit ng report na kung ang mga inang tin-edyer ay naghintay lamang hanggang sa sila ay maging 20 taóng gulang bago sila nanganak, $2.4 bilyong, sangkatlo ng kabuuang tulong ng gobyerno, ang maaari sanang natipid. Taun-taon, sa 385,000 mga babaing tin-edyer na nagsilang ng kanilang unang sanggol, kalahati ang wala pang 18 anyos.
Kalungkutang Pangkabuhayan
Ang tema ng 16th World Economic Forum, na ginanap nitong nakaraang Pebrero sa Davos, Switzerland, ay “tibay-loob para sa pangglobong pagkilos.” Gayunman, ang kasiglahan para sa magkakatugmang pangglobong pagkilos sa kabuhayan ay wala. Ganito ang daing ni Quentin Davies, direktor ng isang Britanong merchant bank: “May kasiglahan sa Kanluraning pamamalakad ng kabuhayan dito noong nakaraang taon, subalit sa taóng ito mayroong ulap ng pag-aagam-agam.” Ang 600 na mga delegado, kumakatawan sa 52 mga bansa, ay kinabibilangan ng 44 na mga ministro ng gobyerno. Bagaman idiniin ng mga opisyal ng gobyerno ang tema ng may tibay-loob na pagkilos para sa pag-unlad kapuwa sa industriyalisado at nagpapaunlad na mga bansa, ang mga negosyanteng naroroon ay tumugon na may malaking pangamba. Ang bumabagsak na presyo ng langis, ang mabuway na dolyar, at ang pagkalaki-laking mga pagkakautang ng maraming nagpapaunlad na mga bansa ay kabilang sa mga salik na nagdulot ng kalungkutang pangkabuhayan sa mga negosyante sa buong daigdig.