Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 12/22 p. 12-14
  • Sinasang-ayunan Ba ni Kristo ang Pasko?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Sinasang-ayunan Ba ni Kristo ang Pasko?
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nagtataguyod ng Kristiyanismo?
  • Kaninong Kapanganakan?
  • Sumasang-ayon ba si Kristo?
  • Ano ang Gagawin Mo?
  • Pasko—Ito Ba’y Maka-Kristiyano?
    Gumising!—1988
  • Dapat Mo Bang Ipagdiwang ang Pasko?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Ang Pasko—Bakit Totoong Popular sa Hapón?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Ang Pinagmulan ng Modernong Pasko
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 12/22 p. 12-14

Sinasang-ayunan Ba ni Kristo ang Pasko?

SA MARAMING dako ng lupa, ang mga tanawin sa Belen ay karaniwan kung Kapaskuhan. Ang mga ito ay kadalasang kinabibilangan ng halos kasinlaki-tao na mga pigura o larawan ng sanggol na si Jesus sa isang sabsaban, kasama si Maria, si Jose, ang mga pastol, mga Mago, at ilang mga baka. Sinasang-ayunan ba ni Kristo ang gayong mga pagtatanghal kung Pasko?

Sa katunayan ang kaangkupan ng mga tanawin sa Belen ay mainit na pinagtalunan, pinagtalunan pa nga sa Korte Suprema ng Estados Unidos. Noong nakaraang Disyembre, ang magasing Time ay nag-ulat: “Dahilan sa isang disisyon ng Korte Suprema maaga sa taóng ito, ginagayakan din ng mga tanawin sa Belen sa Kapaskuhang ito ang mga parke at mga gusaling pampubliko ng ilang munisipyo na hindi naggagayak nito nang ang usapin ay pinagtatalunan pa.”

Subalit, sa katunayan, ang usapin kung baga ang mga tanawin sa Belen ay legal sa mga pag-aari ng pamahalaan ay pinagtatalunan pa. “Hindi nalutas ng disisyon ng Korte Suprema,” sabi ng Time, “ang bagay na ito.” Muli na naman sa taóng ito, sa isang walang katiyakang 4 sa 4 na pasiya tungkol sa pagiging legal ng tanawin sa Belen sa Scarsdale, New York, ang Korte Suprema ay hindi nagbigay ng malinaw na tagubilin.

Nagtataguyod ng Kristiyanismo?

Ang mga sumasalansang sa gayong mga tanawin sa Belen, na kinabibilangan ng American Civil Liberties Union, ay nangangatuwiran na ang mga pagtatanghal kung Pasko ay nauuwi sa pagtataguyod ng estado sa relihiyon at sa gayon ay labag sa konstitusyon. Subalit ang kolumnistang si Bill Hall, sumusulat sa Seattle Post-Intelligencer, ay tumututol na ang Pasko ay hindi nagtataguyod ng Kristiyanismo:

“Saan naman nakuha ng American Civil Liberties Union ang ideya na ang Pasko ay isang kapistahang Kristiyano? Aalisin mo ang ideyang iyan kung maglalakad ka sa alinmang shopping center sa Amerika sa Kapaskuhan.

“Ang Pasko ay walang gaanong kaugnayan sa Kristiyanismo. Ang Pasko ay isang paganong selebrasyon ng kayamanan, kasakiman at katakawan.

“Sa kabaligtaran, ang Kristiyanismo ay isang halos lipas nang relihiyon na salig sa mga turo ni Jesu-Kristo. Ito ay isang relihiyon na nagdiriin sa pagkabukas-palad, pag-ibig, pagtitimpi at kawalan ng karahasan. . . .

“Gayunman ang ACLU ay nakatatawang agad na naghinuha​—marahil dahilan sa pagkakahawig sa mga pangalan​—na ang Pasko at ang mga relihiyong Kristiyano sa ngayon ay may kaugnayan sa tunay, orihinal na Kristiyanismo. . . .

“Ang ACLU ay nagkakamali sa pag-aakalang ang Pasko ay isang selebrasyong Kristiyano na ipinagdiriwang din ng mga paganong Amerikano. Ang kabaligtaran ay totoo. Ang karamihan niyaong nagdiriwang ng Pasko ay mga taong hindi nagsisimba. Ito nga ay isang pagsasayang pagano.”

Ang Pasko ay “isang pagsasayang pagano”? Totoo kaya iyan? Hindi ba’t ang Pasko ang kapanganakan ni Kristo?

Kaninong Kapanganakan?

Hindi, hindi ito ang kapanganakan ni Kristo. “Ang kapanganakan ni Kristo ay hindi matiyak mula sa B[agong] T[ipan], o, sa anumang iba pang aklat,” paliwanag ng Cyclopedia of Biblical, Theological, and Ecclesiastical Literature. Isang bagay ang tiyak, si Kristo ay hindi ipinanganak noong Disyembre 25. Sa kaniyang kapanganakan ang mga pastol ay nasa mga bukid sa gabi na pinapastol ang kanilang mga kawan, na hindi nila maaaring gawin sa kalamigan ng gabi kung Disyembre.​—Lucas 2:6-8.

Isa pa, ganito ang isinulat ng ministrong Lutherano na si John C. McCollister sa kaniyang aklat kamakailan na The Christian Book of Why: “Isang palagay nang panahong iyon ng lahat ng mga Kristiyano na ang pagdiriwang ng lahat ng kapanganakan (pati na ang sa Panginoon) ay isang kaugalian ng mga pagano. Sa pagsisikap na ihiwalay ang kanilang mga sarili mula sa lahat ng mga gawaing pagano, ang sinaunang mga Kristiyano ay tumangging magtakda ng isang petsa na magtatanda sa kapanganakan ni Jesus.”

Saan, kung gayon, nagsimula ang pagdiriwang ng Pasko kung ika-25 ng Disyembre? Ang aklat na Celebrations​—The Complete Book of American Holidays ni Robert J. Myers ay sumasagot: “Bago pa ang pagdiriwang ng Pasko, ang Disyembre 25 sa Romanong daigdig ay Natalis Solis Invicti, ang Kapanganakan ng Di-mabihag na Araw. Ang kapistahang ito, na nagaganap pagkatapos ng taglamig sa kalendaryong Julian, ay sa karangalan ng Diyos ng Araw, si Mithras.”

“Bukod sa impluwensiyang Mithraiko,” sabi pa ni Myers, “iba pang paganong mga puwersa ay gumagana.” Ipinagdiwang ng mga Romano ang walang pagpipigil at mahalay na kapistahan ng Saturnalia sa huling bahagi ng Disyembre, at, gaya ng paliwanag ni Myers: “Unti-unting dinala ng mga klero ang tiwarik na daigdig ng Saturnalia sa Simbahan mismo.” Hindi kataka-taka ang aklat na Christmas Customs Around the World ay nag-uulat: “Ipinakita ng mga Puritan ang kanilang paghamak sa paganong pagdiriwang na ito sa pamamagitan ng pagpaplano ng mabigat na trabaho sa araw na iyon at pagpapatupad ng isang batas na nagbabawal sa pagdiriwang ng Pasko”!

Sumasang-ayon ba si Kristo?

‘Subalit ang mga Puritan ay napakaistrikto,’ maaaring tutol ng iba, ‘at gayundin ang sinaunang mga Kristiyano. Ang Pasko ay nagpaparangal kay Kristo.’ Gayon nga ba? Si Kristo ay laging naninindigan sa katotohanan, subalit ang Pasko ay nagtataguyod ng mga kasinungalingan. (Juan 14:6) ‘Ito ang kapanganakan ni Kristo,’ sinasabi iyan maging ng mga guro sa paaralan at ng mga klerigo. Subalit hindi ito ang kapanganakan ni Kristo! ‘Bibigyan ka ni Santa Klaus ng regalo kung ikaw ay mabait.’ Subalit iyan ay hindi totoo! Isaalang-alang din ang mga tanawin sa Belen.

Marami sa mga ito ang nagpapakita ng mga Mago, o mga astrologo, na kasama ni Jesus nang siya ay isilang. Gayunman sinasabi ng Bibliya na nang dumating ang mga astrologo, si Jesus ay hindi na isang sanggol kundi isang bata na nakatira sa isang bahay. (Mateo 2:7-11) Talaga bang naniniwala ka na sinasang-ayunan ni Kristo ang isang selebrasyon na lubhang inilalarawan nang pamali ang katotohanan?

Isa pa, at mas malala pa ay ang maling impresyon na ibinibigay ng Pasko na diumano si Kristo ay isa lamang walang kayang sanggol. Isang batang babaing minamasdan ang isang tanawin sa Belen ang narinig na tinanong ang kaniyang ina: “Hindi na ba lumalaki si Jesus?” Bakit naitanong niya? “Bueno,” sabi niya, “hindi na siya lumaki sapol nang makita ko siya noong nakaraang taon!” At ang impresyong naiiwan kung Pasko ay gayon nga, na si Kristo ay isang walang kayang sanggol, hindi ang nagpupunong Hari na kung ano nga siya, isa na malapit nang alisin sa lupa ang lahat ng kasamaan.​—Awit 2:9, 12; 110:1, 2; Apocalipsis 12:5; 19:15, 16.

Kung isasaalang-alang mo kung ano ang nangyayari sa Pasko, paano nga sasang-ayon si Kristo? “Ang mga alkoholiko at ang kanilang mga pamilya ay totoong magulo sa panahong ito sapagkat ang espiritu o diwa kung Pasko ay kadalasang nagmumula sa mga bote ng alak,” ulat ng Time. “At ang mga bakas ng lipstick na mula sa mga party sa opisina na naiuuwi sa bahay ay gumugulo sa angaw-angaw pa.” Oo, ang Pasko ay hindi nagbago mula sa walang pagpipigil at mahalay na pinagmulan nito noong una.

Ang aklat na Curiosities of Popular Customs, ni William S. Walsh, ay nagsasabi: “Sa kabila ng paghatol ng pantas at ng matino, ang Pasko noong una ay kadalasang gumagawa ng lahat ng pinakamasamang mga lasingan, ng masamang pamumuhay at mga kahalayan, ng Bacchanalia at ng Saturnalia. . . . Tunay, ang walang patumanggang mga kasayahan kung Kapaskuhan noong unang panahon ay halos hindi kapani-paniwala.”

Kung iisipin mo ang tungkol dito, marahil sasang-ayon ka sa opinyon na ipinahayag noong nakaraang Disyembre sa The Sunday Express, isang pahayagan sa Timog Aprika. “Ito muli ang panahon,” simula ng artikulo, “kung kailan ang masayang diwa ay nangingibabaw at ang mga relihiyosong tao ay nagsasabi: ‘Ating ilagay na muli si Kristo sa Pasko.’

“Yamang si Kristo ay wala roon sa pasimula, mas angkop na alisin ang anumang pagtukoy sa Kaniya at tawagin ang Pasko sa ibang pangalan.

“Bakit nga dapat dumhan ang pangalan ni Kristo ng lahat ng mga may kaugnayan sa komersiyalismo, labis-labis na pagkain at pag-inom at katuwaan?”

Ano ang Gagawin Mo?

Tiyak, hindi sinasang-ayunan ni Kristo ang Pasko. Ito ay hindi nagpaparangal sa kaniya at sa kaniyang mga turo. Kaya ano ang gagawin mo sa panahong ito ng taon?

Ang nabanggit na pahayagan sa Timog Aprika ay nagmungkahi: “Tayo’y maging tapat at ibalik natin ang Pasko sa paganong kapistahan na kung ano ito sa pasimula at magrelaks at magsaya sa mga party at mga kasayahan pati na ang lahat ng mga gayak ng mga yulelogs at walang patumanggang mga handaan​—nang hindi nagkukunwaring ipinagdiriwang natin ang kapanganakan ni Kristo.”

Oo, maaaring iyan ay walang pagpapaimbabaw, gayunman hindi sinasang-ayunan ni Kristo ang walang patumanggang mga kapistahang pagano, ito man ay isinasagawa o hindi sa kaniyang pangalan. (2 Corinto 6:14-18) Kaya kung talagang ninanais mo ang pagsang-ayon ni Kristo, ano ang gagawin mo? Ang kolumnistang si Bill Hall, na sinipi kanina, ay sumasagot: “Ang sinumang tunay na Kristiyano​—ipagpalagay nang mayroon ngang ilan sa kanila na natitira​—ay hindi makikisama sa makasanlibutan, makabagong pagdiriwang na kilala bilang Pasko.”

Ganiyan mismo ang ginagawa ng mga Saksi ni Jehova saanman. Hindi sila nakikibahagi sa pagdiriwang ng Pasko sapagkat talagang sinisikap nilang makamit ang pagsang-ayon ng kanilang makalangit na Hari, si Jesu-Kristo. At sinisikap nilang mamuhay na kasuwato ng kaniyang mga turo, hindi lamang kung pantanging mga okasyon kundi sa bawat araw ng taon. Kung iyan din ang inyong nasa, ang mga Saksi ni Jehova ay magagalak na tulungan kayong isakatuparan ito.

[Larawan sa pahina 12]

Ang mga tanawin ba sa Belen ay nagtuturo ng katotohanan tungkol kay Kristo?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share