Kabanata 3—Pagkaligtas Tungo sa Isang Bagong Lupa
Gaano Pa ang Itatagal ng Kasalukuyang Sistema?
1. Tungkol sa mga pangako ng Bibliya, ano ang naitanong ng marami sa atin?
NATURAL lamang na naisin nating malaman kung gaano pa katagal hanggang sa maganap ang mga pangyayaring malinaw na malinaw na inilalarawan sa Bibliya at na magwawakas sa Armagedon. Kailan mapupuksa ang kasalukuyang balakyot na sistema? Buháy pa kaya tayo upang makita ang lupa na maging isang dako kung saan ang mga umiibig sa katuwiran ay magtatamasa ng ganap na kapayapaan at katiwasayan?
2. (a) Anong kahawig na tanong ang itinanong ng mga apostol ni Jesus? (b) Nalalaman ba natin kung kailan eksakto magwawakas ang kasalukuyang balakyot na sistema? (c) Subalit anong nakatutulong na impormasyon ang inilaan ni Jesus?
2 Inilaan ni Jesu-Kristo ang kamangha-manghang mga detalye na sumasagot sa mga katanungang iyon. Ginawa niya iyon nang tanungin siya ng kaniyang mga alagad: “Ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” Kung tungkol sa aktuwal na pagkapuksa ng kasalukuyang balakyot na sistema, maliwanag na sinabi ni Jesus: “Tungkol sa araw at oras na yaon walang nakakaalam, kahit ang mga anghel sa langit kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang.” (Mateo 24:3, 36) Gayunman detalyadong inilarawan niya ang salinlahi na makakakita “sa katapusan [Griego: syn·teʹlei·a] ng sistema ng mga bagay,” ang yugto ng panahon na hahantong sa “wakas [Griego: teʹlos].” Basahin mo ito sa iyong Bibliya sa Mateo 24:3–25:46, gayundin ang kahawig na ulat sa Marcos 13:4-37 at Lucas 21:7-36.
3. Paano natin nalalaman na ang sagot ni Jesus ay hindi lamang naglalarawan ng mga pangyayari noong unang siglo?
3 Habang binabasa mo ang mga ulat na ito, matatanto mo na, sa bahagi lamang, inilalarawan ni Jesus ang mga pangyayaring hahantong sa at kasama ang pagkapuksa ng Jerusalem at ng templo nito noong 70 C.E. Maliwanag na mayroon pang mas malayong pangyayari na nasa kaniyang isipan. Bakit? Sapagkat sa Mateo 24:21 binabanggit niya ang tungkol sa “malaking kapighatian na hindi pa nangyayari buhat sa pasimula ng sanlibutan hanggang ngayon, oo, ni mangyayari pa man kailanman.” Iyan ay nangangahulugan ng higit pa kaysa pagkawasak ng isang lunsod at ng bayan na nakulong dito. At sa Lucas 21:31 ang inilarawang mga pangyayari ay sinasabing tumuturo sa dumarating na malaon nang hinihintay na “kaharian ng Diyos.” Ano ang kapansin-pansin sa “tanda” na sinabi ni Jesus na bantayan?
ISANG MARAMING-BAHAGING TANDA
4. Ano “ang tanda” na ibinigay ni Jesus?
4 Inihula niya ang mga digmaan, kakapusan sa pagkain, malaganap na mga salot, malalakas na lindol, at isang walang pag-ibig na espiritu sa panahon ng lumalagong katampalasanan, subalit walang isa man sa mga ito “ang tanda.” Lahat ng inihulang bahagi ay dapat matupad sa loob ng isang salinlahi upang malubos ang larawan. Kasama rin dito “manggigipuspos ang mga bansa, na hindi alam kung paano lulusutan iyon . . . samantalang nanlulupaypay ang mga tao dahil sa takot” dahilan sa mga pangyayaring nagaganap sa mga langit sa itaas at sa mga dagat sa palibot nila. (Lucas 21:10, 11, 25-32; Mateo 24:12; ihambing ang 2 Timoteo 3:1-5.) Kabaligtaran ng lahat ng ito, subalit bahagi ng tanda, inihula ni Jesus ang isang pangglobong pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa kabila ng internasyonal na pag-uusig sa kaniyang mga tagasunod. (Marcos 13:9-13) Ang maraming-bahaging paglalarawan bang iyan ay espisipikong tumutukoy sa panahon na kinabubuhayan natin?
5. Ano ang gagawa sa mga pangyayaring ito na higit pa kaysa isang pag-uulit lamang ng kasaysayan?
5 Ang mga manunuya ay maaaring manuya, sinasabi na paulit-ulit na nagkaroon na ng mga digmaan, taggutom, lindol, at iba pa, sa kasaysayan ng tao. Subalit ang gayong mga pangyayari ay nagkaroon ng pantanging kahulugan nang ang mga ito ay sama-samang lumitaw, hindi lamang sa ilang nabubukod na dako, kundi sa isang pangglobong lawak sa loob ng mahabang yugto ng panahon na nagsimula sa taóng malaon nang inihula.
6, 7. Anong mga pangyayari at mga kalagayan sa ika-20 siglo ang tiyak na katugma ng maraming-bahaging tanda? (Sa pagsagot, gamitin ang Bibliya at ipakita kung aling bahagi ng hula ni Jesus ang iyong tinatalakay.)
6 Isaalang-alang ang mga bagay na ito: Ang digmaan na sumiklab noong 1914 ay gayon na lamang ang kasukat anupa’t ito ay nakilala bilang ang unang digmaang pandaigdig, at mula noon ang kapayapaan ay hindi na nga bumalik sa lupa. Kasunod ng Digmaang Pandaigdig I dumating ang pinakamatinding taggutom na naranasan kailanman ng tao, at kahit na ngayon mga 40 milyon katao isang taon ang namamatay dahil sa kakulangan ng pagkain. Ang trangkaso Espanyola ng 1918 ay kumitil ng mga buhay sa bilis na walang katulad sa kasaysayan ng sakit, at sa kabila ng siyentipikong pananaliksik, sampu-sampung angaw na mga tao ang ngayo’y sinasalot ng kanser, sakit sa puso, karima-rimarim na mga sakit benereal, malaria, snail fever at river blindness. Ang dalás ng malalaking lindol ay dumami ng mga 20 ulit sa kung ano ang katamtamang dami nito noong dalawang libong taon bago 1914. Ang takot at panggigipuspos sa isang pangglobong lawak ay nakakaapekto sa mga tao ng lahat ng gulang. Kabilang sa mga kadahilanan ang kaligaligan sa kabuhayan, marahas na krimen at ang banta ng pagkalipol sa digmaang nuklear na may mga sandatang inilulunsad mula sa mga submarino o gumuguhit sa langit—isang bagay na hindi kailanman posible bago ang ika-20 siglo.
7 Sa gitna ng lahat ng ito isang pambihirang pambuong-daigdig na paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ay isinasagawa, gaya ng inihula ni Jesus. Sa mahigit na 200 mga lupain at mga kapuluan, ang mga Saksi ni Jehova ay gumugugol ng daan-daang angaw na mga oras taun-taon, walang-bayad, upang tulungan ang mga tao mula sa lahat ng pamumuhay na maunawaan ang kahulugan ng mga pangyayaring ito sa daigdig sa liwanag ng Salita ng Diyos. Itinuturo ng masigasig na mga Saksi sa mga tao ang daan ng kaligtasan sa “malaking kapighatian” bilang mga sakop ng Kaharian ng Diyos. At ginagawa ito ng mga Saksi sa kabila ng bagay na, gaya ng sabi ng isang ulat ng balita mula sa Canada, sila “marahil ay nagtiis ng higit na pag-uusig sa kaunting paglabag kaysa anumang ibang relihiyosong grupo sa daigdig.”
8. Anong yugto ng panahon ang kasali rin sa hulang ito?
8 Dapat din nating isaalang-alang na, bilang bahagi ng kaniyang hula, itinuro ni Jesus ang pagwawakas ng isang espisipikong yugto ng panahon, sinasabi: “Ang Jerusalem ay yuyurakan ng mga bansa, hanggang sa matupad ang itinakdang mga panahon ng mga bansa.” (Lucas 21:24) Nagwakas na ba ang “itinakdang mga panahon” na iyon?
“ANG ITINAKDANG MGA PANAHON NG MGA BANSA”
9. (a) Ano ang “Jerusalem” na “yuyurakan” ng mga bansa? (b) Kailan nagsimula ang ‘pagyurak’ na iyon?
9 Upang mapahalagahan ang sagot, dapat nating unawain ang kahulugan ng Jerusalem mismo. Ang lunsod taglay ang maharlikang tahanan nito sa Bundok Sion ay binabanggit na “ang bayan ng dakilang Hari . . . ang lunsod ni Jehova.” (Awit 48:2, 8; Mateo 5:34, 35) Ang mga hari sa maharlikang tahanan ni David ay sinasabing nauupo “sa trono ni Jehova.” Samakatuwid ang Jerusalem ay isang nakikitang simbolo na isinasagawa ni Jehova ang pamumuno sa lupa. (1 Cronica 29:23) Kaya nang pahintulutan ng Diyos ang mga hukbo ng taga-Babilonya na wasakin ang Jerusalem, gawing bihag ang hari nito at iwang nakatiwangwang ang lupain, niyuyurakan nila ang Kaharian ng Diyos na isinasagawa ng maharlikang inapo ni Haring David. Nang mangyari iyan, noong 607 B.C.E., tinakdaan nito ang pasimula ng “itinakdang mga panahon ng mga bansa [Gentil].” Mula noon walang inapo si David na nagpuno bilang hari sa Jerusalem.
10. (a) Ano ang magiging kahulugan ng wakas na ‘pagyurak’? (b) Mula sa anong “Jerusalem” magpupuno si Jesus, at bakit?
10 Ano, kung gayon, ang kahulugan ng wakas na ‘pagyurak na iyon sa Jerusalem’? Na iniluklok na muli ni Jehova ang isang hari na kaniyang pinili, isang inapo ni David, na ngayo’y nagsasagawa ng awtoridad, hindi lamang sa gitna ng mga Judio, kundi sa sangkatauhan sa kabuuan. Ang isang iyan ay ang Panginoong Jesu-Kristo. (Lucas 1:30-33) Subalit mula saan siya magpupuno? Ito ba’y mula sa makalupang lunsod ng Jerusalem? Maliwanag na binanggit ni Jesus na ang mga pribilehiyo may kaugnayan sa Kaharian ng Diyos ay aalisin sa makalamang Israel. (Mateo 21:43; tingnan din ang 23:37, 38.) Pagkatapos noon, ang mga mananamba sa tunay na Diyos ay tumitingin sa “Jerusalem sa itaas,” ang makalangit na organisasyon ng Diyos ng mga tapat na espiritung nilalang, bilang ang kanilang ina. (Galacia 4:26) Sa makalangit na Jerusalem iniluklok si Jesus, upang magsagawa ng pagpupuno sa lupa. (Awit 110:1, 2) Iyan ay magaganap sa pagtatapos ng “itinakdang mga panahon ng mga bansa.” Kailan iyan?
11, at tsart (pahina 22). (a) Paano kinakalkula ang wakas ng “itinakdang mga panahon”? (b) Kaya, ano ang nagsimula nang magwakas ang “itinakdang mga panahon” na iyon? (c) Paano minamalas ng mga mananalaysay ang 1914? (Tingnan ang pahina 23.)
11 Mga ilang dekada patiuna napag-alaman na ito ay mangyayari sa 1914 sa pagtatapos ng malaking katuparan ng “pitong panahon” ng Daniel 4:10-17.a Subalit ang ganap na katuparan nito ay unti-unting dumating noong kasunod na mga taon. Unti-unting naunawaan ng mga estudyante ng Bibliya ang mga detalye ng maraming-bahaging tanda na sinabi ni Jesus na magpapahiwatig ng kaniyang makalangit na pagkanaririto sa kapangyarihan ng Kaharian. Tunay nga, naging maliwanag na sila ay pumasok na sa “katapusan ng sistema ng mga bagay,” na si Kristo ay nagsimula nang magpuno bilang Hari noong 1914 at na ang wakas ng balakyot na sanlibutang ito ay darating sa loob ng salinlahi na nakakita sa pasimula ng mga bagay na ito.
GAANO KATATAG ANG IYONG MGA INAASAHAN?
12. Anong maling mga inaasahan ang gumagawa sa konklusyon na ito na mahirap tanggapin ng ilan? (Mateo 24:26, 27; Juan 14:3, 19)
12 Ang ilan na nakababatid sa mga bagay na ito bilang katuparan ng hula ni Jesus ay nahihirapang tanggapin ang konklusyon na itinuturo nito. Bakit? Sapagkat may iba silang inaasahan. Sila ay tinuruan na ang ikalawang pagparito ni Kristo ay makikita at magbubunga ng lansakang pagkakumberte sa sangkatauhan. Noong unang siglo nagkaroon din ng mga inaasahan ang mga Judio na hindi natupad. Inaasahan nila na ang pagdating ng Mesiyas ay magiging isang pagtatanghal ng kapangyarihan na magpapalaya sa kanila mula sa Roma. Nanghahawakan sa kanilang maling mga inaasahan, tinanggihan nila ang Anak mismo ng Diyos. Anong kamangmangan nga na ulitin ang pagkakamaling iyon yamang si Kristo ay naririto na sa kapangyarihan ng Kaharian! Lalong mabuti na unawain kung ano ang sinasabi mismo ng mga Kasulatan!
13. Anong mga pangyayari ang iniuugnay mismo ng Bibliya sa pagkanaririto ni Kristo?
13 Ipinakikita ng Bibliya na si Kristo ay magsisimulang magpuno sa gitna ng kaniyang mga kaaway. (Awit 110:1, 2) Binabanggit nito ang tungkol sa pagpapaalis kay Satanas at sa kaniyang mga demonyo mula sa langit tungo sa kapaligiran ng lupa pagkatapos na si Kristo ay mabigyan ng kapamahalaan ng Kaharian; kaya iyan ay magiging isang yugto ng matinding kaabahan sa lupa. (Apocalipsis 12:7-12) Sa panahong iyan magkakaroon ng malaganap na pangangaral ng mensahe ng Kaharian, upang bigyan ang mga tao ng pagkakataon na kumilos ukol sa kaligtasan. (Mateo 24:14; Apocalipsis 12:17) Subalit mangangahulugan ba iyan ng pagkakumberte ng daigdig? Sa kabaligtaran, ipinakikita ng Bibliya na ito ay susundan ng isang pagkawasak na walang katulad sa kasaysayan ng tao. Bagaman hinding-hindi makikita ng mga tao ang niluwalhating si Jesu-Kristo ng kanilang pisikal na mga mata, lahat ng mga hindi tumanggap sa mga katotohanan tungkol sa maharlikang pagkanaririto ng Kristo ay mapipilitang “makita” na siya, gaya ng inihula, ang nagdadala ng pagkapuksa sa kanila.—Apocalipsis 1:7; Mateo 24:30; ihambing ang 1 Timoteo 6:15, 16; Juan 14:19.
14, 15. Bakit ang paglipas ng mga taon mula noong 1914 ay hindi nagbibigay ng dahilan upang mag-alinlangan na tayo nga ay nasa “mga huling araw”?
14 Subalit hindi ba ang paglipas ng 70 mga taon sapol noong 1914 ay nagpapahiwatig na maaaring may ilang pag-aalinlangan kung baga tayo nga ay nasa “mga huling araw” mula nang taóng iyon at kung baga ang pagparito ni Kristo bilang tagapuksa ay malapit na? Hinding-hindi! Tungkol doon sa mga makakakita sa katuparan ng “tanda” mula sa pasimula, mula 1914, sinabi ni Jesus: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo na hindi lilipas ang salinlahing ito hanggang sa mangyari ang lahat ng mga bagay na ito.” (Marcos 13:30) Ang mga membro ng salinlahing iyon ay naririto pa, bagaman mabilis na umuunti ang kanilang bilang.
15 Totoo na ipinakikita ng mga estadistika na ang katamtamang haba ng buhay sa pangglobong saligan ngayon ay 60 mga taon lamang, subalit angaw-angaw na mga tao ang nabubuhay na higit sa edad na iyan. Sang-ayon sa makukuhang estadistika, noong 1980 tinatayang 250,000,000 niyaong mga buháy noong 1914 ay nabubuhay pa. Ang salinlahing iyan ay hindi pa nauubos. Kapansin-pansin, gayunman, yaong mga ipinanganak noong 1900 o mas maaga pa, ang bilang nila na inilathala ng United Nations ay nagpapakita na tinatayang 35,316,000 na lamang ang nabubuhay pa noong 1980. Kaya ang bilang ay mabilis na umuunti samantalang ang mga indibiduwal ay umaabot sa gulang na sitenta at otsenta. Kapag isinasaalang-alang kasama ang lahat ng mga detalye ng makahulang tanda ni Jesus, ang mga bagay na ito ay mariing nagpapahiwatig na ang wakas ay malapit na.—Lucas 21:28.
16. Kaya, ano ang dapat na maging saloobin natin?
16 Hindi ngayon ang panahon na magwalang-bahala. Panahon ito upang kumilos nang may pagkaapurahan! Gaya ng babala ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Kaya nga kayo man ay manatiling handa, sapagkat ang Anak ng tao [si Jesu-Kristo] ay paririto.”—Mateo 24:44.
[Talababa]
a Para sa mga detalye, tingnan ang aklat na “Let Your Kingdom Come,” pahina 127-39, 186-9.
[Kahon sa pahina 23]
Kung Paano Minamalas ng mga Mananalaysay ang 1914
Sa mabuting mga kadahilanan, ang digmaan na nagsimula nang 1914 ay tinawag na Dakilang Digmaan at Digmaang Pandaigdig I. Walang digmaan na mapangwasak na gaya nito ang ipinaglaban noon. Ipinagpatuloy lamang ng mga digmaan mula noon ang sinimulan noong 1914. Isaalang-alang ang mga komentong ito tungkol sa mga epekto ng mahalagang taóng iyon:
● “Hindi lamang binago ng digmaan ang mapa ng Europa at nagpasimula ng mga rebolusyon na nagwasak sa tatlong mga imperyo, kundi ang tuwiran at di-tuwirang mga epekto ay lumampas pa sa halos lahat ng larangan. Pagkatapos ng digmaan kapuwa ang mga pulitiko at ang iba pa ay nagsikap na pabagalin o ihinto ang pagsulong at ibalik na muli ang mga bagay sa ‘normal,’ sa daigdig na umiral bago 1914. Subalit iyan ay imposible. Ang pagyanig sa daigdig ay napakarahas at napakatagal anupa’t ang matandang daigdig ay nahati hanggang sa pinakapundasyon nito. Walang sinuman ang muling makapagtatayo nito sa dati nitong kalagayan, pati na ang mga sistemang panlipunan nito, ang daigdig nito ng mga ideya at ang moral na mga simulain nito.
“. . . kapansin-pansin din ang pagbabago sa pagpapahalaga na nangyari at na nagtatag ng isang ganap na bagong pamantayan ng pagpapahalaga sa napakaraming larangan. . . . Hindi lamang ang mga sundalong nasa larangan ang naging brutal at walang malasakit sa pag-aari ng kapuwa. Nasira hindi lamang ang maraming ilusyon, mga maling akala at palsong mga pagpapahalaga kundi gayundin ang maraming tradisyunal na mga pamantayan sa buhay at sosyal na paggawi. Ang mga pagpapahalaga ay nagbabago, lahat ay waring tinatangay, para bang ang mga bagay ay wala nang anumang malalim na pagkakaugat—gayundin sa sistema ng pananalapi at sa moralidad sa sekso, sa mga simulaing pulitikal at sa mga batas ng sining. . . .
“Ang pangunahing kawalan ng seguridad na siyang katangian ng panahon ay lalo pang kapansin-pansin sa larangan ng ekonomiya. Dito lubusang winasak ng digmaan ang isang masalimuot, nagbabagu-bago at timbang na sistema ng mahigpit na mga batas at walang pagbabagong mga pagpapahalaga. . . . Dito man sa larangang ito ay imposibleng magbalik sa ‘normal.’”—Världshistoria—Folkens liv och Kultur (Stockholm; 1958), Tomo VII, pahina 421, 422.
● “Kalahati ng isang siglo ang lumipas, gayunman, ang palatandaan ng sakuna ng Dakilang Digmaan na naiwan sa katawan at kaluluwa ng mga bansa ay hindi naglaho . . . Gayon na lamang ang pisikal at moral na katindihan ng kakila-kilabot na karanasang ito anupa’t walang natira na gaya ng dati. Ang lipunan sa kabuuan nito: ang mga sistema ng pamahalaan, pambansang mga hangganan, mga batas, hukbong sandatahan, mga kaugnayang pang-estado, pati na ang mga ideolohiya, buhay pampamilya, mga kayamanan, katungkulan, personal na mga kaugnayan—lahat ng bagay ay nagbago mula sa itaas hanggang sa ibaba. . . . Sa wakas ay naiwala ng tao ang pagkakatimbang nito, hindi na nakabangon hanggang sa ngayon.”—Si Heneral Charles de Gaulle, ang nagsabi noong 1968 (Le Monde, Nobyembre 12, 1968).
● “Mula noong 1914, lahat ng palamasid sa takbo ng daigdig ay lubhang nabagabag ng sa wari’y tulad itinadhana at itinalagang pagmartsa tungo sa lalo pang malaking kapahamakan. Inaakala ng maraming seryosong mga tao na wala nang magagawa pa upang maiwasan ang pagbulusok sa kapahamakan. Nakikita nila ang lahi ng tao, gaya ng isang bayani sa isang trahedyang Griego, na nasa ilalim ng impluwensiya ng galit na mga Diyos at hindi na ang panginoon ng kapalaran.”—Bertrand Russell, Times Magazine ng New York, Setyembre 27, 1953.
● “Lumilingon mula sa estratihikong katayuan sa kasalukuyan malinaw na makikita natin ngayon na ang pagsiklab ng Digmaang Pandaigdig I ay nagpasok sa ikadalawampung siglo sa ‘Panahon ng Kaguluhan’—sa makahulugang pananalita ng Britanong mananalaysay na si Arnold Toynbee—kung saan ang ating kabihasnan ay hindi pa lumitaw. Tuwiran o di-tuwiran lahat ng mga matinding pagyanig o kaguluhan sa nakalipas na kalahating siglo ay mula noong 1914.”—The Fall of the Dynasties: The Collapse of the Old Order (New York; 1963), ni Edmond Taylor, pahina 16.
Subalit ano ang dahilan ng gayong yumayanig-daigdig na mga pangyayari? Ang Bibliya lamang ang nagbibigay ng kasiya-siyang paliwanag.
[Chart sa pahina 22]
1914—Isang Takdang Panahon sa Kronolohiya ng Bibliya at sa mga Pangyayari sa Daigdig
Kronolohiya
→ Inihula ng Bibliya ang yugto ng “pitong panahon,” na pagkaraan nito’y ibibigay ng Diyos ang pamamahala sa daigdig sa isa na kaniyang pinili (Daniel 4:3-17)
→ “Pitong panahon” = 2,520 taon (Ihambing ang Apocalipsis 11:2, 3; 12:6, 14; Ezekiel 4:6.)
→ Pasimula ng “pitong panahon”: 607 B.C.E. (Ezekiel 21:25-27; Lucas 21:24)
→ Wakas ng “pitong panahon”: 1914 C.E.
Si Jesu-Kristo ay iniluklok sa langit, nagsimulang magpuno sa
gitna ng kaniyang mga kaaway (Awit 110:1, 2)
Pinalayas si Satanas sa langit; kaabahan sa tao (Apocalipsis 12:7-12)
Nagsimula ang mga huling araw (2 Timoteo 3:1-5)
Mga Pangyayari na Inihulang Magtatakda sa mga Huling Araw
→ Digmaan (Ang unang digmaang pandaigdig ay nagsimula noong 1914; ang kapayapaan ay hindi na bumalik)
→ Taggutom (Ngayo’y pumapatay ng mga 40 milyong buhay taun-taon)
→ Mga epidemyang sakit (Sa kabila ng modernong siyentipikong pananaliksik)
→ Mga lindol (Sa katamtaman, mga 20 ulit na mas marami sa bawat taon sapol noong 1914)
→ Takot (Sa krimen, pagbagsak ng ekonomiya, nuklear na pagkalipol)
Ang kasalukuyang balakyot na daigdig ay pupuksain ng Diyos bago ang salinlahi na nakasaksi ng 1914 ay lumipas (Mateo 24:3-34; Lucas 21:7-32)