Kabanata 4—Pagkaligtas Tungo sa Isang Bagong Lupa
Ang Uri ng Buhay Para sa mga Makaliligtas
1. Bakit ang dumarating na “araw ni Jehova” ay hindi mag-iiwan sa lupa na isang kagibaan na ilang? (Isaias 45:18)
BAGAMAN nakasisindak ang dumarating na “araw ni Jehova,” hindi nito iiwan ang lupa na sira para panirahan. Ang mga epekto nito ay hindi gaya niyaong sa isang kapahamakang nuklear, na ikinatatakot na maaaring magbunga ng malaking kaguluhan sa ekolohiya at magpangyari sa mga makaliligtas na dumanas ng napakasamang mga epekto ng radyasyon. Sa halip na pasamain ang lupa para panirahan ng tao, “ipapahamak [ng Maylikha] ang mga nagpapahamak sa lupa.”—Joel 2:30, 31; Apocalipsis 11:18.
2. Ano ang nagbibigay sa atin ng pagtitiwala na ililigtas ni Jehova ang mga tapat sa malaking kapighatian?
2 Wala ni katiting na pag-aalinlangan sa isipan ng tapat na mga lingkod ni Jehova na maililigtas sila ng Diyos kahit na ano pa mang mapamuksang puwersa ang ipasapit niya sa paligid nila. Batid nila na nang puksain ang napakasama-moral na Sodoma at Gomora sa pamamagitan ng ‘asupre at apoy mula sa langit,’ iniligtas ng mga anghel ni Jehova si Lot at ang kaniyang dalawang anak na babae. (Genesis 19:15-17, 24-26) Batid din nila na nang ang mga panganay sa buong Ehipto ay puksain noong mga kaarawan ni Moises, nilampasan ng anghel na tagapuksa ni Jehova ang mga tahanan ng mga Israelita, yaong mga tahanan na tinandaan ng dugo ng kordero ng Paskua. (Exodo 12:21-29) Gayundin naman, kapag ang mapangwasak na galit sa malaking kapighatian ay magsimula na, ililigtas ni Jehova yaong gumawa sa kaniya na kanilang kanlungan.—Awit 91:1, 2, 14-16; Isaias 26:20.
3. Bakit hindi isasapanganib ng napakaraming mga bangkay ang kalusugan ng mga makaliligtas?
3 Totoo, bilang resulta ng malaking pagwawasak, ang lupa ay makakalatan niyaong mga pinaslang ni Jehova. Subalit wala nang nakakaalam pa nang higit kaysa sa Diyos sa kung ano ang kinakailangang gawin upang pangalagaan ang kalusugan ng mga makaliligtas. Sinasabi niya sa atin na aanyayahan niya ang mga ibon sa himpapawid at ang mga hayop sa parang sa kaniyang “dakilang hapunan” at na sila’y mabubusog sa laman niyaong mga namatay. (Apocalipsis 19:17, 18; Ezekiel 39:17-20) Kung ano ang hindi nila mauubos ay kaniyang aalisin sa pamamagitan ng ibang paraan. Ang layunin ng Diyos para sa lupa gaya ng binanggit sa Eden ay susulong tungo sa katuparan nito.
Kung Ano ang Isinisiwalat ng Orihinal na Layunin ng Diyos
4. Anong uri ng pasimula ang ibinigay ni Jehova sa unang mag-asawang tao, at bakit iyan ay may pantanging interes sa atin?
4 Isang palatandaan ng kung ano ang inilalaan ng hinaharap para sa mga makaliligtas sa malaking kapighatian ay masusumpungan sa uri ng pasimula na ibinigay ni Jehova sa sambahayan ng tao sa Eden. Sa paghahanda sa lupa para panirahan ng tao, ang Maylikha ay gumawa ng saganang pananim, gayundin ng isda, mga ibon at mga hayop sa lupa sa kaaya-ayang pagkakasarisari. “Naglagay ang Diyos na Jehova ng isang halamanan sa Eden, sa dakong silangan, at inilagay niya roon ang taong kaniyang nilalang.” (Genesis 2:8) Gayunman hindi ginawa ng Diyos ang buong lupa na isang paraiso at saka pinangalagaan ito bilang isang parke o halamanan para sa tao. Sa halip, binigyan ni Jehova ang unang mag-asawang tao ng isang kahanga-hangang pasimula, pinagpala sila at binigyan sila ng isang atas ng gawain. Inilagay niya sa harap nila ang mga proyekto na magpapangyari sa kanila na lubusang gamitin ang kanilang mga kakayahan at makasumpong ng kasiyahan sa kanilang mga nagawa. Ito ang pupunô sa kanilang buhay ng kahulugan. Anong kabigha-bighaning atas mayroon sila—pagpapalaki sa mga anak na magpapabanaag ng maka-Diyos na mga katangian, pagpapalawak sa Paraiso hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa at pangangalaga rito pati na ang pagkarami-raming mga kinapal na buhay nito! Kung patuloy na igagalang nina Adan at Eva ang pagkasoberano ni Jehova, hindi sila mamamatay. Tatamasahin nila ang sakdal na buhay sa lupa magpakailanman.—Genesis 1:26-28; 2:16, 17.
5. Kaya, anong mga pag-asa ang nasa harapan ng mga makaliligtas sa malaking kapighatian?
5 Mangyari pa, ang mga kalagayan sa lupa karaka-raka pagkatapos ng malaking kapighatian ay hindi magiging gaya niyaong sa Eden. Subalit ang orihinal na layunin ng Diyos para sa lupa at sa sangkatauhan ay hindi magbabago. Ang paraiso ay sasakop sa buong globo, ang mga tao ang magiging tagapangalaga nito, at sila ay magkakaisa sa pagsamba sa tunay na Diyos. Nasa harapan nila ang pagkakataon na mabuhay magpakailanman, tamasahin ang maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.—Lucas 23:42, 43; Apocalipsis 21:3, 4; Roma 8:20, 21.
6. (a) Ano ang mangyayari sa anumang kagamitang militar? (b) Bakit wala nang mapipilitang magutom pang muli?
6 Sa pasimula, ang mga kagibaan ng matandang sistema ay walang pagsalang kinakailangang alisin. Ang mga kagamitang militar na naiwan ay babaguhin tungo sa mapayapang mga gamit. (Ezekiel 39:8-10; ihambing ang Mikas 4:3.) Ang mga pananim na nasa mga bukid ay tiyak na aanihin upang sustinihan ang mga makaliligtas. Pagkatapos habang ang mga binhi ay inihahasik at ang mga bagong ani ay inaani, ang pangako ay magkakatotoo: “Isisibol ng lupa ang kaniyang bunga; ang Diyos, ang aming Diyos, ay pagpapalain kami.” (Awit 67:6; ihambing ang Deuteronomio 28:8.) Kapag wala na ang sakim at nagkakabaha-bahaging mga elemento ng matandang sistema, hinding-hindi na muling mapipilitang matulog na gutom ang sinuman.—Awit 72:16.
7. Paanong ang pagpili ni Jehova sa bagong Hari ng lupa ay nagpapabanaag ng karunungan at pag-ibig mismo ng Diyos?
7 Ito ay magiging isang daigdig na binubuo ng mga taong nagpapahalaga sa kahalagahan ng pagkakaroon ng patnubay at pagpapala ni Jehova. At ito ay ilalaan sa isang paraan na nagpapabanaag ng karunungan at pag-ibig mismo ng Diyos. Ang isa na inatasan ni Jehova bilang bagong Hari ng lupa ay ang kaniyang sariling Anak, si Jesu-Kristo. Isinisiwalat ng Bibliya na sa pamamagitan niya nilikha ng Diyos ang lupa at ang lahat ng iba’t ibang uri ng buhay rito. (Colosas 1:15-17) Lubusang nauunawaan ng Anak ng Diyos kung ano ang kinakailangan upang panatilihin ang buhay sa lupa at mayroon siyang natatanging pagmamahal sa mga bagay na nauukol sa sangkatauhan.—Kawikaan 8:30, 31.
8. Tutulungan ni Kristo ang kaniyang makalupang mga sakop na linangin ang anong pagtugon sa pagkasoberano ni Jehova?
8 Higit sa lahat, matapat na itinataguyod ng Anak ang pagkasoberano ni Jehova. Tungkol kay Jesus ay inihula: “Ang espiritu ni Jehova ay sasa-kaniya, ang diwa ng karunungan at ng kaunawaan, ang diwa ng payo at ng katibayan, ang diwa ng kaalaman at ng takot kay Jehova; at ang kaniyang kaluguran ay magiging sa pagkatakot kay Jehova.” (Isaias 11:2, 3) Tutulungan niya ang kaniyang makalupang mga sakop na makasumpong ng gayunding kaluguran sa pamamagitan ng pag-aayon ng kanilang mga buhay sa mga daan ni Jehova. Sa ilalim ng kaniyang paghahari, ang mga makaliligtas sa malaking kapighatian ay ipanunumbalik sa uri ng buhay na nilayon ng Diyos para sa sangkatauhan nang ibigay sa ating unang mga magulang ang Eden bilang ang kanilang tahanan.
Kung Ano ang Isinisiwalat ng Ministeryo ni Jesus
9. (a) Ano ang ilan sa masamang mga epekto ng minanang kasalanan? (b) Anong pag-asa ang inilalaan ng mga himala ni Jesus?
9 Gayunman, upang tamasahin ang ganiyang uri ng buhay kinakailangan natin ang kaginhawahan mula sa masakit na mga epekto ng kasalanan. Lahat tayo ay nagmana ng kasalanan mula kay Adan, na naiwala ang kaniyang kasakdalan nang ipakita niya ang kaniyang kawalang-galang sa pagkasoberano ni Jehova. Ang mga bunga ng kasalanan ay makikita sa iba’t ibang paraan. Maaari itong maging dahilan ng karamdaman, pisikal na mga depekto, gayundin ang hilig na mag-isip at magsalita at gumawa ng mga bagay na mula sa maling mga motibo. Sa wakas ito ay nagbubunga ng kamatayan. (Roma 5:12; 6:23) Noong kaniyang makalupang ministeryo, si Jesus ay nagsagawa ng maraming himala na nagpapakita kung ano ang kaniyang gagawin upang magdulot ng kaginhawahan doon sa mga sakop ng Kaharian ng Diyos.
10. Bakit makatuwiran na maisasagawa ni Jesus ang mga himala na hindi maaaring tularan ng mga siyentipiko?
10 Subalit kapag binabasa ng ibang tao ang kapana-panabik na mga ulat ng Bibliya tungkol sa mga himala ni Jesus, sila ay nag-aalinlangan. Bakit? Sapagkat tayo ay nabubuhay sa isang daigdig kung saan ang pag-aalinlangan o kawalan ng paniniwala ay naging popular. Maaaring ipalagay ng mga mapag-alinlangan na upang ang mga himala ay maging kapani-paniwala, dapat na maulit ito o maipaliwanag ito ng mga siyentipiko. Subalit bakit ba patuloy na gumugugol ng napakaraming panahon at salapi ang mga siyentipiko sa pananaliksik? Sapagkat napakaraming bagay na hindi nila maunawaan. Ang talagang problema sa ating saloobin tungkol sa ministeryo ni Jesus ay ang pagkukusang kilalanin ang pakikialam ng Diyos sa mga pangyayari sa tao.
11. Sa Gawa 2:22, anong mga pananalita ang ginamit upang ilarawan ang mga himala ni Jesus, at ano ang ipinahihiwatig nito?
11 Sa isang pulutong sa Jerusalem noong 33 C.E., binanggit ni apostol Pedro si Jesus bilang “ang lalaking pinatunayan ng Diyos sa inyo sa pamamagitan ng mga gawang makapangyarihan at mga kababalaghan at mga tanda na ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya sa inyo.” (Gawa 2:22) Ang mga himala ay, gaya ng sinabi rito ni Pedro, “mga gawang makapangyarihan,” hindi mga gawa na maaaring tularan o ipaliwanag ng mga tao, subalit katibayan na ang kapangyarihan ng Diyos ay kumikilos kay Jesus. Ang mga ito ay “mga tanda” na siya nga ang Mesiyas, ang Anak mismo ng Diyos. Ang mga ito rin ay “mga kababalaghan,” mga pangyayaring tumuturo sa nakagagalak-pusong mga pangyayari sa hinaharap.
12. (a) Bakit nasusumpungan mong nakapagpapatibay-loob ang mga ulat tungkol sa paglilinis sa mga taong may ketong? (b) Ano lalung-lalo na ang kapansin-pansin sa pagpapagaling ni Jesus ng isang paralitiko?
12 Basahin ang mga ulat ng Ebanghelyo sa Bibliya, at habang ginagawa mo ang gayon, isaisip na ang mga himalang isinagawa ni Jesus ay nagbibigay ng patiunang tanawin sa kung ano ang gagawin niya para sa sangkatauhan na mabubuhay sa lupa sa ilalim ng Mesianikong Kaharian ng Diyos. Magiging panahon iyon kung kailan ang mga tao na may mga sakit na sumisira ng pangangatawan na gaya ng ketong ay lilinisin—kung paanong nilinis ni Jesus ang sampung ketongin nang siya’y patungo sa Jerusalem ng taóng 33 C.E. Ipinakita niya na matutulungan niya ang gayong mga tao at na talagang nais niyang gawin iyon. (Lucas 17:11-19; Marcos 1:40-42) Marami ang naging mga lumpo. Para sa kanila rin naman, ay magkakaroon ng pagpapagaling—gaya ng paralitikong nakaratay sa higaan na pinagaling ni Jesus, iniuugnay ito sa pagpapatawad ng mga kasalanan ng tao.—Marcos 2:1-12.
13. Banggitin ang isa sa mga himala ni Jesus na nagbibigay ng pag-asa sa (a) mga bulag, (b) sa mga bingi o may depekto sa pagsasalita, (c) mga taong ginamot na ng maraming doktor nang walang anumang ginhawa. (d) Paano mo nalalaman na mapagagaling ni Jesus ang lahat ng uri ng mga sakit at mga karamdaman?
13 Ang mga mata ng bulag ay makakakita, ang mga bingi ay makaririnig at yaong mga may depekto sa pagsasalita ay makapagsasalita—kung papaanong ginawa ni Jesus ang mga bagay na ito sa mga tao sa Galilea at sa Decapolis noong unang siglo. (Mateo 9:27-30; Marcos 7:31-37) Para sa maraming tao sa ngayon, ang mga doktor ay walang nailalaan na lunas. Iyan ang kalagayan ng isang babae sa Capernaum na “napahirapan na ng maraming bagay ng mga manggagamot at nagugol na niya ang lahat niyang tinatangkilik at hindi gumaling nang kaunti man.” Subalit pinagaling siya ni Jesus, at gayundin ang gagawin niya para sa marami na katulad niya. (Marcos 5:25-29) Ang kanser, sakit sa puso, malaria, snail fever,—alinman dito ay hindi magiging napakahirap, yamang ipinakita niya nang pagalingin niya ang “lahat ng uri ng sakit at lahat ng uri ng karamdaman” noong panahon ng kaniyang ministeryo sa Galilea.—Mateo 9:35.
14. Paano ipinakikita ng mga ulat tungkol sa pagbuhay ni Jesus ng mga patay kung ano ang magiging kahulugan ng pagkabuhay-muli sa mga makaliligtas?
14 Magiging panahon din iyon kung kailan magkakaroon ng pagkakataon ang mga patay—hindi yaong mga pinuksa ng Diyos sa malaking kapighatian, kundi ang angaw-angaw na iba pa na namatay sa nakalipas na mga dantaon—upang buhayin-muli, at taglay ang pag-asa na hindi nila tinaglay noon. Mangangahulugan iyan ng ano sa mga makaliligtas? Malapit sa nayon ng Nain, inaliw ni Jesus ang isang balong ina sa pamamagitan ng pagsasauli sa buhay ng kaniyang bugtong na anak na lalaki. Sa Capernaum nagdulot siya ng malaking kagalakan sa mga magulang ng isang batang babae sa pamamagitan ng paggising sa kanilang anak mula sa kamatayan. (Lucas 7:11-16; Marcos 5:35-42) Nais mo bang naroroon ka kapag ang iyong mga mahal sa buhay ay magbalik mula sa mga patay? Iyan ang magiging kapana-panabik na karanasan ng mga makaliligtas tungo sa “bagong lupa.”
15. (a) Paano ipinakikita ng mga turo ni Jesus ang uri ng mga tao na mabubuhay sa lupa sa panahong iyon? (b) Sa anong paraan maaaring matikman natin ang uring iyan ng buhay ngayon?
15 Ang buhay roon ay hindi magiging isang pag-uulit ng mga sama ng loob at dalamhati na kadalasang nagpapahirap sa mga tao ngayon. Ito ay ipinakita hindi lamang ng mga himala ni Jesus kundi gayundin ng kaniyang mga turo, sapagkat yaon lamang kaniyang mga tunay na alagad ang makaliligtas tungo sa “bagong lupa.” (Juan 3:36) Tinuruan niya ang kaniyang mga tagasunod na unahin ang espirituwal na mga pagpapahalaga kaysa materyal na mga paghahangad, na magtiwala kay Jehova, umasa sa Kaniya para sa patnubay at maging mapagpahalaga sa Kaniyang mga pagpapala. Sa pamamagitan ng salita at halimbawa, idiniin ni Jesus ang kahalagahan ng pag-ibig at kapakumbabaan, matinding pagmamalasakit sa ibang tao at pagbibigay ng sarili sa kanilang kapakanan. Ngayon pa, yaong mga nagiging alagad ni Kristo at yaong tunay na ikinakapit ang mga simulaing ito ay nakasusumpong ng malaking kaginhawahan sa kanilang mga kaluluwa at sila, naman, ay nagdudulot ng kaginhawahan sa iba. (Mateo 11:28, 29; Juan 13:34, 35) Isa lamang itong patikim sa uri ng buhay na tatamasahin niyaong mga nabubuhay pa kapag ang kasalukuyang walang pag-ibig na daigdig ay lumipas na. Kung kikilos ka nang may katalinuhan ngayon, ang buhay na iyan ay maaaring maging iyo.