Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 11/8 kab. 7 p. 19-22
  • Kumilos Nang May Katalinuhan sa Harap ng Kasakunaan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kumilos Nang May Katalinuhan sa Harap ng Kasakunaan
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • “Ang Sanlibutan ay Lumilipas”
  • “Sila’y Nagsisi sa Ipinangaral ni Jonas”
  • Apurahang Makipagpayapaan
Gumising!—1986
g86 11/8 kab. 7 p. 19-22

Kabanata 7​—Pagkaligtas Tungo sa Isang Bagong Lupa

Kumilos Nang May Katalinuhan sa Harap ng Kasakunaan

1. Bakit namatay ang mga tao (a) nang lumubog ang Titanic? (b) nang sumabog ang Bundok Pelée?

KAPAG binabalaan ng isang maaasahang pinagmumulan na isang sakuna ang namiminto, ang matatalinong tao ay kumikilos upang iligtas ang kanilang buhay. (Kawikaan 22:3) Subalit di-mabilang na libu-libo ang namatay sapagkat ang kanilang pagtitiwala ay mali. Sa kabila ng mga babala na magtungo sa mga lifeboat, daan-daang pasahero ang nagtungo sa ibaba ng bapor na Titanic noong 1912 sapagkat naniniwala sila sa sabi na ito ay hindi maaaring lumubog. Nang ang Bundok Pelée sa Martinique ay bumuga ng abo at bato noong 1902, ang mga mamamayan sa kalapit na Saint-Pierre ay nangamba, subalit yamang nakataya ang sakim na interes ng prominenteng mga membro ng pamayanan, sinikap na pahinahunin ng lokal na mga pulitiko at ng editor ng lokal na pahayagan ang takot ng mga tao, hinihimok sila na huwag umalis. Biglang-biglang sumabog ang bundok, at 30,000 mga tao ang naglaho.

2. (a) Anong apurahang babala ang ibinabalita sa ating kaarawan? (b) Bakit malubha ang kalagayan?

2 Sa ating kaarawan isa pang higit na apurahang babala ang ibinabalita​—hindi tungkol sa ilang lokal na sakuna kundi tungkol sa pagkanalalapit ng pansansinukob na digmaan ng Diyos na Armagedon. (Isaias 34:1, 2; Jeremias 25:32, 33) Ang mga Saksi ni Jehova ay paulit-ulit na dumadalaw sa tahanan ng mga tao sa buong daigdig, hinihimok sila na kumilos nang may katalinuhan, sa layuning iligtas ang kanilang buhay. Iniibig mo ba ang buhay upang gawin ang kinakailangang pagkilos, at gawin ang gayon kaagad, nang walang pag-antala?

“Ang Sanlibutan ay Lumilipas”

3. Bakit maaapektuhan ng ating saloobin sa sanlibutan ang ating pag-asa sa kaligtasan?

3 Isang mahalagang salik sa iyong pag-asa na makaligtas ay ang iyong saloobin sa sanlibutan. Habang ikaw ay nabubuhay bilang isang tao ikaw ay nasa sanlibutan. Subalit hindi mo kinakailangang makibahagi sa maling mga nasa nito at tularan ang masamang mga gawa nito. Hindi ka kinakailangang makilala na bahagi nito sa paglalagak ng iyong tiwala sa mga tao at sa kanilang mga pakana sa halip na sa Diyos at sa kaniyang layunin. Subalit dapat kang gumawa ng pagpili; hindi ka maaaring nasa magkabilang panig. “Sinumang . . . nagnanais maging kaibigan ng sanlibutan ay nagiging kaaway ng Diyos.” Bakit? Sapagkat, gaya ng sinasabi sa atin ng Salita ng Diyos, “ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng balakyot.”​—Santiago 4:4; 1 Juan 5:19; Awit 146:3-5.

4. (a) Ginagamit ang iyong Bibliya, ipaliwanag kung anong mga gawain at saloobin ang hahadlang sa mga tao sa buhay sa ilalim ng Kaharian ng Diyos. (b) Bakit kailangang talikdan ito karakaraka ng sinuman na nagpakalabis sa mga bagay na ito?

4 Maliwanag, hindi iingatang buháy ni Jehova tungo sa kaniyang matuwid na Bagong Kaayusan ang mga taong ang pamumuhay ay nagpapakita na sila ay nanghahawakan sa kung ano ang hinahatulan ng Diyos. Ano ang ilan sa mga bagay na ito? Maraming mga gawain at mga saloobin ang hindi gaanong minamahalaga ng sanlibutan. Subalit kung nais nating makaligtas sa wakas ng balakyot na sanlibutang ito, kung gayon, anuman ang gawin o isipin ng ibang tao, susundin natin ang babala ng Bibliya na ang mga mapakiapid, mangangalunya, mga homoseksuwal at yaong mga nagpapakalabis sa imoral na karumihan at kalibugan ay hindi makakabilang sa mga makaliligtas. Gaano man kadalas magsinungaling o magnakaw ang iba, tatanggihan natin ang gayong pamumuhay. Sa kabila ng kausuhan ng mga gawain sa okultismo, iiwasan natin ang mga ito. Bagaman ang iba ay maaaring managhili, magsulsol ng away, padala sa mga silakbo ng galit, o sikaping tumakas sa mga kabiguan sa pamamagitan ng droga o pagpapakalabis sa mga inuming nakalalasing, hindi natin tutularan sila. At kung tayo ay nagpakalabis sa mga bagay na ito, kinakailangan nating magbago. Kahit na kung ang ilan sa mga ito ay waring “normal” sa atin noong una, tatalikdan natin ang mga ito. Bakit? Sapagkat talagang iniibig natin ang Diyos, iniibig natin ang buhay, at ang Salita ng Diyos ay nagbabala na “ang mga namimihasa sa ganitong mga bagay ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.”​—Galacia 5:19-21; Efeso 5:3-7; 1 Corinto 6:9, 10; 2 Corinto 7:1; Apocalipsis 22:15.

5. (a) Kung mahalaga sa atin ang buhay, ano ang dapat nating matutuhang gawin? (b) Anong mabubuting katangian ang binabanggit sa mga kasulatan sa dulo ng parapong ito? Gaano kahalaga ang mga ito? Paano natin malilinang ang mga ito?

5 Kung mahalaga sa atin ang pagkakataon na mabuhay magpakailanman sa kaligayahan, kailangang alamin natin kung paano palulugdan ang Tagapagbigay ng buhay, ang Diyos na Jehova. (Gawa 17:24-28; Apocalipsis 4:11) Kailangang ikapit nating unti-unti ang kaniyang Salita sa bawat pitak ng ating buhay. Habang ginagawa natin iyan, hindi magtatagal ay magkakaroon tayo ng seryosong pangmalas sa ating saloobin tungkol sa ating mga sarili at sa ibang tao, sa personal na mga ari-arian at mga tagumpay, at isasaalang-alang kung paano naaapektuhan nito ang ating katayuan sa harap ng Diyos. Ang mga tao sa paligid natin ay maaaring mayroong mataas na palagay sa kanilang mga sarili, sa kanilang sariling tribo o lahi o bansa, subalit matama nating pag-isipan ang kasulatan na nagsasabi: “Ang Diyos ay sumasalansang sa mga mapagmataas, ngunit siya’y nagbibigay ng di-sana nararapat na awa sa mga mapagpakumbaba.”​—Santiago 4:6; Zefanias 2:2, 3; Awit 149:4.

6, 7. Bakit natin dapat suriin ang atin mismong mga buhay sa liwanag ng 1 Juan 2:15-17?

6 Bagaman ipahintulot ng iba na sila’y paalipin sa mga nasang pinagyayaman ng isang materyalistikong lipunan o ginaganyak ng isang pagnanasa para sa personal na katanyagan, susuriin natin ang atin mismong buhay sa liwanag ng 1 Juan 2:15-17, na nagsasabi: “Huwag ninyo ibigin ang sanlibutan ni ang mga bagay na nasa sanlibutan. Kung ang sinuman ay umiibig sa sanlibutan, wala sa kaniya ang pag-ibig ng Ama; sapagkat lahat ng nasa sanlibutan​—ang pita ng laman at ang pita ng mga mata at ang mapasikat na pagpaparangalan ng kabuhayan​—ay hindi mula sa Ama, kundi mula sa sanlibutan. Isa pa, ang sanlibutan ay lumilipas at ang pita niyaon, datapuwat ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.” Kung kinakailangan nating gumawa ng mga pagbabago, ito na ang panahon upang gawin ito.

7 Ang sanlibutang ito at ang paraan ng pamumuhay nito ay hindi mananatili magpakailanman. Ito ay lulubog. Maaaring sikapin ng makasanlibutang mga tao na patuloy na manghawakang mahigpit sa kanilang mga tagasunod, ipinadarama sa kanila na maaaring mapabuti ng kanilang mga pagsisikap ang daigdig. Subalit ang tanging paraan upang makaligtas sa dumarating na kasakunaan ay sundin ang babala ng Diyos. Dito ang mga taga-Nineve noong kaarawan ni propeta Jonas ay nag-iwan ng halimbawa na makabubuting isapuso natin.

“Sila’y Nagsisi sa Ipinangaral ni Jonas”

8. Paano nagpakita ng karunungan ang mga taga-Nineve nang ipahayag sa kanila ni Jonas ang babala ng Diyos, at taglay ang anong mga resulta?

8 Noong ikasiyam na siglo B.C.E., sinugo ni Jehova si Jonas na magtungo sa bayan ng Nineve, ang kabisera ng Asiria, upang ipahayag na, dahilan sa kanilang kasamaan, ang Nineve ay ibabagsak. Nang babalaan ni Jonas na sa loob lamang ng 40 mga araw sila ay malilipol, paano sila kumilos? Sa halip na mangutya, sila ay “sumampalataya sa Diyos, at sila’y nangaghayag ng ayuno at nangagsuot ng kayong magaspang.” Ang hari mismo ay nakisama sa kanila at hinimok ang lahat ng bayan na magsumamo sa Diyos at talikdan ang kanilang masamang daan at karahasan. Siya’y nangatuwiran: “Sino ang nakakaalam baka ang tunay na Diyos ay . . . talikdan ang kaniyang mabangis na galit, upang tayo’y huwag mangamatay?” Sapagkat tinalikdan nila ang kanilang masamang daan, si Jehova ay nagpakita sa kanila ng awa. Ang kanilang buhay ay iniligtas.​—Jonas 3:2-10.

9, 10. (a) Sa anong bagay sinabi ni Jesus na ang mga taga-Nineve ay isang halimbawa na dapat tularan? (b) Sino sa ngayon ang gaya niyaong mga taga-Nineve?

9 Bilang pagsaway sa hindi naniniwalang mga Judio noong unang siglo C.E., itinawag-pansin ni Jesus ang makasaysayang pangyayaring iyon, na sinasabi: “Magsisitayo sa paghuhukom ang mga tao sa Nineve kasama ng salinlahing ito at ito’y hahatulan; sapagkat sila’y nagsisi sa ipinangaral ni Jonas, ngunit, narito! isang lalong dakila kaysa kay Jonas ang narito.”​—Mateo 12:41.

10 Kumusta naman sa ating kaarawan? Mayroon bang nagpapakita ng gayong pagsisisi? Oo; libu-libo sa buong daigdig na, gaya ng mga taga-Nineve, ay maaaring hindi kailanman nag-aangking sumasamba sa Diyos ng Bibliya subalit ngayon ay sumusunod sa babala ni Jehova. Nang malaman nila kung bakit ang pagkapuksa ay sasapit sa sanlibutang ito, hinanap nila ang awa ng Diyos. Nagkaroon sila ng isang tunay na pagbabago ng isip at puso kung tungkol sa kanilang dating paraan ng pamumuhay at ngayon ay gumagawa ng “mga gawa na karapat-dapat sa pagsisisi.” (Gawa 26:20; tingnan din ang Roma 2:4.) Nais mo bang maging isa sa kanila? Kung gayon, huwag mo nang ipagpaliban.

Apurahang Makipagpayapaan

11. (a) Ano ang pinagmulan ng mga Gabaonita? (b) Bakit sila humingi ng kapayapaan sa Israel?

11 Ang mga Gabaonita noong kaarawan ni Josue ay kumilos din nang may katalinuhan upang ang kanilang buhay ay mailigtas. Sila ay mga Canaanita na ang paraan ng pamumuhay ay imoral at materyalistiko, idolatroso at demonistiko. Ipinag-utos ni Jehova ang paglipol sa kanila. Batid nila kung paano iniligtas ni Jehova ang Israel mula sa Ehipto 40 mga taon na mas maaga at na hindi nakatayo ang makapangyarihang mga hari ng mga Amorrheo na nasa silangan ng Ilog Jordan. Nalalaman ng lahat na walang ginagamit na sumasalpok na mga pantibag, ang matibay na mga pader ng Jericho ay bumagsak sa harap nila at na ang lunsod ng Ai ay naging ilang. (Josue 9:3, 9, 10) Nais mabuhay ng mga mamamayan sa lunsod ng Gabaon, subalit talos nila na hindi sila kailanman mananalo laban sa Diyos ng Israel. Mayroon silang kailangang gawin kaagad. Ano? Hindi nila maaaring ipilit ang isang kasunduan sa Israel, subalit naisip nila na sa paano man ay dapat silang sumubok na magkaroon ng isang kasunduan. Paano?

12. (a) Sa kabila ng pamamaraang ginamit nila, bakit iniligtas ang mga Gabaonita? (b) Anong mga pagbabago ang kinailangang gawin nila, at anong gawain ang ibinigay sa kanila?

12 Sila ay kumilos nang may katusuhan, nagsugo sila ng mga tao kay Josue na ang hitsura ay nagpapakita na sila ay nanggaling sa isang napakalayong paglalakbay. Lumalapit kay Josue, sinabi nila na sila ay mula sa isang malayong lupain, na narinig nila ang dakilang mga bagay na ginawa ni Jehova at, bilang mga kinatawan ng kanilang bayan, sila ay naparoon upang ihandog ang kanilang sarili bilang mga alipin at humiling na gumawa ng isang pakikipagtipan sa kanila. Si Josue at ang mga pinuno ng Israel ay sumang-ayon. Nang dakong huli, nang mabunyag ang panlilinlang, mapakumbabang ipinagtapat ng mga Gabaonita na ikinatakot nila ang kanilang buhay at sila’y nagpakita ng pagkukusang gawin ang anumang bagay na hilingin sa kanila. (Josue 9:4-25) Nakita ni Jehova ang lahat ng pangyayari. Hindi siya nadaya. Nakikita niya na hindi nila sinisikap na pasamain ang kaniyang bayan, gaya ng ginawa ng mga Moabita, at pinahalagahan niya ang kanilang masikap na pagnanasang mabuhay. Kaya ipinahintulot niya na sila ay atasang gumawa sa ilalim ng mga Levita sa banal na tabernakulo, na mga mamumutol ng kahoy at mananalok ng tubig, sa gayo’y itinataguyod ang pagsamba ni Jehova. Upang maging karapat-dapat sa gayong paglilingkod, mangyari pa, kailangang talikdan nila ang kanilang dating maruming mga gawain.​—Josue 9:27; Levitico 18:26-30.

13. (a) Paano tayo makikinabang mula sa makahulang drama na kinasangkutan ng mga Gabaonitang iyon? (b) Upang iligtas ng Dakilang Josue, ano ang kahilingan sa mga tao ngayon?

13 Sapagkat tayo ay nabubuhay sa dulo ng “mga huling araw,” mahalaga para sa lahat ng tao na nagnanais makaligtas na kumilos nang walang pag-antala at taglay ang ganap na kataimtiman. Si Jesu-Kristo, na siyang tagapagpatupad ng hatol ni Jehova ngayon, ay hindi maaaring linlangin na gaya ni Josue. Ang tanging paraan upang ang gayong mga tao ay makapasok sa isang kaayusan kung saan ililigtas niya sila mula sa paghatol ay na hayagang ihayag nila ang kanilang pananampalataya kay Jehova bilang ang tunay na Diyos. (Ihambing ang Gawa 2:17-21.) Dapat din nilang tanggapin si Jesu-Kristo sa mga papel na iniatas sa kaniya ng Diyos at pagkatapos ay mamuhay bilang mga tao na hindi maibigin sa paraan ng pamumuhay ng hinatulang sanlibutang ito. Dapat silang maging mapakumbabang mga lingkod ng Diyos, na nagsasagawa ng banal na paglilingkod sa kaniya kasama ng kongregasyon ng kaniyang bayan.​—Juan 17:16; Apocalipsis 7:14, 15.

14. Bakit mahalaga sa atin ngayon ang pagliligtas ni Jehova sa mga Gabaonita mula sa mga hukbo ng mga kaaway?

14 Hindi nagtagal pagkaraang ang mga Gabaonita ay manindigan sa panig ng bayan ni Jehova, sila ay napasailalim ng matinding panggigipit. Limang mga hari ng mga Amorrheo ang sumalakay sa Gabaon upang pilitin ang mga maninirahan na bumalik sa kanilang panig, sa pagsalansang sa Israel. Ang mga Gabaonita ay nagpahatid ng isang apurahang pagsamo ng tulong kay Josue, at ang kaligtasan na naranasan nila ay isa sa pinakakagila-gilalas sa buong kasaysayan. Nilito ni Jehova ang mga kaaway, pinaulanan sila ng malalaking bato mula sa langit at pinangyari ang makahimalang paghaba ng araw hanggang sa lubusang matalo ng Israel ang kaaway. (Josue 10:1-14) Ang pagliligtas na iyon sa mga Gabaonita ay makahula ng isang mas kagila-gilalas na pagliligtas sa malaking pulutong ng mga mananamba ng tunay na Diyos sa pansansinukob na digmaan ng Armagedon. Ang pagkakataon upang makinabang sa gayong pagliligtas ay bukás sa mga tao sa bawat bansa kung kikilos sila nang may katalinuhan ngayon. Sinasamantala mo ba ang pagkakataong iyon?​—Apocalipsis 7:9, 10.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share