Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 11/8 kab. 8 p. 22-25
  • Mga Makaliligtas Mula sa Lahat ng Bansa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Makaliligtas Mula sa Lahat ng Bansa
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Ang Ipinangakong “Binhi” ni Abraham
  • Yaong mga Pinagpala sa Pamamagitan ng “Binhi”
Gumising!—1986
g86 11/8 kab. 8 p. 22-25

Kabanata 8​—Pagkaligtas Tungo sa Isang Bagong Lupa

Mga Makaliligtas Mula sa Lahat ng Bansa

1. Anong pangako kay Abraham ang nagpapakita na ang pagsang-ayon ng Diyos ay posible para sa “lahat ng angkan” ng sangkatauhan?

SI Jehova ay maibiging interesado sa mga tao ng lahat ng bansa at tribo. Gumawa siya ng paglalaan upang tamasahin ng lahat ng mga pamilya sa lupa ang kaniyang pagsang-ayon at pagpapala. Kay Abram (Abraham), isang inapo ng anak ni Noe na si Shem, sinabi ni Jehova: “Umalis ka sa iyong lupain at sa iyong mga kamag-anak at sa bahay ng iyong ama tungo sa isang lupain na ipakikita ko sa iyo; at gagawin kitang isang malaking bansa at ikaw ay aking pagpapalain at padadakilain ko ang iyong pangalan; at ikaw ay magiging isang pagpapala. At pagpapalain ko ang mga nagpapala sa iyo, at susumpain ko ang mga sumusumpa sa iyo, at tunay na pagpapalain ng lahat ng angkan sa lupa ang kanilang sarili sa pamamagitan mo.” (Genesis 12:1-3; Gawa 7:2-4) “Lahat ng angkan sa lupa”​—pati na tayo sa ngayon, anumang bansa ang ating sinilangan o anumang wika ang ating sinasalita.​—Awit 65:2.

2. (a) Gaya ni Abraham, anong katangian ang kailangan natin? (b) Gaya ng ipinakikita sa Hebreo 11:8-10, paano pinatunayan ni Abraham ang katangiang ito?

2 Ang isa na pinagwikaan ni Jehova ng pangakong ito ay isang lalaking may pananampalataya, kung papaanong tayo ay dapat ding magkaroon ng pananampalataya kung nais nating makibahagi sa pagpapala mula sa Diyos na ipinangako rito. (Santiago 2:23; Hebreo 11:6) Ang pananampalataya ni Abraham ay hindi lamang isang walang kibong paniniwala kundi nilakipan ng gawa. Pinangyari nito na siya ay umalis sa Mesopotamia tungo sa isang malayong lupain na hindi pa niya nakita kailanman. “Sa pananampalataya siya ay tumahan na isang dayuhan sa lupang pangako na gaya ng siya’y nasa lupaing banyaga,” hindi nakikisama sa anumang mga kaharian-lunsod doon. “Sapagkat siya’y naghihintay ng lunsod [ang Kaharian ng Diyos] na may mga tunay na pundasyon, na ang nagtayo at gumawa ng lunsod na iyon ay ang Diyos.”​—Hebreo 11:8-10.

3. Anong matinding pagsubok ng pananampalataya ang naranasan ni Abraham tungkol kay Isaac?

3 Nang si Abraham ay 100 taóng gulang at ang kaniyang asawang si Sara ay 90, makahimalang pinagpala sila ni Jehova ng isang anak, si Isaac. May kaugnayan sa anak na ito, si Abraham ay dumanas ng matinding pagsubok ng pananampalataya at pagsunod sa Diyos. Tinagubilinan ni Jehova si Abraham na dalhin si Isaac, ngayo’y isa nang binata, sa lupain ng Moriah at doon ay ihandog siya bilang isang handog na susunugin. Taglay ang pananampalataya sa kakayahan ng Diyos na isauli ang buhay ng kaniyang anak sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli, si Abraham ay sumunod. (Hebreo 11:17-19) Si Isaac, na mapagpasakop sa kaniyang ama, ay nakatali na sa dambana at nasa kamay na ni Abraham ang patalim upang patayin siya nang humadlang ang anghel ni Jehova. Sapat na ang pagsubok na iyon upang patunayan na hindi ipagkakait ni Abraham ang anumang bagay sa Diyos. Kaya’t pinagtibay ng Diyos ang kaniyang tipan kay Abraham, gaya ng binabanggit ng Bibliya:

4. Sa pagkakataong iyon, ano pang mahalagang pangako ang ginawa ng Diyos tungkol sa mga tao ng lahat ng mga bansa?

4 “‘Sa aking sarili ay sumumpa ako,’ sabi ni Jehova, ‘sapagkat ginawa mo ito at hindi mo itinanggi sa akin ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak, tiyak na pagpapalain kita at tiyak na pararamihin ko ang iyong binhi gaya ng mga bituin sa langit at gaya ng mga buhangin sa tabing-dagat; at aariin ng iyong binhi ang pintuang bayan ng kaniyang mga kaaway. At sa pamamagitan ng iyong binhi ay pagpapalain nga ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili dahilan sa bagay na nakinig ka sa aking tinig.’”​—Genesis 22:15-18.

5. (a) Ano ang inilalarawan ng pagtatangka ni Abraham na ihandog si Isaac? (b) Bilang katuparan ng Genesis 12:3, papaanong ang mga tao ay ‘sumusumpa’ sa lalong Dakilang Abraham, at taglay ang anong resulta? (c) Paano natin maaaring “pagpalain” siya?

5 Kung mauunawaan natin na ang lalong Dakilang Abraham ay si Jehova at na si Isaac ay lumalarawan kay Jesu-Kristo, mapahahalagahan natin kung paanong ang mga pangyayaring ito ay personal na mahalaga sa atin. Sa katunayan, ang ating kinabukasan ay depende sa kung paano tayo kumikilos may kaugnayan sa Diyos na Jehova. Ang pag-asa sa buhay na walang hanggan ay posible sa atin sapagkat sa katunayan ibinigay ng Diyos ang kaniyang bugtong na Anak bilang isang hain para sa ating mga kasalanan, gaya ng inilarawan ng pagtatangka ni Abraham na ihandog si Isaac. (Juan 3:16) Sinumang patuloy na ‘sumusumpa’ kay Jehova, hinahamak siya o hindi binibigyan ng halaga ang kaniyang maibiging mga layunin, ay napapasa-ilalim ng isang sumpa na mangangahulugan ng kanilang walang hanggang pagkapuksa. (Ihambing ang 1 Samuel 3:12-14; 2:12.) Subalit kung tayo ay mga taong mapagpahalaga, “pagpapalain” natin ang lalong Dakilang Abraham. Papaano? Sa pamamagitan ng malayang pagkilala na ang lahat ng mabubuting bagay ay nagmumula kay Jehova, pati na ang di-sana nararapat na kaloob ng buhay sa pamamagitan ng kaniyang Anak. Gayundin, sasabihin natin sa iba ang tungkol sa mga kabutihan ni Jehova at ang kahanga-hangang mga katangian ng kaniyang pagkahari. (Santiago 1:17; Awit 145:7-13) Sa ganitong paraan inihahanay natin ang ating mga sarili upang tumanggap ng mga pagpapala mula sa kaniya magpakailanman.

Ang Ipinangakong “Binhi” ni Abraham

6. (a) Sino ang pangunahing “binhi” ni Abraham? (b) Paano natin matatamo ang pagpapala na darating sa pamamagitan niya?

6 Bilang bahagi ng kaniyang kaayusan sa pagpapala sa sangkatauhan nilayon ni Jehova ang isang matuwid na makalangit na pamahalaan. Si Jesu-Kristo ay ipinanganak bilang isang inapo ni Abraham, bilang ang kaniyang pinakamahalagang supling, o “binhi,” at sa kaniya ibinigay ni Jehova ang pagkahari. (Galacia 3:16; Mateo 1:1) Kaya, gaya ng ipinakikita ng sinumpaang pangako ng Diyos kay Abraham, sa pamamagitan ni Jesu-Kristo ang mga tao sa lahat ng mga bansa sa lupa ay pagpapalain. Ginagawa mo ba kung ano ang hinihiling upang tamasahin mo ang pagpapalang iyon? Halimbawa, ang iyo bang landas ng buhay ay nagpapakita na pinahahalagahan mo ang haing buhay ni Jesus? Talaga bang nagpapasakop ka sa kaniyang awtoridad bilang Hari?​—Juan 3:36; Gawa 4:12.

7. (a) Sino pa ang kasama sa “binhi ni Abraham”? (b) Paano natin nalalaman na hindi lahat ng tapat na naglilingkod sa Diyos ay magtutungo sa langit?

7 Ang apostol Juan ay binigyan ng isang makahulang pangitain ng makalangit na mga pangyayari kung saan nakita niya ang iba pa na kasama ni Jesu-Kristo sa makalangit na Bundok Sion. Sila man, ay bahagi ng “binhi ni Abraham.” Gaya ng binabanggit sa Apocalipsis 14:1-5, sila ay mga “binili mula sa sangkatauhan” at ang bilang ay 144,000. (Galacia 3:26-29) Sino ang kabilang sa mga ito? Nililiwanag na mabuti ng Bibliya na hindi kailanman layunin ng Diyos na dalhin ang lahat ng matuwid na mga tao sa langit. (Mateo 11:11; Gawa 2:34; Awit 37:29) Ang dakilang pribilehiyo na makisama kay Kristo sa Kaharian ng langit ay limitado sa isang “munting kawan” na magiging mga hari at mga saserdote na kasama niya sa loob ng isang libong taon.​—Lucas 12:32; Apocalipsis 5:9, 10; 20:6.

8. Kailan nagsimula ang pagpili sa “munting kawan,” at gaano katagal ito nagpatuloy?

8 Paano nagsimula ang pagpili sa “munting kawan” na iyon? Ang maibiging paanyaya na makibahagi sa makalangit na Kaharian ay unang ibinigay sa likas na mga Israelita. Subalit dahilan sa kanilang kakulangan ng pananampalataya, hindi nila nabuo ang 144,000. Kaya ang mga Samaritano at, nang dakong huli, ang mga tao sa lahat ng mga bansa ay inanyayahan. (Gawa 1:8) Ang una sa kasamang mga tagapagmana ni Kristo ay pinahiran ng banal na espiritu noong Pentecostes ng 33 C.E. Ang pagpili sa pangkat na ito ay nagpatuloy hanggang sa ang 144,000 ay natatakan ng Diyos bilang sinang-ayunan. Pagkatapos ang pansin ay itinuon sa pagtitipon ng mga tao na mabubuhay sa lupa bilang mapagpahalagang mga sakop ng makalangit na pamahalaan.

9. (a) Anong mga pagtukoy sa Bibliya ang kumakapit sa makalangit na uring ito? (b) Sino ang inilalarawan ng likas na mga Israelita?

9 Yaong mga tagapagmana ng makalangit na Kaharian na kasama ni Kristo ay tinutukoy sa Kasulatan bilang “mga pinili,” “mga banal,” mga taong “hinirang . . . [ng] Diyos.” (2 Timoteo 2:10; 1 Corinto 6:1, 2; 2 Corinto 1:21) Sila rin ay magkakasamang inilalarawan bilang ang “kasintahang babae” ni Kristo. (Apocalipsis 21:2, 9; Efeso 5:22-32) Minamalas mula sa iba pang mga punto, sila ay tinatawag na “mga kapatid” ni Kristo, “kasamang mga tagapagmana ni Kristo” at “mga anak” ng Diyos. (Hebreo 2:10, 11; Roma 8:15-17; Efeso 1:5) Anuman ang kanilang nasyonalidad, sila ay, sa espirituwal na diwa, “ang Israel ng Diyos.” (Galacia 6:16; Roma 2:28, 29; 9:6-8) Nang wakasan ni Jehova ang kaniyang tipang Kautusan sa makalamang Israel, dinala niya ang espirituwal na Israel sa isang bagong pakikipagtipan sa kaniya. Subalit ang kaniyang mga pakikitungo sa makalamang Israel samantalang sila ay nasa ilalim ng Kautusan ay nag-iiwan ng isang huwaran ng mga bagay na darating. (Hebreo 10:1) Sino, kung gayon, ang inilalarawan ng makalamang bansang Israel, na pinili ng Diyos bilang kaniyang “pantanging pag-aari”? Ang mga katotohanan ay tumuturo sa espirituwal na Israel, na pinili ng Diyos na magpuno na kasama ni Kristo sa langit. (Ihambing ang Exodo 19:5, 6 sa 1 Pedro 1:3, 4 at 2:9.) Kasama ni Kristo bubuuin nila ang ahensiya na sa pamamagitan nito ang mga pagpapala ay pararatingin sa lahat ng iba pang masunuring mga tao. Ang pagpapahalaga rito ay isang susi sa pag-unawa sa Bibliya.

Yaong mga Pinagpala sa Pamamagitan ng “Binhi”

10. Sino ang inilalarawan ng hindi Israelitang mga mananamba ni Jehova?

10 Noong panahon na ang Diyos ay nakikitungo sa isang pantanging paraan sa bansang Israel, gumawa rin siya ng maibiging mga paglalaan para sa mga tao na hindi mula sa bansang iyon subalit ang mga puso ay napakilos na makibahagi sa tunay na pagsamba na kasama ng mga Israelita. Kapuri-puring binabanggit sila sa rekord ng Bibliya. Sila rin ba, ay may makabagong-panahong katuparan? Oo, mayroon. Inilalarawan nila sa maraming paraan yaong hindi espirituwal na mga Israelita subalit itinatangi ang kamangha-manghang pag-asa na buhay na walang hanggan bilang makalupang mga sakop ng Kaharian ng Diyos. Ang mga ito ang tinutukoy ng Diyos kay Abraham, na sinasabi na pagpapalain ng mga tao ng “lahat ng mga bansa sa lupa” ang kanilang sarili sa pamamagitan ng kaniyang “binhi.”​—Genesis 22:18; Deuteronomio 32:43.

11. (a) Anong pagtukoy ang binabanggit tungkol sa pangkat na ito sa pag-aalay ng templo ni Solomon? (b) Paanong ang “mga dayuhan” ay ‘nakikilakip kay Jehova’ sa ating kaarawan, gaya ng inihula sa Isaias 56:6, 7?

11 Sa tuwina’y layunin ng Diyos na ang lahat ng sangkatauhan ay magkaisa sa tunay na pagsamba. Angkop naman, sa pag-aalay ng templong itinayo ni Solomon sa Jerusalem, ang hari ay nanalangin na sana’y pakinggan ni Jehova ang panalangin ng mga dayuhan na naghahandog ng kalugud-lugod na pagsamba kasama ng Israel. (2 Cronica 6:32, 33) At, sa Isaias 56:6, 7, ang Diyos ay nangako: “Ang mga banyaga na nakikilakip kay Jehova upang maglingkod sa kaniya at umiibig sa pangalan ni Jehova, upang maging mga lingkod niya, . . . Sila’y dadalhin ko sa aking banal na bundok at papagsasayahin ko sila sa loob ng aking bahay dalanginan. . . . Sapagkat ang aking bahay ay tatawagin na bahay dalanginan para sa lahat ng bayan.” Ipinababanaag ang espiritung ipinahahatid dito, ang makabagong-panahong “mga dayuhan” ay nagkakatipon na ngayon mula sa lahat ng mga bansa, hindi bilang mga tagamasid lamang, kundi bilang mga tao na ‘nakikilakip kay Jehova.’ Ginagawa nila ito sa pamamagitan ng pag-aalay ng kanilang buhay sa kaniya, sinasagisagan ito sa pamamagitan ng bautismo sa tubig at pagkatapos ay paglilingkod sa isang paraan na nagpapakita ng kanilang pag-ibig sa “pangalan ni Jehova” at sa lahat ng kinakatawan nito.​—Mateo 28:19, 20.

12. Paano ipinakikita ng Batas Mosaiko kung baga yaong ang pag-asa ay maging makalupang mga sakop ng Kaharian ng Diyos ay dapat sumunod sa mataas na mga pamantayan na kumakapit sa espirituwal na Israel?

12 Gayunding katapatan ang hinihiling sa kanila na katulad niyaong sa pinahiran ng espiritung mga Kristiyano. Sa ilalim ng Batas Mosaiko, hiniling ni Jehova na ang “dayuhan” na nagtataguyod ng tunay na pagsamba ay sumunod sa iisang batas na nagbubuklod sa Israel. (Bilang 15:15, 16) Ang kaugnayan sa pagitan nila ay hindi ang basta pagpaparaya kundi ang tunay na pag-ibig. (Levitico 19:34) Sa gayunding paraan, sinisikap niyaong mga lumalarawan sa mga dayuhan na iayon ang kanilang mga buhay na kasuwato ng mga kahilingan ni Jehova at maglingkod sa maibiging pagkakaisa na kasama ng mga nalabi ng espirituwal na Israel.​—Isaias 61:5.

13. Anong mga detalye sa Isaias 2:1-4 ang dapat nating isapuso kung nais nating makaligtas tungo sa “bagong lupa”?

13 Sa pamamagitan ng kaniyang propeta na si Isaias, inilarawan ni Jehova ang sabik na sabik na mga pulutong ng mga tao mula sa “lahat ng mga bansa” na ngayo’y nagkalipumpon sa pansansinukob na bahay ng pagsamba ni Jehova. Inihula niya: “Maraming bayan ang tiyak na paparoon at magsasabi: ‘Halikayo, kayong mga tao, at umahon tayo sa bundok ni Jehova, sa bahay ng Diyos ni Jacob; at tayo’y kaniyang tuturuan sa kaniyang mga daan, at tayo’y lalakad sa kaniyang mga landas.’” Bunga nito, kanilang ‘pinukpok ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod’ at, kahit na sa gitna ng ginigiyagis ng digmaan na daigdig na ito, sila ay ‘hindi na mag-aaral ng pakikidigma.’ (Isaias 2:1-4) Nakikita mo ba ang iyong sarili sa maligayang pulutong na iyon? Nakikibahagi ka ba sa kanilang mithiin na alamin ang mga kahilingan ni Jehova, upang ikapit ang mga ito sa iyong buhay at huwag nang magtiwala sa mga sandata ng digmaan? Ang Diyos ay nangako na isang malaking pulutong na nagtataguyod ng landasing ito ay “lalabas mula sa malaking kapighatian” bilang mga makaliligtas tungo sa kaniyang mapayapang “bagong lupa.”​—Apocalipsis 7:9, 10, 14; Awit 46:8, 9.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share