Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 11/22 kab. 10 p. 21-24
  • “Sila’y Hindi Na Magugutom”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Sila’y Hindi Na Magugutom”
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • “Pumaroon Kayo kay Jose”
  • Pagbibigay-Kasiyahan sa Ating Gutom at Uhaw Ngayon
Gumising!—1986
g86 11/22 kab. 10 p. 21-24

Kabanata 10​—Pagkaligtas Tungo sa Isang Bagong Lupa

“Sila’y Hindi Na Magugutom”

1. Gaano kalubha ang suliranin ng daigdig sa pagkain?

ISA sa pangunahing suliraning nakakaharap ng daigdig ngayon ay may kaugnayan sa pagkain. Ang mataas na mga halaga ay nagpapahirap sa marami. Nakakaharap ng iba ang aktuwal na pagkagutom. Iniulat kamakailan na taun-taon 40 milyon katao​—sa ibang mga taon ay kasindami ng 50 milyon​—ang namamatay dahilan sa wala silang pagkain na kinakailangan nila. Halos sampung ulit ng bilang na iyan ang dumaranas ng matinding malnutrisyon. Bagaman ang ilang mga bansa ay umaani ng higit kaysa kanilang makakain, ang pulitikal na tunggalian at kasakiman na pangkalakal ay kadalasang humahadlang sa mga pagsisikap na ipadala ang labis doon sa mga talagang nangangailangan nito.​—Ihambing ang Apocalipsis 6:5, 6.

2. Maging sa mga bansang may kasaganaan, bakit ang mga tao ay may dahilan na mabahala?

2 Kahit na ang mga lupain na para bang sagana ay nakakaharap ang isang nakaliligalig na kinabukasan. Bakit? Ang kasalukuyang pamamaraan ng pagsasaka ay kadalasang dumidepende sa petrolyo, at ang pangglobong panustos ay limitado. Ang lubhang paggamit ng komersiyal na mga abono ay nagpaparumi sa kanilang mga panustos na tubig. Ang labis na paggamit ng mga pestesidyo, na ginagamit upang pangalagaan ang mga ani, ay sinisira rin ang mga organismo kung saan nakasalalay ang pagkamabunga ng lupa sa hinaharap. Sa lahat halos ng larangan ng pagsisikap ng tao, patuloy na dumarami ang malubhang mga problema. Si Aurelio Peccei, pangulo ng isang internasyonal na pangkat ng mga intelektuwal, ay itinulad ang daigdig sa “isang patalbug-talbog na bala habang ito ay lumilipat mula sa isang sakuna tungo sa isang sakuna.” Makatotohanan bang ilagak ang pag-asa sa hinaharap sa isang daigdig na may gayong rekord?​—Jeremias 10:23; Kawikaan 14:12.

3. Sino ang makagagarantiya ng saganang pagkain para sa lahat ng sangkatauhan, at ano ang nagbibigay sa iyo ng ganiyang pagtitiwala?

3 Makatuwiran, hinarap ng angaw-angaw na mga tao ang kanilang pangangailangan sa tulong na maibibigay lamang ng Diyos. Pagkaraang masuri ang hula ng Bibliya, nalalaman nila na nailuklok na ng Diyos na Jehova ang kaniyang makalangit na Anak na si Jesu-Kristo at na ibinigay na sa kaniya ang buong lupa bilang kaniyang pag-aari. (Awit 2:7, 8) Taglay niya ang karunungan at kakayahan na igarantiya na ang lahat ng sangkatauhan ay saganang paglalaanan mula sa ani ng lupa. (Awit 72:7, 8, 16; Colosas 1:15-17) Kapag naalis na ang kasalukuyang mapag-imbot na sistema, pangangasiwaan ni Kristo ang mga pagsisikap ng mga makaliligtas na tao upang ang buong lupa ay maging isang mabungang Paraiso.

4. Upang makinabang sa pisikal na mga paglalaang iyon, ano ang dapat nating gawin ngayon?

4 Gayunman, ang walang hanggang makikinabang sa kaniyang pamamahala ay yaong mga nakababatid na ang tao ay nabubuhay hindi lamang sa tinapay, mga taong nagpapahalaga sa espirituwal na mga kahalagahan at ang mahalagang pangangailangan na kumuha ng lakas mula sa pag-aaral at paggawa ng kalooban ng Diyos. Paulit-ulit na itinatampok ng Bibliya ang kahalagahan nito. (Juan 4:34; 6:27; Jeremias 15:16) Idiniin ito ni Jesus nang kaniyang sabihin: “Nasusulat, ‘Hindi sa tinapay lamang nabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ni Jehova.’” (Mateo 4:4) Kailangan natin ang gayong espirituwal na pagkain ngayon, kung nais nating makaligtas sa katapusan ng kasalukuyang sanlibutan. Kung paano natin makakamit ito ay inilalarawan sa atin sa ulat ng Bibliya tungkol kay Jose at sa kaniyang mga kapatid na lalaki.

“Pumaroon Kayo kay Jose”

5. Paano naging isang alipin si Jose sa Ehipto?

5 Binigyan ng Diyos si Jose, isang apo-sa-tuhod ni Abraham, ng mga panaginip na nagpapahiwatig na si Jose ay magkakaroon ng isang prominenteng papel sa buhay. Dahilan dito, gayundin ang bagay na siya ay mahal na mahal ng kaniyang ama, ang sampung kapatid sa ama ni Jose ay napoot kay Jose. Sila’y nagsabuwatan na patayin siya subalit sa wakas ay ipinagbili siya bilang isang alipin, at siya ay dinala sa Ehipto. Paano ngayon matutupad ang layunin ng Diyos tungkol kay Jose?​—Genesis 37:3-11, 28.

6. (a) Paano napatuon ang pansin ni Faraon kay Jose? (b) Anong mga panaginip ang bumagabag kay Faraon?

6 Nang si Jose ay 30 taóng gulang, pinangyari ni Jehova na si Faraon, ang pinuno ng Ehipto, ay magkaroon ng dalawang panaginip na bumagabag sa kaniya. Sa una ay nakita niya ang pitong mga baka na “magagandang anyo at matatabang laman,” at ng ibang pitong baka na “mga pangit na anyo at payat.” Nilamon ng mapapayat na baka ang matatabang baka. Sa isa pang panaginip nakita ni Faraon ang pitong uhay sa isang tangkay, “mapipintog at mabubuti,” at pitong iba pang uhay na “payat at tinutuyo ng hanging silanganan.” Minsan pa, nilamon ng uhay na payat ang mapipintog na uhay. Ano ang kahulugan ng lahat na ito? Walang isa man sa matatalinong mga lalaki ng Ehipto ang nakapagpaliwanag sa mga panaginip. Subalit nagunita ng tagapangasiwa ng mga inumin ni Faraon na, nang siya’y nasa bilangguan, isang kapuwa bilanggo, si Jose, ang wastong nagpaliwanag ng mga panaginip. Kaagad na ipinatawag ni Faraon si Jose.​—Genesis 41:1-15.

7. (a) Paano naging administrador ng pagkain si Jose sa Ehipto? (b) Nang tumindi ang taggutom, ano ang ginawa ng mga Ehipsiyo upang manatiling buháy?

7 Hindi inaangkin ang kapurihan sa kaniyang sarili, sinabi ni Jose kay Faraon: “Ang panaginip ni Faraon ay iisa. Ang gagawin ng tunay na Diyos ay ipinahayag niya kay Faraon.” (Genesis 41:16, 25) Ipinaliwanag ni Jose na ang ikalawang panaginip ay katulad din ng una at idiniriin ang katiyakan nito. Pitong mga taon ng kasaganaan sa Ehipto ay susundan ng pitong taon ng taggutom. Pinayuhan niya si Faraon na maglagay ng isang may kakayahang lalaki na mangasiwa sa pag-iimbak ng binutil sa panahon ng kasaganaan bilang paghahanda sa taggutom. Kinikilala na ang Diyos mismo ang nagpaliwanag ng lahat ng ito kay Jose, hinirang ni Faraon si Jose bilang administrador ng pagkain, binibigyan siya ng kapangyarihan sa Ehipto na pangalawa lamang sa kapangyarihan mismo ni Faraon. Gaya ng inihula, ang pitong taon ng walang katulad na kasaganaan ay dumating, at ipinatinggal ni Jose ang napakaraming mga pagkain. Pagkatapos mahigpit na sinunggaban ng inihulang taggutom ang lupain. Nang ang mga tao ay magmakaawa kay Faraon para sa tinapay, siya ay sumagot: “Pumaroon kayo kay Jose. Anuman ang kaniyang sabihin sa inyo, ay inyong gawin.” Kaya pinagbilhan sila ni Jose ng binutil​—una’y binayaran nila ng salapi, pagkatapos ng kanilang mga alagang hayop, at sa wakas ay ipinagpalit nila ang kanilang mga sarili at ang kanilang lupain. Upang patuloy na mabuhay, kailangang lubusan nilang ibigay ang kanilang mga sarili sa paglilingkod kay Faraon.​—Genesis 41:26-49, 53-56; 47:13-26.

8. (a) Upang makakuha ng kinakailangang pagkain, ano ang hiniling sa mga kapatid sa ama ni Jose? (b) Bakit iningatan ang ulat na ito?

8 Naapektuhan din ng taggutom ang mga lupain sa paligid ng Ehipto. Sa wakas ang mga kapatid ni Jose sa ama ay dumating mula sa Canaan. Mahigit na 20 mga taon ang lumipas mula nang ipagbili nila siya sa pagkaalipin, at hindi nila siya nakilala. Yumuko sila sa harap niya, gaya ng malaon nang inihula ng mga panaginip ni Jose, at nakiusap na sila’y pagbilhan ng pagkain. (Genesis 37:6, 7; 42:5-7) May katalinuhang inilagay sila ni Jose sa pagsubok at nakita niya ang nakakukumbinsing katibayan na ang kanilang saloobin sa kaniya at sa kaniyang ama ay talagang nagbago. Sa wakas ipinakilala niya ang kaniyang sarili at ipinaliwanag na sa katunayan “para sa pagliligtas ng buhay” na siya ay sinugo ng Diyos sa Ehipto na una sa kanila. Sa kaniyang pangangasiwa, dinala nila ang kanilang ama at ang kani-kanilang pamilya sa Ehipto. (Genesis 45:1-11) Ang lahat ng ito ay iniulat para sa ating kapakinabangan, at ang makahulang kahulugan nito ay kinapapalooban ng mga pangyayari sa ating kaarawan.​—Roma 15:4.

Pagbibigay-Kasiyahan sa Ating Gutom at Uhaw Ngayon

9. (a) Ano ang sanhi ng espirituwal na kagutom sa daigdig ngayon? (b) Bakit isa ito sa ugat na mga sanhi ng mga problema ng sangkatauhan?

9 Isa sa mga ugat na sanhi ng mga suliranin ng sangkatauhan ay ang espirituwal na gutom. Sapagkat tinalikdan nila si Jehova, hindi niya pinagkalooban sila ng pagkaunawa sa kaniyang Salita, at, bunga nito, sila ay dumaranas ng “isang kagutom, hindi kagutom sa tinapay, o kauhawan man, sa tubig, kundi sa pagkarinig ng mga salita ni Jehova.” (Amos 8:11) Ang mga taong gutom sa espiritu ay nangangapa ng mga kasagutan sa mahahalagang katanungan na gaya ng: Ano ang kahulugan ng buhay? Bakit namamatay ang mga tao? Mayroon bang anumang tunay na pag-asa sa hinaharap? Naguguluhan dahilan sa pagkagutom sa espiritu, kadalasang sinasaktan ng gayong mga tao ang kanilang mga sarili at ang iba habang sila ay nakikibahagi sa imoral at kriminal na paggawi upang sapatan ang kanilang mga pagnanasa.

10. (a) Bilang katuparan ng Isaias 65:13, 14, anong mga kalagayan ang umiiral sa gitna ng mga lingkod ni Jehova? (b) Kailan ang mga panahon ng espirituwal na kagutom at espirituwal na kasaganaan?

10 Sa kabaligtaran, binigyan ni Jehova ng espirituwal na kasaganaan ang kaniyang tapat na mga lingkod, at tunay na pag-ibig ang umiiral sa gitna nila. Binuksan niya sa kanilang pang-unawa ang kasiya-siyang espirituwal na mga katotohanan na nasa kaniyang kinasihang Salita at binigyan sila ng gawain bilang kaniyang mga saksi. May kagalakang ibinabahagi nila ang mga katotohanang ito sa iba na nagugutom sa espiritu at naghahanap ng buhay may kaugnayan sa Diyos. (Isaias 65:13, 14; Lucas 6:21) Doon sa sinaunang Ehipto ang pitong taon ng kasaganaan ay sinundan ng pitong taon ng taggutom. Subalit sa ating kapanahunan ang mga yugto ng espirituwal na kagutom at espirituwal na kasaganaan ay magkasabay.

11. (a) Sino ang inilalarawan ni Faraon at ni Jose, at bakit gayon? (b) Paanong ang landasing kinuha ng “malaking pulutong” ay gaya niyaong sa hinampas ng taggutom na mga Ehipsiyo?

11 Sa ngayon hindi si Faraon ang pinuno. Ang Diyos na Jehova, ang lalong Dakilang Faraon, ang siyang Pansansinukob na Soberano. Ipinagkaloob niya kay Jesu-Kristo ang kapangyarihan na pangalawa lamang sa kaniya mismong kapangyarihan. Gaya ng lalong Dakilang Jose, si Jesus ang Isa na pinagkatiwalaan ni Jehova ng pananagutan na mamigay ng sumusustini-buhay na pagkaing espirituwal. Pinabayaan ng relihiyoso at sekular na mga pilosopya ng daigdig ang sangkatauhan na gutom sa espiritu. Sa pamamagitan lamang ng pagbaling kay Jesu-Kristo at pagtatamo ng espirituwal na pagkain sa pangangasiwa niya tayo ay maaaring masustinihan. Angaw-angaw na mga tao, na inilalarawan ng hinampas ng taggutom na mga Ehipsiyo, ang gumagawa niyan. Sa pamamagitan ni Jesu-Kristo lubusan nilang iniaalay ang kanilang sarili kay Jehova sa tanang panahon, at sa gayon sila ay kasama sa malaking pulutong ng mga makaliligtas sa dumarating na araw ng galit ng Diyos.

12. (a) Paano inilalaan ni Jesus na nasa langit ang espirituwal na pagkain para sa atin dito sa lupa? (b) Ano ang kumukumbinse sa iyo upang makilala ang “tapat at maingat na alipin”?

12 Subalit si Jesus ay nasa langit. Paano siya naglalaan ng espirituwal na pagkain sa kapakinabangan natin dito sa lupa? Inihula niya na gagawin niya ang gayon sa pamamagitan ng kaniyang “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45-47) Ito ay isang “alipin” na binubuo ng marami, na bumubuo sa kaniyang kongregasyon ng mga hinirang ng espiritu samantalang nasa lupa. (Ihambing ang Isaias 43:10.) Isang nalabi nito ang nasa lupa pa. Ang tunay na kongregasyong Kristiyano na ito ay madaling makilala kung ihahambing ang mga turo at mga gawain nito sa Bibliya. May katotohanang itinuturo nito kung ano ang iniutos ni Jesus. Kaya hindi ito kasangkot sa pulitikal na mga gawain ng sanlibutan, kundi ang lahat ng mga membro nito ay mga tagapagpahayag sa madla ng Kaharian ng Diyos. Hindi sila nababaha-bahagi sa mga sekta ng Sangkakristiyanuhan. Sila ay nagkakaisa, gaya ng sinabi ni Jesus​—lahat sila ay mga Saksi ni Jehova bilang pagtulad sa kanilang Panginoon. (Tingnan ang Juan 17:16, 20, 21; Mateo 24:14; 28:19, 20; Apocalipsis 1:5.) Tinatamasa nila ang espirituwal na kasaganaan at handa silang ibahagi ito sa iba.

13. (a) Sa anong mga paraan pinatunayan ng maraming mga tao ang kanilang mga sarili na kagaya ng sampung mga kapatid sa ama ni Jose? (b) Paano tayong lahat ay makikinabang mula sa espirituwal na pagkain na inilalaan ni Kristo sa pamamagitan ng uring “alipin”?

13 Maraming tao ang tumutuya sa mga pinahirang Kristiyano na ito, na ang sabi: ‘Sa akala ba ninyo ay mas mabuti kayo kaysa sa amin? Inaakala ba ninyo na kayo lamang ang tama?’ Subalit nang malaunan mapakumbabang kinilala ng iba na si Jehova ay tunay ngang may mga saksi sa lupa at na kanilang tunay na inihahayag ang kaniyang Salita. Pinahahalagahan nila na ipinakikita ng Bibliya na magkakaroon ng isa lamang tunay na kongregasyong Kristiyano at na ang mga membro nito ay magkakaisa. (Efeso 4:5; Roma 12:5) Ang matapat at mapakumbabang pagsusuri ng mga katotohanan ay umakay sa kanila sa organisasyong iyan. Ang gayong mga tao ay inilalarawan ng sampung kapatid sa ama ni Jose, na dati’y pinag-usig ang pinahirang mga tagasunod ni Jesus o nagbigay ng moral na pagsuporta sa gayong mga mang-uusig subalit ngayo’y nagpapakita ng tunay na pagbabago ng puso. (Juan 13:20) May pagpapasalamat na tinanggap nila ang espirituwal na pagkain na inilaan ni Jesu-Kristo sa pamamagitan ng kaniyang uring ‘tapat na alipin.’ Nagkaroon sila ng espirituwal na lakas habang sila ay kumakain ng mga katotohanan sa Bibliya na ipinaliliwanag sa mga publikasyon ng Watch Tower, regular na dumadalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova at aktibong nakikibahagi sa paggawa ng kalooban ng Diyos. Isa ka ba sa mga mapagpakumbabang ito?​—Hebreo 10:23-25; ihambing ang Juan 4:34.

14. Anong espirituwal na mga kalagayan ang tinatamasa niyaong namumuhay na kasuwato ng mga simulaing natutuhan mula sa dramang ito ng Bibliya?

14 Masayang kaginhawahan ang tinatamasa ng lahat na maibiging inilalaan ang kanilang mga buhay sa paglilingkod sa kanilang Maylikha sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Sa espirituwal na diwa, “sila’y hindi na magugutom ni mauuhaw pa man, . . . sapagkat ang Kordero [si Jesu-Kristo], na nasa gitna ng trono, ang magiging pastol nila, at sila’y papatnubayan sa mga bukal ng tubig ng buhay.”​—Apocalipsis 7:16, 17; Isaias 25:6-9.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share