Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 11/22 kab. 11 p. 24-27
  • “Tumakas Mula sa Gitna ng Babilonya”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Tumakas Mula sa Gitna ng Babilonya”
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • GAANO KALAKI ANG PAG-IBIG MO SA KATOTOHANAN?
  • PAGLALAAN NG DIYOS PARA SA PAGPAPALAYA
  • “LUMABAS KAYO SA KANIYA, BAYAN KO”
Gumising!—1986
g86 11/22 kab. 11 p. 24-27

Kabanata 11​—Pagkaligtas Tungo sa Isang Bagong Lupa

“Tumakas Mula sa Gitna ng Babilonya”

1. (a) Paano natin malalaman kung anong uri ng pagsamba ang kalugud-lugod sa Diyos? (b) Mula saan tayo hinihimok ng Diyos na tumakas?

MARAMING tao ang nagpalipat-lipat mula sa isang relihiyon tungo sa isang relihiyon, na naghahanap ng kasiya-siyang kasagutan sa kanilang mga katanungan tungkol sa buhay. Nasusumpungan nila ang ilang mga pagkakahawig sa mga paniniwala at mga gawain, gayundin ang maraming mga pagkakaiba. Subalit tanging sa paggamit lamang ng Salita mismo ng Diyos bilang patnubay na ang sinuman ay makatitiyak kung aling mga kasagutan ang totoo at kung anong mga gawain ang talagang nakalulugod sa Diyos. Sa pamamagitan ng Bibliya, ipinaaalam sa atin ng Maylikha ang tungkol sa kaniya at sa kaniyang layunin. Inilalantad niya rin sa ating paningin ang pinagmulan ng huwad na pagsamba. Sa paggawa ng gayon, tayo ay kaniyang binabalaan laban sa kung ano ang inilalarawan niya bilang “Babilonyang Dakila” at hinihimok tayo na “tumakas” mula sa gitna niya. Sinunod mo na ba ang babalang iyan?​—Apocalipsis 18:4, 21; Jeremias 51:6.

2. Ano ang “Babilonyang Dakila”?

2 Ano ba ang “Babilonyang Dakila”? Sa pangkalahatan, lahat ng mga relihiyon na nagtataguyod sa mga saloobin, paniniwala o mga gawain na nag-uugat sa relihiyon ng sinaunang Babilonya ang siyang bumubuo sa Babilonyang Dakila. Samakatuwid ang mga katangian nito ay maaaring kilalanin sa pamamagitan ng pagsusuri sa pinagmulan at relihiyon ng sinaunang Babilonya mismo.

3. (a) Paano nagsimula ang sinaunang Babilonya, at anong espiritu ang hinimok ng tagapagtatag nito? (b) Sa anong mga paraan nababanaag ang espiritung iyan sa mga relihiyon ngayon?

3 Mahigit na sandaang taon pagkaraan ng Baha noong kaarawan ni Noe, ang lunsod ng Babel (nang malauna’y tinawag na Babilonya) ay itinayo sa paligid ng isang tore​—isang proyekto na itinatag ni Nimrod. Pinangyari ng Nimrod na ito sa kaniyang mga kasama ang espiritu ng paghihimagsik laban kay Jehova at isang pagnanasa na mapatanyag ang kanilang mga sarili. (Genesis 10:9, 10; 11:1-9) Napapansin mo ba ang espiritung iyan ngayon​—isang pagwawalang-bahala sa Salita ng Diyos, kahit na sa bahagi niyaong nag-aangking relihiyoso, at ang paggamit sa relihiyon upang itawag-pansin ang sarili o mapatanyag pa nga?

4. Paano pinilipit ng relihiyong maka-Babilonya ang katotohanan tungkol sa Diyos mismo?

4 Ang mga trinidad ng mga diyos ay prominente sa relihiyon ng taga-Babilonya. Nariyan ang trinidad na binubuo ni Anu, Bel at Ea; at isa pa na kinabibilangan ni Sin, Shamash at Ishtar. Karagdagan pa, ang mga dako ng pagsamba sa Babilonya ay punúng-punô ng mga imahen. Inililigaw nito ang pansin sa bagay na mayroon lamang isang tunay na Diyos, na ang pangalan ay Jehova. (Deuteronomio 4:39; Juan 17:3) Ang mga katangian at paggawi ng kanilang mga diyos, pati na ang paggamit ng walang-buhay na mga imahen, ay nagbigay sa maraming tao ng isang pilipit na pangmalas tungkol sa Maylikha.​—Jeremias 10:10, 14; 50:1, 38; 1 Corinto 10:14, 19-22.

5. (a) Paanong ang paniniwala ng taga-Babilonya tungkol sa kamatayan sa katunayan ay isang pagpapaganda sa kasinungalingan ni Satanas kay Eva? (b) Sa anong iba pang turo umakay ito?

5 Ang mga taga-Babilonya ay naniniwala na ang kamatayan ay isa lamang paglipat tungo sa ibang uri ng buhay, subalit ito ay salungat sa kung ano ang sinabi ng Diyos sa ating unang mga magulang. Pinalawak pa ng mga pilosopong Griego ang ideyang ito, sinasabi na ang mga tao ay may isang kaluluwang hindi namamatay. Ang unang kasinungalingan ng Diyablo ay na kung susuwayin nina Adan at Eva ang Diyos, sila ay ‘tiyak na hindi mamamatay’ sa laman. Ngayon ang mga tao ay sinasabihan na yaong nabubuhay magpakailanman ay isang panloob na bahagi nila na hindi nila nakikita. Ang huwad na turong ito ay umakay sa paniniwala sa impiernong apoy, purgatoryo, pagsamba sa mga ninuno at marami pang iba.​—Genesis 3:1-5; Eclesiastes 9:5, 10; Ezekiel 18:4.

6. (a) Anong iba pang mga gawain na karaniwan ngayon ang nagmula sa relihiyon ng taga-Babilonya? (b) Gaano kaselan ito?

6 Kasali rin sa relihiyon ng taga-Babilonya ang pagsasagawa ng astrolohiya, panghuhula, magik at panggagaway, na sa pamamagitan nito ay sinangguni ng mga tao ang patnubay ng sobrenatural na maaaring gamitin upang pagyamanin ang kanilang mga sarili at kontrolin ang iba. (Daniel 2:27; Ezekiel 21:21) Totoong pangkaraniwan ang mga gawaing ito sa ngayon, bagaman ang lahat ng ito ay ipinagbabawal sa Bibliya! Sa pagsasagawa ng mga ito, ang mga tao ay tuwirang napasailalim ng mga espiritung demonyo, na humihiling ng napakalaking halaga para sa mga pabor na ibinibigay nila.​—Deuteronomio 18:10-12; Isaias 8:19; Gawa 16:16; Apocalipsis 18:21, 23.

7. Anong katibayan ang nakikita mo na ang Babilonyang Dakila (a) ay may imoral na kaugnayan sa mga pinuno ng pulitika? (b) ay may malaking kayamanan? (c) ay may pananagutan sa pagbububo ng dugo?

7 Higit pang ipinakikilala ang Babilonyang Dakila, binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa kaniyang imoral na mga kaugnayan sa mga pinuno ng pulitika, ang kaniyang kayamanan at ang kaniyang pananagutan sa pagbububo ng dugo, pati na yaong sa tunay na mga lingkod ng Diyos. (Apocalipsis 17:1-6; 18:24) Ang rekord ng mga relihiyon ng daigdig tungkol sa bagay na ito ay balitang-balita.

GAANO KALAKI ANG PAG-IBIG MO SA KATOTOHANAN?

8. Sino talaga ang diyos ng Babilonyang Dakila?

8 Kung ang isang tao ay kabilang sa alin mang bahagi ng Babilonyang Dakila, nakikibahagi sa kaniyang mga pagdiriwang o tinutularan ang kaniyang mga paraan, sino sa gayon ang pinararangalan? Tiyak na hindi si Jehova. Sa halip, ang gayong tao ay, sa diwa, yumuyuko sa “diyos ng sistemang ito ng mga bagay,” ang isa na bumubulag sa mga kaisipan ng mga tao.​—2 Corinto 4:4.

9. Paanong nangyari na nailigaw ni Satanas ang napakaraming tao sa relihiyosong paraan?

9 Subalit paano nangyari na napakaraming tao ang nailigaw sa ganitong paraan? Ang Bibliya ay sumasagot na sila ay naging biktima ng silo ni Satanas “sapagkat hindi nila tinanggap ang pag-ibig sa katotohanan.” (2 Tesalonica 2:9-12) Hindi natin dapat itong pagtakhan. Ilang tao ang kilala ninyo na laging nagsasalita ng katotohanan​—sa tahanan, sa negosyo, kapag iniharap sa kanila ang kanilang mga pagkukulang? Kapag ipinakita kung ano ang sinasabi ng Bibliya, ang Salita ng Diyos ng katotohanan, gaano karami ang handang talikdan ang kanilang dating paniniwala o kaugalian, baguhin pa nga ang kanilang istilo ng pamumuhay, upang umayon dito? Gayon ka ba?

10. (a) Anong uri ng mga tao ang hinahanap ni Jehova? (b) Paano natin maipakikita na tayo ay gayong uri ng mga tao?

10 Hinahanap ni Jehova ang mga tao na may gayong pag-ibig sa katotohanan. Siya mismo “ang Diyos ng katotohanan.” (Awit 31:5) Ang mga turo ng kaniyang Salita ay hindi guniguni. Ang mga ito ay katotohanan. Sa isang babae sa Samaria, sinabi ni Jesus: “Sasambahin ng mga tunay na sumasamba ang Ama sa espiritu at katotohanan, sapagkat, talaga ngang ang mga gayon ang hinahanap ng Ama na sumamba sa kaniya. Ang Diyos ay Espiritu, at yaong mga sumasamba sa kaniya ay kinakailangang sumamba sa kaniya sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:23, 24) Nais mo bang maging ganiyang uri ng tao?

PAGLALAAN NG DIYOS PARA SA PAGPAPALAYA

11. (a) Ano ang inihula sa Isaias 49:8, 9? (b) Kailan nagkaroon ito ng unang katuparan? (c) Bakit ito mahalaga sa atin?

11 Upang maglaan ng patnubay sa atin, malaon nang ipinaulat ni Jehova sa Bibliya ang isang pangako ng pagliligtas mula sa mapang-aping pagsupil ng Babilonya. Natupad ito nang palayain ni Cirong Dakila ang mga Judio, gayundin ang mga hindi Israelitang mga Nethinim, upang sila ay makabalik sa Jerusalem at itayong-muli ang templo ni Jehova. Subalit higit pa ang nasasangkot. Ang naganap noon ay tumuturo sa pagliligtas ng lalong Dakilang Ciro, ang Panginoong Jesu-Kristo. Ang pagsunod natin sa kaniyang mga utos ay nag-iingat sa atin na mailigaw ng mga tao na naghahangad lamang ng katanyagan sa kanilang sarili. Kay Jesus lalo na kumakapit ang hula na nagsasabi: “Ganito ang sabi ni Jehova: ‘Sa kalugud-lugod na panahon ay sinagot kita, at sa araw ng pagliligtas ay tinulungan kita; at aking iingatan ka upang ibigay kita na pinaka-tipan sa bayan, upang muling tirahan ang lupain, upang ipamana sa kanila ang mga sirang mana, upang sabihin sa mga bilanggo, “Kayo’y magsilabas!” sa kanilang nasa kadiliman, “Pakita kayo!”’” (Isaias 49:8, 9) Paano ito natupad kay Jesus?

12. (a) Paano natupad ang hulang iyon kay Jesus? (Lucas 4:16-18) (b) Anong pampatibay-loob mayroon dito para sa atin?

12 Sinagot ni Jehova ang mga panalangin ni Jesus. Tinulungan at iningatan niya ang kaniyang Anak nang buong giting na ilantad ni Jesus ang relihiyosong kasinungalingan at ipaalam ‘ang katotohanan na magpapalaya sa mga tao.’ (Juan 8:32) Sa kabila ng mga pagsisikap ni Satanas na patayin si Jesus, iningatan ni Jehova ang kaniyang Anak hanggang ang kaniyang gawain sa lupa ay matapos. Pagkatapos binuhay niya si Jesus tungo sa isang walang kamatayang buhay sa langit, upang doon ay ipagpatuloy ang kaniyang gawain ng pagpapalaya. Binigyan siya ng Diyos ng isang “tipan,” o pangako, na magkakaroon ng pagpapalaya sa mga tao mula sa pagkabihag sa Babilonyang Dakila. Kung paanong tiyak na mayroong binuhay-muli at niluwalhating Jesu-Kristo sa langit, gayundin katiyak na ang matuwid-pusong mga tao ay ililigtas mula sa relihiyosong kadiliman ng Babilonyang Dakila. Makikinabang ka ba sa pagliligtas na iyon?

13. Mula noong 36 C.E. patuloy, paano pinatunayan ni Jesus na siya ay “ilaw ng mga bansa”?

13 Tungkol sa lawak ng pagpapalaya, inihula ni Jehova: “Ikaw ay aking ibibigay na pinaka-ilaw sa mga bansa, upang ang aking kaligtasan ay umabot hanggang sa wakas ng lupa.” (Isaias 49:6) Kaya, noong 36 C.E. ang mga Gentil, o mga bansang hindi Judio, ay sinimulang dalhin sa kongregasyon ng espirituwal na Israel. Gayunman, ang pagdaragdag ng mga Gentil sa hinirang ng espiritung kongregasyong Kristiyano ay hindi siyang lubos na lawak na doon si Jesus ay magsisilbi bilang “ang ilaw ng mga bansa.”

14. (a) Para kanino pa sa “mga bansa” si Jesus ay magiging isang ilaw? (b) Anong grupo ng mga umalis sa sinaunang Babilonya ang inilalarawan nito? (c) Anong espirituwal na mga pagpapala ang tinatamasa na nila, bilang katuparan ng Isaias 49:10?

14 Batid ni Jesus na titipunin din niya ang “ibang tupa” na magtatamasa ng buhay na walang hanggan sa lupa. (Juan 10:16) Sila ay inilalarawan ng hindi mga Israelitang Nethinim at mga anak ng mga alipin ni Solomon na sumama sa mga Judio noong 537 B.C.E. sa kanilang paglabas mula sa Babilonya. (Ezra 2:1, 43-58) Sa ngayon isang malaking pulutong ng mga ito sa modernong panahon ang sumunod sa utos na “lumabas” sa Babilonyang Dakila. Tinatamasa nila ngayon ang nakarirepreskong espirituwal na mga pagpapala na inihula sa Isaias 49:10: “Sila’y hindi magugutom, o mauuhaw man, at hindi sila mapapaso ng init o ng araw man. Sapagkat ang Isa na may awa sa kanila ay papatnubay sa kanila, samakatuwid baga’y sa tabi ng mga bukal ng tubig ay papatnubayan niya sila.” Sa Apocalipsis 7:9, 16, 17, ang mga pagpapalang ito ay angkop na ikinakapit sa “malaking pulutong” ng “ibang tupa.”

“LUMABAS KAYO SA KANIYA, BAYAN KO”

15. Bakit hinihimok ng Bibliya yaong magiging mga bayan ng Diyos na lumabas mula sa Babilonyang Dakila?

15 Sa isang kinasihang pangitain ipinakita kay apostol Juan kung ano ang magiging kahulugan ng paggawad ng hatol ng Diyos sa Babilonyang Dakila. Dahilan sa katiyakan nito, isang anghel mula sa langit, na nagsasalita para sa Diyos, ang nagsabi: “Lumabas kayo sa kaniya, bayan ko, kung hindi ninyo nais na maparamay sa kaniyang mga kasalanan, at kung hindi ninyo nais na tumanggap ng bahagi ng kaniyang mga salot. Sapagkat ang kaniyang katakut-takot na mga kasalanan ay abot hanggang sa langit, at naaalaala ng Diyos ang kaniyang mga gawang katampalasanan.”​—Apocalipsis 18:4, 5.

16. Ano ang nagpapakita kung baga talagang sinunod na natin ang utos na iyan?

16 Sinunod ng mga membro ng espirituwal na Israel ang utos na iyan, at ngayon hinihimok nila ang iba na gawin ang gayundin. Alam nila na kung pinaghahalo ng isang tao ang tunay na pagsamba sa huwad, hindi siya maaaring makalugod sa Diyos. Kung ang sinuman ay nakikisama sa mga Saksi ni Jehova subalit hindi pa niya pinuputol ang kaniyang kaugnayan sa Babilonyang Dakila, paano nga niya masasabi na hindi siya bahagi nito? Kahit na kung hindi siya dumadalo sa relihiyosong mga serbisyo nito, gayunman kung siya ay nakikisama sa kaniyang relihiyosong mga kapistahan sa kaniyang pinagtatrabahuan o sa kaniyang mga kamag-anak, humihipo pa rin siya ng maruming bagay. (Isaias 52:11) Kung siya ay nakikibahagi sa mga tradisyon ng pamilya na nagpapakita ng paniniwala sa pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa o sa mga mapamahiing takot sa mga masamang espiritu, nakikibahagi pa rin siya sa kaniyang mga kasalanan. Hindi tayo maaaring maging neutral. Kung naniniwala tayo na si Jehova ang tunay na Diyos, kung gayon siya lamang ang dapat nating paglingkuran.​—1 Hari 18:21.

17. (a) Gaya ng ipinakikita sa Apocalipsis 14:6, 7, ang mga tao saanman ay inaanyayahan na gawin ang ano? (b) Upang maging kalugud-lugod ang pagsamba kay Jehova, anong iba pang utos ang dapat nilang sundin?

17 Sa mga tao ng bawat bansa at tribo at wika ang kaakit-akit na paanyaya ay ipinararating: Makisama sa pagsamba kay Jehova, ang tanging tunay na Diyos! (Apocalipsis 14:6, 7) Upang gawin ang gayon, dapat mo ring tularan ang sinaunang mga lingkod ng Diyos na sumunod sa utos na: “Tumakas ka mula sa gitna ng Babilonya, at iligtas ng bawat tao ang kaniya mismong kaluluwa.”​—Jeremias 51:6.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share