Kabanata 17—Pagkaligtas Tungo sa Isang Bagong Lupa
Isang Naiibang Saloobin Tungkol sa Pagsunod
1. Bakit ipinahintulot ni Jehova na wasakin ng mga taga-Babilonya ang Jerusalem?
SA LOOB ng maraming taon bago winasak ng mga taga-Babilonya ang Jerusalem, binabalaan ni Jehova ang mga Judio ng kung ano ang mangyayari, at bakit. Sinusunod nila ang mga hilig ng kanilang matigas na kalooban sa halip na sumunod sa Diyos.—Jeremias 25:8, 9; 7:24-28.
2. (a) Makatuwiran naman, anong mga pakinabang ang nakasalalay sa pagsunod sa Diyos? (b) Paanong ang Israel ay napasailalim ng isang tipang kaugnayan kay Jehova?
2 Hindi pinipilit ni Jehova ang sinuman na maglingkod sa kaniya, subalit, makatuwiran, hinihiling niya ang pagsunod ng lahat na naghahangad ng kaniyang pagsang-ayon at mga pagpapala sa buhay. Pagkatapos iligtas ang Israel buhat sa Ehipto, sinabi sa kanila ni Jehova: “Kung maingat na susundin ninyo ang aking tinig at iingatan nga ang aking tipan, kung gayo’y magiging aking tanging pag-aari nga kayo higit sa lahat ng bayan, sapagkat ang buong lupa ay akin. At kayo mismo ay magiging isang kaharian ng mga saserdote sa akin at isang banal na bansa.” (Exodo 19:5, 6) Nang masabi ng Diyos ang kaniyang mga kahilingan sa kanila at narinig nila ang pagbasa ng “aklat ng tipan,” kusa nilang tinanggap ang pananagutan na kaakibat ng gayong kaugnayan sa Diyos.—Exodo 24:7.
3. (a) Sa anong mga paraan pagkatapos noon ipinakita ng Israel ang isang mapaghimagsik na espiritu kay Jehova? (b) Bakit ang mga pangyayaring iyon ay napatala sa Bibliya?
3 Gayunman, sandaling panahon lamang ito at lumitaw ang mapaghimagsik na espiritu. Hindi hayagang itinakwil ng mga anak ni Israel ang kanilang pananampalataya kay Jehova; subalit, bilang pagsuway sa kaniyang batas, sinikap nilang isama ang mga gawain ng taga-Ehipto sa pagsamba kay Jehova. (Exodo 32:1-8) Hindi nagtagal pinintasan ng ilan ang mga taong ginagamit ni Jehova bilang kaniyang nakikitang mga kinatawan. (Bilang 12:1-10; 16:1-3, 31-35) Bilang isang bansa, ang Israel ay nagpakita ng kakulangan ng pananampalataya na kumilos ayon sa salita ng Diyos, sapagkat sila’y nauudyukan ng takot sa tao. (Bilang 13:2, 31-33; 14:1-4; Hebreo 3:17-19) Kapag ang mga pagkakamali ay hindi sinasadya, ang mapakumbabang mga nagsisisi ay nagtatamo ng kapatawaran. Subalit sa loob ng mahigit na siyam na siglo kusang winalang-bahala ng bansa una’y ang isang kahilingan ng Diyos, pagkatapos ang isa pa, at ang marami pa sa mga ito. Ang mga bagay na ginawa nila at ang resulta ay nakatala sa Bibliya bilang babalang mga halimbawa sa atin.—2 Cronica 36:15-17; 1 Corinto 10:6-11.
4. (a) Sino ang mga Rechabita? (b) Anong mga obligasyon ang iniatang sa kanila ni Jonadab?
4 Noong mga kaarawan ni Jeremias, pagkatapos na maibigay ang paulit-ulit na mga babala tungkol sa kakila-kilabot na mga kahihinatnan ng kanilang landasin, iniharap ni Jehova sa mga Judio ang isang halimbawa—ang mga Rechabita. Ang mga ito ay hindi mga Israelita, mga inapo ni Jonadab na nagpakita na siya ay lubusang kasuwato ng sikap ni Jehu kay Jehova. Ipinag-utos ng Jonadab na ito bilang patriarkang pinuno ng tribo ng mga Rechabita na sila ay umiwas sa alak magpakailanman, at huwag din silang magtatayo ng mga bahay o magtatanim man kundi sila’y tatahan sa mga tolda gaya ng mga taong lagalag. Sila’y mamumuhay nang mahinahon, simpleng pamumuhay, malaya sa pagpapalayaw-sa-sarili at mga bisyo ng buhay sa lunsod, at sumasamba kay Jehova na kasama ng mga Israelita, kung saan sila nakipamuhay.
5. Paanong ang mga Rechabita ay isang uliran sa pagsunod?
5 Yamang ang mga Judio ay ayaw makinig kay Jehova, ang Pansansinukob na Soberano, maaasahan ba na susundin ng mga Rechabita ang kanilang ninunong tao? Sinunod nila, at sa isang ulirang paraan. Bagama’t ang mga Rechabita ay nanganlong sa Jerusalem nang salakayin ng mga hukbong militar ng Babilonya at Siria ang Juda, patuloy silang nanirahan sa mga tolda. Subalit gaano katatag ang kanilang panata o pasiya na hindi titikim ng alak, kahit na ang bayan na pinamumuhayan nila ay pinahihintulutang uminom nito? Ipinadala ni Jehova kay Jeremias ang mga Rechabita sa isang silid kainan sa templo, at naglagay ng mga mangkok na punô ng alak at inanyayahan silang uminom. Sila ay tumanggi. Bakit? Maliwanag na pinahahalagahan nila ang debosyon ng kanilang ninuno kay Jehova, batid nila ang kaniyang maibiging pagkabahala sa kanilang kapakanan, kaya sinunod nila ang kaniyang utos. Si Jehova ay nalulugod sa mainam na halimbawang ito na nagpatingkad sa kakulangan ng pagsunod ng mga Judio kay Jehova.—Jeremias 35:1-11.
6. (a) Sino ngayon ang gaya ng mga Rechabita? (b) Sino ang napatunayang ang antitipikong masuwaying Israel?
6 May mga tao ngayon na gaya ng mga Rechabita. Ang mga ito ang “ibang tupa” ng Panginoon. Kung sila baga ay iinom ng alak ay hindi siyang isyu o usapin ngayon. (Ihambing ang 1 Timoteo 5:23.) Ito ay isang personal na bagay basta hindi sila nagiging malakas na mang-iinom o marahil ay mga lasenggo. (Kawikaan 23:20; 1 Corinto 6:9, 10) Subalit ang maka-Diyos na pagsunod ay mahalaga. Kabaligtaran ng Sangkakristiyanuhan, na siyang antitipikong apostatang Israel, ang makabagong-panahong uring Rechabita ay nagpapakita sa pamamagitan ng kanilang mga pagkilos na nalalaman nila ang halaga ng maka-Diyos na pagsunod. Papaano sila makikinabang dito?
7. (a) Anong nakapagpapatibay-loob na pangako ang ginawa ni Jehova sa mga Rechabita? (b) Anong pag-asa ang ibinibigay niyan para sa makabagong-panahong uring Rechabita?
7 Dahilan sa kanilang debosyon, binigyan ni Jehova ang mga Rechabita ng isang pangako na may makapangyarihang makahulang kahulugan sa ating kaarawan, na sinasabi: “Sapagkat inyong tinalima ang utos ni Jonadab na inyong ninuno at patuloy na iniingatan ang lahat niyang mga utos at inyong ginagawa ayon sa lahat niyang iniutos sa inyo, kaya’t ganito ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel: ‘Si Jonadab na anak ni Rechab ay hindi mawawalan ng lalaki na tatayo sa harap ko palagi.’” (Jeremias 35:18, 19) Kabilang sila sa mga nakaligtas sa pagkawasak ng Jerusalem noong 607 B.C.E. At ang uring inilalarawan nila ay makaliligtas sa dumarating na pagkapuksa ng Sangkakristiyanuhan at ng lahat ng iba pa sa sanlibutan na ginagawa ang kaniyang sariling paraan, tumatangging kilalanin ang pagkasoberano ni Jehova.
Kung Bakit Hindi Madali ang Pagsunod
8. Bakit nasusumpungan ng maraming tao na mahirap ang sumunod?
8 Maraming tao ang nakasusumpong na mahirap matutuhan ang pagsunod. Sila’y lumaki sa isang daigdig kung saan ang lahat ay ‘ginagawa ang kaniyang nais gawin.’ Maaaring naiibigan nila kung ano ang natututuhan nila tungkol sa buhay sa ilalim ng Kaharian ng Diyos. Subalit kapag ang pagmamataas ang nangibabaw sa kanilang pag-iisip, baka hindi nila sundin ang ilan sa mga kahilingan ng Diyos o pintasan ang paraan ng pagpapakahulugan sa mga ito. (Kawikaan 8:13; 16:18) Iyan ang naging problema ni Naanam, ang punong kawal ng hukbo ng Siria noong kaarawan ni propeta Eliseo.
9. (a) Paanong si Naaman ay nakipagkita kay Eliseo? (b) Ano ang inaasahan niya, subalit ano ang aktuwal na nangyari?
9 Si Naaman ay may sakit na ketong. Subalit dahilan sa isang bihag na batang Israelita na buong tapang na ipinahayag ang kaniyang pananampalataya na si Naaman ay gagaling kung siya lamang ay magtutungo sa propeta ni Jehova na si Eliseo, si Naaman ay naglakbay tungo sa Israel. Kasama ang mga kabayo at mga karong pandigma siya ay nagtungo sa bahay ni Eliseo. Ngayon, si Naaman ay isang tanyag na tao at inaasahan niya na sasalubungin siya ni Eliseo at saka susundan ng isang seremonya, na pagtawag kay Jehova at pagagalaw-galawin ang kaniyang kamay sa kinaroroonan ng ketong hanggang sa ito ay gumaling. Si Eliseo ay basta nagsugo ng isang mensahero upang sabihin sa kaniya na siya ay magtungo sa Ilog Jordan at doon ay maligo ng pitong beses.—2 Hari 5:1-12.
10. (a) Paano tumugon si Naaman? (b) Ano sa wakas ang nag-udyok sa kaniya na sumunod? (c) Ano ang resulta?
10 Napahiya si Naaman. Siya ay umalis na galit. Subalit pagkatapos na mangatuwiran sa kaniya ang kaniyang mga lingkod, siya ay nagpakumbaba at nanampalataya. “Nang magkagayo’y lumusong siya at lumubog nang makapito sa Jordan ayon sa sabi ng lalaki ng tunay na Diyos; at ang kaniyang laman ay nagsauling gaya ng laman ng isang munting bata at siya’y naging malinis.” Si Naaman ay nakumbinsi na si Jehova ang tanging tunay na Diyos, at natalos niya na, sa kabila ng kaniyang reaksiyon sa pasimula, ang mga utos ni Eliseo ay talaga ngang mula sa Diyos.—2 Hari 5:13-15.
11. (a) Sa anong mga paraan inilalarawan ni Naaman ang “ibang tupa”? (b) Anong mahalagang mga leksiyon ang dapat nating matutuhan na lahat?
11 Nakikita mo ba marahil ang ilan sa mga katangian ni Naaman sa iyong sarili? Gaya ng ibang hindi mga Israelita na nanampalataya, si Naaman ay ginamit sa Kasulatan upang lumarawan sa “ibang tupa” na sumama sa tunay na pagsamba. Lahat ng mga ito, na ipinanganak sa kasalanan, ay dating espirituwal na patay. Dapat nilang hilingin na lahat ang tulong ng uring pinahirang lingkod ni Jehova at saka masunuring sumunod sa kung ano ang itinuro ng “alipin” na ito sa kanila mula sa Salita ng Diyos. (Mateo 24:45) Ang ilan noon ay hindi nagpahalaga sa lahat ng maka-Kasulatang payo na ibinigay sa kanila—gaya ng pangangailangan na palagiang dumalo sa mga pulong ng kongregasyon, ang kahalagahan ng pagiging hiwalay sa sanlibutan o ang bautismo sa tubig ng Kristiyano. Baka sila ay nag-atubili sa pag-aalay at bautismo sa tubig sapagkat tinanggihan ng kanilang puso ang pangangailangan na ‘itakwil ang sarili’ upang maging isang tagasunod ni Kristo. Sa ibang mga kaso pinintasan nila ang paraan ng pagpapayo sa kanila ng mga may pananagutan sa kongregasyon. Subalit sa madaling panahon kinakailangang matutuhan ng lahat ng talagang magiging mga “ibang tupa” ng Panginoon ang kahalagahan ng pagpapakumbaba at maibiging pagsunod.—Santiago 4:6; Mateo 16:24.
Mga Utos na Pakikinabangan Natin
12, 13. (a) Bakit ang pagsunod sa mga utos ni Jehova ay kapaki-pakinabang sa atin? (b) Paano ito maaaring ilarawan?
12 Habang nakikilala natin si Jehova at ang kaniyang mga daan, ating napahahalagahan kung gaano katotoo ang mga salita na sinabi niya sa kaniyang mga lingkod noong unang panahon: “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, na Siyang nagtuturo sa iyo ng mapapakinabangan, na Siyang pumapatnubay sa iyo sa daan na iyong dapat lakaran. Oh kung sana’y makikinig ka lamang sa aking mga utos!” (Isaias 48:17, 18) Hangad ni Jehova ay na iwasan ng kaniyang bayan ang kapahamakan at tamasahin ang buhay sa pamamagitan ng pakikinig sa kaniyang mga utos. Alam niya ang pagkakagawa sa atin at kung ano ang magdadala sa atin ng tunay na kaligayahan. Binabalaan niya tayo laban sa paggawi na maaaring magpababa sa atin o puminsala sa ating kaugnayan sa iba.
13 Yaong mga sumusunod sa kaniyang babala laban sa pakikiapid at pangangalunya ay hindi dumanas ng emosyonal na kaligaligan, sakit at mga anak sa pagkakasala na bunga nito. (1 Corinto 6:18; Hebreo 13:4) Sa pagkakapit ng payo na gaya ng nasa 2 Corinto 7:1, sila ay nanatiling malaya buhat sa pagkasugapa sa tabako at iba pang mga droga, na pumipinsala sa kalusugan ng isa at maaaring magbunga ng maagang kamatayan. Ang kaniyang utos na ‘umiwas sa dugo’ ay nakatulong sa kaniyang mga lingkod na pagtibayin ang kanilang pagtitiwala sa kaniya bilang ang Isa na kinasasaligan ng lahat ng kanilang mga pag-asa sa hinaharap na buhay, at iningatan din sila nito laban sa nakatatakot na mga sakit na maaaring kumalat sa pamamagitan ng mga pagsasalin ng dugo.—Gawa 15:28, 29.
14. Paano tayo nakikinabang kung inuuna natin ang Kaharian sa halip na di-kinakailangang mapasangkot sa sanlibutan?
14 Habang tayo ay nasa sanlibutan, may pangangailangan na makitungo rito. Subalit si Jehova ay nagbababala sa atin na huwag nating ilagak ang ating pag-asa rito, huwag maging bahagi nito. Alam niya kung ano ang kinabukasan ng sanlibutan. Anong kamangmangan nga na gugulin ng isa ang buhay sa pagtatayo ng kung ano ang gigibain ng Diyos! Mas malala pa, masusumpungan niyaong mga gumagawa ng gayon na mapaparamay sila sa sasapitin ng sanlibutang pinag-ukulan nila ng kanilang buhay. Samakatuwid, totoong kapaki-pakinabang nga ang payo na ibinigay ng Anak ng Diyos: Hanapin ang Kaharian ng Diyos! Unahin ito sa inyong buhay!—1 Juan 2:17; Mateo 6:33.
15. (a) Upang mapabilang sa mga magtatamo-muli ng kung ano ang naiwala ni Adan, ano ang dapat nating matutuhang gawin? (b) Paano magsasalita sa atin si Jehova sa panahon ng Milenyo?
15 Taglay ang buong kabatiran ng kung ano ang kinakailangan natin, inihahanda ni Jehova ang kaniyang bayan para sa buhay sa kaniyang matuwid na bagong sistema ng mga bagay. Ang pagsuway sa bahagi ni Adan ay umakay sa di-kasakdalan ng tao, pagkawala ng buhay na walang hanggan at pagpapalayas sa Paraiso. Tiyak kung nais nating mapabilang sa mga pagpapalain ng kung ano ang naiwala ni Adan, dapat nating patunayan na tayo ay nakikinig kapag nagsasalita ang Diyos. At paano siya magsasalita sa atin sa darating na Milenyo, samantalang ang sangkatauhan ay dinadala sa kasakdalan? Sa pamamagitan ng Mesianikong Kaharian. Magkakaroon din ba ng nakikitang makalupang mga kinatawan ang pamahalaang iyan? Oo. Ang Hari ay paglilingkuran ng “mga prinsipe sa buong lupa.” (Awit 45:16; ihambing ang Isaias 32:1, 2.) Sa pamamagitan ng maibiging pagsunod sa mga prinsipeng ito, ipakikita ng tao ang pagpapasakop sa kanilang makalangit na Hari.
16. Bakit ang pagsunod sa mga matatanda ay isang proteksiyon ngayon, at paano ito isang mabuting paghahanda para sa buhay sa Bagong Kaayusan ng Diyos?
16 Bilang paghahanda sa panahong iyon, si Jehova ngayon ay naglalaan ng pagsasanay sa pamamagitan ng kaniyang nakikitang teokratikong organisasyon. Sa loob ng mga kongregasyon ay nagbangon siya ng espirituwal na nakatatandang mga lalaki, o mga matatanda. Naglalaan sila ng kinakailangang pangangasiwa sa mga pulong sa kongregasyon at nangunguna sa pangangaral ng mensahe ng Kaharian. Tinutulungan nila ang lahat na nagnanais maglingkod kay Jehova upang malaman kung paano ikakapit ang mga simulain ng Bibliya sa kanilang buhay at maibiging nagbababala sila laban sa mga silo na maaaring puminsala sa kaugnayan ng isa sa Diyos. Nalalaman din ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig na ang pagsunod sa mga tagubilin ng mga matatanda ay kadalasang nagbubunga ng pagliligtas ng buhay sa panahon ng mga bagyo, lindol at pagsiklab ng nasasandatahang karahasan. Ang kongregasyon ay hindi pag-aari ng mga matatanda; ito ay sa Diyos. Ang mga matatanda ay hindi nag-aangking kinasihan. Ngunit, gaya ng ipinakikita ng Kasulatan, ginagamit sila ng Diyos upang manguna, at ang pagsunod sa kanila ay nagpapakita ng paggalang sa kaayusan na ginagamit ni Jehova upang ihanda ang kaniyang mga lingkod sa pagkaligtas tungo sa kaniyang bagong sistema.—Gawa 20:28; Hebreo 13:17.
17. Ano ang dapat na mag-udyok sa atin na maging masunurin?
17 Gayunman, hindi lamang ang pagnanais na makabilang sa mga makaliligtas sa dumarating na pandaigdig na pagkapuksa ang nag-uudyok sa gayong pagsunod. Higit pa ang nasasangkot. Ano? Ang pagpapahalaga sa buhay at sa lahat ng mga paglalaan na ginawa ng Diyos upang sustinihan ito. Ang pasasalamat sa kaniyang mga kaloob na nagpayaman ng ating mga buhay—ang kakayahang mangatuwiran, pahalagahan ang kagandahan at espirituwal na mga pagpapahalaga, ang kakayahang makilala at sambahin ang ating Maylikha. Gayundin, ang kabatiran ng dakilang pag-ibig ng Diyos na nagpakilos sa kaniya na ibigay ang kaniyang sariling Anak na inihandog ang kaniyang buhay upang tayo ay magkaroon ng pagkakataon na mabuhay magpakailanman.
18. Kapag nakikilala natin nang lubusan ang Diyos, paano natin minamalas ang pagsunod sa kaniya at sa kaniyang organisasyon?
18 Para doon sa mga lubusang nakakilala sa Diyos, ang pagsunod ay isang kaaya-ayang tungkulin. Ang tumpak na pagkaunawa sa kaniyang mga layunin at mga kahilingan, pati na ang pagdanas ng mabubuting mga resulta mula sa pagkakapit nito, ay hindi nag-iiwan ng alinlangan sa kanilang mga isipan na ang paggawa ng mga bagay sa paraan ng Diyos ang tanging makatuwiran at matinong landasin. Kinikilala nilang ito ay isang proteksiyon. Isa rin itong paraan upang ipakita ang kanilang pag-ibig sa Diyos. Nakasusumpong sila ng kasiyahan sa pagsunod sa kaniya.—1 Juan 5:3; Awit 119:129.