Mula sa Aming mga Mambabasa
Pag-inom at Pagmamaneho
Taglay ang malaking kagalakan na aking maisulat at masabi na ang deputy sheriff na nangangasiwa sa trapiko rito ay humiling ng 100 mga sipi ng inyong labas tungkol sa “Pag-inom at Pagmamaneho.” (Agosto 8, 1986 sa Tagalog) Siya ay kasalukuyang kasangkot sa isang proyekto na may kaugnayan sa paksa at magpapahayag sa mga tagapakinig na binubuo ng mga may-ari ng bar at restauran, idiniriin ang pananagutan nila na huwag pahintulutan yaong mga nagmamaneho na uminom nang labis. Maraming salamat sa inyong pagiging maaasahan sa tuwina.
J. P., E.U.A.
Pagiging Magkaibigan Lamang
Hindi ninyo maguguniguni ang pagkabigla ko nang matanggap ko ang inyong labas na may artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . ‘Hindi ba Maaaring Maging Magkaibigan na Lang Tayo?’” (Agosto 22, 1986 sa Tagalog) Alam ninyo, nang panahong iyon ay iyon mismo ang problema ko. Ako ay 20 taóng gulang, at isang binata na kasama ko sa trabaho ang nakadarama na siya ay umiibig sa akin, subalit ako ay walang pagtingin sa kaniya. Ngayon taglay ko ang kasagutan sa nabanggit na artikulo.
M. W., Pederal na Republika ng Alemanya
May Kapansanang mga Anak
Ang inyong artikulong “Tatlumpung Taon ng Pag-ibig at Debosyon” (Hulyo 8, 1986 sa Tagalog) ay napakaganda at nakapagpapatibay-loob sa mga magulang ng mga anak na may Down’s syndrome, subalit hindi ako sang-ayon sa pangungusap na: “Kadalasan nang ipinalalagay ng iba na ang pangangalaga sa isang batang may kapansanan ay isang pananagutan na may kaunting gantimpala. Maling-mali sila!” Bilang isang magulang ng isang lubhang may kapansanang anak na babae, tapatang masasabi ko na kayo ay maaaring nagkakamali sa paglalagay sa lahat ng mga anak na may kapansanan sa isang kategorya. Ang aking anak ay hindi makalakad, makapagsalita, makakita, mapakain ang kaniyang sarili, o umalis nang walang lampin. Ang kaniyang ngipin ay kailangang sipilyuhin, at kailangan siyang paliguan araw-araw. Ang pagpapakain ay isang buong-araw na gawain. Ang pagsangguni sa mga therapist, nutritionist, pediatrician, at iba pa, ay kumukuha ng maraming oras, at ito ay isang patuloy na pakikipagbaka upang makuha ang wastong tulong at mga paglilingkod na kinakailangan. Mahal na mahal ng mga magulang ng mga batang may kapansanan ang kanilang mga anak, subalit ang nais kong sabihin ay na kung hindi mo basta maunawaan ang kalagayan, huwag mong sikaping aliwin o ipagdahilan ang kalagayan sa pagsasabing: “Bueno, tumatanggap sila ng maraming kagalakan at kaligayahan.”
J. B., Canada
Sa mga taon, inilathala namin ang maraming pag-uulat ng mismong mga tao tungkol sa mga magulang na nangangalaga sa isang anak na may kapansanan. Inaakala namin na maraming mahalagang impormasyon ang maaaring pakinabangan ng iba na nasa gayon ding kalagayan at na ang paglalathala ng gayong mga artikulo ay makapagpapatibay-loob sa iba. Tiyak na hindi namin nais na dagdagan pa ang pagkabalisa ng mga pamilya na may mabigat na suliranin. Sa kaniyang ulat, kinikilala ni Anna Field na ang bawat kaso ay naiiba at ang kalagayan ng pamilya ay iba-iba. Bagaman sa kanilang kaso ay mayroon ding napakahirap na mga panahon at kalungkutan, totoong inaakala niya na ang kanilang may kapansanang anak na babae ay nagdulot sa kanila ng higit na kagalakan kaysa kalungkutan. Kami ay naliligayahan sa kalagayang iyan. Gayundin, nalalaman namin na mayroong mas malubhang mga kaso kung saan ang isang bata ay hindi tumutugon sa anumang paraan na magbibigay ng kaligayahan sa mga magulang nito. Ang mga magulang ng gayong bata ay tiyak na karapat-dapat na tumanggap ng pag-unawa ng lahat gayundin ng angkop na tulong mula sa kanilang matalik na mga kaibigan. Tunay na kami’y nakikiramay sa lahat ng mga magulang na nasa ganitong mahirap na kalagayan.—ED.