Kabanata 18—Pagkaligtas Tungo sa Isang Bagong Lupa
Ikaw Ba’y Tapat sa Bagong Hari ng Lupa?
1. Nang si Jesus ay iharap bilang hari noong 33 C.E., paano tumugon ang karamihan?
NOONG Nisan 9 ng 33 C.E., iniharap ni Jesu-Kristo ang kaniyang sarili sa mga Judio bilang ang kanilang Hari, ang inihulang Mesiyas. Pagbaba niya mula sa Bundok ng Olibo tungo sa Jerusalem, ang karamihan ng mga alagad ay natuwa at pinuri ang Diyos dahil sa makapangyarihang mga gawa na ginawa ni Jesus. (Lucas 19:37, 38; Zacarias 9:9) Subalit patutunayan ba nila na sila’y tapat sa Isa na iyon na kanilang tinawag na Hari? Ang kanilang katapatan ay agad na nalagay sa pagsubok.
2. (a) Paano tumutugon ang maraming tao sa ngayon sa pahayag na si Kristo ang bagong Hari ng lupa? (b) Anong mga katanungan ang kinakailangang seryosong isasaalang-alang?
2 Mula noong 1914 ang niluwalhating si Jesu-Kristo na aktibong nagpupuno sa langit ay iniharap sa lahat ng sangkatauhan bilang ang bagong Hari ng lupa. Ang pag-asa sa buhay sa ilalim ng isang pamahalaan sa mga kamay ni Kristo, at ang tunay na mga kalutasan sa mga suliranin ng sangkatauhan, ay nagpangyari sa mga tao mula sa lahat ng mga bansa na matuwa. Subalit sila ba ay mapatutunayang tapat? Kumusta naman ang bawat isa sa atin?
Ang Mismong Rekord ng Katapatan ng Hari
3. (a) Bakit si Jesus mismo ay tinutukoy bilang “ang tapat na isa” ni Jehova? (b) Ano ba ang katapatan?
3 Si Jesu-Kristo ay nagbigay ng saganang katibayan na ang kaniya mismong katapatan kay Jehova, ang Pansansinukob na Soberano, ay matatag. Siya ay angkop na tinutukoy sa Kasulatan bilang “ang tapat na isa” ni Jehova. (Awit 16:10; Gawa 2:24-27) Ang salitang Hebreo para sa “katapatan” (loyalty) na ginamit dito ay naglalaman ng diwa na pagiging maibigin at mabait. Hindi ito isang bagay na walang damdamin, batay lamang sa batas o katarungan, kundi ito ay inuudyukan din ng pag-ibig at pagpapahalaga.—Ihambing ang Awit 40:8; Juan 14:31.
4, 5. (a) Paano ipinakita ang katapatan ni Jesus sa langit, kasunod ng paghihimagsik ni Satanas? (b) Paanong ang katapatang iyon ay ipinakita rin sa lupa?
4 Sa langit, nang hangarin ni Satanas para sa kaniyang sarili ang karangalan na nauukol lamang sa Diyos at nang iwanan ng iba pang mga anghel ang kanilang wastong dako sa makalangit na organisasyon ni Jehova, hindi tinularan ng panganay na Anak ng Diyos ang kanilang espiritu. Ang paggawa ng gayon ay hindi man lamang pumasok sa kaniyang isipan! Gayon na lamang ang kaniyang mapagsakripisyo-sa-sarili na debosyon anupa’t, sa pagsasagawa ng kalooban ng kaniyang Ama, iniwan ng matapat na Anak na ito ang kaniyang makalangit na kaluwalhatian, naging tao at nagpasakop pa nga hanggang sa kamatayan sa isang tulos na pahirapan. Maibigin, tiniyak niya na, kung para sa kaniya, lahat ng detalye sa kung ano ang ibinalangkas ng Kasulatan para sa kaniya ay matutupad.—Filipos 2:5-8; Lucas 24:44-48.
5 Samantalang si Jesus ay nasa lupa, siya ay dinulutan ni Satanas ng matinding panggigipit upang italikod siya sa gawain na ibinigay sa kaniya ng Diyos—kung maaari, hikayatin siya na gumawa ng isang bagay na magpapangyari sa Diyos mismo na itakwil ang kaniyang Anak. Hinimok niya si Jesus na gumawa ng mga bagay na maaaring magbunga ng katanyagan at kapangyarihan—subalit bilang bahagi ng sanlibutan na kung saan si Satanas ang pinuno. Si Jesus ay tumanggi, sinisipi ang Banal na Kasulatan bilang kaniyang patnubay. (Mateo 4:1-10) Si Jesus ay may pambihirang mga katangian at ginamit niya ito nang mahusay, subalit laging kasuwato ng kalooban ng kaniyang Ama. Siya’y naging lubusang abala sa paggawa ng gawain na iniutos ng Diyos na gawin. (Juan 7:16-18; 8:28, 29; 14:10) Anong inam na halimbawa ng katapatan!
6. Sa anong paraan na ang gantimpalang ibinigay kay Jesus ay humihiling ng katapatan sa atin?
6 Sapagkat si Jesus ay napatunayang tapat, binuhay siya ni Jehova mula sa mga patay, “dinakila siya sa isang nakatataas na kalagayan at may kagandahang-loob na binigyan ng pangalan na mataas kaysa lahat ng ibang pangalan, upang sa pangalan ni Jesus ang bawat tuhod ay iluhod . . . at upang ipahayag ng lahat ng dila na si Jesu-Kristo ay Panginoon sa ikaluluwalhati ng Diyos Ama.” (Filipos 2:9-11) Ang “pangalan na mataas kaysa lahat ng ibang pangalan” na ito ay kumakatawan sa kapangyarihan at awtoridad na ibinigay kay Jesus upang maganap niya ang kalooban ni Jehova. Ang ‘pagluhod ng tuhod’ sa kaniya ay nangangahulugan ng pagkilala sa kaniyang katayuan at pagpapasakop sa kaniyang awtoridad. Kasali rin dito ang matapat na pagpapasakop sa kaniya bilang Hari.
Matapat na Pag-ibig Para sa mga Pinahiran ni Jehova
7. Tungkol sa anong mga bagay sinusubok ang mga tagasunod ni Jesus kung tungkol sa kanilang katapatan?
7 Sa bagay na iyan, pagkatapos niyang umakyat sa langit, si Jesus ay hindi na makikita ng mga mata ng tao na magbubunga ng sumisiyasat-puso na mga pagsubok ng katapatan para sa kaniyang mga tagasunod. Sila ba ay mamumuhay sa mga simulain na itinuro niya sa kanila? Sila ba ay mananatiling hiwalay sa sanlibutan? Igagalang ba nila yaong mga binigyan ng banal na espiritu ng mga pananagutan ng pangangasiwa? Sila ba ay magiging buong-kaluluwa sa paggawa ng gawain ng iniatang niya sa kanila?
8. Ano ang inilalarawan ng matapat na pag-ibig sa pagitan nina Jonathan at David?
8 Sa takdang panahon ang “ibang tupa” ay titipunin na kasama ng “munting kawan” ng mga tagapagmana ng makalangit na Kaharian. Talaga bang pahahalagahan nila ang kanilang iniatas na mga katungkulan may kaugnayan kay Kristo bilang Hari at sa isa’t isa? Ipinakikita ng mga katotohanan na nagkaroon ng tunay na pag-ibig sa isa’t isa sa gitna ng lahat na bahagi ng “isang kawan” sa ilalim ni Jesu-Kristo. Ito ay inilalarawan ng hindi nasisira, walang kamatayang pag-ibig ni Jonathan, ang anak ni Haring Saul, kay David. Sa pagkasaksi sa ganap na debosyon ni David kay Jehova at sa kaniyang pagtitiwala sa Diyos sa pagpatay niya sa higanteng si Goliat, lubhang naantig ang damdamin ni Jonathan at ang kaniya “mismong kaluluwa ay nalakip sa kaluluwa ni David, at minahal siya ni Jonathan na gaya ng kaniyang sariling kaluluwa.” Ang kaniyang pag-ibig ay hindi nabawasan nang maging maliwanag na ibibigay ni Jehova ang pagkahari kay David at hindi kay Jonathan. Paulit-ulit na isinapanganib pa nga ni Jonathan ang kaniyang buhay alang-alang kay David.—1 Samuel 17:45-47; 18:1; 23:16, 17.
9. Paano ipinakita ng hindi mga Israelitang naglingkod sa hukbo ni David ang gayunding katapatan?
9 Bukod kay Jonathan, may mga hindi Israelita na lumakip kay David. Sila ay hindi mga mukhang salapi kundi mga lalaking matatapang na kumilos dala ng debosyon nila kay David bilang ang pinahiran ni Jehova. Kabilang dito ang mga Ceretheo, Peletheo at lahat ng mga katutubo sa Pilisteong lunsod ng Gath. Matapat silang nanatili kay David nang ang kaniyang anak na si Absalom ay mapanlinlang na inagaw ang mga puso ng mga lalaki ng Israel. Sa kabila ng katanyagan at katusuhan ni Absalom, hindi sila nadala ng kaniyang madulas na pananalita sa isang makatraidor na landasin.—2 Samuel 15:6, 10, 18-22.
10. (a) Paanong ang malapit na kaugnayan sa gitna ni Kristo, ng pinahirang nalabi at ng “ibang tupa” ay inilalarawan sa Awit 45? (b) Sa anong diwa na ‘ang kasamang mga dalaga ay pumasok sa palasyo ng hari’?
10 Isa pang nakapagpapasigla-puso na paglalarawan ng kaugnayan sa gitna ni Kristo, ng pinahirang nalabi at ng “ibang tupa” ay masusumpungan sa Awit 45. Ito ay hindi lamang magandang tula kundi makahula kung tungkol sa Mesiyanikong Kaharian—ang Diyos mismo ang “trono,” yaon ay, ang pundasyon at alalay sa pagkahari ni Jesus. (Awit 45:1-7; Hebreo 1:8, 9) Inilalarawan ng salmista ang kasintahang babae ng Kristo, “ang anak ng hari,” na inihahatid sa Hari sa araw ng kaniyang kasal. Kasama niya ang “mga dalaga . . . na kaniyang mga kasama.” Sino ang mga ito? Sila ang tumatanaw sa hinaharap na magiging makalupang mga sakop ng Kaharian ng Diyos. “May kasayahan at kagalakan” na sasamahan nila ang uring “kasintahang babae” hanggang sa ang kahuli-hulihan sa mga ito ay makasama ni Kristo sa langit. Kasama nila, sila ay “pumapasok sa palasyo ng hari,” hindi sa pamamagitan ng pag-akyat sa langit, kundi sa pamamagitan ng paghahandog ng kanilang mga sarili sa paglilingkod sa Hari. Ikaw ba’y naging bahagi na ng maligayang prosesyon na iyan?—Awit 45:13-15.
Ano ang Hinihiling sa Atin ng Katapatan?
11. Anong mga kalagayan ang naglalagay sa atin sa pagsubok kung baga tayo ay “hindi bahagi ng sanlibutan”?
11 Di-mabilang na mga kalagayan sa buhay ang nagpapakita kung anong uri ng mga tao tayo. Talaga bang naniniwala tayo sa Mesianikong Kaharian ni Jehova? Tunay ba ito sa atin? Sinabi ni Jesus na ang kaniyang tunay na mga tagasunod ay “hindi bahagi ng sanlibutan.” Totoo ba iyan sa iyo?—Juan 17:15, 16.
12. Bagaman tayo ay di-sakdal, sa ano pang mga paraan maaari nating patunayan ang ating katapatan?
12 Sa kalagayan natin na di-sakdal na mga tao, ang katapatan ay hindi humihiling ng kasakdalan. Subalit hinihiling nito na iwasan natin ang kusang paglabag sa mga utos ng Bibliya, nakikita man o hindi ng ibang tao. Pakikilusin tayo nito na sikaping ikapit nang lubusan ang mga simulain ng Bibliya, sa halip na tingnan kung gaano tayo maaaring maging malapit sa mga pamamaraan ng sanlibutan. Magpapangyari ito sa atin na linangin ang tunay na pagkapoot sa kung ano ang masama.—Awit 97:10.
13. Paano tayo maiingatan ng katapatan laban sa madulas na pananalita ng mga apostata?
13 Kung talagang kinapopootan natin ang masama, hindi natin pahihintulutan na hikayatin tayo ng pag-uusyoso na lumapit dito. Ang pag-uusyoso tungkol sa buhay ng mga taong imoral sa sekso ay maaaring umakay sa isa sa kapahamakan. (Kawikaan 7:6-23) Kaya, maaari ring madaig ng espirituwal na kapahamakan yaong dala ng pag-uusyoso ay bumibili at bumabasa ng mga literaturang gawa ng mga apostata, mga taong tinalikdan si Jehova at ang kaniyang organisasyon at berbal na “hinahampas” ang kanilang dating mga kasama. (Mateo 24:48-51) Ang Kawikaan 11:9 ay nagbababala: “Pinapahamak ng isang apostata ng kaniyang bibig ang kaniyang kapuwa.” Subalit iingatan tayo ng katapatan na huwag madaya ng kanilang madulas na pananalita.—2 Juan 8-11.
14. (a) Ano ang isa sa pinakamahalagang paraan na doo’y maaari nating ipakita ang ating katapatan kay Kristo bilang Hari? (b) Bakit napakahalaga ng gawaing ito?
14 Ang isa sa pinakamahalagang paraan na maipakikita natin ang ating katapatan ay sa pagiging buong-kaluluwa sa gawain na itinuro ni Jesus na gawin ng kaniyang mga alagad. Personal na nagpakita siya ng halimbawa sa pamamagitan ng pagtungo sa lunsod at lunsod at sa bayan-bayan, na ipinangangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Lucas 8:1) Inihula ni Jesus kung ano ang gagawin ngayon ng tunay na mga Kristiyano nang kaniyang sabihin: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayo’y darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Sa pamamagitan ng pangangaral na ito ng mabuting balita na ang isyu o usapin ng Kaharian ay inihaharap sa mga tao sa lahat ng dako upang sila ay makagawa ng personal na disisyon. Para sa isang malaking pulutong, ang pasiyang iyan ay aakay sa pagkaligtas sa malaking kapighatian. (Apocalipsis 7:9, 10) Ikaw ba ay matapat na nakikibahagi sa apurahang gawaing ito?
15. (a) Ano ang sinasabi ng Awit 145:10-13 na sasabihin ng mga tapat kay Jehova? (b) Paano kumakapit iyan sa atin?
15 Malaon nang isinulat ng salmistang si David: “Lahat mong mga gawa ay magpapasalamat sa iyo, Oh Jehova, at pupurihin ka ng iyong mga tapat. Sila’y magsasalita ng kaluwalhatian ng iyong pagkahari, at mangungusap tungkol sa iyong kapangyarihan, upang ipabatid sa mga anak ng mga tao ang kaniyang makapangyarihang mga gawa at ang kaluwalhatian ng kamahalan ng kaniyang pagkahari. Ang iyong pagkahari ay walang hanggang pagkahari at ang kapangyarihan mo’y sa lahat ng sali’t-salinlahi.” (Awit 145:10-13) Ang pagkaharing iyan ay isinasagawa na ngayon sa pamamagitan ng Mesianikong Kaharian sa matapat na mga kamay ni Jesu-Kristo, at maipakikita natin ang ating katapatan kapuwa sa Diyos at kay Kristo sa pamamagitan ng malaya at masiglang pagsasalita tungkol dito.
16. Paano dapat maimpluwensiyahan ng katapatan ang lawak ng pakikibahagi natin sa pangangaral ng Kaharian at ang motibo ng paggawa nito?
16 Anong dako sa iyong buhay ang ibinibigay mo sa gawaing ito ng pagpapatotoo sa Kaharian? Talaga bang inuuna mo ito kaysa ibang mga gawain? Kung ano ang personal na ginagawa mo ay maaaring higit o kaunti kaysa kung ano ang ginagawa ng iba. Iba-iba ang mga kalagayan ng bawat isa. Subalit lahat tayo ay maaaring makinabang sa pagtatanong sa ating mga sarili ng mga katanungang gaya nito: ‘Ipinababanaag ba ng aking bahagi ang basta pagkadama ng tungkulin, isang tanda ng paghahandog? Minamalas ko ba ito na basta isang kahilingan para sa kaligtasan? O ang pag-ibig ba kay Jehova, debosyon sa kaniyang Mesianikong Hari at tunay na pagkabahala sa aking kapuwa-tao ang nag-uudyok sa akin na unahin ito upang ang iba pang mga interes sa aking buhay ay nakasentro rito?’ Ang katapatan ay mag-uudyok sa atin na humanap ng mga paraan upang ipakita na ang gawaing ito ay mahalaga sa atin kung paanong mahalaga ito sa ating Hari.
17. Kanino “magsasalita ng kapayapaan” si Jesus kapag pinuksa niya ang mga balakyot?
17 Hindi na magtatagal pupuksain ng Isa na masayang tinawag na Hari ng kaniyang mga alagad nang siya ay pumasok sa Jerusalem noong 33 C.E. ang lahat niyaong tumatanggi sa pagkasoberano ni Jehova na ipinahahayag sa pamamagitan ng Kaniyang Mesianikong Hari. Subalit siya ay “magsasalita ng kapayapaan” sa “malaking pulutong” na iyon ng mga tao mula sa lahat ng mga bansa na tinularan ang kaniyang halimbawa ng katapatan. Magiging isa ka ba sa kanila?—Zacarias 9:10; Efeso 4:20-24.