Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g87 1/22 kab. 19 p. 25-28
  • “Narinig Namin na ang Diyos ay Kasama Ninyo na mga Tao”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Narinig Namin na ang Diyos ay Kasama Ninyo na mga Tao”
  • Gumising!—1987
  • Subtitulo
  • “Kami ay Sasama sa Inyo na mga Tao”
  • Paano Nakikilala?
  • Mga Halimbawa na Karapat-dapat Tularan
Gumising!—1987
g87 1/22 kab. 19 p. 25-28

Kabanata 19​—Pagkaligtas Tungo sa Isang Bagong Lupa

“Narinig Namin na ang Diyos ay Kasama Ninyo na mga Tao”

1, 2. (a) Ano ang inihuhula ng Zacarias 8:23 sa ating kaarawan? (b) Sino ang Diyos na tinutukoy rito, at paano idiniriin ng Bibliya ang kaniyang personal na pangalan?

“KAMI ay sasama sa inyo na mga tao, sapagkat narinig namin na ang Diyos ay kasama ninyo na mga tao.” Iyan ang inihula ng Bibliya na sasabihin ng mga tao mula sa lahat ng mga bansa sa ating kaarawan. (Zacarias 8:23) At sino ang Diyos na ito na tinutukoy ng hula ni Zacarias? Tayo ay hindi iniiwan sa pag-aalinlangan. Sa totoong maliit na aklat na ito ng Bibliya ang kaniyang personal na pangalan ay lumilitaw ng 135 beses. Ito ay JEHOVA!

2 Ganito ang sabi niya mismo tungkol sa kaniyang personal na pangalan, na Jehova: “Ito ang aking pangalan magpakailanman, at ito ang aking pinakaalaala sa lahat ng mga lahi.” (Exodo 3:15) Ang kahalagahan ng pangalang iyan ay ipinakikita ng bagay na ito ay lumilitaw ng halos 7,000 ulit sa buong teksto ng Bibliyang Hebreo​—mas marami kaysa pinagsamang kabuuan ng mga titulong gaya ng Panginoon at Diyos. Gaya ng inihula, sa “mga huling araw” na ito ang pangalang iyan ay mauugnay lalung-lalo na sa isang pangkat ng mga tao.

“Kami ay Sasama sa Inyo na mga Tao”

3. Gaya ng inihula sa Zacarias 8:20-23, (a) sino ang hahanap kay Jehova? (b) at sa pamamagitan ng pakikisama kanino?

3 Tungkol dito, ang propeta Zacarias, sa panahon ng muling pagtatayo ng templo ni Jehova sa sinaunang Jerusalem, ay kinasihan ng Diyos na sumulat: “Ganito ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Mangyayari pa na darating ang mga bayan at ang mga naninirahan sa maraming lunsod; at ang mga naninirahan sa isang lunsod ay paroroon sa mga nasa isa pa, na nagsasabi: “Magsiparoon tayong madali upang kamtin ang lingap ni Jehova at hanapin si Jehova ng mga hukbo. Ako naman ay paroroon din.” At maraming mga bayan at makapangyarihang mga bansa ay magsisiparoon upang hanapin si Jehova ng mga hukbo sa Jerusalem at hilingin ang lingap ni Jehova.’ Ganito ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Mangyayari sa mga araw na iyon na sampung lalaki sa lahat ng wika ng mga bansa ang magtatanganan, oo, sila’y aktuwal na magsisitangan sa laylayan ng damit ng isang lalaking Judio, na mangagsasabi: “Kami ay sasama sa inyo na mga tao, sapagkat narinig namin na ang Diyos ay kasama ninyo na mga tao.”’”​—Zacarias 8:20-23.

4. Bakit ang hulang ito ay hindi kumakapit sa Judaismo o sa Sangkakristiyanuhan?

4 Ang limitadong katuparan ng hulang ito may kaugnayan sa muling pagtatayo ng templo sa Jerusalem, simula noong mga kaarawan ni Zerubabel, ay tumuturo sa mas malaking katuparan sa ating kaarawan. May kaugnayan sa anong bayan? Tiyak na hindi magiging makatuwiran doon sa “humahanap kay Jehova” na bumaling sa bayan na mapamahiing tumatanggi kahit na sa pagbigkas sa pangalan ng Diyos, gaya ng likas na mga Judio na nangungunyapit sa kanilang tradisyonal na pagsamba. Ni sa Sangkakristiyanuhan man, na tumutulad sa kaugaliang Judio na pag-iwas sa paggamit ng banal na pangalan. Ang mga tao sa ating kaarawan ay hindi bumabaling sa makalupang Jerusalem upang sambahin si Jehova. Gaya ng inihula ni Jesus tinalikdan ng Diyos ang kaniyang templo roon, at ito ay nawasak noong 70 C.E., hindi na muling itinayo hanggang sa araw na ito. Ipinakikita nito sa lahat ng makatuwirang tao na ang Diyos ay wala sa hindi Kristiyanong Israel.​—Mateo 23:37, 38; ihambing ang 1 Hari 9:8, 9.

5. Paano ipinakikilala ng Kasulatan (a) ang “Jerusalem” na kumakatawan ngayon kay Jehova? (b) ang “lalaking Judio” na inihula ni Zacarias?

5 Ang “Jerusalem” na kumakatawan ngayon kay Jehova ay inilalarawan sa Hebreo 12:22 bilang “isang lunsod ng nabubuhay na Diyos, ang makalangit na Jerusalem.” Kung paanong ang sinaunang Jerusalem ay isang nakikitang simbolo o sagisag ng pamamahala ni Jehova, ang “makalangit na Jerusalem” ay siyang Mesianikong Kaharian ng Diyos na si Jesu-Kristo ang iniluklok bilang Hari sa pagtatapos ng Panahong Gentil noong 1914. (1 Cronica 29:23; Lucas 21:24) Ang pamahalaang iyan ay may mga kinatawan dito sa lupa, yaong matapat na ipinahahayag ito bilang ang tanging tiyak na pag-asa ng sangkatauhan. Ang mga nauna sa paghahayag na ang Kaharian ay naitatag noong 1914 ay ang nalalabi ng “munting kawan.” Ang mga ito “ang Israel ng Diyos,” sa espirituwal na diwa. Sila ay espirituwal na ‘mga Judio’ na inihula ni Zacarias. (Lucas 12:32; Galacia 6:16; Roma 2:28, 29) Sapol noong 1931, dahilan sa pag-ibig nila sa Diyos at ang pagpapahalaga nila sa pananagutan na ipahayag na si Jehova ang tunay at Makapangyarihan-sa-lahat na Diyos, kanilang tinanggap ang pangalang mga Saksi ni Jehova.​—Isaias 43:10-12.

Paano Nakikilala?

6. (a) Ano ang kumumbinsi sa angaw-angaw na mga tao sa kung paano makikilala ang bayan na kasama ng Diyos ngayon? (Isaalang-alang nang isa-isa ang bawat punto; basahin ang mga kasulatan.) (b) Aling (mga) punto ang lubhang nakapukaw sa iyo nang personal?

6 Sapagkat may katapatang tinupad ng espirituwal na mga Judiong ito ang kanilang pananagutan bilang mga Saksi ni Jehova, angaw-angaw na taimtim na mga tao sa buong globo ang natulungan na “hanapin si Jehova.” Natanto nila na si Jehova ay kasama ng mga taong ito na nagtataglay ng kaniyang pangalan. Ano ang kumukumbinse sa kanila rito? Maraming bagay, kabilang na rito ang litaw na mga bagay na ito:

(1) Ang mga paniniwala ng mga Saksi ni Jehova ay salig na lahat sa Bibliya​—hindi basta sa nabubukod na mga teksto kundi sa buong Salita ng Diyos. Sa halip na pagtuturo ng mga bagay mula sa kanilang sarili, sinasagot ng mga Saksi ni Jehova ang mga katanungan sa pamamagitan ng pagtuturo ng kung ano ang sinasabi ng Bibliya. Pinararangalan nila si Jehova sapagkat hinahayaan nilang siya ang magsalita. (Ihambing ang Juan 7:16-18.)

(2) Binabanggit ng Bibliya na ang Diyos mismo ay kukuha ng “isang bayan para sa kaniyang pangalan” mula sa lahat ng mga bansa. (Gawa 15:14) Sila ay personal na tatawag sa kaniyang pangalan at sila mismo ay magsisikap na ipaalam ito sa buong lupa. (Isaias 12:4, 5) Sa buong daigdig, ang mga Saksi ni Jehova ang bayan na lubhang nakikilala sa personal na pangalan ng Diyos, na Jehova.

(3) Ang mga Saksi ni Jehova ay nagtataglay ng saganang nakasisiyang espirituwal na pagkain. Ang natututuhan nila mula sa Kasulatan at ang epekto nito sa kanilang pangmalas sa buhay ay gumagawa sa kanilang isang maligayang bayan, kabaligtaran ng sanlibutan sa pangkalahatan. Ito ang sinabi ni Jehova na magiging totoo sa kaniyang mga lingkod. (Isaias 65:13, 14; ihambing ang Mateo 4:4.)

(4) Ginagamit ng mga Saksi ni Jehova ang Salita ng Diyos upang itakda ang kanilang pamantayan ng paggawi at upang patnubayan ang kanilang mga pasiya sa pang-araw-araw na mga gawain sa buhay​—sa kanilang pamilya, sa trabaho, sa paaralan, sa pagpili ng libangan, sa pagkilala ng mga gawain na dapat iwasan, sa pagpapasiya ng lubhang karapat-dapat na mga gawain na dapat gawin. Si Jehova ay nangako na ‘kaniya mismong itutuwid ang landas’ niyaong gumagawa nito. (Kawikaan 3:5, 6)

(5) Ang pangangasiwa sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay itinulad sa unang-siglong kongregasyon ng Diyos, kung saan ang mga matatanda ay mga halimbawa sa kawan at kapuwa mga manggagawa sa Kaharian ng Diyos sa halip na nakatataas na uring klero. (1 Pedro 5:2, 3; 2 Corinto 1:24)

(6) Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi kasangkot sa pulitikal na mga bagay ng sanlibutan kundi ginagawa ang gawain na binabanggit ng Bibliya para sa tunay na mga Kristiyano, yaon ay, ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa buong daigdig bilang patotoo bago dumating ang wakas. (Mateo 24:14; ihambing ang Juan 17:16; 18:36.)

(7) Talagang iniibig ng mga Saksi ni Jehova ang isa’t isa, gaya ng sinabi ni Jesus na gagawin ng kaniyang tunay na mga alagad. Ang kulay ng balat, pinagmulang tribo, mga kalagayan sa kabuhayan, nasyonalidad, wika​—isa man dito ay hindi dahilan upang maliitin ng isa ang iba. Sa kabila ng mga di-kasakdalan ng tao, silang lahat ay tunay na nagkakaisa bilang isang pambuong-daigdig na kapatiran, at sa bagay na ito ibinibigay nila ang lahat ng kapurihan sa Diyos. (Juan 13:35; ihambing ang Gawa 10:34, 35.)

(8) Gaya ng sinaunang mga Kristiyano, ang mga Saksi ni Jehova sa makabagong panahon ay patuloy na naglilingkod sa Diyos sa kabila ng mga pag-uusig. Nagtitiwala sa Diyos, hindi sila gumaganti sa mga sumasalansang. At katulad noong una, ang Diyos ay napatunayan na sumasa-kaniyang mga lingkod upang iligtas sila. (Jeremias 1:8; Isaias 54:17)

7. (a) Sino ang “sampung lalaki”? (b) Paano nila pinatutunayan na si Jehova nga ay naging kanilang Diyos?

7 Ito ang ilan lamang sa mga dahilan kung bakit, gaya ng inihula, “sampung lalaki sa lahat ng wika ng mga bansa” ay nagsasabi na may tunay na kombiksiyon sa nalabi ng mga tagapagmana ng Kaharian: “Kami ay sasama sa inyo na mga tao, sapagkat narinig namin na ang Diyos ay kasama ninyo na mga tao.” (Zacarias 8:23) Ginagamit ng Kasulatan ang “sampu” upang kumatawan sa pagiging ganap o kompleto kung tungkol sa mga bagay na makalupa, kaya ang “sampung lalaki” na ito ay kumakatawan sa lahat ng nagsasagawa ng tunay na pagsamba ngayon na kasama ng pinahiran-espiritu na “mga kapatid” ni Kristo. Hindi lamang sila nakikisama sa nalabi sa kanilang mga pulong kundi ipinakikilala nila ang kanilang mga sarili bilang mga mananamba ng kanilang Diyos, si Jehova. Iniaalay nila ang kanilang buhay sa kaniya sa pamamagitan ni Jesu-Kristo at sinasagisagan ito sa pamamagitan ng bautismo sa tubig, sa gayon ipinakikita na nais nilang “makipisan kay Jehova.” At sila ay may kagalakang nakikibahagi sa gawain na isinasagawa sa buong lupa ng kaniyang mga saksi.​—Zacarias 2:11; Isaias 61:5, 6.

Mga Halimbawa na Karapat-dapat Tularan

8. (a) Ano ang nagpangyari sa reyna ng Sheba na maglakbay tungo sa Jerusalem? (b) Ano ang ginawa niya pagdating niya, at ano ang resulta? (c) Paano napatunayang may mga taong katulad niya sa ating kaarawan? (Awit 2:10-12)

8 Ang ilan na gumawa nito ay gaya ng reyna ng Sheba noong mga kaarawan ni Solomon. Mula sa malayong lugar “nabalitaan [niya] ang kabantugan ni Solomon may kaugnayan sa pangalan ni Jehova.” Hindi pa niya personal na nakausap si Solomon ni naparoon man siya sa templo ni Jehova sa Jerusalem. May mga pag-aalinlangan siya kung baga ang lahat ay totoo gaya ng narinig niya. Subalit pinagsikapan niyang alamin, naglalakbay ng marahil 1,400 milya (2,250 km) sakay ng kamelyo upang gawin ang gayon. Nasumpungan niya ang mga kasagutan sa lahat ng kaniyang “nakalilitong mga katanungan” at bumulalas: “Narito! ang kalahati ay hindi nasaysay sa akin.” Wala siyang magawa kundi maghinuha na iniibig ni Jehova ang kaniyang mga mananamba. (1 Hari 10:1-9) Tinularan ngayon ng ilan na naging prominente sa sanlibutan ang kaniyang halimbawa, at marami mula sa mas mababang mga kalagayan ang gumawa rin ng gayon. Nakita nila ang katunayan na ang mga Saksi ni Jehova ay hindi tumitingin sa kanino mang tao kundi kay Jesu-Kristo, ang Lalong-dakilang Solomon, bilang kanilang Hari. Ang mga kasagutan na ibinibigay sa kanila mula sa Salita ng Diyos ay nakasisiya sa kanilang mga isipan at puso, at sila ay nauudyukan na sumama sa pagpuri kay Jehova.​—Ihambing ang Lucas 11:31.

9. (a) Sa anong paraan na ang saloobin ni Rahab ay kakaiba sa saloobin ng reyna ng Sheba? (b) Ano ang kapuna-puna tungkol sa mga pangyayaring humantong sa pagkaligtas ni Rahab at ng kaniyang sambahayan? (c) Ano ang nagpapakilala sa mga tao na katulad ni Rahab ngayon?

9 Ang iba ay katulad ni Rahab ng Jericho na kumbinsido na mula sa mga ulat na tinanggap niya na ang Diyos ng Israel ay “Diyos sa langit sa itaas at sa lupa sa ibaba.” (Josue 2:11) Nang ang mga espiya mula sa Israel ay pumasok sa lupain, tinanggap niya sila, itinago sila at isinapanganib ang kaniyang buhay upang ingatan sila. Mayroon siyang pananampalataya at pinatunayan niya ito sa pamamagitan ng kaniyang mga gawa, naninindigan sa panig ng bayan ni Jehova. (Hebreo 11:31; Santiago 2:25) Maingat na sinunod niya ang mga tagubilin na ibinigay para sa kaniyang kaligtasan. Si Rahab ay nagpakita rin ng maibiging pagkabahala sa kaniyang ama at ina, mga kapatid na lalaki at babae, binubuksan ang daan upang sila ay makaligtas kung susundin nila ang mga kahilingan sa kaligtasan. (Josue 2:12, 13, 18, 19) Bunga nito siya at ang kaniyang sambahayan ay iniligtas nang ang Jericho at ang mga maninirahan nito na sumasamba kay Baal ay lipulin. (Josue 6:22, 23) Ito ay may malaking kahulugan sa ating kaarawan. Ipinakikita nito na ililigtas ni Jehova ang mga tao na katulad ni Rahab. Ano ang nagpapakita na sila ay katulad niya? Sila ay naglalagak ng pananampalataya kay Jehova, ipinakikilala ang kanilang mga sarili na kasama ng mga membro ng espirituwal na Israel, maingat na sinusunod ang mga tagubilin na ibinibigay sa pamamagitan ng alulod na ito at masikap na tinutulungan ang malapit na mga membro ng pamilya at iba pang mga kamag-anak na makita ang karunungan ng paggawa ng gayunding pagkilos.

10. (a) Gaya ng ipinakikita ng hula ni Zacarias, ano talaga ang umaakit sa mga tao anupa’t sila ay nakikisama sa mga Saksi ni Jehova? (b) Paano natin maipakikita, sa saloobin at sa mga pagkilos, na ang pag-ibig kay Jehova ang siyang pumupunô sa ating mga puso?

10 Mangyari pa, ang tunay na pang-akit, na humihikayat sa mga tao ng lahat ng bansa na makisama sa mga Saksi ni Jehova, ay ang Diyos na Jehova mismo. Ang kaniyang Salita ay nakaaakit sa kanila. Ang bunga ng kaniyang espiritu sa buhay ng kaniyang mga lingkod ay kahali-halina sa kanila. Habang lalo nilang nakikilala ang kaniyang mga katangian at ang kaniyang mga pakikitungo sa sangkatauhan, inaasam-asam nila ang panahon kapag ang pangalan ng Diyos ay maipagbabangong-puri sa lahat ng mga kasiraan na idinulot dito ni Satanas at ng walang pananampalatayang mga tao. Sinisikap nila mismo na isaayos ang kanilang mga buhay sa paraan na makalulugod sa kanilang Maylikha at mag-uudyok sa iba na luwalhatiin siya. (1 Pedro 2:12) Buong pusong nananalangin sila, gaya ng itinuro ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang pangalan mo. Dumating nawa ang kaharian mo. Mangyari nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:9, 10) At, kasuwato ng kanilang panalangin, sila ay nagsasagawa ng banal na paglilingkod sa Diyos na kaisa niyaong maliwanag na nagpapatunay na sila ang “bayan ukol sa pangalan [ni Jehova].”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share