Kabanata 20—Pagkaligtas Tungo sa Isang Bagong Lupa
‘Ang Maliit ay Magiging Isang Matibay na Bansa’
1. (a) Kung tungkol sa dami ng pagsulong ng tunay na mga mananamba, ano ang inihula ni Jehova? (b) Sino talaga ang nagpapangyari nito, at papaano?
ANG mga mananamba ni Jehova ay malaon nang kakaunti sa bilang kung ihahambing sa populasyon ng lahat ng tao. Subalit sa ating kaarawan ang kanilang bilang ay dumarami sa bilis na nakatutuwa sa mga umiibig sa katuwiran. Kung tungkol sa dami ng pagsulong, inihula mismo ni Jehova: “Ang munti ay magiging isang libo, at ang maliit ay magiging isang matibay na bansa. Ako mismo, si Jehova, ang magpapabilis niyaon sa takdang kapanahunan.” (Isaias 60:22) Gaya ng sinasabi ng kasulatan, si Jehova mismo ang magpapangyari nito. Papaano? Sa pamamagitan ng pagpapairal niya sa gitna ng kaniyang mga lingkod na isang kalagayan na gagawa sa kanila na lubhang kakaiba sa mga bansa na nasa paligid nila at na lubhang nakaaakit sa tapat-pusong mga tao.
2. (a) Sino ang kinakausap sa Isaias 60:1, 2? (b) Sa anong paraan na ang “kaluwalhatian ni Jehova” ay pinasikat sa kaniya? (c) Paano ‘nagpasikat ng liwanag’ ang nalabi?
2 Ito ay inihula sa Isaias 60:1, 2, kung saan kinakausap ni Jehova ang kaniyang “babae,” ang kaniyang organisasyon na binubuo ng tapat na mga espiritung nilalang gayundin ng inianak-sa-espiritung mga anak sa lupa, na sinasabi: “Bumangon ka, Oh babae, pasikatin mo ang liwanag, sapagkat dumating ang iyong liwanag at sumikat sa iyo ang mismong kaluwalhatian ni Jehova. Sapagkat, narito! tatakpan ng kadiliman ang lupa, at ng masalimuot na dilim ang mga bayan; ngunit sisikat sa iyo si Jehova, at makikita sa iyo ang kaniya mismong kaluwalhatian.” Ang saligan sa pagkakaibang ito ay ang pagsilang ng Mesianikong Kaharian sa mga kamay ni Jesu-Kristo noong 1914. Noon sumikat ang “kaluwalhatian ni Jehova” sa kaniyang makalangit na organisasyon, na nagsilang sa Kaharian. Nagkaroon ng dahilan para sa malaking pagsasaya sa gitna nila. (Apocalipsis 12:1, 2, 5, 10-12) At sa lupa ang pinahirang nalabi ng mga tagapagmana ng Kaharian ay nakibahagi sa kagalakang iyan. Simula noong 1919, sila ay ‘nagpasikat ng liwanag’ habang isinasagawa nila ang pambuong-daigdig na paghahayag ng Kaharian ng Diyos bilang ang tunay at tanging pag-asa ng sangkatauhan.—1 Pedro 2:9; Mateo 5:14-16.
3. (a) Bakit, lalo na sapol noong 1914, ‘tinakpan ng kadiliman ang lupa’? (b) Ano ang tanging tunay na lunas?
3 Sa kabaligtaran, noong 1914 ang mga bansa sa lupa, na nakikipagbaka upang panatilihin ang kanila mismong pagkasoberano, ay pumasok sa panahon ng karahasan at kawalan ng katiwasayan kung saan hindi na sila makakaahon. Ang kawalan ng katatagan sapol noon ay nagpangyari sa marami na matalos na, sa kabila ng “siyentipikong pagsulong,” wala silang maaasahang tiwasay na kinabukasan. Oo, ‘tatakpan ng kadiliman ang lupa.’ Bakit hindi sila makasumpong ng malulusutan o daang palabas? Sapagkat tinanggihan ng mga bansa si Jehova bilang Soberano. Higit sa lahat, ang ilang mga pinuno ay naglilingkod sa pamamagitan lamang ng mga labi sa isang “Diyos” na ang pangalan ay hindi nila ginagamit. Disidido silang patakbuhin ang mga bagay-bagay sa kanilang sarili, subalit ang mga problemang nakakaharap nila ay hindi kayang lutasin ng kakayahan ng tao. (Jeremias 8:9; Awit 146:3-6) Ang kasalukuyang sanlibutan, pati na ang kasakiman at kabulukan nito, ay pumasok sa “mga huling araw” nito. Hindi nito maiiwasan ang pagkawasak na naghihintay rito. Tanging ang mga taong naglalagak ng kanilang buong pananampalataya sa Kaharian ng Diyos ang makatitingin sa hinaharap na may pagtitiwala. Sa dumaraming bilang, natatalos ito ng tapat-pusong mga tao at sila ay aktibong nakikisama sa mga Saksi ni Jehova, na hindi lamang nagsasalita tungkol sa Kaharian kundi masigasig na sinisikap na mamuhay na kasuwato ng kanilang ipinangangaral.
‘Ang Munti ang Magiging Isang Libo’
4. Bilang katuparan ng Isaias 60:4, anong gawaing pagtitipon ang unang binigyang pansin?
4 Nang matapos ang Digmaang Pandaigdig I, ang pagtitipon sa mga tagapagmana ng Kaharian ay hindi pa nakukompleto. Mayroon pang “mga anak na lalaki” at “mga anak na babae” ang makalangit na Jerusalem na kinakailangan upang kompletuhin ang inihulang 144,000 na magpupunong kasama ni Kristo sa langit. Gayunman, inihula ni Jehova ang pagtatapos ng gawaing ito, na sinasabi: “Imulat mo ang iyong mga mata sa buong palibot at tumingin ka! Silang lahat ay nangapipisan; sila’y nagsiparoon sa iyo. Buhat sa malayo patuloy na dumadagsa ang iyong mga anak na lalaki, at ang iyong mga anak na babae na kakalungin.” (Isaias 60:4) Bunga ng paghahayag ng Kaharian na ginawa mula at pagkatapos ng 1919, libu-libo pa ang nag-alay ng kanilang mga sarili kay Jehova, nagpabautismo at pinahiran ng banal na espiritu. Gayunman, lahat-lahat ang buong grupo ng mga tagapagmana ng Kaharian ay tinukoy ni Jesus bilang isang “munting kawan” lamang. (Lucas 12:32) Upang tuparin ang inihula sa Isaias 60:22, tiyak na higit pa ang titipunin sa tunay na pagsamba. At gayon nga!
5. Paano inilarawan ang pinagmumulan ng higit pang pagsulong sa Isaias 55:5?
5 Ganito ang pagkabanggit sa kanila sa Isaias 55:5: “Narito! Ikaw ay tatawag ng isang bansa na hindi mo nakikilala, at yaong mga nasa isang bansa na hindi ka nakikilala ay tatakbo pa man din sa iyo, dahil kay Jehova mong Diyos, at dahil sa Banal na Isa ng Israel, sapagkat kaniyang niluwalhati ka.” Ito ang mga tao mula sa labas ng espirituwal na Israel. Galing sila sa maraming bansa subalit sila ay naging isang nagkakaisang bayan, lahat ay nagbibigay ng matapat na pagtangkilik sa Kaharian ng Diyos. Sila ay “isang bansa” na hindi “nakikilala” ng nalabi ng espirituwal na Israel noon ayon sa kanilang pagkaunawa ng Kasulatan, ni kinilala man dati ng bayang ito ang mga lingkod ng Diyos. Subalit bunga ng pangangaral ng mabuting balita, sila ay naakit sapagkat nalaman nila na ang espirituwal na mga Israelitang ito ay sumasamba sa tunay na Diyos at sapagkat natalos nila sa mga ito ang espirituwal na kagandahan na maaari lamang magmula sa pagpapala ng Diyos.
6. Gaano kalayo ang narating ng mensahe ng Kaharian, at taglay ang anong kapana-panabik na mga resulta?
6 Sa kabila ng lahat ng ginawa ni Satanas upang hadlangan ang pangangaral ng mensahe ng Kaharian, at upang iligaw ang pansin ng mga tao sa ibang mga gawain, ang liwanag ng katotohanan ay patuloy na nakararating kahit na sa pinakamalayong bahagi ng lupa. Ang resulta ay gaya ng malaon nang makahulang sinabi ng Diyos sa kaniyang “babae”: “Kung magkagayon ikaw ay makakakita at tunay na magniningning ka, at ang iyong puso ay titibok at lálakí, sapagkat ang kasaganaan ng dagat ay mapapauwi sa iyo; at ang kayamanan ng mga bansa ay darating sa iyo. . . . At sila’y maghahayag ng mga kapurihan kay Jehova.” (Isaias 60:5, 6) Oo, isang “malaking pulutong” ng mga tao na dati’y bahagi ng “dagat” ng sangkatauhang hiwalay sa Diyos, mga taong ang mga buhay ay pinadilim ng “masalimuot na dilim” na tumatakip sa mga bansa, ay nakisama sa espirituwal na Israel. Sa paningin ng Diyos, sila ay tunay na mahalaga mula sa lahat ng mga bansa.
7. Sa inihulang pagdami, paano ipinakita ni Jehova kung ano talaga ang mahalaga sa kaniyang paningin?
7 Sa panahon ng pagtatayong-muli ng templo ni Jehova sa Jerusalem, pinakilos niya ang kaniyang propetang si Hagai na ipahayag: “‘Aking uugain ang lahat ng bansa, at ang kanais-nais na mga bagay ng lahat ng bansa ay darating; at ang bahay na ito ay pupunuin ko ng kaluwalhatian,’ sabi ni Jehova ng mga hukbo.” (Hagai 2:7) Ang pag-uga at pagyanig na iyan ng mga bansa sa wakas ay hahantong sa kanilang pagkalipol, subalit bago mangyari iyan “ang kanais-nais na mga bagay ng lahat ng bansa” ay dapat na matipon mula sa lahat ng mga ito at madala sa dakilang espirituwal na templo ni Jehova, ang kaniyang pansansinukob na bahay ng pagsamba. Dito ay makasusumpong sila ng kaligtasan kapag ang daigdig ay gumuho sa kagibaan. Mahalaga ang gayong nabubuhay na mga mananamba kay Jehova. Hindi niya kailangan ang kanilang materyal na kayamanan. (Mikas 6:6-8) Ang pinakamahalagang bagay na maibibigay nila kay Jehova ay ang kanilang buong-kaluluwang pagsamba. Sila ay dumarating na dala ang mga handog na debosyon ng puso at masigasig na paglilingkod, lahat sila ay ‘naghahayag ng mga kapurihan kay Jehova.’ Anong kagalakan ang dulot nila sa tapat na mga lingkod ni Jehova kapuwa sa langit at sa lupa!
8. Anong mga palatandaan ang ibinibigay ng Bibliya kung tungkol sa lawak ng pagtitipon sa hinaharap na mga tagapagmana ng makalupang Kaharian?
8 Ilan kaya ang bubuo sa mga mananambang ito ni Jehova na inaasam-asam ang pag-asa ng buhay sa isang Paraisong lupa? Ang Bibliya ay walang itinatakdang bilang. Ito ay bukás sa maraming tao mula sa lahat ng bansa na manghahawakan sa maibiging mga paglalaan ni Jehova. Gayunman, isang pahiwatig ng kung ano ang maaaring asahan ay masusumpungan sa Isaias 60:8, na inilalarawan sila na tulad ng mga kalapati na “nagsisilipad na parang alapaap”—isang alapaap na nagpapadilim sa lupa sa ibaba. Ito ay tumutukoy sa pagkilos ng maraming tao sa isang maikling panahon. Kasabay ng pagdagsang ito ng mga mananamba ni Jehova, inihula na, “ang munti” ng espirituwal na Israel ay “magiging isang libo, at ang maliit ay magiging matibay na bansa,” at sinabi ni Jehova na kaniyang ‘pabibilisin iyon sa takdang kapanahunan.’ (Isaias 60:22) Ganiyan nga ba ang aktuwal na nangyayari?
9. Anong pagsulong ang nangyari mula noong 1935?
9 Pagkatapos ng unang digmaang pandaigdig mayroon lamang ilang libong aktibong nakikibahagi sa pagbibigay ng pangmadlang pagpatotoo tungkol sa Kaharian. Noong 1935 ang kanilang kabuuang bilang ay wala pang 60,000 sa buong daigdig. Noong 1941 ang bilang ng mga tagapagpahayag ng Kaharian ay lumampas sa bilang na 100,000. Noong 1953, may mahigit na 500,000. Pagkalipas ng sampung taon sila ay umabot ng isang milyon. Sa pasimula ng 1984, mayroon ng 2,652,323. Sa katamtaman, sila ay gumugugol ng mahigit isang milyong oras isang araw upang ipakita sa iba kung bakit ang Kaharian ng Diyos lamang ang magbibigay ng tunay na pag-asa sa hinaharap. Kung ihahambing sa dami, bilang mga Saksi ni Jehova, na nagbibigay ng patotoo na sila ay mga sakop ng Mesianikong Kaharian ni Jehova, kapansin-pansin na mga 60 bansa sa daigdig ngayon ang may populasyon na mas kaunti pa sa bilang kaysa lumalaking “bansa” na ito. Gayunman, ang pambihirang “bansa” na ito ay hindi bahagi ng makasanlibutang pulitika kundi bukod-tanging nakatalaga sa paglilingkod sa tunay na Diyos.
10. (a) Anong mga kalagayan ang gumagawa sa pagsulong na ito na kahanga-hanga sa ating mga mata? (b) Ano ang nagpapahiwatig na higit pa ang darating?
10 Ito ba ang ganap na katuparan ng hulang ito? Ang naganap na ay angkop sa paglalarawan ng Bibliya. At kahanga-hanga rin, kung isasaalang-alang natin ang mga kalagayan na doon ang gawaing ito ay isinagawa—ang mga hadlang ay napagtagumpayan, ang katibayan ng patnubay ng Diyos upang gawin itong matagumpay, ang debosyon na ipinakita niyaong nakibahagi rito. Kahanga-hanga rin, ang mga pagbabago na nagawa nito sa mga buhay ng mga tao. Subalit ang pagdami ng mga taong hayagang pumapanig kay Jehova ay hindi humihinto, ni bumabagal man ito. Sa nakalipas na mga taon ay nagkaroon ng, sa katamtaman, mahigit na 10,000 sa bawat buwan na inihaharap ang kanilang mga sarili para sa bautismo sa tubig, at ang kabuuan ay dumarami pa sa bawat taon. Lahat ng mga ito, sa pamamagitan ng pamumuhay sa isinasagisag ng kanilang bautismo, ay maaaring magkaroon ng tiyak na pag-asang makaligtas tungo sa isang “bagong lupa.”
11. (a) Paano ipinakikita ng Bibliya na ang angaw-angaw na ito ay nagiging bahagi ng isang organisasyon? (b) Ano ang pangunahing layunin ng organisasyong iyan?
11 Ang angaw-angaw na mga taong ito ay hindi lamang indipendiyenteng mga estudyante ng Bibliya, bawat isa’y naglilingkod sa Diyos sa kaniyang sariling paraan. Sila ay mga taong mapagpasakop na naging bahagi ng nakikitang organisasyon ni Jehova. Gaya ng nakita na natin, una ay “tinipon” ang mga tagapagmana ng Kaharian. Ngayon ang iba pa mula sa mga bansa, na may pag-asa sa makalupang buhay, ay ‘pumaparoon sa kanila.’ (Isaias 60:4, 5) Sila ay naging “isang kawan” sa ilalim ng “isang pastol,” si Jesu-Kristo. (Juan 10:16) Inilarawan ni apostol Pedro ang tunay na mga Kristiyano bilang isang pambuong-daigdig na ‘kapatiran,’ at hinimok sila ni Pablo na huwag ibukod ang kanilang sarili kundi ‘magtipun-tipon,’ at lalo na yamang ang araw ng paghatol ng Diyos ay malapit na. (1 Pedro 5:9; Hebreo 10:23-25) Sa gayong paraan sila ay napatitibay at nasasangkapan na makibahagi sa dakilang layunin na siyang dahilan ng pag-iral ng organisasyong ito. At ano ba iyon? Upang luwalhatiin ang pangalan ni Jehova.—1 Pedro 2:9; Isaias 12:4, 5.
Isang Gawaing Dapat Gawin
12. (a) Paano ipinahiwatig ni Jesus ang gawain na doon tayong lahat ay dapat na nakikibahagi? (b) Gaano kahalaga ito, at bakit?
12 Agad na nauunawaan ng lahat ng nakikisama sa organisasyon ni Jehova na lahat ng naririto ay mga manggagawa. Bilang pagtulad kay Jesu-Kristo silang lahat ay aktibong mga mangangaral ng Kaharian ng Diyos, na siyang paraan kung paanong ang pangalan ni Jehova ay maipagbabangong-puri. Si Jesus mismo ay nagsabi: “Dapat namang ipangaral ko ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos, sapagkat sa ganito ay sinugo ako.” (Lucas 4:43) Masigasig niyang binanggit ang tungkol sa pangangailangan para sa iba na isentro ang kanilang buhay sa paggawa ng kalooban ng Diyos. Tinuruan niya ang kaniyang mga tagasunod na gawin ang gayunding gawain na ginagawa niya. Sa panahong ating kinabubuhayan, sinabi niya na “ang mabuting balitang ito ng kaharian” ay “ipangangaral sa buong tinatahang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa.” (Mateo 24:14) Ito ang pinakamahalagang gawain na maaaring gawin ng sinuman sa atin ngayon. Bakit gayon? Sapagkat sa pamamagitan nito itinataguyod natin ang matuwid na pagkasoberano ng Diyos na Jehova, kung saan nasasalalay ang kapakanan ng lahat ng nilalang. Sa pamamagitan ng buong-pusong pakikibahagi sa gawaing ito, ipinakikita natin ang ating pagpapahalaga sa saganang di-sana nararapat na kabaitan ni Jehova. Tinutulungan din natin ang ating mga kapuwa-tao na samantalahin ang tanging paraan na doon posible na sila’y makaligtas sa dumarating na malaking kapighatian.—Ihambing ang 1 Timoteo 4:15, 16.
13. (a) Sa Isaias 60:17, anong kalagayan ang inihula sa organisasyon ni Jehova? (b) Ano ang dapat nating gawin upang maranasan ito nang lubusan? (c) Anong pag-asa ang nasa harapan ng mga gumagawa nito?
13 Ang mga kalagayan na nasusumpungan nila sa loob ng organisasyon ni Jehova ay nagpapasigla sa kanilang mga puso. Gaya ng inihula ni Jehova sa pamamagitan ni Isaias: “Ilalagay ko ang kapayapaan na maging iyong mga tagapangasiwa at ang katuwiran na maging iyong mga tagapag-atas.” (Isaias 60:17) Ang kapayapaan na umiiral ay hindi lamang sa teoriya kundi totoo, isang bunga ng banal na espiritu ng Diyos. Hindi ito nangangahulugan na nararanasan ng isa ang lubos na kapayapaan dahilan lamang sa siya ay nakikisama sa organisasyon. Dapat niyang personal na matutuhan na “itaguyod ang mga bagay na nagdadala ng kapayapaan at ang mga bagay na nakapagpapatibay sa isa’t isa.” (Roma 14:19) Kailangan niyang matutuhan na magpakita ng maka-Diyos na karunungan sa pakikitungo sa mga di-kasakdalan ng iba, magpakita ng pagtitiis at pagpipigil-sa-sarili, maging mapagpatawad sa iba kung paanong nais niyang patawarin siya ng Diyos. Oo, dapat din siyang ‘makipagpayapaan.’ (Santiago 3:17, 18; Galacia 5:22, 23; Colosas 3:12-14) Yaong gumagawa ng gayon ay nakasusumpong ng malaking kagalakan sa pagiging bahagi ng “matibay na bansa” na ngayo’y binubuo at na itinalaga sa paglilingkod kay Jehova, “ang maligayang Diyos.” (1 Timoteo 1:11) Ang mga membro ng “bansa” na ito ang ililigtas kapag iginawad ni Jehova ang paghatol laban sa buong sanlibutan na nagpapasakop kay Satanas bilang pinuno nito.