Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g87 2/8 kab. 21
  • Isang Masiglang Pagsalubong sa mga Nagbabalik

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Masiglang Pagsalubong sa mga Nagbabalik
  • Gumising!—1987
  • Subtitulo
  • Ang Pagbabalik ng Alibughang Anak
  • Paano Kumakapit Ngayon ang Talinghaga?
  • Pagtatayo sa Isang Mahusay na Pundasyon
Gumising!—1987
g87 2/8 kab. 21

Kabanata 21​—Pagkaligtas Tungo sa Isang Bagong Lupa

Isang Masiglang Pagsalubong sa mga Nagbabalik

1. Anong uri ng mga tao ang tinatalakay sa kabanatang ito?

MARAMING tao na noong minsan ay nakaalam ng katotohanan sa Bibliya at nakilala si Jehova bilang ang tunay na Diyos at naunawaan ang ilang bagay tungkol sa kaniyang mga layunin. Bagaman sila ay hindi mga Saksi ni Jehova, baka sila ay nakipag-aral na ng Bibliya sa mga Saksi. O marahil ang kanilang mga magulang ay mga Saksi. Marami sa mga ito ang dumalo na sa mga pulong sa Kingdom Hall. Baka nakibahagi pa nga sila sa pagdadala ng mensahe ng Kaharian sa iba. Subalit hindi pa nila itinatalaga ang kanilang mga buhay sa paggawa ng kalooban ng Diyos. Bakit hindi?

2. (a) Bakit sila lumayo sa organisasyon ni Jehova? (b) Bakit nila ninanais na bumalik?

2 Ang sanlibutan ay nag-aalok ng mga pang-akit na inaakala nilang kailangan nila, mga bagay na inaakala nilang magdaragdag ng kaligayahan sa kanilang buhay, at sila’y lumayo sa organisasyon ni Jehova sa paghahangad nila ng gayong mga bagay. Gayunman, dumarating ang panahon na natatalos ng mga ito na hindi nila nasumpungan ang uri ng buhay na inaasahan nila. Sila’y nagising sa katotohanan na kung magpapatuloy sila sa gayong kalagayan, sila ay maglalaho na kasama ng sanlibutan. Hindi nila nakalimutan ang katiwasayan at espirituwal na kasaganaan sa “bahay” ni Jehova, at nais nilang dumoon muli. Subalit tatanggapin kaya sila ni Jehova?

Ang Pagbabalik ng Alibughang Anak

3. (a) Sa talinghaga ng alibughang anak, anong kahawig na kalagayan ang inilarawan ni Jesus? (b) Sino ang inilalarawan ng ama?

3 Ang kasagutan ay ipinahihiwatig sa bantog na talinghaga ni Jesus tungkol sa alibughang anak. Sa isang ilustrasyon, isinaysay ni Jesus ang tungkol sa isang tao na may dalawang anak na lalaki. Hiningi ng nakababatang anak sa kaniyang ama ang kaniyang bahagi ng kayamanan. Nang makuha ito, siya ay nagtungo sa isang malayong lupain, kung saan walang taros na inaksaya niya ang kaniyang kabuhayan sa palunging pamumuhay. Sa gayon siya’y namuhay na bulagsak. Nang magkagutom sa lupaing iyon, ang binata, sa paghihikahos, ay napilitang mamasukan na tagapag-alaga ng mga baboy, subalit siya ay hindi pa nga pinahintulutang kumain ng kinakain ng baboy. Natigatig ng mga suliraning naranasan niya, siya ay nagbalik sa kaniyang katinuan. Naalaala niya ang mabuting buhay kahit na ng mga alilang upahan sa tahanan ng kaniyang ama, at siya’y disididong magbalik. Tatanggapin niya ang kaniyang makasalanang landasin at hihilingin niyang siya’y tanggaping muli, hindi bilang isang anak, kundi bilang isang alilang upahan. (Lucas 15:11-19) Subalit pagkatapos ng lahat ng bagay na nagawa niya, pababalikin pa kaya siya ng kaniyang ama? Paano mamalasin ni Jehova, na kinakatawan ng ama sa talinghagang ito, ang pagbabalik ng gayong tao?

4. Paano tinanggap ng ama ang kaniyang anak nang ito ay nagbalik?

4 Malinaw na inilalarawan ang mga damdamin ni Jehova tungkol sa bagay na ito, si Jesus ay nagpatuloy: “Datapuwat samantalang [ang nakababatang anak] ay nasa malayo pa, natanawan na siya ng kaniyang ama at nagdalang habag, at tumakbo at niyakap siya sa leeg at siya’y magiliw na hinagkan. At sinabi sa kaniya ng anak, ‘Ama, nagkasala ako laban sa langit at laban sa iyo. Hindi na ako karapat-dapat tawaging iyong anak. Gawin mo na lamang akong isa sa mga upahan mo.’ Ngunit sinabi ng ama sa kaniyang mga alipin, ‘Dali! ilabas ninyo ang isang balabal, ang pinakamagaling, at isuot ninyo sa kaniya, at suotan ninyo ng singsing ang kaniyang kamay at ng mga sandalas ang kaniyang mga paa. At kunin ninyo ang pinatabang guya, at inyong patayin at tayo’y magsikain at mangagsaya, sapagkat ang anak kong ito ay namatay at nabuhay uli; siya’y nawala at natagpuan uli.’ At sila’y nagsimulang magsaya.”​—Lucas 15:20-24.

Paano Kumakapit Ngayon ang Talinghaga?

5. (a) Sino ang inilalarawan ng nakatatandang anak sa talinghaga ni Jesus? (b) Sino, kung gayon, ang inilalarawan ng nakababatang anak, ang alibugha?

5 Sa ilustrasyong ito ang nakatatandang anak, ang panganay, ay angkop na lumalarawan sa “kongregasyon ng mga panganay na nangakatala sa langit.” (Hebreo 12:23) Kumusta naman ang nakababatang anak? Inilalarawan niya ang isang grupo na hindi kabilang sa “munting kawan” na may makalangit na pag-asa. Hindi lahat ng “ibang tupa” ng Panginoon ay inilalarawan ng nakababatang anak, subalit ang paglalarawan ay kumakapit sa ilan. Kahit na bago pa ang pagtitipon sa “ibang tupa” ay maging totoong kapuna-puna, simula noong 1935, may mga tao na nakakakilala na si Jehova ang tanging tunay na Diyos. Alam nila ang pag-asa ng makalupang buhay sa ilalim ng kaniyang Kaharian, at hindi nila inasam-asam para sa kanilang sarili na makabilang sa “kongregasyon ng mga panganay” na may makalangit na pag-asa. Ngunit sa halip na italaga ang kanilang mga sarili sa paglilingkod kay Jehova, sila ay nalugmok sa mga gawaing makasanlibutan. Kinuha nila ang “kabuhayan” na ipinagkaloob sa kanila ng Diyos, ang panahon at ang buhay na ipinahintulot niya na taglayin nila, at ginamit nila ito sa mapag-imbot na pagbibigay-kasiyahan sa sarili. Subalit noong 1935 nang unang maunawaang malinaw ng mga lingkod ni Jehova ang pagkakakilanlan ng “malaking pulutong,” buong-pusong inialay ng marami na lumalarawan sa nakababatang anak ang kanilang mga sarili sa paglilingkod sa tahanan ng Ama. Isa itong panahon ng pagsasaya na gaya ng inilarawan ni Jesus sa kaniyang talinghaga.

6. Bilang katuparan, paano ipinakita ng ilang mga tao ang saloobin ng nakatatandang anak, subalit totoo ba iyan sa lahat ng nalabi?

6 Totoo na, nang panahong iyon, hindi lahat ay nakibahagi sa pagsasayang ito sa pagdating ng uring kinakatawan ng nakababatang anak. Sa kaniyang talinghaga ipinakita ni Jesus na ganito nga ang mangyayari. Subalit hindi lahat ng mga nalabi ng “munting kawan” ay nagpakita ng gayong espiritu, at sa kaniyang ilustrasyon iniwan ni Jesus na bukás ang daan para roon sa noong una’y nagalit, na makibahagi sa kagalakan na taglay mismo ni Jehova kapag ang gayong mga makasalanan ay tunay na nagsisi.​—Lucas 15:7, 10, 25-32.

7, 8. (a) Kamakailan lamang, ano ang nagpangyari sa iba na magpakalayu-layo sa sambahayan ni Jehova? (b) Sa anong mga paraan inaakala ng iba na sila ay katulad ng alibughang anak? (c) Bakit dapat silang bumalik?

7 Gayunman, mula noong mga pangyayari ng bandang kalagitnaan ng 1930’s natanto ng iba na sila man, sa ilang bahagi ay katulad ng alibughang anak. Alam na alam nila ang espirituwal na sambahayan ni Jehova, ang kaniyang nakikitang organisasyon subalit ang kanilang paraan ng pamumuhay ay malayo rito, tulad sa “isang malayong lupain.” Hindi nila sinalansang ang mga lingkod ni Jehova, subalit ang kanilang sariling paraan ng pamumuhay ay hindi kasuwato ng mga pamantayan ng Salita ng Diyos. Maaaring isinentro nila ang kanilang buong buhay sa kanilang sekular na trabaho at sila mismo ay hindi nagbigay ng wastong kahalagahan sa kanilang mga oblisgasyon sa harap ng Diyos at sa kaselangan ng mga panahong ating pinamumuhayan. Ang iba ay nasaktan ng mga di-kasakdalan ng iba na noo’y nakikisama sa kongregasyon at hindi sila matiyagang naghintay kay Jehova na iwasto ang mga bagay-bagay. Subalit sa anong mga kalagayan ba nagmula ang lahat ng mga ito nang ihiwalay nila ang kanilang mga sarili sa sambahayan ng pananampalataya?

8 Hindi nagtagal, natalos ng iba na sila ay espirituwal na naghihikahos. Natanto nila na anumang sandaling mga yugto ng kasiyahan na natamo nila ay hindi nagbibigay sa kanila ng walang hanggang kaligayahan. Maaaring masumpungan din nila na ang kanilang paraan ng pamumuhay ay pinagbabayaran ng malaki sa pisikal, emosyonal at espirituwal na paraan. Sa loob nila, sila ay nakadarama ng kahungkagan, gaya ng iba pa na walang Diyos at walang pag-asa. (Efeso 2:12) Natanto nila na ang tanging panahon na sila ay tunay na maligaya ay sa “tahanan” ni Jehova. Nais nilang magbalik. Dapat ba silang magbalik? Anong posibleng pakinabang mayroon sa pagpapatuloy sa kanilang naghihikahos na kalagayan? Ang pag-aantala ay maaaring maging kapinsa-pinsala. Kung patuloy silang manghahawakan sa sanlibutan, kapag ito ay pinuksa na mawawala nila ang kanilang buhay.

9. (a) Bakit nais ni Jehovang magbalik ang gayong mga tao? (Ezekiel 18:23) (b) Ano ang hinihiling sa kanilang bahagi?

9 Subalit maaari kayang makabalik ang gayong mga tao? Masiglang inaanyayahan sila ni Jehova na magbalik, at ang kaniyang nakikitang organisasyon ay naglalaan ng maibiging tulong sa mga bumabalik. (Zacarias 1:3, 4) Ano ang kahilingan? Gaya ng ipinakikita sa talinghaga ni Jesus, dapat silang magbalik sa kanilang katinuan, kusang magbalik at kilalanin na sila ay nagkasala laban sa Diyos. Kung sila ay nakagawa ng malubhang paggawi na hindi maka-Kristiyano, dapat silang magpakita ng nakakukumbinsing katibayan sa mga matatanda na tinalikdan na nila ang paraan ng pamumuhay na iyon at na sila’y talagang nagsisisi. Dapat na ang kanilang masigasig na pagnanais ngayon ay maglingkod kay Jehova bilang bahagi ng kaniyang nakikitang organisasyon. (Lucas 15:18-21; Kawikaan 28:13) Kung iyan nga ang nasa kanilang puso, makatitiyak sila na ang kanilang paglisan sa kanilang masamang mga daan at pag-iisip at ang pagbabalik nila kay Jehova ay magdudulot ng malaking kagalakan. (Isaias 55:7) Gayunman, upang ang kanilang kagalakan ay humigit pa sa kasiyahan ng masiglang pagtanggap na muli sa Kingdom Hall, ang mahusay na espirituwal na pagtatayong-muli ay kinakailangan.

Pagtatayo sa Isang Mahusay na Pundasyon

10. (a) Anong saloobin tungkol sa mga kahilingan ni Jehova ang dapat na linangin ng mga nagsisisi? (b) Paano nila malilinang ang isang malapit na personal na kaugnayan kay Jehova?

10 Lalo nang totoo ito sa sinuman na nagbabalik sa sambahayan ni Jehova upang makilalang lubusan ang iba’t ibang katangian ng personalidad ni Jehova at linangin ang malapit na personal na kaugnayan sa kaniya. Kailangang matanto nila na ang lahat ng hinihiling sa atin ni Jehova ay tunay na para sa ating sariling kapakinabangan. Ang kaniyang mga utos ay hindi nag-aalis ng kagalakan sa buhay, kundi, sa halip, iniingatan tayo laban sa paggawa ng mga bagay na maaaring magdala ng panandaliang katuwaan subalit humahantong sa isang mapait na resulta. (Isaias 48:17; Galacia 6:7, 8) Kapag dinidisiplina niya tayo, ito’y dahilan sa pag-ibig niya sa atin. (Kawikaan 3:11, 12) Ang personal na pag-aaral na sinusundan ng pagbubulaybulay sa kung ano ang natutuhan, ang taimtim na panalangin at regular na pagdalo sa mga pulong ay tutulong sa atin na matutong ilagak ang ating buong pagtitiwala kay Jehova, umasa sa kaniya para sa patnubay sa lahat ng bagay na ating gagawin.​—Kawikaan 3:5, 6.

11. Paanong yaong mga naligaw ay matutulungan sa pamamagitan ng (a) pagkapoot sa kasamaan? (b) pag-unawa? (c) pagiging hindi pabagu-bago sa pagkakapit ng maka-Diyos na mga pamantayan? (d) pagkatutong isaalang-alang ang kalalabasan ng anumang bagay na pinaplano nilang gawin? (e) pagpapakita ng maibiging pagkabahala sa iba?

11 Maaaring nalalaman ng mga naligaw kung ano ang tama at kung ano ang mali. Subalit ngayon dapat din silang magkaroon ng pagkapoot sa kasamaan at dapat na patuloy nilang gawin ang gayon habang ito ay nakapaligid sa kanila. (Awit 97:10) Matutulungan sila rito kung hahanapin nila hindi lamang ang kaalaman kundi gayundin ang pang-unawa. Una sa lahat, ito’y nagsasangkot ng pagkakita sa mga bagay na nauugnay sa Diyos. Kailangan nating makilala ang iba’t ibang paraan na doon tayo’y tinuturuan niya at kung paanong ang ating reaksiyon sa kaniyang payo ay nakakaapekto sa ating kaugnayan sa kaniya. (Kawikaan 4:7; 9:10) Dapat nating pahalagahan ang kahalagahan ng pagiging hindi pabagu-bago, ikinakapit ang mga pamantayan ni Jehova sa lahat ng panahon, sa lahat ng ating ginagawa. (Tito 2:11, 12; 1 Tesalonica 4:7) Dapat ding maging maingat na isaalang-alang hindi lamang ang pansamantalang kasiyahan kundi kung ano ang kalalabasan ng ating mga pasiya. (Ihambing ang Kawikaan 20:21; 23:17, 18; Hebreo 11:24-26.) Dapat din tayong maibiging nababahala tungkol sa epekto sa iba ng mga bagay na ating sinasabi at ginagawa.​—Roma 15:1, 2.

12. (a) Ang kabatiran sa ano kung tungkol kay Satanas at sa kaniyang mga pamamaraan ang mag-iingat sa atin? (b) Ano ang kinakailangan upang magtagumpay sa pakikipagbakang ito?

12 Bilang mga Kristiyano tayo ay lubhang mapatitibay sa pagkatanto na tayo ay nasa gitna ng isang espirituwal na pakikipagbaka. Ang ating pangunahing kaaway ay si Satanas na Diyablo, pati na ang kaniyang mga demonyo. Sa pamamagitan ng lahat ng posibleng paraan sinisikap niyang ilihis tayo sa mahalagang gawain ng Kaharian na ibinigay sa atin ni Jehova na ating gawin. Ang kaniyang layunin ay hikayatin tayo na isaisang-tabi ang mga pamantayan ni Jehova, upang maging bahagi ng sanlibutan na doon siya ang pinuno. Ang kaniyang mga patibong ay kadalasan nang nakaaakit sa normal na mga nasâ (para sa kaligayahan, pisikal na ginhawa, pag-ibig at pagmamahal), subalit hinihimok niya tayo na gawing pangunahin ang gayong mga nasâ na nagpápasamâ sa layunin nito o bigyan-kasiyahan ang mga ito sa di-wastong mga paraan. Sa pamamagitan lamang ng lubusang paggamit sa espirituwal na sandata na inilalaan ng Diyos na tayo ay maaaring magtagumpay sa pakikipagbakang ito para sa ating espirituwal na mga buhay.​—Efeso 6:11-18.

13. (a) Paano tayo makasusumpong ng kaginhawahan sa ating mga kaluluwa? (b) Bakit ang paglilingkod kay Jehova bilang pagtulad kay Kristo ay talagang nagdadala sa atin ng kaligayahan?

13 Sinabi ni Jesus na kung tayo’y lalapit sa kaniya at kukunin ang kaniyang “pamatok,” tayo ay makasusumpong ng kaginhawahan sa ating mga kaluluwa. (Mateo 11:29, 30) Ang paglalagay ng isa ng “pamatok” ay nangangahulugan ng paglilingkod. Subalit ang paglilingkod kay Jehova bilang pagtulad sa kaniyang Anak ay nagdadala ng tunay na kaginhawahan. Papaano? Sapagkat ito’y nagdadala ng tunay na kalayaan. Hindi na tayo mga alipin ng kasalanan, na napaaalipin dito, na ginagawa ang mga bagay na alam nating hindi natin dapat gawin at marahil ay hindi sana natin ginagawa. (Juan 8:32, 34-36) Kung ang ating Kristiyanong personalidad ay nakatayo kay Jesu-Kristo bilang pundasyon, pahahalagahan natin ang kaniyang bahagi sa layunin ni Jehova, makikinig tayo sa kaniya at matututo mula sa kaniya. Nakasumpong siya ng kasiyahan sa paggawa ng kalooban ng kaniyang Ama. Matututuhan din nating gawin ang gayon. (Juan 4:34; Awit 40:8) Dahilan sa panghahawakan sa moral na mga pamantayan ng Diyos tayo ay magtatamasa ng isang malinis na budhi. Sa halip na pamumuhay lamang para sa ating sarili, mararanasan natin ang kaligayahan na nagmumula sa pagbibigay. (Gawa 20:35) Ang buhay ay magkakaroon ng tunay na layunin para sa atin. Higit sa lahat, magkakaroon tayo ng kagalakan sa pagkaalam na mayroon tayong pagsang-ayon mismo ni Jehova, ang Ama ng lahat na nagiging mga anak niya.​—Kawikaan 10:22.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share