Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g87 6/8 p. 13-16
  • “Totoo Nga Ba ang Bibliya?”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Totoo Nga Ba ang Bibliya?”
  • Gumising!—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ang Halaga Nito?
  • Hindi Sapat ang Pagkakaroon ng Isang Bibliya
  • Paano Mo Maaaring Suriin ang Bibliya?
  • “Dalawa ay Maigi Kaysa Isa”
  • Tanging Bukál ng Mataas na Karunungan
    Ano ang Layunin ng Buhay?—Paano Mo Masusumpungan?
  • Ang Bibliya—Isang Aklat Galing sa Diyos
    Ano ang Itinuturo sa Atin ng Bibliya?
  • Ano Mayroon ang Kinabukasan Para sa Akin?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas
  • Ang Aklat na Nagsisiwalat sa Kaalaman ng Diyos
    Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan
Iba Pa
Gumising!—1987
g87 6/8 p. 13-16

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

“Totoo Nga Ba ang Bibliya?”

SI Michelle ay pinalaki bilang isang Kristiyano ng mga magulang na may matibay na pananampalataya sa Bibliya. Para kay Michelle, ang pagtanggap na ang Bibliya ay totoo ay gaya ng pagtanggap na ang araw ay sinusundan ng gabi.

Gayunman, isang araw ay pumasok sa kaniyang isip​—hindi niya nalalaman kung bakit pinaniniwalaan niya ang Bibliya. “Sa palagay ko ay pinaniwalaan ko ito hanggang noon sapagkat pinaniniwalaan ito ng aking nanay at tatay,” sabi niya, “subalit inaakala ko na higit pa ang kailangan ko kaysa riyan upang makatiyak na ang Bibliya ay totoo. Hindi ko pa talagang napatunayan sa aking sarili na ang Bibliya ang kinasihang Salita ng Diyos.”

Ano ang Halaga Nito?

Gayunman, maaaring mag-isip ka, ‘Napakahalaga nga bang matiyak na ang Bibliya ay totoo?’ Tiyak na mahalaga ito!

Sa isang bagay, ang Bibliya ay nagsasabing ito ay aklat ng Diyos. (1 Tesalonica 2:13) Kung ito ay tama, ang iyong buhay ay dapat na nakasalig sa paggawa ng kung ano ang sinasabi nito. “Ang aking mga salita . . . ay buhay doon sa mga nangakakasumpong nito,” sabi ng Salita ng Diyos.​—Kawikaan 4:20-22.

Ngayon kung ang iyong buhay ay nakasalig o depende sa kasanayan ng isang seruhano, hindi ba’t nanaisin mong tiyakin na siya ay hindi isang doktor-kulam? Kailangan mo ring tiyakin na ang Bibliya ay totoo.

Hindi Sapat ang Pagkakaroon ng Isang Bibliya

Ito’y nangangahulugan ng higit pa kaysa pagkakaroon lamang ng isang Bibliya. Sa mga apartment sa malaking-siyudad, ang mga tao ay karaniwang nakatirang malapit sa isa’t isa gayunma’y nananatiling mga estranghero bagaman dingding lamang ang pagitan nila. Sa gayon, hindi sila naglalagak ng kompiyansa at pagtitiwala sa kanilang mga kapitbahay. Upang gawin iyon, kailangan nilang maglaan ng panahon upang makilala ang isa’t isa. Sa gayunding paraan, ang Bibliya ay maaaring abot-kamay lamang natin nang hindi mo man lamang nalalaman ang nilalaman nito. Kung pagkakatiwalaan mo ang Bibliya, kailangan mong suriin ito.

Ang payo ni apostol Pablo sa mga Kristiyano ay “tiyakin ang lahat ng bagay.” O, gaya ng pagpapakahulugan dito ng The Living Bible sa ibang pananalita na, “Suriin ang lahat ng bagay na sinasabi upang matiyak na ito ay totoo.” (1 Tesalonica 5:21) Ang pangungusap na ito ay nangangahulugang suriin at siyasating mabuti ang isang bagay upang malaman kung ito ay tunay. Ito ay ginagawa noong sinaunang panahon may kaugnayan sa mahahalagang metál. Kung ikaw ay nagkataong bumili ng isang singsing o kuwintas na ginto, hindi ba’t titiyakin mo muna kung ito nga ay tunay na ginto?

Halimbawa, si Pamela ay isa na walang tutol na tumanggap sa Bibliya sapol nang siya ay sampung taóng gulang. Gayunman, habang siya ay lumalaki nakita niya ang pangangailangan ng isang seryosong pag-aaral nito. “Ang basta pagsabihan na ang Bibliya ay totoo ay hindi sapat sa akin,” sabi niya. “Kailangan ko ng makatuwirang mga dahilan upang makumbinsi ako.” (1 Pedro 3:15) Ang kaniyang saloobin ay gaya niyaong ibang tao na namuhay sa sinaunang lunsod ng Berea.

Mga 50 C.E. noon, dinalaw ni apostol Pablo ang Griegong lunsod na ito. Ang sinabi ni Pablo sa mga Judio sa Berea ay naunawaan nila. Subalit nais nilang tiyakin. (Kawikaan 14:15) Ano ang ginawa nila? Pagkatapos nilang makinig kay Pablo, kanilang ‘sinisiyasat sa araw-araw ang mga Kasulatan kung tunay nga ang mga bagay na ito.’ (Gawa 17:11) Sa gayo’y maingat nilang sinuri ang mga salita ni Pablo sa kung ano ang nasumpungan nila sa mga Kasulatan. Magagawa mo rin ang gayon!

Paano Mo Maaaring Suriin ang Bibliya?

Paano ka magsisimula? Isa sa pinakamapuwersang katibayan na ang Bibliya ay kinasihan ay ang hindi nagkakamaling kakayahan nito na hulaan ang hinaharap. “Sino sa gitna [ng mga bansa] ang makapagpapahayag nito?” tanong nito. Tanging ang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat lamang ang walang pagsalang ‘makapagpapahayag ng magiging wakas magbuhat sa pasimula.’ (Isaias 43:9; 46:10) At paulit-ulit niyang ginagawa ang gayon sa Bibliya. “Pagkatapos suriin ang ilan sa mga hula nito,” sabi ng 14-anyos na si Janine, “namangha akong malaman kung paano nito nasasabi nang patiuna o nahuhulaan ang lahat ng ito.”

Ang isa pang larangan ng pag-aaral ay maaaring ang kawastuan ng kasaysayan ng Bibliya. Sabi ni Pamela: “Talagang nakatulong sa akin na maunawaan kung gaano makasaysayang kapani-paniwala ang Bibliya. Natanto ko na ang mga ito ay tunay na mga pangyayari at tunay na mga tao, hindi lamang mga kuwento.”

Ang iba pang kapaki-pakinabang na larangan ng pag-aaral at pagsusuri ay ang panloob na pagkakasuwato ng Bibliya, ang katapatan at pagiging prangka nito, at ang siyentipikong kawastuan nito. Ang pahina 18 at 19 ay nagbibigay ng mga halimbawa ng impormasyon na nagpapatibay ng pagtitiwala sa Bibliya.

Gayunman ang isa pang paraan upang suriin ang Bibliya ay binanggit ng isang binatang nagngangalang Philip. Sabi niya: “Ang pagtitiwala ko sa Bibliya ay lumaki nang makita ko ang epekto nito sa mga buhay ng mga tao. Nakita ko na yaong mga namumuhay ayon sa Bibliya ay hindi pinabibigatan kundi, sa katunayan, lubhang nakikinabang.”

Hindi mo ba aasahan ang isang aklat na mula sa Diyos na magbunga ng mabubuting epekto? At ipinakikita ng mga katotohanan na kapag sinusunod ng mga tao ang mga tagubilin nito, sila ay nagiging mas mabubuting tao. (Tingnan ang Efeso 4:20-32.) “Ang pagkakita kung paanong ang pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya ay nakapagpapaligaya sa tao,” susog pa ng 13-anyos na si Sarah, “ay talagang nakapagpapalaki ng iyong pagtitiwala na ang Bibliya ay totoo.” (Awit 119:1, 2; ihambing ang 1 Hari 10:6-8.) Tama siya!

“Dalawa ay Maigi Kaysa Isa”

Mangyari pa, baka mangailangan ka ng tulong sa pagsisiyasat sa Bibliya. At ang Samahang Watch Tower ay naglimbag ng mga publikasyon upang tumulong.a Karagdagan pa, ang Eclesiastes 4:9 ay nagpapaalaala sa atin na “dalawa ay maigi kaysa isa.” Bakit hindi magtungo sa isa na pinagkakatiwalaan mo, isa na hindi mamaliitin ang problema, at isa na mahihingan mo ng tulong?

Halimbawa, natuklasan ng 15-anyos na si Walter na ang ilan lamang sa kaniyang mga kaklase o mga guro ang naniniwala sa Bibliya. Ito ay nakabalisa at nakalito sa kaniya. Gayunman, ipinaliwanag niya ang kaniyang mga damdamin sa kaniyang ama. Gumugol sila ng maraming oras na magkasama sa maingat na pag-aaral ng Bibliya upang magkaroon ng pagtitiwala sa pagiging totoo nito. “Nakasumpong ako ng mabubuting dahilan upang paniwalaan ang Bibliya sa halip na basta may kabulagang tanggapin lamang ito,” sabi niya.​—Roma 12:1, 2.

“Maging tapat sa iyong mga magulang kung mayroon kang anumang mga problema tungkol sa bagay na ito,” mungkahi ni Janel, isang dalagita. “Magtanong ka kung mayroong bagay na nahihirapan kang paniwalaan.” (Kawikaan 15:22) Si Dennis ay natuto sa mahirap na paraan. Dumanas siya ng isang mahirap na panahon sa pagiging mapaghimagsik bago niya napatunayan sa kaniyang sarili na ang Bibliya ay totoo. Ang kaniyang karanasan ay nagturo sa kaniya ng pangangailangan ng taimtim na personal na interes at pagsisikap na magkaroon ng tiwala sa Bibliya. “Maaari itong humantong sa tunay na mga problema sa dakong huli,” sabi niya, “kung basta walang tutol na tatanggapin mo kung ano ang sinasabi sa iyo ng iyong mga magulang nang hindi mo mismo pinag-iisipan ang tungkol dito.”​—1 Timoteo 4:15.

Ang isa pang malaking pinagmumulan ng tulong sa bagay na ito ay ang pakikisama sa iba pa na ang pananampalataya sa Bibliya ay malakas. (Kawikaan 27:17) “Tanungin ang iba kung ano ang kumumbinsi sa kanila,” sabi ni Dennis. At kapag ikaw ay nakikipagtipong kasama ng kapuwa mga mananampalataya, ugaliing maging mabuting tagapakinig. (Hebreo 10:24, 25) “Basta ako nauupo roon at wala akong gaanong natututuhan sa mga pulong,” sabi ng 21-anyos na si Kimberley. “Pagkatapos ay natalos ko na upang ako’y magkaroon ng tunay na pananampalataya sa Bibliya, kailangan kong gumawa nang higit pa.” Sinunod niya ang payo ng Kawikaan 1:5. Siya ay ‘nakinig na mas mabuti at kumuha ng higit na turo.’

Sa katapusan, nariyan ang pangangailangan na magkaroon ng tamang saloobin. (Awit 25:4, 5, 9) Kung ikaw ay magkakaroon ng tiwala sa Bibliya, “mahalaga na ikaw ay humingi ng tulong sa Diyos sa panalangin,” idiniin ni Sarah. Tutal, aklat niya ito. Kailangan nating sundin ang isang simulaing binanggit ni Jesus: “Patuloy na magsihingi kayo, at kayo’y bibigyan; patuloy na magsihanap kayo, at inyong masusumpungan.” (Mateo 7:7) Sa ganitong paraan magkakaroon ka ng pagtitiwala sa Bibliya.

Ganito ang sabi ni apostol Pablo kay Timoteo: “Subalit, ikaw, magpatuloy ka sa mga bagay na iyong natutuhan at naakay ka na paniwalaan,” o, gaya ng pagkakasalin dito ng The New Testament in Modern English, “yaong mga bagay na iyo nang natutuhan at na nalalaman mong totoo.” (2 Timoteo 3:14) Si Timoteo ay nahikayat na maniwala sa mga bagay na natutuhan niya sapagkat siya’y nabigyan ng sapat na patotoo. Gayundin si Michelle, na nabanggit sa pasimula ng artikulong ito. Sinuri niyang maingat ang katibayan at ngayo’y nasasabi niyang, “Ako’y nakatitiyak na ang Bibliya ay totoo.”

[Mga talababa]

a Tungkol sa katuparan ng hula, maaari mong basahin ang Our Incoming World Government​—God’s Kingdom o ang kabanata 7 ng “Let Your Kingdom Come,” na may kaugnayan sa mga hula tungkol sa pagdating ni Jesu-Kristo. Ang iba pang nakatutulong na impormasyon ay masusumpungan sa Tunay nga bang Salita ng Diyos ang Bibliya?, “All Scripture Is Inspired of God and Beneficial,” at mga kabanatang 17 at 18 ng Life​—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation?

[Kahon/Larawan sa pahina 14, 15]

Hula at Katuparan ng Bibliya

Basahin ang mga hulang nakatala sa Lucas 19:41-44; 21:20, 21. Sandaling panahon bago ang kaniyang kamatayan noong 33 C.E., tinangisan ni Jesus ang Jerusalem sapagkat alam niya kung ano ang mangyayari rito. Inihula niya kung papaanong ang mga Romano ay darating at magtatayo ng isang “bakod ng matutulis na tulos” sa paligid ng Jerusalem at kung paano nila wawasakin ang lunsod, na magdadala ng matinding hapis. Pagkatapos ay binabalaan niya ang kaniyang mga alagad na ‘tumakas sa mga bundok’ kapag nakita nila ang mga Romanong dumarating laban sa lunsod at sa gayo’y iligtas ang kanilang mga buhay.

Kung susuriin mo ang kasaysayan, makikita mo na ang lahat ng ito ay nagkatotoo. Noong 66 C.E., pagkalipas ng 33 mga taon, sinalakay ng mga hukbong Romano ang Jerusalem. Noon, sang-ayon sa Judiong mananalaysay na si Josephus, “biglang ipinatawag [ng komandanteng Romano] ang kaniyang mga tauhan, nawalan ng pag-asa bagaman siya ay hindi dumanas ng anumang pagkatalo, at tinatanggihan ang lahat ng katuwiran nilisan nila ang Lunsod.” Ito ay nagpangyari sa mga Kristiyano na naalaala ang hula ni Jesus na tumakas. Noong 70 C.E. nagbalik ang mga Romano, nagtayo ng isang pumapaligid na bakod na 4.5 milya (7.2 km) ang haba at ikinulong ang lahat ng nasa loob ng lunsod. “Ang Jerusalem mismo ay sistematikong nawasak at ang Templo ay naiwang giba,” sabi ng The Bible and Archaeology.

Ang Kapani-paniwalang Kasaysayan ng Bibliya

Itinatampok ng aklat na A Lawyer Examines the Bible ang makasaysayang kawastuan ng Bibliya sa ganitong paraan: “Samantalang ang mga romansa, mga alamat at huwad na mga patotoo ay maingat sa paglalagay ng mga pangyayaring nauugnay sa ilang malayong lugar at sa ilang walang takdang panahon, sa gayo’y nilalabag ang unang tuntunin na natutuhan naming mga abugado tungkol sa mabuting pagsamo, na ‘dapat sabihin ng isang deklarasyon ang panahon at lugar,’ ang mga ulat ng Bibliya ay nagbibigay sa atin ng panahon at dako ng mga bagay nang may ganap na kawastuan.”

Ang The New Bible Dictionary ay nagkukomento: “Inilalagay [ng manunulat ng Gawa] ang kaniyang salaysay sa balangkas ng kapanahong kasaysayan; ang kaniyang mga pahina ay punô ng mga pagtukoy sa mga mahistrado o hukom ng lunsod, mga gobernador ng lalawigan, sustentadong mga hari, at mga katulad nito, at paulit-ulit na pinatutunayan ng mga pagbanggit na ito ang dako at panahon na pinag-uusapan.”

Ang Panloob na Pagkakasuwato at Katapatan ng Bibliya

Isip-isipin ang isang aklat ay sinimulang isulat noong panahon ng Imperyo ng Roma, at nagpatuloy hanggang sa Edad Medya, at nakompleto nitong ika-20 siglo. Ano ang aasahan mo kung ang trabaho o hanapbuhay ng mga sumulat nito ay magkakaiba na gaya ng mga sundalo, mga hari, mga saserdote, mga mangingisda, mga pastol, at mga doktor? Aasahan mo bang ito ay magkakasuwato o magkakaugnay? ‘Imposible!’ maaaring sabihin mo. Ang Bibliya ay isinulat sa ilalim ng mga kalagayang ito​—gayunman ito ay magkakasuwato na lahat! Ang Bibliya ay isang koleksiyon o kalipunan ng 66 na aklat na isinulat sa isang yugto ng 1,600 mga taon ng mga 40 iba’t ibang manunulat.

Bagaman ang karamihan ng sinaunang mga manunulat ay iniuulat lamang ang kanilang mga tagumpay at mga kagalingan, hayagang inamin ng mga manunulat ng Bibliya ang kanilang mga pagkakamali gayundin ang mga pagkukulang ng kanilang mga hari at mga pinuno. Basahin ang ilan sa mga halimbawa nito sa Bilang 20:1-13 at Deuteronomio 32:50-52 tungkol kay Moises, na sumulat ng mga aklat na iyon; ang Jonas 1:1-3 at 4:1 tungkol sa pagkukulang mismo ni Jonas; ang Mateo 17:18-20, 18:1-6, 20:20-28, at Mat 26:56 tungkol sa hindi mabuting mga katangian na ipinakita ng mga alagad ni Jesus. Ang katapatan at pagkaprangka ng mga manunulat ng Bibliya ay nagpapatunay sa kanilang pag-aangkin na pagiging kinasihan ng Diyos.

[Larawan sa pahina 13]

Bago bumili ng isang palamuting ginto, tinitiyak mo na ito ay tunay

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share