Ang Pangmalas ng Bibliya
Sino ang Makapagpapatigil sa ‘Hiyaw ng Gutom’?
“HINDI kami mapakain ng gobyerno sapagkat napakarami namin,” isang magsasakang negro sa isang mabungang bansa sa gawing timog ng Aprika ang nagsabi sa Gumising! “Sa loob ng dalawang taon,” paliwanag niya, “ang aming lupa ay tuyo. Hindi umuulan. Ang mga baka ay patay na lahat dahil sa gutom at uhaw. Ang lahat ay humihiyaw sa gutom.”
Pagkaraan ng ilang araw, ang bumubuhos na ulan ay nagdulot ng ginhawa sa rehiyong iyon. Subalit mangangailangan pa ng mahabang panahon upang makabawi, at ang ‘hiyaw ng gutom’ ay nagpapatuloy sa iba pang malawak na mga rehiyon ng Aprika; ni ang gutom man ay natatakdaan sa kontinenteng iyan. Sang-ayon sa The Hunger Primer, inilathala ng Pagkain para sa Nagugutom, 43 mga bansa sa Asia at Latin Amerika ay mayroong “malaganap na malnutrisyon.”
Subalit kamakailan lamang, ang pansin ng daigdig ay nakatuon sa taggutom sa Aprika, na mayroong “150 Milyon ang Nanganganib” ayon sa isang paulong-balita sa The Times ng London. Ang mga musikero sa Britaniya at Estados Unidos ay nangilak ng milyun-milyong pounds at dolyar upang tulungan ang nagugutom na mga Aprikano. Nasisindak sa pagkakita sa iskrin ng telebisyon sa napakaraming nagugutom na tao, marahil ay nagtataka ka, ‘Bakit ang gutom?’
Dapat ba Nating Sisihin ang Panahon?
“Ang publiko ay hindi lubusang nasisiyahan na sila’y sabihan na ang taggutom sa Aprika ay dala ng tagtuyot,” sulat ng direktor sa kapaligiran ng pahatid balita na Earthscan, sa Britanong magasin na People. Bakit? Sa isang bagay, noong nakalipas na mga dantaon ang tagtuyot ay hindi laging nagbubunga ng kapahamakan.
Ang Aprika ay mayroong sapat na matabang lupa upang magbigay ng pagkain para sa higit pang dami ng kasalukuyang populasyon nito. Subalit hindi ito pinasisigla ng sistema sa kabuhayan ng daigdig. Dahilan sa pagsuko ng mga pamahalaan sa panggigipit ng kabuhayan o ekonomiya, ang mahihirap na mga magsasaka ay itinataboy mula sa matabang lupa—lupa na ngayo’y ginagamit upang tustusan ang mga pamilihan sa ibang bansa ng pagkain at mga paninda. Sa gayon ang pagkabahala ay ipinahahayag para sa karamihan ng mahihirap sa rural na mga dako sa Aprika, samantalang ang marami ay nagtatanong kung baga sila ay makakakuha ng sapat upang makain.
Ang isa pang salik ay ang paraan ng pamamahagi ng mga pamahalaan ng kayamanan. “Ang mga lunsod kung saan nabubuhay ang mga pamahalaan,” paliwanag ni Lloyd Timberlake sa kaniyang aklat na Africa in Crisis, “ay pinilas o kinuha mula sa rural na dako, at ang mga badyet sa pagpapaunlad ay napunta sa pagpunô sa mga lunsod na iyon ng mga otel, mga pabrika, mga pamantasan at mga kotse. Ito ay binayaran sa pamamagitan ng paggagatas o pagsasamantala sa pito sa bawat sampung Aprikano na nakatira sa lupain.”
Mapatitigil ba ng Tulong mula sa Ibang Bansa ang ‘Hiyaw ng Gutom’?
“Kasabay sa pagtulong ng daigdig sa labas sa pamamagitan ng isang kamay, ito naman ay kumukuha rin sa isa pang kamay,” sabi ng Famine: A Man-Made Disaster?, isang report para sa Independent Commission on International Humanitarian Issues. “Ang mga pamahalaang nagkakaloob,” susog pa nito, “ay hindi dapat magkaroon ng mga ilusyon. Malayo sa pagtulong ang kanilang pagkakawanggawa, ang mga bansang nagkakaloob ay nakakakuha ng baratilyo.” Bakit? Sapagkat ang mga bansang nagkakaloob ay kadalasang nakakakuha ng higit bilang kapalit ng gayong tulong. Ang Aprika, paliwanag ng babasahing Britano na The Ecologist, “ay nananatiling isang pangunahing pinagmumulan ng panustos na ani na ginagamit natin araw-araw sa UK. . . . [Ito] rin ang pangunahing pinagmumulan ng goma, bulak, tropikal na mga kahoy, at pinauunlad pa nang husto bilang pinagmumulan ng baka, mga gulay at sariwang bulaklak.”
Totoo, ang Aprika ay nakakakuha ng salapi sa lahat ng mga iniluluwas na kalakal na ito, subalit ang salapi ay bihirang gamitin upang tulungan ang mga nagugutom. Sa halip, ito ay ginagamit upang paunlarin ang mga lunsod, upang itaguyod ang mga kalakal na iniluluwas, upang bumili ng mga sandata, at upang bayaran ang panlabas na tulong na mga pagkakautang. “Sapagkat ang mahihirap ang nagpapakain sa mayayaman,” sabi ng magasin sa E.U. na The Nation, “ang gutom sa maraming dako ng daigdig ay dadami. . . . Ang maraming kalakal na iniluluwas ay pakikinabangan ng internasyonal na negosyo sa pagsasaka, . . . subalit hindi nito mapakakain ang nagugutom na mga Aprikano.”
Isang Pamahalaan na Magpapatigil sa ‘Hiyaw’
Itinatampok ng taggutom sa Aprika ang matandang kasabihang: “Dominado ng tao ang kaniyang kapuwa tao sa kaniyang ikapapahamak.” Ipinaliliwanag kung bakit ang gayong pang-aapi ay nagpapatuloy, ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang baluktot ay hindi maitutuwid.” (Eclesiastes 1:15; 8:9) Oo, ang mga pamahalaan ng tao ay binubuo ng di-sakdal na mga tao na mahilig sa kasakiman. Papaano ‘maitutuwid’ ang gayong mga institusyon at tunay na pangalagaan ang mga pangangailangan ng mahihirap sa lupa?
Para sa kasagutan, isaalang-alang kung paano napagtagumpayan ang isa sa pinakamalubhang tagtuyot sa kasaysayan ng Aprika. Nagsimula ito noong mga 1730 B.C.E. at tumagal ito ng pitong taon. Subalit tinanggap ng pinuno ng Ehipto ang banal na patnubay sa pamamagitan ng pag-iimbak ng maraming binutil noong panahon na sagana ang ani. Dahil dito, walang isa man sa sakop niya ang iniulat na namatay dahil sa gutom. Sa katunayan, ang mga tao mula sa ibang lupain ay dumating at bumili ng binutil mula sa Ehipto sapagkat “lumala ang kagutom sa buong lupa.”—Genesis 41:1-57; 47:13-26.
Kanino tumutukoy ang banal na patnubay sa ngayon? Sa isa na maningning na hindi maibibilang sa malungkot na rekord ng paniniil at kabaluktutan ng tao—si Jesu-Kristo. “Siya’y naglibot sa lupain na gumagawa ng mabuti,” ulat ng Bibliya. “Siya’y hindi nagkasala.” (Gawa 10:38; 1 Pedro 2:22) ‘Subalit,’ maitatanong mo, ‘ano naman ang kaugnayan niyan sa isang pamahalaan na makapagpapatigil sa “hiyaw ng gutom”?’ Malaki ang kaugnayan nito sapagkat si Jesus ang isa na hinirang ng Diyos na maging Pinuno sa lahat ng sangkatauhan. Ang lahat ng mabuti na ginawa ni Jesus, pati na ang makahimalang pagpapakain sa nagugutom na pulutong, ay nagpapakita ng kahigitan ng makalangit na Kaharian ng Diyos sa anumang pamahalaan ng tao. Itinuro din niya ang darating na panahon kapag ang Kaharian ng Diyos ay mamamahala sa buong lupa.—Marcos 8:1-9; Apocalipsis 11:15.
Hindi na magtatagal, titiyakin ng hinirang ng Diyos na Pinuno ang pantay-pantay na pamamahagi ng pagkain. Patitigilin niya ang ‘hiyaw ng gutom.’ (Lucas 21:10, 11, 31) Ang Bibliya ay naglalaman ng nakapagpapasigla-sa-pusong pangako na ito tungkol sa pamamahala ni Kristo: “At siya’y magkakaroon ng mga sakop mula sa dagat at dagat at . . . hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa. Siya’y maaawa sa mapagpakumbaba at sa dukha, at ang mga kaluluwa ng mga dukha ay kaniyang ililigtas. Magkakaroon ng saganang trigo sa lupa.” Sa panahong iyon walang sinuman ang kailangang magsabi, “Hindi kami mapakain ng pamahalaan” sapagkat ang gutom, pati na ang hirap at kamatayan, ay mawawala na.—Awit 72:8, 13, 16; Apocalipsis 21:3-5.
[Larawan sa pahina 20]
Ang lupa ay nagbubunga nang saganang pagkain