Ang Paghahanap ng Salapi
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Britaniya
‘TUNGUHIN ko,’ sabi ni Julian mula sa Pilipinas, ‘ang maging milyonaryo sa gulang na 45.’ Si Karel, mula sa Timog Aprika, ay nagsabi, “Pinagharian ako ng tunguhing maging mayaman.”
Mangyari pa, sa totoo lang, hindi lahat ay nagnanais maging mga milyonaryo kundi nagnanais na magkaroon ng sapat na mga ari-arian at salapi upang masiyahan sa buhay at gawin ang maibigan nila. Ito ang saloobin ng negosyanteng Haponés na si Kichisaburo na nagsabi, “Akala ko ang mga bagay na ito ay aakay sa kaligayahan.”
Gayundin ang akala ni Liz, mula sa Canada. “Bilang isang kabataan,” sabi niya, “naniniwala ako na ang salapi ay nagdudulot ng kalayaan mula sa pag-aalala.” Ang kaniyang asawa, si Tom, ay umaasa na ang salapi ay tutulong sa kaniya na “matakasan ang lahat ng ito, . . . kung saan wala nang krimen, walang polusyon, walang doble-karang mga tao na pakikitunguhan.”
Aktibo—Para sa Salapi
Sa buong kasaysayan, ang mga taong naghahanap ng kayamanan ay aktibo. Noong kolonyal na mga panahon, mahigpit na sinubaybayan ng mga negosyanteng Britano ang mga manggagalugad upang samsamin ang mineral na mga kayamanan ng lahat ng kontinente, gaya ng Aprika. Pagkatapos, dahil sa pagbagsak ng imperyo at dahil sa krisis sa kabuhayan kamakailan, ang pagkilos ay kadalasang nasa salungat na direksiyon habang ang mga mamamayan ng Commonwealth ay nagtutungo sa Britaniya, hindi upang magpayaman, kundi upang kumita ng sapat na salapi upang suportahan ang kanilang mga pamilya.
Libu-libong mga lalaki at mga babae ang umaalis sa Pilipinas upang maghanap ng trabaho sa ibang lugar, at marami ang nakakasumpong ng trabaho sa mga estado sa Persian Gulf at sa iba pang lugar. Ang mga Mexicano at marami buhat sa Sentral at Timog Amerika ang nandarayuhan pahilaga sa pag-asang kumita ng salapi sa Estados Unidos. Maraming bansa sa Europa ang gumaganap ng papel na maybisita sa mga taong mula sa Gitnang Silangan at Hilagang Aprika.
Sang-ayon sa Manpower Review ng Timog Aprika noong Enero 1987, ang opisyal na bilang ng rehistradong mga manggagawang dayuhan doon ay 371,008 noong Hunyo 30, 1985. Gayunman, sabi pa ng ulat na “mayroong tinatayang 1.5-milyong ilegal na mga dayuhan na nakalusot sa Timog Aprika upang gamitin ang yaman nito.”
Kahit na sa loob ng mas mayamang mga bansa sa ngayon, ang mga tao ay abala upang kumita ng salapi. Totoo ito sa Britaniya. Parami nang paraming mga tao ang nagtatrabaho sa timog at pinananatili ang kanilang mga tahanan sa hilaga. Upang ilarawan kung bakit, ang isang tirahan sa sentro ng London (sa timog), na inilarawan na isang maliit na silid [apartment], na sumusukat lamang ng 5.6 metro kuwadrado, ay nagkakahalaga kamakailan ng nakalululang £36,000 [$54,000, U.S.]. Gayunman, ang halagang ito ay makabibili na ng isang tatlong-silid-tulugang bahay mga 130 kilometro ang layo sa London.
Mayroong mga 60,000 taga-Asia na mga maninirahan sa Bradford, isang lunsod sa hilaga ng Inglatera. Marami sa mga dayuhang ito ay nagtungo sa sentrong ito ng industriya upang magtrabaho sa mga pabrika nito na gumagawa ng telang lana. At yamang binabawasan ng ginagamit na mga makina ang lakas ng mga manggagawa, ang mga walang trabaho ngayon ay umaasa sa ibinabayad ng gobyerno na social security para sa kanilang kabuhayan. Kaya, nasusumpungan ng marami na ang kanilang paghahanap ng salapi ay nagwawakas sa kawalang-pag-asa.
Nagpapaunlad na mga Bansa
Sa gayunding paraan, sa nagpapaunlad na mga bansa, ang pag-asa na makakuha ng regular na trabaho ay umaakit sa libu-libo mula sa kanilang mga tahanan sa mga lalawigan tungo sa mga lunsod. Totoo, marami ang nakakasumpong ng trabaho. Subalit ang kanila bang kinikita ay nagdudulot ng kaligayahan?
Dapat munang mabayaran ng maliit na sahod na tinatanggap ng mga manggagawa ang kadalasa’y napakataas na mga upa sa hindi gaanong mahusay na mga tirahan, marahil sa lumalaganap na mga slum na nakapaligid sa mga bayan. Kailangang matugunan ng natitirang pera ang mga pangangailangan ng kanilang mga kamag-anak sa kanilang nayon na kailangang haraping agad. Sa Aprika, halimbawa, sa katapusan ng buwan, maraming mga tanggapan ng koreo sa lunsod ang punô ng mga lalaki at mga babae na nakapila upang bumili ng hiro postal (money order) para sa kanilang umaasang mga kamag-anak doon sa mga nayon.
Kahit na kung ang mga pamilya ay nakatirang sama-sama sa mga lunsod, higit pang mga pasaning pangkabuhayan ang dumarating. Dapat magtabi ng salapi para sa pangangalaga sa kalusugan, sa transportasyon, sa mga bayad sa eskuwela, sa pagkain, at sa inuupahang tirahan. Ang talaan ay para bang walang katapusan. Hindi kataka-taka na marami sa mga maninirahan sa lunsod ay mayroong dalawang trabaho.
Ito ba ay katulad ng isang resipe ng kaligayahan? Hindi nga. Kaya nga, ikaw man ay umalis o manatili sa kinaroroonan mo, ang tanong ay nananatili, Anong papel ang ginagampanan ng salapi sa iyong buhay? Ang kasagutan ay napakahalaga sa iyong kaligayahan.