Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 4/22 p. 4-6
  • Salapi—Isang Malupit na Panginoon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Salapi—Isang Malupit na Panginoon
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kredito o Utang
  • Malungkot na mga Resulta
  • Ang Pangangailangan ng Pagsusuri-sa-Sarili
  • Balanseng Pananaw sa Pera
    Gumising!—2015
  • Pera
    Gumising!—2014
  • Pera Ba ang Ugat ng Lahat ng Kasamaan?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Kung Paano Magbabadyet ng Pera
    Puwedeng Maging Masaya ang Iyong Pamilya
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 4/22 p. 4-6

Salapi​—Isang Malupit na Panginoon

ANG pag-aanunsiyo ay gumagamit ng tusong sikolohikal na mga paraan upang paunlarin ang lipunan ng mamimili. Hinihimok nito ang mga tao na ‘bumili ng mga bagay na hindi naman nila kailangan sa pamamagitan ng salapi na talaga namang wala sila, kung minsan upang pahangain ang mga taong hindi naman nila talagang naiibigan.’

Marami ang nahihikayat na kumita ng maraming salapi sa pag-asang magkaroon ng seguridad. Subalit ito ba ay umaakay sa minimithing resulta?

Si Liz, na nabanggit kanina, sa wakas ay nag-asawa ng isang lalaking may matatag na kabuhayan. Sabi niya: “Nang ako’y mag-asawa, mayroon kaming isang magandang tahanan at dalawang kotse, at ang aming pinansiyal na kalagayan ay nagpahintulot sa amin na malayang tamasahin ang anumang bagay na iniaalok ng daigdig na materyal na mga bagay, paglalakbay, at libangan. Gayumpaman, nag-aalala pa rin ako tungkol sa salapi.” Ipinaliliwanag niya kung bakit: “Napakaraming mawawala sa amin. Wari bang mientras mas marami ang tinataglay mo, lalo kang nababalisa. Ang salapi ay hindi nagdudulot ng kalayaan mula sa pag-aalala o pagkabalisa.”

Bagaman ang paghahanap ng salapi ay isang litaw na palatandaan ng ating panahon, bihira itong magbunga ng tunay na kasiyahan. “Ang laging pag-iisip tungkol sa salapi ay tila ba natural lamang sa taóng 1980’s isang panahon ng materyalismo,” sulat ni David Sylvester sa Detroit Free Press. “Subalit nakikita ko ang materyalismong ito bilang isa lamang sintomas ng ating pagiging balisa.”

Kredito o Utang

Kahit na kung ang iyong kita ay hindi nagpapahintulot sa iyo na bumili ng ilang mga luho, papaniwalain ka ng ating materyalistikong lipunan na karapatan mong magkaroon nito. Ang pagdiriin na ito sa kasiyahan ng pagkakaroon ng mga ari-arian, pati na ang implasyon, ay pinagmulan ng malakas na negosyo ng mga credit card, o salaping plastik. Ang katuwiran nila na ‘walang dahilan upang maghintay bago bumili yamang ang halaga ay tiyak na mas mataas sa panahong bibilhin mo na ito.’

Ang Britaniya, na may 22.6 milyong mga credit at charge card, ay siya ngayong pinanganlang “pinakamalakas gumamit” ng gayong mga card sa Europa, nahihigitan ang 6.9 milyon ng Pransiya. Gayunman, sinasabi na, ang pamilihan sa Britaniya ay “hindi pa labis-labis.” Anong laki ng ipinagbago ng panahon! “Dati-rati ang utang ay isang bagay na dapat iwasan,” sabi ng magasing The Listener. “Ngayon ito ay tinatawag na kredito, at ipinipilit sa mga mamimili sa lahat ng panig.”

Bunga nito, ang pangglobong pagkakautang ay dumami at isinasapanganib ngayon ang pinakamayamang mga bansa sa daigdig. At sa pang-isahan, ang utang na kasukat ng kita ay mas mataas kaysa kailanman. Ang kalagayang ito ay hindi natatakdaan sa isang bansa o kahit na sa isang kontinente. “Noon, ang mga taong itim ay hindi gumagamit ng kredito,” komento ng isang itim na maninirahan sa Timog Aprika. Ngunit sabi pa niya: “Ang kanilang kredito ang tumutulong sa maraming kompaniya, gaya ng mga tindahan ng muwebles, na manatili sa negosyo.”

“Tayo ang salinlahi ng mga IOU,” sabi ng manunulat tungkol sa negosyo na si David Sylvester, “gumagasta nang labis, kulang sa pamumuhunan, nabubuhay na para bang hindi darating ang bukas​—o kung dumating man ito, pipiyansahan naman tayo ng social security.” Kaya, ang materyalistikong paraan bang ito ng buhay ay nagdulot ng kaligayahan?

Malungkot na mga Resulta

“Ang matataas ang lipad na mga tagasiyudad ay ‘pinagiginhawa ang panggigipit sa pamamagitan ng cocaine,’ ” paulong balita ng The Daily Telegraph ng London. Oo, parami nang paraming matataas ang kitang may kabataang mga negosyante, na nakakaharap ang matitinding panggigipit habang inaayos nila ang mga negosyong pinagkikitaan ng salapi, ay nagugumon sa lumalaganap na salot: ang pagkasugapa sa droga.

Ang pinansiyal na distrito ng New York, na nakasentro sa Wall Street, ay dumaranas ng gayunding epidemya. Isang ahente ng Federal Drug Enforcement Administration ay iniulat na nagsabi: “Yaong mga nasasangkot ay totoong maingat. Ang mga tao ay hindi basta-basta sumisinghot ng cocaine subalit huwag kang magkakamali, 90% sa kanila na nasa pinansiyal na distrito ay gumagamit nito. Ang matatalinong mga kabataang iyon na nabibigatan dahil sa lahat ng mga panggigipit sa kanila ay takot na takot na hindi sila makagawa ng isang transaksiyon sa negosyo malibang sila’y lango sa isang bagay.”

Subalit ang kriminal na gawain na kasalukuyang dumurungis sa pinansiyal na mga pamilihan ay hindi natatakdaan ng pag-abuso sa droga. Nariyan ang mga ulat ng lansakang pandaraya at pagnenegosyo na may kasapakat sa loob.

“Bakit nga ba ang mga taong kumikita ng mahigit $1 milyon isang taon ay lubhang mangangailangan ng salapi anupa’t handa silang lumabag sa batas upang makakuha ng higit pa?” tanong ng saykayatris sa Wall Street na si Jay B. Rohrlich. Sinasagot ang kaniya mismong tanong, si Rohrlich ay nagpapatuloy: “Ang ibang mga tao ay aktuwal na nahihibang at nagugumon sa salapi sa katulad na paraan na kung paano ang iba ay nagiging sugapa sa alak at cocaine at sa iba pang droga.” Sa kanila, paliwanag niya, “ang pera ay nagiging panlunas sa isang pagkaunawa ng kakulangan.”

Sa ating nagiging higit at higit na materyalistikong daigdig, ang pagkakamal ng kayamanan ay sinasang-ayunan na. Isinisiwalat ng isang surbey, na inilathala sa magasing Pranses na Le Figaro, na ang salapi ay wala nang ‘masamang amoy.’ Kapuna-puna, nang tanungin kung ano ang inaakala nilang maibibigay ng salapi, 45 porsiyento ng mga Pranses na tinanong ang sumagot: kaligayahan. Subalit, nakalulungkot sabihin, ang kabaligtaran ang totoo.

Mayroon bang magagawa upang mahadlangan ang sobrang paghahangad sa salapi na nagbunga ng labis-labis na kalungkutan?

Ang Pangangailangan ng Pagsusuri-sa-Sarili

Maaaring hindi mo inaakala na ikaw ay sugapa sa salapi. Subalit isaalang-alang: Ang salapi ba o kung ano ang mabibili ng salapi ang pangunahing paksa ng inyong pag-uusap? Labis-labis ba ang pagdiriin mo sa salapi? Iyo bang ikinakatuwiran na ang iyong pangmalas tungkol dito ay pangkaraniwan lamang at sa gayo’y binibigyang-matuwid mo ang labis na pagmimithi nito?

Walang alinlangan tungkol dito, nariyan ang panganib na mahulog sa gayuma ng salapi, nagiging alipin nito. Isang pantas na guro mga dalawang libong taon na ang nakalipas ay nagbabala tungkol sa “mapandayang kapangyarihan” nito at itinulad ang kasiyahan sa pagkakaroon ng maraming salapi sa mga dawag na umiinis sa buhay sa kalapit na mga tanim na namumunga. (Mateo 13:22) Ang Bibliya ay nagbababala rin na “ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uring kasamaan” at yaong naghahangad nito ay ‘tinutuhog ang kanilang sarili ng maraming pasakit.’​—1 Timoteo 6:10.

Tunay, kapag salapi ang nangingibabaw, ito ay isang malupit na panginoon. Gayunman, mayroon itong kapaki-pakinabang na papel sa daigdig ngayon​—bilang isang lingkod.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share