‘Aking Salita Aking Panagot’
MGA 15 taon na sapol nang huli akong maglakad sa kalyeng ito sa London. Kung nakita mo ako noon, na may suot na sombrero at may dalang payong, mapagkakamalan mo akong isang karaniwang negosyanteng Ingles. Oo, isa ako sa libu-libo na regular na nagpaparoo’t parito sa “ang Lunsod,” ang pinansiyal na distrito ng kabisera.
Hindi kalayuan dito nakatira ang ‘matandang babae ng Threadneedle Street,’ ang Bank of England. Ang Stock Exchange ay malapit dito. Sa may kanto naman nakatayo ang Lloyd’s ng London, ang bantog na bilihan ng seguro. Ngunit ang trabaho ko ay nagdala sa akin sa kahabaan ng St. Mary Axe hanggang sa ikatlong malaking pamilihan sa London, ang Baltic.
Pag-asenso sa Kompaniya
Pagkatapos kong mag-aral noong 1937, nagsimula akong magtrabaho bilang isang empleado sa isang kompaniya na may pandaigdig na pamumuhunan sa mga sasakyang-dagat. Seryoso ako sa aking trabaho bilang isang nakababatang klerk at naging tunguhin ko ang umasenso sa trabaho. Inaasahan ko na balang araw ay maging manedyer ng departamento.
Ako pa rin ang pinakabatang empleado nang gambalain ng pagsiklab ng Digmaang Pandaigdig II ang aking karera, at noong 1941 ako ay sumama sa Royal Air Force. Nang magbalik ako sa buhay ng sibilyan pagkalipas ng mga limang taon, ako’y muling nagtrabaho sa kompaniya ko. Subalit iba na ang mga bagay-bagay. Ang ilan sa dating mga kawani ay wala na. Sila’y nasawi sa digmaan.
Hindi nagtagal at balik na naman ako sa rutina, at mabilis na umasenso hanggang sa maging manedyer ako na nangpangyari sa akin na personal na makilala ang mga kliyente ng kompaniya. Inaayos ko ang mga negosyo na gaya ng pag-arkila ng mga tangker ng langis at inaareglo ko ang bunkering facilities ng barko. Upang pasulungin pa ang aming negosyo, ako ay hinirang ng kompaniya para sa eleksiyon sa Baltic Exchange.
Sa Baltic
Ang Baltic Mercantile and Shipping Exchange Limited ay buong pagmamalaking nagtataglay ng eskudo na nagtatampok ng sawikaing “Aming Salita Aming Panagot.” Maaga noong 1970’s, mga 700 kompaniya ang sumang-ayon sa patakarang ito. Binibigyan-karapatan nila ang kanilang 2,400 mga kinatawan na sundin ang mga tradisyon na mula pa sa mga miting sa kapihan ng mga kapitan ng barko at ng mga negosyante noong ika-17 siglo na ang bibigang mga kontrata ay laging may bisa. Hinihiling pa rin ng Exchange ang mahigpit na katapatan sa negosyo sa mga membro nito.
Mula noong 1954 patuloy, regular akong nagpupunta sa lugar ng Baltic Exchange kung saan ako’y nagsasagawa ng negosyo sa mga naroroon sa Exchange, inaayos ang mga kargada sa mga sasakyang-dagat ng mga kompaniya ng barko. Sa ngalan ng aking kompaniya, kapag ako’y nangako sa isang kasunduan, ito ay nagiging isang di-nasisirang sagutin sa kabila ng anumang mga pagbabago sa mga kalagayan na nakapaligid sa kasunduan sa dakong huli. Sa tuwina’y ikinapit ko ang simulain ding iyan sa aking pribadong buhay.
Isang Panahon ng Pagsubok
Naniniwala ako sa pag-iral ng Diyos, at hanggang doon na lamang. Noong panahon ng Digmaang Pandaigdig II, nayanig ang aking relihiyosong mga mithiin. Ang mga klerigo ay nangangaral ng kapayapaan, gayunman ay binabasbasan ang aming paglahok sa digmaan. ‘Paano kaya,’ naitanong ko sa aking sarili, ‘mapagkakatiwalaan ang gayong mga tao?’
Noong 1954, dinalaw ng mga Saksi ni Jehova ang aking asawa, si Viv, upang ipakipag-usap sa kaniya ang tungkol sa Bibliya. Hindi ko siya tinutulan, subalit tinanong ko siya ng ipinalalagay kong mahihirap na tanong. Habang ang aking pagtatanong ay naging higit at higit na agresibo at hindi ito masagot ni Viv, iminungkahi niya na ipakilala sa akin ang isa sa mga Saksi. Sumang-ayon naman ako.
Ang babaing ipinakilala sa akin ng aking asawa ay magara ang pananamit at sinagot niya nang maliwanag ang aking mga katanungan. Tinanong ko siya tungkol sa pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa, na sinagot niya nang maikli at malinaw sa pamamagitan ng pagsipi sa Ezekiel 18:4, “Ang kaluluwang nagkakasala, ito mismo ay mamamatay.” (King James Version) Pagkatapos ay tinanong ko siya ng ilang pulitikal na mga katanungan. Tumugon siya na kung paanong sinabi ni Jesus na ang kaniyang mga alagad ay hindi bahagi ng sanlibutan, pinaninindigan din ng mga Saksi ang neutral na katayuan may kaugnayan sa gayong isyu. Hindi ako gaanong nasiyahan sa bagay na ito. Marahas at pabigla-bilang pakli ko: “Subalit kung walang sinuman sa atin ang nakipaglaban at sumalakay si Hitler, saan na kaya tayo ngayon?” Ito’y mahinahon naman niyang sinagot na ang mga Saksing Aleman ay tumangging makipaglaban. Nanindigan sila sa kanilang paniniwala kahit sa harap ng kamatayan!
Sinimulan kong makipag-aral sa kaniya ng Bibliya, inaasahan kong mapabubulaanan ko ang kaniyang mga paniniwala. Unti-unti, ang aking pananampalataya sa Bibliya ay lumago. Subalit ako kaya’y nadadaya? Saka ko naisip ang tungkol sa klerigo sa lugar namin. Itatanong ko rin sa kanila ang mga katanungan na itinanong ko sa mga Saksi.
Naghangad ako ng isang paanyaya para sa aming mag-asawa na dumalaw sa simbahan para sa isang pag-uusap. Ang miting na iyon ay isang malaking sakuna kung ang pag-uusapan ay ang pagpapalakas ng aking pagtitiwala sa tatag na iglesya. Aba, tinanggihan pa nga ng klerigo ang ulat ng Genesis, isang bagay na tinanggap ni Jesus! (Mateo 19:3-6) Umalis ako mula roon at sa dalawa pang kahawig na mga miting na kumbinsido na ang Bibliya ay Salita ng Diyos at na ang mga Saksi ni Jehova ay talagang nanghahawakan dito at namumuhay ayon dito. Ang aking pananampalataya ay lalong lumakas.
Aking Salita Aking Panagót
Habang nagpapatuloy ang mga pag-aaral ko sa Bibliya, natalos ko kung saan ito maaaring umakay. Nabahala ako sa aking larawan, hindi lamang sa Lunsod bilang isang progresibong negosyante kundi sa lugar din namin kung saan ako ay kilalang manlalaro. Naisip ko kung ano ang sasabihin ng mga tao kapag natuklasan nila na niyakap ko ang mga paniniwala ng mga Saksi.
Yamang ako’y sumang-ayon na makikibahagi sa pangangaral ng mabuting balita kasama ng mga Saksi sa aming lugar, tinupad ko ang aking salita. Nais kong ipakita sa sa pagsama sa kanila nang minsan lamang, ako ay hindi natatakot. Iminungkahi ko na dalawin namin ang mga tao sa dulo ng kalye kung saan wala akong kakilala. Sa unang bahay, kami ng kasama ko ay nakasumpong ng mga taong sabik na sabik na makaalam ng katotohanan, at sinimulan namin ang isang pag-aaral sa Bibliya ora mismo.
Nang sumunod na linggo, hinarap kong muli ang hamon. Sa pagtatapos ng umagang iyon, buo na ang aking pasiya. Taglay ko ang katotohanan at nadarama ko ngayon ang pananagutan na tulungan ang iba na malaman ito.
Sa aking mga pakikitungo sa negosyo, kailangan kong mag-isip nang malinaw upang timbang-timbangin ang anumang panandaliang mga pakinabang laban sa pangmatagalang mga epekto. Kaya naipasiya kong maglingkod kay Jehova at ilaan ang hangga’t maaari’y marami sa aking panahon sa kaniyang gawain. Pananatilihin ko ang aking negosyo sa pinakakaunti sa gayo’y pinansiyal na mapaglalaanan ko ang aking pamilya. Noong Enero 8, 1956, ako’y nabautismuhan bilang pangmadlang sagisag ng aking pag-aalay na gawin ang kalooban ng Diyos.
Mga Pangunahing Gawain
Kami ni Viv ay nagplanong lumipat mula sa aming apartment tungo sa isang malaking bahay at pagkatapos ay dagdagan ang aming pamilya. Subalit ngayon, sapagkat ang kapakanan ng Kaharian ang pangunahin sa aming buhay, ipinasiya namin na manatiling gayon. Nang matapos ng pag-aaral ang aming anak na babae noong 1969 at nagsimula sa buong-panahong pangangaral, wala nang hadlang upang palawakin ko ang aking ministeryo. Hinangad ko ang isang panayam sa direktor na namamahala sa aking kompaniya upang sabihin sa kaniya ang aking mga balak na bawasan ang aking sekular na trabaho.
Nirepaso ko sa aking isipan kung ano ang sasabihin ko. Magalang kong ihaharap ang tatlong mapagpipilian: Bigyan niya ako ng part-time na trabaho, sesantihin ako, o ako’y magbibitiw sa tungkulin. Nakinig siya sa aking mga mungkahi, ngumiti, at nagkomento: “Hintayin mo munang marinig ang aking balak. Sa palagay ko ay babaguhin nito ang iyong mga ideya.” Saka niya ipinaliwanag na ang lupon ng mga direktor ay lubos na nagkaisang sumang-ayon na hirangin ako bilang isang direktor ng kompaniya anupa’t ang aking suweldo ay tataas nang apat na beses at may garantiya pa na maging tagapangulo ng kompaniya sa loob ng tatlong taon. Inaasahang mahihimok niya ako, siya’y nagpaliwanag: “Dahil sa mas malaki mong sahod madali mong mababayaran ang ilang tao na gawin ang gawain ng mga Saksi para sa iyo.” Nakalulungkot sabihin, mali ang pagkaunawa niya sa aking palagay tungkol sa gawain ng Diyos.
Walang pag-aalinlangan sa aking isipan sa kung ano ang aking gagawin. Naibigay ko na ang aking salita kay Jehova na gagawin ko ang kaniyang kalooban, nang una sa lahat ng bagay. Sa wakas ay sumang-ayon ang namamahalang direktor na maaari akong magtrabaho nang part-time, sa kondisyon na hindi maaapektuhan ang negosyo. Tinanggap ko ang malaking bawas sa aking suweldo.
Hindi ako pinabayaan ni Jehova. Pagkalipas ng apat na buwan naibigay sa akin ang pagkadirektor sa kompaniya, sa pagkakataong ito ay may kasunduan na magpapatuloy ako sa part-time na trabaho, subalit ibabalik ang aking dating suweldo.
Pagtulong sa Iba na Magtiwala sa Diyos
Bukod sa matalik kong mga kasama sa kompaniya na aking pinagtatrabahuan, nakasumpong din ako ng iba pa na tumutugon sa mensahe ng Kataas-taasan na mapagkakatiwalaan. Oo, naging kagalakan kong tulungan ang apat sa mga ito at ang kanilang pamilya na sumulong tungo sa pag-aalay ng kanilang buhay na gawin ang kalooban ng Diyos.
Noong dakong huli ng ’60’s at maagang ’70’s, dumating ang mabilis na mga pagbabago sa daigdig ng negosyo. Ang aking kompaniya ay nakipag-isa sa iba pang kompaniya. Sa wakas ito ay kinuha ng isang multinasyonal na korporasyon, at dahilan sa ayaw kong magpatuloy sa buong-panahong trabaho, tinapos ko ang aking panunungkulan noong 1972.
Ang pagbabago ng mga kalagayan ay nagpalaya sa akin upang itaguyod ko ang aking ministeryal na karera nang buong panahon. Pagkatapos, dahil sa umuunti ang aking pinansiyal na pinagkukunan, papasok sana ako nang part-time sa paglilektyur tungkol sa shipping nang ako’y anyayahan na maging isang naglalakbay na ministro na dumadalaw sa mga kongregasyon ng mga Saksi. Mula noon kaming mag-asawa ay labis-labis na napangangalagaan.
Ang daigdig ng negosyo ngayon ay nagbago. Ang mga pamantayan at etika ay naagnas. Mayroong higit na agresibo at walang prinsipyong mga taktika. Mga kaaway, sa halip na mga kaibigan, ay waring nananagana. Ako, gayunman, ay mayroong kasiyahan sa paglalakbay bilang isang ministrong pandistrito sa buong malawak na dako ng Inglaterra. Anong inam na magtrabaho sa gitna ng bayan na naglalagak ng kanilang tiwala sa Diyos, na nagsasabi, “Aking sinalita akin namang gagawin”! (Isaias 46:11, The Living Bible)—Gaya ng inilahad ni Ted Hunnings.
[Larawan sa pahina 13]
Naglilingkod bilang tagapangasiwa ng distrito sa isang asambleya ng mga Saksi ni Jehova