Natutuhan Kong Supilin ang Aking Galit
ANG tagpo ay isang pamilyar na tagpo; isang Europeong pub gaya ng maraming iba pa kung saan ako’y tumutugtog bilang isang musikero. Gaya ng dati, kami ng mga kaibigan ko ay labis na nag-inuman. Hindi ko matandaan kung bakit sinalakay kami ng ilang parokyano.
Natatandaan ko ang pagkakaroon ng bakbakan. Ako’y bata at malakas at sinuntok ko ang isang parokyano nang napakalakas anupa’t siya’y nabuwal sa ibabaw ng mesa. Pagkatapos ay sinunggaban ko ang isang silya at hinampas ko ang iba pa. Pagkaraan ng ilang minuto, ang silid ay nawalan ng tao—maliban sa isang hindi kumikilos na katawan na nakahandusay sa sahig. Natatakot at desperado, tumakbo ako pauwi sa bahay upang magpaalam sa aking asawa, kumbinsido na ako’y darakpin at hahatulan sa salang pagpatay!
Ito, sa kasamaang palad, ay hindi siyang unang pagkakataon na ako’y pinangibabawan ng aking galit. Subalit upang malaman kung bakit gayon ito, dapat mong maunawaan ang kaunti tungkol sa aking pinagmulan. Ako’y lumaki sa isang pamilya ng mga Hitano—hindi yaong uring naglalakbay, sapagkat ang aking pamilya sa tuwina’y nakatira sa kanilang sariling bahay. Si Itay ay madalas na lasing at gayon na lamang ang paninibugho sa aking ina. Ang mararahas na silakbo ay karaniwan sa aming tahanan.
Ang paraan ng pamumuhay na itinaguyod ko nang dakong huli ay naglantad din sa akin sa maraming masasamang impluwensiya. Si Itay ay kumikita ng ikabubuhay bilang isang musikero, at tinularan ko siya nang ako’y maging walong taóng gulang. Natuto akong tumugtog ng akordyon, at nang ako’y 13 anyos na, ako’y gumaganap bilang isang soloista o kasama ng iba pang musikero. Ito’y nangangahulugan ng pagtugtog sa mga otel, pubs, at sa mga handaan ng kasalan, kadalasa’y sa buong magdamag. Hindi nagtagal at natutuhan ko ang uminom nang malakas at manigarilyo.
Pag-aasawa at Paninibugho
Wala rito ang nakatulong sa akin na magkaroon ng isang mahinahong personalidad. Kahit na ang pag-aasawa ay hindi naglagay sa akin sa katahimikan. Sa gulang na 19 anyos napangasawa ko ang isang magandang Hitana. Isinagawa namin ito sa kaugaliang Hitano, na ang seremonya ay isinagawa ng pinuno ng angkan, sa halip ng isang klerigo. Natatandaan ko pang kinuha ng pinuno ang aking kamay at ang kamay ng nobya at ibinuklod ang aming mga palad paitaas. Saka niya ibinuhos ang alak sa bawat palad. Kailangan kong uminom mula sa palad ng aking nobya at siya naman ay mula sa palad ko. Mula noon kami ay itinuturing ng pamayanang Hitano na legal na kasal na, bagaman nang dakong huli kami ay nagpakasal sa munisipyo upang irehistro ang aming kasal.
Hindi pa natatagalan pagkatapos nasumpungan ko ang aking sarili na nakadarama ng kahawig na marahas na paninibugho na ipinakita ng aking ama. Sinimulan kong bugbugin ang aking asawa, kung minsan kasindalas nang makalawa sa isang linggo! Walang alinlangan na ito ay nakatulong pa sa pag-inom ko nang labis kaysa dati. Ito, naman, ay nagpalubha ng aking galit. Minsan ako’y umiinom sa bahay ng aking ama kasama ng ibang kasamahang Hitano. Siniraang-puri ng kuya ko ang aking asawa. Lasing na lasing, tumakbo akong pauwi ng bahay, hinawakan ko ang kamay ng aking asawa at kinaladkad ko siya mula sa higaan na nakadamit pantulog hanggang sa bahay ng tatay ko. Pinasumpa ko siya sa harapan ng krus na hindi totoo ang sinabi ng kuya ko!
Gayunman, kahit na siya ay sumumpa sa lahat ng bagay, lalo akong nagalit. Tumakbo akong pauwi ng bahay, kinuha ko ang palakol, at pinagbabasag ko ang mga bintana ng bahay ko. Isa pang kapatid ko ang dumating at pinigilan ako. Itinulak ko siya nang husto anupa’t siya’y nahulog sa hagdan at nabali ang kaniyang kamay.
Isang Pagbabago
Ang aking marahas na galit ay hindi masawata sa loob ng mahabang panahon hanggang sa insidenteng nabanggit sa simula, nang sa akala ko’y nakapatay ako ng isang tao. Pagkatapos magpaalam sa aking asawa, nagtungo ako sa simbahan ng Romano Katoliko roon, kung saan ako’y lumuhod sa harap ng malaking pasukan at, lumuluha, nanalangin sa Diyos para sa kaniyang kapatawaran. Nangako ako na hinding-hindi na ako muling gagawa ng anumang bagay na gaya niyaon! At, sa aking malaking ginhawa nalaman ko na ang lalaki ay naman namatay kundi nawalan lamang ng malay.
Kahit paano, nakadama pa rin ako ng labis na panlulumo at sirang-sira ang loob ko. Pagkalipas ng tatlong araw at litung-lito pa rin, ako’y naglalakbay sakay ng isang tren patungo sa trabaho. Isang binata ang nakipag-usap sa akin tungkol sa Kaharian ng Diyos, isang gobyerno na lulutas sa lahat ng suliranin na nagpapahirap sa sangkatauhan—isang gobyerno na mag-aalis sa lupa ng sakit, kamatayan, at kalungkutan! Ang binata ay isa sa mga Saksi ni Jehova. Yamang naniniwala ako sa Diyos, magalang akong nakinig. Subalit ang sinasabi sa akin ng binata ay waring hindi totoo. “Sino ang makagagawa ng lahat ng ito?” tanong ko sa kaniya. Sabi niya, “Gagawin iyan ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.”
Ang sagot na ito ay lubhang nakasiya sa akin. Binigyan din niya ako ng isang pulyeto at nangakong dadalawin ako sa aking bahay. Bago pa siya makadalaw, dalawang Saksi ang dumalaw sa akin at dinalhan ako ng tatlong matatandang aklat, ang Creation, Reconciliation, at Riches, lahat ay lathala ng Samahang Watch Tower. Nang sa wakas ay dumalaw ang binatang nakilala ko sa tren, nagsimula kaming mag-aral sa aklat na “Hayaang Maging Tapat ang Diyos.”a
Mabilis ang aking pagsulong. Sa loob ng anim na linggo natanto ko mula sa pagbabasa ko ng mga publikasyong ito na ang aking simbahan ay walang maibibigay sa akin. Nagtungo ako sa kumbento at hiniling kong alisin ang pangalan ko mula sa talaan ng kanilang mga membro.
Pagsalansang ng Pamilya
Gayunman, nagliwanag din sa akin na kailangan kong gumawa ng ilang mga pagbabago sa aking pagkatao. May kakilala akong isang matandang babae sa aking dako ng trabaho na isang Saksi. “Ang mga Saksi p ba ay nakikibahagi sa mga libangan at mga kasalan?” tanong ko sa kaniya. “Oo, nakikibahagi sila,” ang sagot niya. “Subalit sila’y gumagawi sa paraang Kristiyano.” Tinanong ko siya kung ano ang kahulugan niyaon.
“Hindi sila naglalasing; ni sila man ay sumisigaw o naninigarilyo.”
Mula noon patuloy, hinding-hindi na ako muling humipo ng isang sigarilyo. At sa ikatlong buwan ng aking pag-aaral ng Bibliya, bigla kong inihinto ang aking pagtugtog na kasama ng aking mga kaibigang musikero. Talos ko na ang gayong masasamang kasama ay hahadlang sa aking pagsulong.
Iyan ay nangahulugan ng paghanap ng isang bagong trabaho. Kaya’t ako’y nagtrabaho bilang isang enladrilyador. Ang aking bagong trabaho, gayunman, ay hindi malaki ang kita na gaya ng kita ng isang musikero. Kaya ang asawa ko, ang tatay ko, at ang mga kapatid ko—halos lahat ng nakakakilala sa akin—ay laban sa akin at sinikap na pabalikin ako sa aking dating paraan ng pamumuhay. Sa tulong ni Jehova, naihinto ko ang labis-labis na pag-inom ng alak at sinikap kong supilin ang aking galit.
Marahil ay aakalain mong ang aking asawa ay tuwang-tuwa sa aking mga pagbabago, subalit hindi gayon. Dahil sa hindi ko siya binubugbog o dahil sa hindi na ako nakikipagtalo sa kaniya, akala niya’y hindi ko na siya mahal! Gayon ang kaisipan ng isang babaing Hitana. Saka dumating ang Pasko at hindi ako gumawa ng anumang paghahanda upang ipagdiwang ito. Natutuhan ko buhat sa Bibliya na ito ay hindi isang pagdiriwang na sinasang-ayunan ng Diyos.b Gayunman, hindi ito naunawaan ng aking asawa. Siya’y lubhang nagalit anupa’t iniwan niya ako, isinama niya ang aming apat na anak. Tumira siya sa kaniyang mga magulang, na nagpadala sa akin ng sumusunod na mensahe: Talikdan mo ang iyong bagong relihiyon o hinding-hindi ka makapapasok na muli sa aming tahanan at ang iyong asawa ay hindi babalik sa iyo!
Ito ay isang napakatinding panggigipit sapagkat mahal na mahal ko ang aking asawa at mga anak. Hindi ako sumuko, at pagkalipas ng dalawang linggo ang aking asawa at mga anak ay nagbalik sa bahay—nang walang anumang kondisyon. Hindi nagtagal, pagkaraan lamang ng anim na buwan buhat nang makilala ko ang binatang iyon, ako ay nabautismuhan bilang isang saksi ni Jehova.
Patuloy na Pagsupil sa Aking Galit
Bagaman ako ngayon ay isa nang bautismadong Kristiyano, ang pagsupil sa aking galit ay hindi pa rin madali. Gayunman, sa tulong ng pag-aaral sa Bibliya at taimtim na panalangin, binigyan ako ni Jehova ng kinakailangang lakas.
Tiniis ko rin ang pagsalansang ng aking asawa. Madalas na pagtawanan niya ako kapag sinisikap kong mag-aral ng Bibliya. Kung sinisikap kong ibahagi sa kaniya ang isang bagay na nababasa ko, aawit siya nang malakas upang hindi ako marinig! Gayunman, sa nilakad-lakad ng panahon, nagkabisa sa kaniya ang aking nagbagong pagkatao. Pagkaraan ng dalawang taon, siya man ay naging isang tapat na mananamba ni Jehova.
Napakatagal na panahon na nang halos ay makapatay ako ng isang tao sa pub na iyon. Mula noon ako’y nagkaroon ng pribilehiyo na maglingkod bilang isang matanda sa isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova at sa pagmamasid sa lahat ng aking mga anak, maliban sa isa, na tumanggap ng katotohanan. Ako’y naglilingkod na kasama ng isang kongregasyon ng tunay na mga Kristiyano na hindi natatakot sa akin kundi kusang gumagawa na kasama ko sa amin gawaing pangangaral.
Oo, ako’y labis na nagagalak na ang mga katotohanan ng Bibliya ay tumulong sa akin na madaig ko ang aking marahas na galit.—Yamang ang sumulat ng artikulong ito ay nakatira sa isang bansa kung saan ang Kristiyanismo ay ipinagbabawal ng pamahalaan, pinili niyang manatiling di-kilala.
[Mga talababa]
a Ngayon ang mga publikasyong ito ay ubos na.
b Tingnan ang publikasyong Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, kabanata 25.
[Blurb sa pahina 19]
Sa gulang na 19 anyos napangasawa ko ang isang magandang babaing Hitana
[Blurb sa pahina 20]
Sinimulan kong bugbugin ang aking asawa, kung minsan kasindalas ng makalawa sa isang linggo
[Blurb sa pahina 21]
“Hindi sila naglalasing; ni sila man ay sumisigaw o naninigarilyo”