Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 5/22 p. 22-24
  • Paano Ko Makakayanan ang Paghihiwalay ng Aking mga Magulang?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Ko Makakayanan ang Paghihiwalay ng Aking mga Magulang?
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Pagpapagaling na Epekto ng Panahon
  • Iwasan ang Pagbabalik sa Nakaraan
  • ‘Mapagkakasundo Ko Sila’
  • Pakikipagkasundo sa Iyong mga Magulang
  • Ipahayag Mo ang Iyong Damdamin
  • Pagpapatuloy sa Iyong Buhay
  • Bakit Naghiwalay si Itay at si Inay?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas
  • Ang Diborsiyo ay May mga Biktima
    Gumising!—1991
  • Diborsiyo—Ang Mapait na Bunga Nito
    Gumising!—1992
  • Bakit Ba Naghiwalay si Inay at si Itay?
    Gumising!—1987
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 5/22 p. 22-24

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Ko Makakayanan ang Paghihiwalay ng Aking mga Magulang?

“Natatandaan ko pa nang iwan kami ni itay. Hindi namin talaga nalalaman kung ano ang nangyayari. Si Inay ay kailangang pumasok sa trabaho at iniiwan kaming nag-iisa sa lahat ng panahon. Kung minsan basta kami nauupo sa may bintana at nag-aalala kung iniwan din niya kami. . . .”​—Isang batang babae mula sa isang diborsiyadong pamilya.

ANG diborsiyo ay para bang katapusan ng mundo, isang malaking kapahamakan na nagdudulot ng sapat na kahirapan na tatagal magpakailanman. Gayumpaman, kung ang pamilya mo ay nasa bingit ng paghihiwalay o diborsiyo, tibayan mo ang iyong loob. Makakabawi ka.

Hindi ito nangangahulugan na ang mga bagay-bagay ay magiging gaya ng dati. Ang diborsiyo, nakalulungkot sabihin, ay karaniwan nang siyang pangwakas. Gayunman, ang kahihiyan, ang mga damdamin ng poot at pagkakanulo, ang takot na hindi ka na mahal ng iyong mga magulang​—ang mga ito ay mapangwasak na mga damdamin na maaaring papaginhawain at ang iyong buhay ay ibalik sa landas. Gaya ng sabi ng Bibliya, may “panahon ng pagpapagaling.”​—Eclesiastes 3:3.

Ang Pagpapagaling na Epekto ng Panahon

Ang pagpapagaling, gayunman, ay kumukuha ng panahon. Tutal, ang literal na sugat, gaya ng isang nabaling buto, ay kukuha ng mga linggo o mga buwan pa nga upang lubusang gumaling. Hindi ba gayundin ang aasahan mo pagdating sa emosyonal na mga sugat? Gayunman, gaano karaming panahon ang kakailanganin bago ka makadamang ikaw ay normal na naman?

Nasumpungan ng mga mananaliksik na sina Wallerstein at Kelly, na pinag-aaralan ang mga anak ng diborsiyadong mga pamilya, na sa loob lamang ng dalawang taon pagkatapos ng diborsiyo “ang malaganap na takot, ang dalamhati, ang nasindak na di-paniniwala . . . ay naglaho o nawalang lahat.” Inaakala ng ilang dalubhasa na ang pinakamasamang bagay sa isang diborsiyo ay nawawala sa loob ng tatlong taon lamang. Maaaring ito’y magtinging walang-hanggan, subalit marami ang kailangang mangyari bago maaaring mapanatag ang iyong buhay.

Sa isang bagay, ang iyong rutinang gawain sa tahanan​—naputol ng diborsiyo​—ay dapat na ayusing muli. Maaaring kumuha ng mga ilang buwan, halimbawa, bago ang pagkain at labahin ay mapangalagaan na kasinghusay na gaya ng dati, lalo na kung ang iyong nanay ay nagtatrabaho upang mabayaran ang mga pagkakautang. Kukuha rin ng panahon bago ang iyong mga magulang ay emosyonal na makatayong muli sa kanilang paa. Saka lamang nila sa wakas maibibigay sa iyo ang kinakailangang suporta.

Habang ang iyong buhay ay medyo bumabalik sa dati, nadarama mong ikaw ay nagiging normal na naman. Ang paglipas ng panahon ay isa sa pinakamabisang gamot sa pagpapagaling sa mga sugat ng paghihiwalay. Isa pa, higit pa ang magagawa mo bukod sa pagpapalipas ng panahon.

Iwasan ang Pagbabalik sa Nakaraan

Ganito ang sabi ng isang 12-anyos na nagngangalang Joseph: “Bago ang paghihiwalay, ito’y isang maingay na bahay. Nagpupunta kami sa mga ballgame, sama-sama kaming gumagawa ng mga modelo, nanonood ng TV. Ngayon ito’y tahimik, nakababagot, walang ginagawa, walang pinupuntahang ballgames. Ang tiyak na paraan upang patagalin ang paghihirap ng isang diborsiyo o paghihiwalay ay ang balik-balikan ang nakaraan: “Huwag mong sabihin: ‘Ano ang nangyari anupa’t ang unang mga araw ay mas maigi kaysa mga ito?’ sapagkat hindi dahil sa karunungan na ikaw ay nag-uusisa tungkol dito.” (Eclesiastes 7:10) Ang pagbabalik sa mga alaala ng dating buhay ay walang gaanong nagagawa kundi ang ikaw ay higit na manlumo.

Ang pagbabalik sa nakaraan ay maaari ring bumulag sa iyo sa kasalukuyan. Halimbawa, ano ba ang kalagayan ng iyong pamilya bago ang paghihiwalay? “Laging maraming away​—pagsisigawan at pagmumurahan,” sabi ni Annette. Kung gayon, maaari kaya na ikaw ngayon ay nagtatamasa ng isang bagay na dati’y wala sa inyong pamilya​—ang kapayapaan at katahimikan?

‘Mapagkakasundo Ko Sila’

Ang aklat na Stress, Coping, and Development in Children ay nag-uulat: “Isang nakapagtatakang malaking bilang ng mas nakatatandang bata ay nahirapan ding kilalanin ang katotohanan ng diborsiyo, at ipinakikita ng kanilang paggawi ang kanilang suliranin.” Ang iba ay nangarap na magkabalikan ang kanilang mga magulang, marahil ay nangungunyapit sa gayong mga pantasiya kahit na pagkatapos na ang kanilang mga magulang ay nagsipag-asawang muli!

Gayunman, ang pagkakaila sa diborsiyo ay walang binabagong anumang bagay. At ang lahat ng luha, pagsamo, at mga balak sa daigdig ay malamang na hindi magpapangyari sa iyong mga magulang na magkabalikan. Kaya bakit mo pahihirapan ang iyong sarili sa pagbabalik sa imposibleng mga inaasahan? “Ang pag-asang naaantala ay nagpapasakit sa puso,” sabi ng Bibliya. (Kawikaan 13:12) Hindi lamang iyan, maaari rin itong makahadlang sa paggawa mo ng kapaki-pakinabang na mga bagay sa iyong buhay. Sinabi ni Solomon na may “panahon ng pagkawala.” (Eclesiastes 3:6) Kaya tanggapin mo kapuwa ang katotohanan at ang pagkapermanente ng diborsiyo​—isang malaking hakbang upang makayanan mo ito.

Pakikipagkasundo sa Iyong mga Magulang

Maaaring isa ito sa pinakamahirap na gawain sa iyong buhay. Maaaring may katuwirang magalit ka sa kanila sa pagsira nila sa buhay mo. Gaya ng may kapaitang pagkakasabi rito ng isang lalaki: “Ang aking mga magulang ay makasarili. Talagang hindi nila iniisip ang tungkol sa amin at kung paano kami apektado ng kanilang ginawa. Basta sila sumige at ginawa ang kanilang mga balak.” Sabi pa ng isang kabataan: “Si Itay ay nagdala ng dalawang buhay sa mundo at hindi nagmahal sa kanila na gaya ng pagmamahal niya sa kaniyang bagong kotse.” Ito ay maaaring maging totoong lahat. Subalit maaari ka bang mabuhay na pasan-pasan ang galit at kapaitan nang hindi mo pinipinsala ang iyong sarili?Ganito ang sabi ng mananaliksik sa diborsiyo na si Judith Wallerstein: “Ang gayong galit ay hindi lamang naglalayo sa bata sa magulang, kundi kadalasang inaakay ang bata . . . sa kapilyuhan . . . sa layong ligaligin at parusahan ang magulang na pinararatangan nila na naging dahilan ng paghihiwalay.”

Ang Bibliya ay nagpapayo: “Hayaan ang lahat ng malisyosong kapaitan at galit at poot . . . ay maalis sa inyo . . . Kundi maging mabait kayo sa isa’t isa, malumanay sa kaawaan, saganang nagpapatawad sa isa’t isa.” (Efeso 4:31, 32) Paano mo mapatatawad ang isa na labis na nakasakit sa iyong damdamin? Makatuwirang malasin ang iyong mga magulang​—bilang nagkakamali, di-sakdal na mga tao, nakagagawa ng lahat ng uri ng pagkakamali. Oo, kahit na ang magulang ay ‘nagkakasala at hindi nakakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos.’ (Roma 3:23) Ang kabatiran nito ay tutulong sa iyo na makipagkasundo sa iyong mga magulang. Bagaman nasasaktan pa sa paghihiwalay ng kaniyang mga magulang, ganito ang sabi ng isang binata tungkol sa kanila: “Sa kabila ng lahat, lagi kong iniisip na sila ay mababait. Inaakala ko lamang na hindi sila mahusay sa pagpili ng asawa.”

Ang mahinahon at makatuwirang pakikitungo sa iyong mga magulang ay tutulong din sa iyo na maunawaan ang mga kabiguan nila sa pag-aasawa, hindi bilang isang personal na lantarang paghamak, o bilang pagtakwil sa iyo, kundi bilang isang problema sa pagitan nila mismo.

Ipahayag Mo ang Iyong Damdamin

“Kailanma’y hindi ko ipinakipag-usap kung ano ang nadarama ko sa paghihiwalay ng aking mga magulang,” sabi ng isang binata nang siya kapanayamin ng Gumising! Bagaman walang kapaki-pakiramdam sa simula, ang binata ay naging higit na emosyonal​—napaiyak pa nga​—habang binabanggit niya ang tungkol sa paghihiwalay ng kaniyang mga magulang. Ang mga damdamin na malaon nang nakabaon ay nahalungkay. Nagtataka tungkol dito, sabi niya: “Talagang nakatulong sa akin na magsalita.”

Maaari mo ring masumpungang nakatutulong na magtapat sa isang tao, sa halip na ibukod ang iyong sarili. Ipaalam mo sa iyong mga magulang kung ano ang nadarama mo, kung ano ang mga kinatatakutan mo at ang mga pagkabalisa mo. (Ihambing ang Kawikaan 23:26.) Ipinakikita ng pananaliksik na ang mga batang matagumpay na nakabawi sa paghihiwalay ay may “kakayahang makipag-ugnayan sa paligid nila, sa kanilang amain o tiyahin, mga guro, mga kaibigan, mga magulang ng kaibigan, at mga nuno.” Makatutulong din ang maygulang na mga Kristiyano. Si Keith, halimbawa, ay may nakukuhang kaunti o wala pa ngang nakukuhang tulong mula sa kaniyang pamilya, na pinagwatak-watak ng diborsiyo. Gayunman sabi niya, “Ang kongregasyong Kristiyano ang naging pamilya ko.”

Higit sa lahat, makipag-usap ka sa iyong makalangit na Ama, ang “Dumirinig ng panalangin.” (Awit 65:2) “Buksan ninyo ang inyong puso sa kaniya.” (Awit 62:8) Nagugunita ng isang kabataang nagngangalang Paul kung ano ang nakatulong sa kaniya upang makayanan niya ang paghihiwalay ng kaniyang mga magulang: “Nananalangin ako sa lahat ng panahon at lagi kong nadarama na si Jehova ay isang tunay na persona.”

Pagpapatuloy sa Iyong Buhay

Ipagpalagay na, pagkatapos ng paghihiwalay, ang mga bagay ay hindi na magiging gaya ng dati. Gayunman, ito’y hindi nangangahulugan na ang iyong buhay ay hindi maaaring maging mabunga at maligaya. Ang Bibliya ay nagpapayo, “Huwag magpatigil-tigil sa inyong gawain.” (Roma 12:11) Oo, sa halip na pahintulutan ang iyong sarili na hindi kumilos dahil sa dalamhati, nasaktan na damdamin, o galit, magpatuloy sa iyong buhay! Makisangkot ka sa iyong gawain sa paaralan. Magkaroon ka ng isang libangan. Magkaroon ng “maraming gawain sa Panginoon.”​—1 Corinto 15:58.

Hindi madaling makayanan ang isang paghihiwalay. Mangangailangan ito ng gawain, determinasyon, at paglipas ng panahon. Subalit sa wakas, ang paghihiwalay ng iyong mga magulang ay hindi na siyang magiging pangunahing bagay sa iyong buhay.

[Larawan sa pahina 23]

Ang pagbabalik sa mga alaala ng dating buhay ay lalo lamang nagpapalumo sa iyo

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share