Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 7/8 p. 8-10
  • Ang Misteryo ay Nalutas!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Misteryo ay Nalutas!
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Kaluluwa​—Ang Pagpapakahulugan ng Bibliya
  • Si Plato at ang Kaluluwa
  • Ang Kaluluwa Ayon sa Bibliya
    Ano ang Nangyayari sa Atin Kapag Tayo ay Namatay?
  • May Epekto sa Iyong Buhay ang Iyong Pagkakilala sa Kaluluwa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Ano ang Kaluluwa?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Mayroon Ka Bang Imortal na Kaluluwa?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 7/8 p. 8-10

Ang Misteryo ay Nalutas!

KARAMIHAN ng mga tao ay nag-aakala na ang kamatayan ay hindi siyang wakas ng buhay ng tao, na pagkamatay ng katawan mayroong patuloy na nabubuhay. Karaniwan na, ito ay inilalarawan bilang isang kaluluwa.

Bilang kasagutan sa tanong na: “Paano natin nalalaman na ang Ruh [kaluluwa] ay umaalis sa katawan kapag ito ay nasa libingan?” ang magasing The Straight Path ay sumasagot: “Ang kamatayan ay wala kundi ang pag-alis ng kaluluwa. Minsang ang kaluluwa ay nakaalis na sa katawan ito ay lumilipat sa Barzakh (ang yugto ng pagkamatay). . . . Ang libingan ay isang imbakan lamang ng mga katawan, hindi ng kaluluwa.” Ito ang mga opinyong Muslim, subalit kaunti lamang ang pagkakaiba nito sa mga turo ng Sangkakristiyanuhan.

Kunin halimbawa, ang dalawang katanungan buhat sa A Catechism of Christian Doctrine, isang publikasyong Britano ng Romano Katoliko na ginagamit sa mga paaralan:

T: “Paanong ang iyong kaluluwa ay katulad ng Diyos?”

S: “Ang aking kaluluwa ay katulad ng Diyos sapagkat ito ay isang espiritu, at walang-kamatayan.”

T: “Ano ang ibig mong sabihin kapag sinasabi mo na ang iyong kaluluwa ay walang-kamatayan?”

S: “Kapag sinasabi ko na ang aking kaluluwa ay walang-kamatayan, ibig kong tukuyin na ang aking kaluluwa ay hindi kailanman maaaring mamatay.”

Bagaman ang mga bata ay maaaring turuang maniwala rito, ang aklat ay hindi nagsisikap na patunayan ang mga sinabing ito.

Gayunman, mayroong mapagkukunan ng impormasyon na nagsasabi sa atin nang tama kung ano nga ba ang kaluluwa. Ang pinagmulang iyan ng impormasyon ay ang Bibliya, ang pinakamatandang aklat na nakikilala ng tao. Baka magulat ka sa kung ano ang sinasabi nito.

Ang Kaluluwa​—Ang Pagpapakahulugan ng Bibliya

Ang Genesis, ang unang aklat ng Bibliya, ay nag-uulat sa atin tungkol sa paglalang sa tao at sa iba pang nabubuhay na nilikha sa ating planeta. Ito’y nasulat sa Hebreo, at sa unang dalawang kabanata, ang salitang “kaluluwa,” isinalin mula sa neʹphesh, ay lumilitaw ng apat na beses; gayunman, minsan lamang ito tumukoy sa tao.a Sa ano tumutukoy ang iba pang paglitaw nito? Tingnan natin.

“At nilikha ng Diyos ang malalaking hayop sa dagat at ang bawat nabubuhay na kaluluwa [neʹphesh] na gumagalaw, na ibinukal na sagana ng tubig ayon sa kani-kaniyang uri, at ang lahat na may pakpak na ibon ayon sa kani-kaniyang uri.”​—Genesis 1:21.

“At sa bawat mabangis na hayop sa lupa at sa bawat ibon sa himpapawid at sa bawat nagsisiusad sa ibabaw ng lupa na may buhay bilang isang kaluluwa [neʹphesh] ay ibinigay ko ang lahat ng sariwang pananim bilang pagkain.”​—Genesis 1:30.

“At nilalang ng Diyos na Jehova sa lupa ang lahat ng hayop sa parang at ang lahat ng ibon sa himpapawid, at pinagdadala sa lalaki upang maalaman kung ano ang itatawag ng lalaki rito; bawat nabubuhay na kaluluwa [neʹphesh], yaon ang naging pangalan niya.”​—Genesis 2:19.

Ang madaling paghahambing sa tatlong mga talatang ito ay nagpapakita na ang neʹphesh ay ginamit upang ilarawan ang lahat ng uri ng buhay hayop.

Ngayon ihambing natin ito sa ulat ng paglalang ng unang tao, si Adan:

“At nagpatuloy ang Diyos na Jehova na anyuan ang tao mula sa alabok ng lupa at hingahan ang kaniyang mga butas ng ilong ng hininga ng buhay, at ang tao ay naging isang kaluluwa [neʹphesh] buháy.”​—Genesis 2:7.

Nagkukomento tungkol dito, ang Jewish Publication Society of America, sa isang salin ng Torah, ang unang limang aklat ng Hebreong Kasulatan, ay nagsasabi: “Ang Bibliya ay hindi nagsasabi na tayo ay mayroong kaluluwa. Ang ‘nefesh’ [neʹphesh] ay ang tao mismo, ang kaniyang pangangailangan sa pagkain, ang kaniya mismong dugo sa kaniyang mga ugat, ang kaniyang pagkatao.” (Amin ang italiko.) Makatuwiran nga, totoo rin ito sa lahat ng iba pang anyo ng buhay na inilalarawan bilang “kaluluwa.” Hindi sila nagtataglay ng mga kaluluwa. Ang lahat ay mga kaluluwa.”

Si Plato at ang Kaluluwa

Saan, kung gayon, nanggaling ang ideya na ang kaluluwa ay umaalis sa katawan pagkamatay? Ganito ang sabi ng The Jewish Encyclopedia, na binanggit kanina: “Tanging sa pamamagitan ng pakikitungo ng mga Judio sa mga Persiano at sa mga Griego na ang ideyang ito tungkol sa isang humihiwalay na kaluluwa, na mayroong sariling indibiduwalidad, ay nagkaugat sa Judaismo.”

Kahit na maaga sa kasaysayan ng tao, ang mga Ehipsiyo ay naniniwala na ang kaluluwa ng tao ay walang kamatayan at na ito ay maaaring muling dumalaw sa bangkay nito. Sa kadahilanang ito gayon na lamang ang ginagawa ng mga Ehipsiyo upang preserbahin ang kanilang mga patay sa pamamagitan ng pag-eembalsamo rito.

Kapuna-puna, hayagang inaamin ng bagong babasahing Lutherano Aleman na Evangelischer Erwachsenenkatechismus (Ebanghelikong Katekismo para sa mga Maygulang) na ang pinagmulan ng turo na ang kaluluwa ng tao ay walang-kamatayan ay hindi ang Bibliya kundi ang “pilosopong Griego na si Plato (427-347 B.C.) [na] mariing nagsabi na mayroong pagkakaiba sa pagitan ng katawan at ng kaluluwa.” Sabi pa nito: “Hinahamon ng mga teologong Ebangheliko sa modernong panahon ang pagsasamang ito ng mga ideyang Griego at ng Bibliya. . . . Tinatanggihan nila ang paghihiwalay ng tao sa katawan at kaluluwa.”

Ano, kung gayon, ang nangyayari sa kaluluwa ng tao sa kamatayan? Tungkol sa bagay na ito ang ating nakatataas na awtoridad ay ang Bibliya, ang kinasihang Salita ng Diyos. Maliwanag na sinasabi nito: “Nalalaman ng mga buháy na sila’y mamamatay; ngunit kung tungkol sa mga patay, wala silang nalalamang anumang bagay.” (Eclesiastes 9:5) At tungkol naman sa “isang pagkabuhay-muli,” sabi ni Jesus: “Lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang [kay Jesus] tinig at magsisilabas.”​—Juan 5:28, 29.

Kaya nasaan ang mga patay? Nasa libingan, “nasa alaalang libingan,” yaong ay, nasa alaala ng Diyos at naghihintay ng isang pagkabuhay-muli.b Isang pagkabuhay-muli? Ano ang ibig sabihin niyan? Gaano katotoo ang pag-asang iyan? Ang panghuling artikulo tungkol sa isang malungkot na sakuna kamakailan sa Inglatera ay nagpapakita kung paano maaaring maging totoo ang pag-asang ito.

[Mga talababa]

a “Mga kaluluwa,” pangmaramihan, ay lumilitaw rin sa Genesis, kabanata 1, mga talatang 20 at 24.

b Ang katekismong Lutherano ay sumasang-ayon sa Bibliya sa pagsasabi: “Yamang ang tao sa kabuuan ay isang makasalanan, samakatuwid sa kamatayan siya ay lubusang namamatay na kasama ang katawan at kaluluwa (ganap na kamatayan). . . . Sa pagitan ng kamatayan at ng pagkabuhay-muli ay mayroong agwat; ang indibiduwal ay nagpapatuloy sa kaniyang pag-iral sa alaala ng Diyos.”

[Kahon sa pahina 8]

Alam Mo Ba?

Saanman sa Bibliya ay wala tayong mababasa tungkol sa isang “kaluluwang hindi namamatay.” Ang mga salitang ito ay hindi kailanman magkaugnay. Ang mga salitang “walang kamatayan o imortal” at “pagkawalang-kamatayan” ay lumilitaw ng anim na beses lamang, ang lahat ay sa mga sulat ni apostol Pablo. Kapag ikinakapit sa mga tao, ang pagkawalang-kamatayan ay inilalarawan bilang isang gantimpala na ibibigay sa 144,000 na tinubos mula sa lupa upang maghari na kasama ni Kristo Jesus sa langit.​—1 Corinto 15:50-54; Apocalipsis 5:9, 10; 14:1-4; 20:6.

[Kahon sa pahina 9]

Aling Awtoridad?

Binibigyan-kahulugan ng The Concise Oxford Dictionary ang “kaluluwa” na gaya ng sumusunod: “Ang espirituwal o di-materyal na bahagi ng tao, na ipinalalagay na nakaliligtas sa kamatayan.” Itinatampok ng kahulugang ito ang bagay na ang ideya ng kabilang buhay sa pamamagitan ng isang “kaluluwa” ay iginigiit pa rin ng relihiyon. Walang awtoridad ang makapagpapatunay nito. Sa kabaligtaran, ang pinakamataas na awtoridad, ang Bibliya, ay nagsasabi: “Ang kaluluwa na nagkakasala​—ito mismo ay mamamatay.”​—Ezekiel 18:4.

[Larawan sa pahina 9]

Ang “kaluluwa” ng isang Ehipsiyong manunulat, inilalarawan bilang isang taong may ulong lawin, sinasabing ‘muling-dinadalaw ang kaniyang bangkay sa libingan’

[Credit Line]

Sa kagandahang-loob ng British Museum, London

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share