“Hindi Ako Natatakot sa Kamatayan!”
ANG siyam-na-taong-gulang na si Christopher Heslop ay isa sa mga Saksi ni Jehova, gaya rin ni Matthew, ang kaniyang 14-anyos na kapatid na lalaki. Ginugol nila ang umaga ng Oktubre, kasama ng kanilang tiyo, tiya, at dalawang pinsan, sa pagbabahay-bahay sa kanilang ministeryong Kristiyano sa Manchester, Inglatera. Kinahapunan, sila ay nagplanong sama-samang mamasyal sa Blackpool, isang kalapit na pamasyalan sa tabi ng dagat. Silang 6 ay kabilang sa 12 katao na namatay kapagdaka sa isang banggaan sa daan, na inilarawan ng pulisya na “isang ganap na pagkalipol.”
Noong gabi bago ang malungkot na sakuna, ang kamatayan ay naging paksa ng pag-uusap sa isang pag-aaral sa Bibliya sa isang kapitbahay na dinaluhan ng pamilya Heslop. “Si Christopher,” sabi ni David, ang kaniyang ama, “ay laging napakamaalalahaning bata. Nang gabing iyon, maliwanag ang pagkakasabi niya tungkol sa isang bagong sanlibutan at sa kaniyang pag-asa sa hinaharap. Pagkatapos, habang ang aming pag-uusap ay nagpatuloy, biglang sinabi ni Christopher: ‘Ang bagay tungkol sa pagiging isang Saksi ni Jehova ay na bagaman masakit ang kamatayan, alam natin na tayo’y magkikita-kitang muli sa lupa balang araw.’ Walang kamalay-malay ang sinuman sa amin na naroroon kung paano magiging di-malilimot ang mga salitang iyon.”
Pagkatapos ng aksidente, ang ulong-balita sa Manchester Evening News ay kababasahan: “Hindi ako natatakot sa kamatayan, sabi ng batang namatay,” at sinipi ng artikulo ang mismong mga salita ni Christopher. Paano may pagtitiwalang makapagsasalita ng gayon ang isang batang siyam na taóng gulang? Ano ang naituro kay Christopher na paniwalaan?
Pagkabuhay-muli—Ang Tiyak na Pag-asa
“Ang nakagugulat na katangian ng unang Kristiyanong pangangaral ay ang pagdiriin nito sa pagkabuhay-muli,” sabi ng New Bible Dictionary. Sabi pa nito: “Ang unang mga mangangaral ay nakatitiyak na si Kristo ay binuhay-muli, at tiyak, bunga nito, na ang mga mananampalataya sa takdang panahon ay bubuhayin ding muli. Ito’y gumawa sa kanila na natatangi sa lahat ng iba pang mga guro ng sinaunang daigdig.”
Ang tunay na mga Kristiyano ay kakaiba rin sa ngayon. Hindi sila nakikitungo sa pilosopyang Griego, na may kasinungaling nagsasabi na ang tao ay isang “kaluluwang hindi namamatay.” Bagkus, sila ay napapatibay-loob ng pahayag ni Jesus na ‘yaong nasa alaalang libingan, pagkarinig ng aking tinig, ay magsisilabas.’ Iyan ang saligan ng Kristiyanong pananampalataya—ang pagkabuhay-muli niyaong mga nasa alaala ng Diyos mula sa kamatayan tungo sa buhay sa isang lupang paraiso.—Juan 5:28, 29; tingnan din ang Gawa 17:31; 1 Corinto 15:14.
Tinuruan ni David Heslop at ng kaniyang asawa, si Ailene, ang kanilang dalawang anak na lalaki ng mahalagang katotohanang ito ng Bibliya at, bunga nito, sila mismo ay nakasumpong ngayon ng malaking ginhawa. “Natural, labis naming pinag-iisipan ngayon ang tungkol sa pagkabuhay-muli,” sabi ni David, “at kung kami’y nanlulumo, na nangyayari pamin-minsan, kaagad naming iniisip ang tungkol sa hinaharap at maunawaan na ang aming kawalan ay pansamantala lamang.” Sabi pa ni Ailene: “Para bang ang minamahal mo ay nandayuhan. Hindi mo alam kung gaano katagal sila mawawala subalit inaasam-asam mo na makita silang muli sa kanilang pagbabalik.
Isang Taimtim na Paanyaya
Nais mo bang ibahagi ang gayong pananampalataya? Hindi mahirap na gawin ang gayon.
Binanggit ng aming panimulang artikulo ang isang surbey kamakailan na isinagawa sa Inglatera. Kapuna-puna, nang ang mga hindi nagsisimba ay tanungin kung aling dako ng pagsamba ang kanilang pipiliin kung magpasiya silang magtungo sa isa nito, 27 porsiyento (ang pinakamalaking bilang) ay tumukoy sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova.
Isa pa, bilang tugon sa katanungan: “Kung talagang nais ninyong malaman ang isang bagay tungkol sa Bibliya, sa Pananampalatayang Kristiyano, atb., sino ang tatanungin ninyo?” 19 porsiyento ang sumagot: Ang mga Saksi ni Jehova.
Saan ka man nakatira, ang mga Saksi ni Jehova ay malulugod na tumulong sa iyo na patibayin ang inyong pananampalataya sa mga turo na nasusumpungan sa iyong Bibliya. Lahat ng mga pulong sa kanilang mga Kingdom Hall at personal na pagtuturo ng Bibliya sa tahanan ay walang bayad na ibinibigay. Bakit hindi kunin ang unang hakbang at lapitan sila? Mabilis na matatamo mo hindi lamang ang ginhawa, kung ang pag-uusapan ay ang kaalaman tungkol sa kamatayan at sa pagkabuhay-muli, kundi gayundin tungkol sa pag-asa sa isang bagong sanlibutan ng katuwiran na doo’y “wala nang kamatayan.”—Apocalipsis 21:4.
[Kahon sa pahina 11]
Pagbabalik Buhat sa Kamatayan?
Nababalitaan natin ang tungkol sa “klinikal na patay” na mga tao na muling nabuhay. Paggaling nila, ang ilan ay nagsasabi na sila ay nagkaroon ng pambihirang karanasan sa ‘kabilang buhay.’ Gayunman, mayroong medikal na paliwanag dito. Ganito ang sabi ng pahayagan sa London, Inglatera, na “The Independent”: “Malamang na ang mga guniguning ito ay nangyayari kapag ang mga tao ay naghihingalo sapagkat ang mga dako ring iyon sa utak ay pinakikilos ng mataas na antas ng carbon dioxide o ng mababang antas ng oksiheno sa sirkulasyon ng dugo.” Sa pagkakamalay, ang mga guniguning ito ay maaaring magbigay ng damdamin ng pagkamatay at muling pagbabalik sa buhay.