Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 7/8 p. 12-15
  • Artipisyal na Katalinuhan—Matalino Nga Ba?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Artipisyal na Katalinuhan—Matalino Nga Ba?
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ba ang Artipisyal na Katalinuhan?
  • Pag-andar ng AI
  • Mayroon bang Anumang Takda?
  • Mga “Grand Master” at ang Dakilang Panginoon
  • Mga Hiwaga ng Utak na Lumilito sa Siyensiya
    Gumising!—1985
  • Kailangan ba ni Junior ang Computer Ngayon?
    Gumising!—1989
  • Cyberattack!
    Gumising!—2012
  • Isang Kapaki-pakinabang na Pantulong sa Pagsasaling-Wika
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 7/8 p. 12-15

Artipisyal na Katalinuhan​—Matalino Nga Ba?

ANG kompetisyon ay matindi. Sa bawat tira at kontratira, ang magkatunggali ay naglalaban sa chessboard. Subalit sila ay hindi pangkaraniwang mga manlalaro ng chess. Sa isang panig ay ang pandaigdig na kampeon ng computer chess na si Cray Blitz. Sa kabilang panig naman ay ang humahamon na si Hitech. Sila kapuwa ay pantanging iprinogramang mga supercomputer, pinaaandar ng magkaibang programa. At sila kapuwa ay may sapat na lakas upang talunin sa laro ang lahat maliban sa magagaling na mga taong manlalaro ng chess. Sila ay nagtutunggali para sa pandaigdig na kampeonato sa computer.

Sa pangwakas na raun, si Hitech ang nakakalamang, gaya ng inaasahan ng lahat. Kailangan lamang nito ng isang tabla upang manalo. Subalit sa pagtataka ng lahat, hindi napansin ni Hitech ang tusong tira ni Cray Blitz. Walang anu-ano, si Cray Blitz ay lumamang at tinalo si Hitech pinananatili ang pandaigdig na kampeonato nito!

Ang mga kuwentong gaya nito ay tila nag-iiwan sa ilang tao na maging asiwa. Sa paano man nakakanerbiyos malaman na ang mga computer ay humuhusay nang humuhusay kaysa karamihang mga tao sa paglalaro ng chess, sa pagsagot sa mga palaisipan, o sa pagpapatunay sa mga pormula sa matematika; na may mga robot na nakaririnig, nakakakita, at nakapagsasalita pa nga; o na sinasangguni ng mga doktor ang mga computer para sa mga opinyon tungkol sa paggamot o rikonosi. Nagkakatotoo ba ang kathang-isip ng siyensiya? Ang mga computer ba ay naging napakatalino anupa’t hindi na magtatagal at sila na ang magiging mga panginoon ng daigdig?

Ang gayong mga pagkabahala ay makatuwiran lamang sapagkat normal na iniuugnay natin ang mga gawaing gaya ng paglutas sa problema at paggamit ng wika sa katalinuhan. Hindi natin inaasahan na gagawin ng mga makina ang mga bagay na ito​—kahit na ng mga computer​—sapagkat ang ordinaryong mga computer ay wala kundi mabilis na tagaproseso ng impormasyon na tumutugon sa mga utos. Subalit ang mga computer na gaya ni Hitech at ni Cray Blitz ay hindi pangkaraniwan. Upang ilarawan kung ang sinisikap nilang gawin ng gayong mga sistema sa computer, inimbento ng mga siyentipiko ang katagang “artificial intelligence,” o AI. At ang kanilang mga sinabi at mga inihuhula para sa mga makinang ito ay hindi nakatulong upang pahinahunin ang pagkaasiwa.

Noong 1957 si Herbert Simon, na tumanggap ng gantimpalang Nobel, ay humula: “Sa loob ng 10 taon isang digital na computer ang magiging pandaigdig na kampeon sa chess.” Kamakailan lamang, ang siyentipiko sa computer na si Harvey Silverman ng Brown University sa Providence, Rhode Island, ay nagsabi na “sa loob lamang ng ilang taon inaasahan namin na makagawa ng [isang computer] na magkakaroon ng talasalitaan ng 5,000 salita at makauunawa sa karamihan ng mga pag-uusap sa payak na Ingles.” Tunay, nagiging lipas na ba ang isip ng tao?

Ano ba ang Artipisyal na Katalinuhan?

Ang mangatuwiran, umunawa, alamin ang kahulugan, pakitunguhan ang di-pamilyar na mga kalagayan, at magpasiya​—ang mga bagay na ito ay karaniwang iniuugnay sa isip ng tao. Ang kakayahan na gawin ang mga ito ang marami pang ibang atas ay katalinuhan. Sapol noong ika-17 siglo, napapangarap na ng mga siyentipiko ang isang “makinang nakapag-iisip” na maaaring lumutas ng matematikal at lohikal na mga problema. Gayunman, pagdating lamang ng elektronikong computer noong kalagitnaan ng 1950’s na ang pangarap na iyon ay nagkatotoo.

Karamihan sa atin ay pamilyar sa kakayahan ng computer na mabilis na mag-imbak, kunin muli, at iproseso ang maraming impormasyon. Dahil dito, ang mga computer ay ginagamit sa accounting at bookkeeping; sa pag-aayos ng mga salansan, mga katalogo, mga indise, at iba pa. Sa mga operasyong ito, ang impormasyon ay ipinoprograma sa memorya ng computer, at ang computer ay binibigyan ng isang set ng mga instruksiyon, o programa, sa kung ano ang gagawin sa impormasyon. Sa isang computer na ginagamit sa accounting, halimbawa, ang makina ay maaaring iprograma upang iproseso ang lahat ng impormasyon sa katapusan ng buwan upang gumawa ng mga kuwenta at mga ulat ng lahat ng kuwenta.

Mangyari pa, nangangailangan ng isang uri ng katalinuhan upang gawin ang klase ng trabaho na inilarawan. Gayunman, totoo na ang gayong mga sistema ay sumusunod lamang sa isang itinakdang set ng mga hakbang, na tinitiyak ng mga tao, hanggang sa matapos ang trabaho. Kung mayroong nawawala o nagkamali sa panahon ng pagtakbo nito, ang makina ay humihinto at naghihintay ng higit na mga instruksiyon mula sa taong nagpapatakbo nito. Ang gayong mga makina ay masasabing mahusay subalit hindi matalino. Gayunman, ang mga computer na may artipisyal na katalinuhan ay kakaibang klase.

Pangunahin na, ang artipisyal na katalinuhan ay isang set ng mga instruksiyon, o mga programa, na nagsisikap pangyarihin ang isang computer na lutasin sa ganang sarili ang mga problema​—gaya ng paglutas ng tao sa mga problema. Sa isang paraan, sa halip na sundin ang isang detalyado, hakbang-hakbang na pamamaraan na hahantong sa solusyon, nilulutas ng computer ang problema sa pamamagitan ng mga pagsubok hanggang sa makuha ang tamang sagot. Ang resulta ng bawat pagsubok ay sinusuri at ginagamit bilang saligan sa paggawa ng susunod na pagsubok.

Ang simulaing ito ay maaaring magtinging payak sa ganang sarili, ngunit kapag ito ay ikinapit sa tunay-sa-buhay na mga kalagayan, ang mga bagay-bagay ay maaaring maging napakasalimuot. Bakit? Sapagkat iilang bagay sa tunay na buhay ay kasimpayak na gaya ng oo o hindi, itim o puti. Bagkus, ang lahat ng bagay ay punô ng iba’t ibang kahulugan at tusong mga implikasyon. Halimbawa, kung ang isang medikal na pamamaraan ay irirekomenda lamang para sa mga pasyenteng mahigit na anim na taóng gulang, kumusta naman ang tungkol sa isang bata na limang taon at siyam na buwan ang edad? Ang gayong mga pasiya ay higit pa sa maaaring pangasiwaan ng mga computer sa ngayon. Gayunman, kung ang larangan ng pagkakapit ay natatakdaan, ang AI ay maaaring matagumpay na magagamit.

Halimbawa, nasasangkapan ng artipisyal na katalinuhan, natalo ni Hitech ang ilan sa mas mahusay na mga manlalaro ng chess sa ganang sarili, nang walang anumang panlabas na pamamatnubay o pakikialam ng tao. Subalit paano nito ginagawa ito? Maingat na sinusuri ng computer ang tira ng katunggali, pagkatapos ay hinahanap ang libu-libong posisyon sa memorya nito upang may maitira na babawas sa potensiyal na panalo ng kalaban. Upang gawin ito, sinusuri nito ang 175,000 mga posisyon sa chess sa bawat segundo, o mahigit na 30 milyong posisyon sa tatlong minuto na kinakailangan upang gumawa ng tamang tira.

Pag-andar ng AI

Bagaman si Hitech ay magaling sa chess, ito ay ganap na walang kaya sa iba pang laro o gawain. Ito’y dahilan sa ang Hitech ay iprinograma lamang upang maglaro ng chess. Ang memorya nito ay inimbakan ng maraming-maraming impormasyon tungkol sa mga tira sa chess at ng hakbang-hakbang na mga instruksiyon na nagpapangyari ritong “mag-isip” sa lohikal na paraan. Sa ibang pananalita, kung paglalaro ng chess ang pag-uusapan, si Hitech ay isang eksperto. At iyan nga ang tawag ng mga siyentipiko sa computer sa mga aparato na gaya ni Hitech​—ekspertong sistema.

Ang isang ekspertong sistema ay pangunahin nang isang computer na inimbakan ng isang malawak na kalipunan ng impormasyon sa isang partikular na larangan. Kasama nito, ito ay iprinograma sa gayong paraan anupa’t maaari nitong patnubayan ang gumagamit nito sa tamang impormasyon na kailangan niya sa pinakakaunting panahon at pagsisikap. Karaniwang ginagawa ito nito sa pamamagitan ng isang set ng mga tuntuning kung-kung gayon: Kung totoo ang isang kalagayan, kung gayon ang isang tiyak na pagkilos ay dapat na sundin. Ang gumagamit ay “nakikipagtalastasan” sa ekspertong sistema sa pamamagitan ng isang keyboard at video screen o ng iba pang aparato. Ang imbakan ng impormasyon at ang paraang kung-kung gayon ay nagbibigay sa gayong ekspertong sistema ng katalinuhan​—artipisyal na katalinuhan.

Sa ngayon ang mga ekspertong sistema ay ginagamit sa iba’t ibang bahagi ng medisina, disenyo sa computer, paghahanap ng mineral, accounting, pangangasiwa sa pamumuhunan, paglakbay sa kalawakan, at iba pa. Ang mga siyentipiko sa computer ay gumagawa ng ekspertong mga sistema na maaaring magproseso hindi lamang ng isang kung-kung gayon na kalagayan sa isang panahon, kundi maraming gayong mga gawain nang sabay-sabay, gaya ng ginagawa ng isip ng tao. Ginagawa na rin ang mga sistema na maaaring “makakita,” “makarinig,” at “makapagsalita,” kahit na sa limitadong paraan. Ang lahat ng ito ay nagpangyari ng pagkabahala sa ilang pangkat. Ang mga computer kaya ay maging kasintalino, o maging mas matalino pa nga, sa tao?

Mayroon bang Anumang Takda?

Ang nagawa ng mga siyentipiko sa ekspertong mga sistema sa computer ay tunay na kahanga-hanga. Gayunman, nananatili pa rin ang mahalagang katanungan: Talaga bang matalino ang mga sistemang ito? Ano ang masasabi natin, halimbawa, sa isang tao na mahusay maglaro ng chess subalit wala nang iba pang kayang gawin o matutuhan? Maaari kaya natin siyang ituring na matalino? Tiyak na hindi. “Ang isang matalinong tao ay natututo ng isang bagay sa isang larangan at ikinakapit ito sa mga problema sa ibang larangan,” sabi ni William J. Cromie, ehekutibong direktor ng Council for the Advancement of Science Writing. Narito kung gayon ang problema tungkol sa bagay na ito: Ang mga computer kaya ay magagawang maging kapantay ng talinong masusumpungan sa mga tao? Sa ibang salita, talaga bang maaaring gawing artipisyal ang katalinuhan?

Hanggang sa ngayon, wala pang siyentipiko o mga inhinyero sa computer ang nakaabot sa tunguhing iyan. Sa kabila ng hula tungkol sa mga computer na naglalaro ng chess, na ginawa mahigit na 30 taon na ngayon ang nakalipas, ang pandaigdig na kampeon ay isa pa ring tao. At sa kabila ng pag-aangkin na ang mga computer ay maaari nang umunawa ng mga pag-uusap sa Ingles o sa ibang katutubong mga wika, ito ay nananatili pa rin sa panimulang antas. Oo, wala pang natututo kung paano gagawa ng katangian na patakarang panlahat sa isang computer.

Kunin halimbawa, ang wika. Kahit na sa payak na pananalita, libu-libong mga salita ay pinagsasama-sama sa milyun-milyong mga kombinasyon. Upang maunawaan ng isang computer ang isang pangungusap, dapat ay kaya nitong suriin ang lahat ng posibleng mga kombinasyon ng bawat salita sa pangungusap nang sabay-sabay, at dapat ay mayroon itong maraming-maraming tuntunin at mga kahulugan na nakaimbak sa memorya nito. Higit pa ito sa kung ano ang magagawa ngayon ng kasalukuyang mga computer. Gayunman, kaya kahit na ng isang bata ang lahat ng ito, at nauunawaan pa ang iba’t ibang kahulugan ng mga salitang binigkas. Nauunawaan niya kung baga ang nagsasalita ay mapagkakatiwalaan o di-tapat, kung baga ang isang pangungusap ay dapat intindihin nang literal o bilang isang biro. Hindi kaya ng computer ang mga hamon na ito.

Gayundin ang masasabi tungkol sa ekspertong mga sistema na may kakayahang “makakita,” gaya ng mga robot na ginagamit sa paggawa ng mga awto. Ang isang adelantadong sistema na may tatlong-dimensiyonal na paningin ay kumukuha ng 15 segundo upang makilala ang isang bagay. Kumukuha lamang ng isang ikasampung-libo ng isang segundo upang gawin ng mata at utak ng tao ang gayunding bagay. Ang mata ng tao ay may likas na kakayahang makita kung ano ang mahalaga at salain ang mga hindi mahalaga. Ang computer ay basta binabaha ng mga detalye na “nakikita” nito.

Kaya, sa kabila ng mga pagsulong at mga pangako ng katayuan ng sining sa AI, “karamihan ng mga siyentipiko ay naniniwala na ang mga sistema sa computer ay hindi kailanman magkakaroon ng malawak na katalinuhan, pangganyak, kasanayan, at pagkamapanlikha na taglay ng mga tao,” sabi ni Cromie. Gayundin naman, ang kilalang manunulat sa siyensiya na si Isaac Asimov ay nagsabi: “Duda ako na kailanma’y mapapantayan ng computer ang intuwisyon at pagkamapanlikha ng kahanga-hangang isip ng tao.”

Isang pangunahing hadlang sa pagtatamo ng tunay na artipisyal na katalinuhan ay ang bagay na walang siyentipiko o inhinyero sa computer ang lubusang nakauunawa sa kung paano talaga gumagana ang isip ng tao. Walang nakakaalam sa eksaktong kaugnayan sa pagitan ng utak at ng isip o kung paano ginagamit ng isip ang impormasyong nakaimbak sa utak upang gumawa ng isang pasiya o lutasin ang isang problema. “Sapagkat hindi ko nalalaman kung paano ko ginagawa [ang ilang bagay sa pamamagitan ng aking isipan], hindi ko maaaring iprograma ang isang computer na gumawa ng kung ano ang ginagawa ko,” sabi ni Asimov. Sa ibang pananalita, kung walang nakakaalam kung ano nga ba ang katalinuhan, papaano nga ito mailalagay sa isang computer?

Mga “Grand Master” at ang Dakilang Panginoon

Mga dakong huli ng ika-18 at maaga noong ika-19 na siglo, tuwang-tuwa ang mga manonood buhat sa lahat ng dako sa isang makinang nakapaglalaro ng chess sa pamamagitan ng pagtalo sa mga humahamong tao, pati na ang kilalang mga tao na gaya Maria Theresa, Edgar Allan Poe, at Napoléon Bonaparte. Sa wakas, ang makina ay inilantad na huwad. Mayroong tao sa loob nito!

Mayroon ding tao sa loob ng makinang naglalaro ng chess sa ngayon; kaya lamang siya ay mas natatago. Siya’y walang iba kundi ang tagaprograma, na siyang may pananagutan sa pag-iimbak sa computer ng lahat ng mga tuntunin sa paglalaro ng chess at ng lahat ng direksiyon sa kung paano gagamitin ang mga ito upang malabanan ng computer ang mga grand master sa ganang kaniyang sarili.

Totoo rin ito sa lahat ng iba pang ekspertong mga sistema at sa lahat ng mga nagawa sa larangan ng AI. Ang karangalan ay dapat mapunta sa mga siyentipiko at mga inhinyero na nagdisenyo sa mga ito. Sa gayunding paraan, kanino natin dapat ibigay ang papuri para sa tunay na katalinuhan ng isip ng tao? Dito dapat nating hiramin ang mga salita ni Haring David ng sinaunang Israel nang siya’y naudyukang magsabi sa Maylikha, ang Diyos na Jehova, sa makatang paraan: “Pupurihin kita sapagkat kagila-gilalas ang pagkakagawa sa akin sa kakila-kilabot na paraan. Kamangha-mangha ang iyong mga gawa, gaya ng nalalamang mabuti ng aking kaluluwa.”​—Awit 139:14.

[Kahon sa pahina 13]

“Gayunman, ang katotohanan ay nananatili na ang mga kakayahan ng computer at ng tao ay waring magkaiba at, sa malapit na hinaharap, walang robot na tulad-tao ang malamang na lumitaw.”​—Computers and Society, pahina 14.

[Larawan sa pahina 15]

Nauunawaan kapuwa ng bata at ng computer ang wika sa iba’t ibang antas, subalit nahahalata ng bata ang mga intensiyon, ang pagiging maaasahan, at ang mga damdamin ng tao

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share