Pagmamasid sa Daigdig
Ginagamit ang Talino Upang Pumatay
Ang mga siyentipiko ng E.U. ay nakagawa ng isang 1.5-metro-ang-haba na hugis-sinsel na missile na maaaring bumaon sa lupa bago isagawa ang pagsabog na gumagawa ng mga pagyanig sa ilalim ng lupa na sampung ulit na mas malakas kaysa kung ang bomba ring iyon ay pinasabog sa himpapawid. Nag-uulat tungkol sa siyentipikong tuklas na ito, ang The Observer ng London, Inglatera, ay nagsasabi: “Ang mga lider ng daigdig na nasa mga kublihang hukay sa ilalim ng lupa na nagbabalak huwag makibahagi sa isang digmaang nuklear ay masisindak.” Kaya ang paggamit ng tao ng kaniyang talino upang patayin ang kaniyang kapuwa ay nagpapatuloy hanggang sa wakasan ng Diyos ang sistemang ito at ‘patigilin ang mga digmaan hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa.’—Awit 46:9.
Mga Bateriyang Plastik
Ang tradisyunal na mga plastik ay karaniwang ginagamit sa pag-iinsula ng kuryente. Subalit isang bagong plastik, gawa mula sa organikong mga kemikal na kilala bilang polypyrolles, ay mayroong katutubong elektro-kemikal na mga katangian. Dahil sa elektrikal at thermal na mga katangian na kahawig niyaong sa tanso, mayroon itong karagdagang bentaha ng pagiging madaling hubugin at maaaring banatin nang doble ng haba nito. Ang kompaniya ng BASF sa Kanlurang Alemanya, na sa mga laboratoryo nito natuklasan ang materyal, ay nagbabalak nang magbili ng isang bateriya na kasinlaki ng isang postcard at tatlong ulit lamang ng kapal nito. Kabilang pa sa mga gamit sa hinaharap ay ang mga kaha ng kamera na magiging kinaroroonan ng bateriya at mga sisidlan ng pagkain na mayroong sistema ng pag-iinit-sa-sarili o isa na maisasaksak sa kuryente. Ang ulat sa The Times ng London ay nagpapanukala na ang mga computer at mga kagamitang elektroniko ay maaaring umandar sa dakong huli sa ilalim ng mga kalagayan na imposible sa ngayon, dahil sa kakayahan ng plastik na kumilos sa isang malaking pagitan ng mga temperatura.
Takot sa Gagamba
“Hindi ko tinututulan na ako ang may kagagawan ng aksidente,” sabi ng isang binatang ahente sa Berkshire, Inglatera. “Subalit kung hindi dahil sa gagamba ay hindi ito nangyari,” Sang-ayon sa Daily Mail, sinabi niya na isang malaki’t mabalahibong gagamba ang bumaba mula sa bubungan ng kotse ng ahente, patungo sa manibela. Sa pagsisikap niyang alisin ito, ang tsuper, na nagsasabing mayroong minanang takot, takot sa mga gagamba, ay nawalan ng kontrol at bumangga sa kasalubong na sasakyan. Gayunman ang mga hukom, na medyo naawa, ay nagpataw ng multang £60 ($100, U.S.) dahil sa walang-ingat na pagmamaneho.
Pagpapainit at Tradisyon
Para sa maraming taga-Kanluran karaniwang bagay na lamang ang pagbubukas ng isang radyetor sa taglamig. Gayunman, hindi gayon ang kalagayan sa Hapón. Kakaunting mga Hapónes ang mayroong central heating sa kanilang mga tahanan. Sa katunayan, “mahigit na 60 porsiyento ng bagong mga tahanan ay hindi nasasangkapan ng mga sistema sa pagpapainit,” ulat ng babasahing Pranses na L’Express. Ang dahilan? “Inilalagay ng mga tradisyong pangkultura ang pagtitiis sa isang pedestal.” Kaya, sa Kanluraning mga bansa ang mga silid ay iniinit, samantalang sa Hapón, ang ilang bahagi lamang ng katawan ang iniinit (bagaman ang mga pasilidad at mga tanggapang pampubliko ay mayroong pampainit). Yaong mga talagang giniginaw ay nagsusuot ng mga tsinelas na ang mga suwelas ay iniinit sa kuryente, o sila’y namamaluktot sa mga alpombrang iniinit ng kuryente.
Pagdaraya sa Kompiyansa
Isang 61-anyos na lalaki sa Cannes, Pransiya, ay inaresto kamakailan at pinaratangan ng panggagantso sa marami sa kaniyang mga kababayan. Siya’y kumita ng £2,000,000 sa pagbibenta sa pamamagitan ng pagpidido sa koreo ng kasinlaki-ng-palma na ginintuang piramide, sinasabing “ang lakas na nagmumula rito ay makikipag-ugnayan sa dakilang lakas ng kosmiko na namamahala sa daigdig.” Yaong bumili ng iba pa niyang produkto, ang tinatawag na Lampara ni Aladdin, ay sinabihang “tumayo sa isang madilim na silid, na nakaharap sa timog, at sumigaw ng walang saysay na mga salita” upang magtamo ng “walang kapantay na mga kayamanan,” ulat ng Sunday Times ng London. Sang-ayon sa pulisya, ang ginintuang piramide sa katunayan ay tira-tirahang metal.
Nahahalina kay Bach
Ang palakaibigang mga dolphin ay nagiging lalo pang palakaibigan sa tulong ng klasikal na musika, sabi ng mananaliksik na si Dan Wagner. Ginagamit ang isang hydrophone na ibinaba sa Atlantic Ocean hilaga ng Bahamas, nasumpungan ni Wagner na ang maiilap na dolphin ay nagkakaroon ng reaksiyon sa musika sa pamamagitan ng ‘paglangoy patungo sa kaniya at hinahayaan nila siya na kilitiin ang kanilang mga tiyan,’ ulat ng New York Post. Napansin din na samantalang sila’y tumutugon sa iba pang uri ng musika, “waring naiibigan nila si Bach, at ang Rampal [ni Jean Pierre] sa plauta.” Sabi ni Wagner, “Lulukso sila sa tubig dahil diyan.”
“Mga Larawan” para sa Bulag
“Sa ibang tao, ang ideya na paggawa ng mga ilustrasyon sa mga aklat para sa bulag ay para bang katulad ng pagkatha ng musika para sa bingi,” sabi ng isang report sa Sentinel ng Orlando, Florida. Datapuwat gayon ang ginagawa ng isang imprentahan sa California. “Inaasahan ng mga batang may paningin ang mga larawan sapagkat lahat ng mga aklat ng bata ay mayroon nito,” sabi ng tagapagtatag na si Jean Norris. “Ngunit kung ang isang batang bulag ay nagbabasa ng isang kuwento sa Braille tungkol sa ibon, paano maaaring mailarawan ang isang bagay na hindi kailanman nakita ng bata?” Upang mapagtagumpayan ang problemang iyan, ang kompaniya ni Norris ay gumagawa ng mga aklat na naglalaman ng “mga drowing—parang plastik na bas-topographical maps—na idinisenyo taglay sa isipan ang mga bata, at mausisang mga daliri.” Sa pamamagitan nito, ang mga batang bulag ay matutulungang makilala ang mapagkikilanlang mga katangian ng mga hayop at mga bagay. Minsang matutuhan nilang bigyang-kahulugan ito, sinasabing sila’y nagkakaroon ng higit na kasiyahan mula sa mga larawan na gaya ng mga taong paningin.
Mga Alagang Hayop sa Video
Magkaroon ng isang alagang hayop nang hindi na ito pinakakain, ipinapasyal, o nililinis ang dumi nito? Iyan ang iniaalok ngayon ng mga gumagawa ng videotape. Sang-ayon sa magasing Time, ipinagbibili ito ng isang kompaniya sa halagang $20 ang isa. Ang mga tape na ito ay nagbibigay ng “mayamang karanasan ng pagmamay-ari ng iyong sariling alagang hayop nang walang gulo at abala na gaya ng tunay na alagang hayop.” Hindi lamang nakikita ng may-ari ang kaniyang alagang hayop sa iskrin ng TV, kundi maaari rin niya itong utusan. Ang videotape ay interactive, at ang hayop ay “ ‘tumutugon’ sa ilang utos (kapag ibinibigay ayon sa patiunang isinaayos na pagkakasunud-sunod).” Ano pa ang susunod? “Mayroon nang Video Baby,” pahayag ng Time.
‘Sa New York Lamang’
“Maaari lamang itong mangyari sa New York,” sabi ng New York Post. “Isang bisita buhat sa Boston ang sinalakay ng isang ‘babae’ ” na “ipinasok ang kaniyang kamay sa bulsa ng lalaki at sinunggaban ang kaniyang pera.” Nagkagulo. “Sa kaniyang pagtataka, ang peluka ng sumalakay sa lalaki ay nahulog at, sa kabila ng make-up at hikaw, nalaman ng lalaki na ang ‘babae’ na sumalakay ay isang ‘lalaki.’ ” Dalawang pulis sakay ng kotseng may radyo ang dumating, nilagyan ng posas ang salarin, at pinaupo siya sa likuran ng kanilang kotse. Dumudura, nagmumura, at humihiyaw, siya ay nagkulong sa loob. Nang mabuksan ng mga pulis ang pinto, sinabi niyang siya’y may AIDS at pinagbantaang kagatin sila. Kaya ang mga pulis ay tumawag ng isang trak na hihila at ipinahila ang kotse ng pulis, na ang pinaghihinalaan ay nasa loob pa rin, hanggang sa istasyon ng pulisya.
Mapaghiganting Tin-edyer
Nangangamba ang maraming maninirahan sa isla ng Guernsey sa English Channel. Ayon sa isang report sa South China Morning Post, isang 18-anyos na babaing Pranses na mayroong ang nagsabing siya’y natulog na kasama ng iba’t ibang mga lalaki bilang paghihiganti sapagkat siya’y nahawa sa virus nito. Ang babae ay sinasabing seksuwal na nakipagtalik sa “hindi naghihinalang mga lalaking mag-aaral, sa mga mangingisda roon at sa mga lalaking may-asawa” nang hindi isinisiwalat na siya ay isang tagapagdala ng AIDS. Ang nakamamatay na sakit ay sinasabing makikita sa apat sa 51,000 maninirahan ng isla.
Tubig ang Pinakamagaling
Ano ang dapat mong inumin upang mapatid ang iyong pagkauhaw sa tag-araw? Ang tubig ang pinakamagaling, sabi ng mga dalubhasa. Ang mga inumin na matamis at mga katas ng prutas, dahil sa nilalaman nitong asukal (likas o idinagdag), ay pinararami ang pangangailangan ng katawan para sa tubig. Ang gatas at ang iba pang dairy-product na mga inumin ay talagang mga pagkain—karaniwang mataas sa asukal, proteina, at taba upang mapatid ang uhaw. Ang mga inuming may alkohol o caffeine ay nakapagpapaihi at pinapangyari ang katawan na maubusan ng tubig. Paano mo masasabi kung kailan nangangailangan ng tubig ang iyong katawan? Maaari mong tingnan ang iyong ihi. Malibang ito’y nakulayan ng ilang pagkain na kinain o ng ilang bitamina o gamot, ito ay dapat na mapusyaw na dilaw. Ang mas matingkad na kulay ay nagpapahiwatig ng pagtining at ang pangangailangan na palitan ang tubig at paginhawain ang mga bato.