Pagmamasid sa Daigdig
Di-Orthodoxong Paggawi
Isang paring Griego Orthodoxo ang dinakip noong nakaraang taglagas sa isang operasyon ng pamahalaang pederal ng E.U. laban sa pandaraya dahil sa pagsuhol sa mga ahente ng Rentas Internas ng kabuuang $500,000 “bilang kapalit ng pag-aalis ng $2.1 milyon sa kita, inaawas sa buwis, payroll, kita ng korporasyon at pagkakautang [niya] at ng 30 iba pa sa buwis ng walang trabaho,” ulat ng Tax Analysts ng Arlington, Virginia. Bagaman ang klero ay sumang-ayon noong una na makipagtulungan sa mga imbestigasyon ng pamahalaan, siya ay hinatulan ng Hukom Pandistrito ng E.U. na si Richard Owen na “karaka-rakang ikulong pagkatapos niyang malaman . . . na nilabag ng pari ang kaniyang kasunduan sa pamahalaan sa pamamagitan ng hindi pag-amin sa lahat ng perang kinita niya,” sabi ng Tax Analysts. Sang-ayon sa ulat, sinuhulan ng pari ang ahenteng nagsasagawa ng lihim na imbestigasyon “sa santuwaryo ng Simbahang Griego Orthodoxo na St. Gerasimos” sa New York samantalang nakasuot ng kaniyang kasuotang pari.
Pinakahuling Balita Tungkol sa AIDS
Tinataya ngayon ng mga mananaliksik na “kasindami ng isa sa bawat 5000 katao na naooperahan sa E.U. ay maaaring nahawaan ng virus ng AIDS mula sa maruming dugo na nakalusot sa paraan ng pagsusuri,” ulat ng New York Post. Gayunman, ang salik na panganib ay lubhang dumarami sa mga dako na gaya ng New York kung saan ang AIDS ay pangkaraniwan. Sa gayong mga kaso, “isa sa bawat 500 katao na nangangailangan ng maraming ipinagkaloob ng dugo,” sabi ng Post, ay nanganganib na magkaroon ng virus ng AIDS. Ang dahilan, sang-ayon sa mananaliksik na si Dr. Allan Salzberg, ay ang kawalang-kakayahan ng kasalukuyang mga pagsubok upang mapansin ang lahat ng nahawaang dugo sa panahon ng pagsusuri. Ang mga antibody sa virus ay kadalasang hindi lumilitaw sa dugo sa loob ng ilang linggo pagkatapos na mahawaan ng isang tao, at ang nahawaang tao ay maaaring magkaloob ng dugo sa panahong iyon.
“Walang Usok” na Anunsiyo ng Sigarilyo
Mga ilang taon na ngayon, karamihan ng mga magasin at mga anunsiyo sa pahayagan na humihikayat ng paninigarilyo ay hindi nagpapakita ng usok na mula sa nakasinding sigarilyo. Sang-ayon sa pahayagang Australyano na The Sydney Morning Herald, nakikita ito ng mga pangkat laban sa paninigarilyo bilang isang kusang mapanlinlang na pag-aanunsiyo yamang ang pagkakita ngayon ng usok ay may negatibong epekto. Bagaman pinawawalang-saysay bilang “propaganda laban sa paninigarilyo” ng mga kinatawan ng kompaniya ng tabako, maliwanag na ipinakikita ng inilimbag na mga anunsiyo ang pagpili sa “mabuting” walang usok na larawan ng isang sigarilyo na nasa labi ng isang matipunong mangangabayo o nasa pagitan ng mga daliri ng may kabataang mga mag-asawa na nagkakatipon sa almusal-tanghalian kung Linggo.
Mga Ministrong Homoseksuwal
Noong nakaraang Agosto, pagkatapos ng mga buwan ng debate, sa isang boto na 205 sa 160 ang mga lider ng United Church of Canada ay bumoto na sang-ayon sa pag-oordena ng mga homoseksuwal para sa ministeryo. Sang-ayon sa Daily News ng New York, tanging “sangkapat ng 4,000 mga ministro ng simbahan at 30,000 ng 860,000 mga membro nito ang lumagda ng isang deklarasyon na sumasalungat sa ordinasyon ng mga homoseksuwal.” Ang Church of Canada ay sinasabing siyang “pinakamalaking denominasyong Protestante ng Canada.”
Mga Aborsiyon sa Isports
Sa kanilang paghahangad para sa mas malakas na pagsasagawa ng katawan sa panahon ng paligsahan, ang mga atletang babae sa ilang bansa ay sadyang nagdadalang-tao at saka nagpapalaglag, ulat ng Sunday Mirror, isang pahayagang Britano. Sang-ayon sa pahayagan, ang gayong pagkilos ay batay sa tuklas na sa unang mga buwan ng pagdadalang-tao, ang lakas ng kalamnan ng isang babae ay lubhang dumarami. Sinasabi ng report na ang mga atletang babae ay hinihimok pa nga ng ibang opisyal ng track and field na magdalang-tao sa pamamagitan ng artipisyal na pagpapasok ng binhi. Si Dr. Risto Erkola, isang dalubhasa sa medisinang pampalakasan na taga-Finland, ay nagsasabi na “ang pagdadalang-tao ay nagiging isang paboritong paraan upang makalamang sa mga kalahok sa paligsahan,” ulat ng Mirror.
Isang Naliligaw na Salinlahi
Ang mga Amerikano sa pagitan ng edad na 18 at 24 ay naliligaw, sa heograpikong paraan. Nang hilinging kilalanin ang 16 na heograpikong mga dako sa isang Gallup surbey kamakailan na kinuha sa gitna ng siyam na industrialisadong mga bansa, sila ang pinakahuli. Ang surbey, na itinaguyod ng National Geographic Society, ay nagsisiwalat na isa sa limang Amerikano na nasa grupong iyon “ay hindi makita ang E.U. sa isang mapa ng daigdig,” ulat ng U.S.News & World Report. Sa mga sinurbey, isa sa apat ang hindi makita ang Pacific Ocean, isa sa lima ang hindi makapagsabi ng isang bansa sa Europa, at isa sa dalawa ang hindi makita ang Estado ng New York sa isang mapa.
Paalisin ang Pastor!
Ano ang maaaring gawin ng hindi nasisiyahang parokya sa bikaryo nito? Ibotong paalisin ang klerigo sa katungkulan, mungkahi ng Nassauer Tageblatt, isang buwanang babasahing Protestante buhat sa Kanlurang Berlin. “Dapat mapaalis ng mga parokyang ito ang isang walang kakayahang pastor o isa na ang mga turo ay huwad,” sabi ng artikulo. Ang mungkahing ito, kung susundin, ay makakaapekto sa 12,600 klerigo na naglilingkod sa 10,600 mga parokya ng Simbahang Lutherano ng Alemanya.
Hudyat ng Pagkagat
Naisip mo na ba kung bakit ang pagpisa sa isang sumasalakay na putakting yellow jacket ay naglalabas ng isang hukbo ng mga kapuwa yellow jacket na nakikisama sa pagsalakay? Sang-ayon sa entomologong si Peter Landolt, ang pagpisa sa isang yellow jacket ay sumisira sa lalagyan nito ng lason at naglalabas ng isang panghudyat na pheromone sa hangin, binibigyang hudyat ang iba pang yellow jacket na sumaklolo, ulat ng Science Digest. Upang suportahan ang kanilang tuklas, sinubok ni Landolt at ng kemikong si Robert Heath ang sintetikong panghudyat na pheromone malapit sa isang pugad ng mga Florida yellow jacket. Iniulat ni Landolt na kasindami ng 500 sumasalakay na mga insekto ang “lumabas ng pugad at nagsimulang mangagat.” Ipinapayo ni Landolt na iwasang pisain ang isang yellow jacket.
Satelayt na Sumusubaybay-Oso
Mula noong 1974 ang sistemang satelayt ng Pranses na Argos ay nakatulong, kabilang sa ibang mga bagay, upang hanapin ang nanganganib na mga naglalayag at upang bantayan ang mga bulkan at ang malalaking tipak ng yelo. Ngayon ang sistema ay tumatanggap ng pambihirang atas na pagsubaybay sa mga osong grizzly ng E.U. “Apat na mga osong grizzly sa timog ng [Glacier National] parke ay nakasuot ngayon ng pantanging mga kulyar na radyo, ang mga frequency ay minomonitor tuwing 101 minuto habang ang isang satelayt ng Pranses na Argos ay dumaraan sa ibabaw,” ulat ng International Herald Tribune. “Iginuguhit ng isang istasyong Pranses ang kinaroroonan ng mga oso mula sa datus ng satelayt, at ihinihahatid ito sa Montana.” Napapansin pa nga ng satelayt ang pagkilos ng ulo ng oso, na nagpapahiwatig kung baga ang hayop ay natutulog o patay.
Nawawalang mga Bata
Ang pagtunton sa nawawalang mga bata ay ginagawang masalimuot ng bagay na habang sila ay lumalaki, ang kanilang mga hitsura ay mabilis na nagbabago. Pagkalipas ng ilang taon, ang matandang mga larawan ay maaaring kaunti lamang ang pagkakahawig sa kasalukuyang hitsura ng bata. Gayunman, ngayon, ang mga siyentipiko sa University of Illinois ay nakagawa ng isang programa sa computer na makagagawa sa loob lamang ng sampung minuto ng isang pinakahuling larawan batay sa 48 kilalang katangian ng mukha. Ang mga tao ay nagkakaedad ayon sa itinakdang genetikong mga katangian. Kaya, sa pamamagitan ng pagpapasok sa computer ng sekso, edad, at lahi ng bata, pati na ang petsa ng makukuhang larawan, isang kahawig na larawan ay maaaring gawin, maliban sa istilo ng buhok, ulat ng The Sunday Times ng London.
Mga Bunga na Mahusay Pumili
Isang tagagawa ng laudispiker sa Hapón ay nakagawa ng isang sistema ng pagpapatugtog ng musika upang palaguin ang mga halaman sa isang hothouse. Ipinaliliwanag ng isang teknisyan na pinasisigla ng musika ang mga halaman na buksan ang kanilang stomata, pagkaliliit na mga butas sa isang dahon na nagpapangyari sa isang halaman na huminga. Gayunman, hindi uubra ang kahit anong musika. Binabanggit ang isang halaman sa India na nalanta nang ito’y ilantad sa madalas na tunog ng dram, ang pahayagang Haponés na Mainichi Shimbun ay nag-uulat na ang mga halaman ay ipinalalagay na madaling tablan ng mabibilis na musika, lalo na ang rock ‘n’ roll. “Ang musika ay dapat na natatakdaan lamang sa klasikal na mga musika,” sabi ng isang sakahán sa Osaka na gumagamit ng musika upang palaguin ang ani nito. Sa paano man ang kanilang mga melon at mga kamatis ay mahusay pumili—sina Mozart, Bach, at Vivaldi ang kanilang paborito.