Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 8/22 p. 4-6
  • Ang Problemang Nuklear

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Problemang Nuklear
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Panawagan Ukol sa Pag-aalis
  • Ang Bomba Bilang Isang Hadlang
  • Digmaang Nuklear—Sinu-sino ang mga Nagbabanta?
    Gumising!—2004
  • Ang Bantang Nuklear—Hindi Pa Tapos
    Gumising!—1999
  • Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Digmaang Nuklear?
    Iba Pang Paksa
  • Digmaang Nuklear—Isang Banta Pa Rin ba Ito?
    Gumising!—2004
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 8/22 p. 4-6

Ang Problemang Nuklear

NAKABITIN sa ibabaw ng isang mabuway na tore noong madaling-araw sa disyerto na New Mexico ang isang tipak ng bilog na metal na tinatawag ng mga tao na Gadget. Sa mga kublihang hukay na siyam na kilometro ang layo, ang mga physicist, kemiko, matematiko, at mga sundalo ay hindi mapakali, sila’y tumitingin sa kanilang mga relo, at nagtatanong kung ang Gadget kaya ay talagang gagana.

Ito nga ay gumana. Mga 15 segundo bago ang alas–5:30 n.u. ang Gadget ay pumutok, inilalabas ang nuklear na enerhiya nito sa isang sangkamilyon ng isang segundo. Ito’y mabilis na lumikha ng isang bolang apoy na maaaring makita mula sa ibang planeta at lumikha ng putok na narinig 300 kilometro ang layo. Ang init ng pagsabog ng Gadget​—mas mainit sa gitna nito kaysa sa gitna ng araw​—ay pinagsama ang buhangin ng disyerto sa isang anilyo ng halos isang kilometrong kulay-jade na radyoaktibong salamin. Ang iba ay sumumpa na ang araw ay dalawang beses sumikat nang araw na iyon.

Noong Agosto 6, 1945, pagkaraan ng 21 araw, winasak ng ikalawang bomba atomika ang Haponés na lunsod ng Hiroshima, sa wakas ay naging dahilan ng kamatayan ng tinatayang 148,000 mga tao. Nagsimula na ang panahong nuklear.

Iyan ay 43 taon na ang nakalipas. Mga sandata na hanggang 4,000 ulit na mas malakas kaysa riyan ang sinusubok. Ang pinagsamang lakas ng lahat ng mga warhead sa daigdig ay tinatayang katumbas ng 20 bilyong tonelada ng TNT​—mahigit na isang milyong ulit ng lakas na pumatay ng bombang inihulog sa Hiroshima!

Panawagan Ukol sa Pag-aalis

Sang-ayon sa isang pag-aaral ng World Health Organization noong 1983, ang isang ganap na malawakang digmaang nuklear ay tahasang papatay sa isang bilyon katao. Ang ikalawang bilyon ay mamamatay sa dakong huli dahil sa pagsabog, apoy, at radyasyon. Ang mga pag-aaral kamakailan ay lalo pang pesimistiko. Mauunawaan, kung gayon, bumangon ang isang panawagan para sa ganap na pag-aalis ng mga sandatang nuklear.

Gayunman, hindi lahat ng mga panawagan para sa pag-aalis ng mga sandatang nuklear ay sa kadahilanang makatao. Ang iba ay nagsasabi na ang mga sandatang nuklear ay may kaunti o walang halaga sa aktuwal na digmaan. Dahil sa kasindak-sindak na lakas nito na pumuksa, tanging ang sukdulang pampagalit ang maaaring bigyang-matuwid sa paggamit nito. Kaya, hindi ito ginamit ng Estados Unidos sa Korea o Viet Nam, at hindi ito ginamit ng mga Britano sa Falklands, ni ginamit man ito ng mga Sobyet sa Afghanistan. Ganito ang sabi ng dating Kalihim ng Depensa ng E.U. na si Robert McNamara: “Ang mga sandatang nuklear ay walang anumang silbi sa militar. Ang mga ito ay lubusang hindi kailangan​—maliban na lamang upang hadlangan ang kalaban sa paggamit nito.”

Sa gayunding paraan, ang mga sandatang nuklear ay walang gaanong silbi bilang isang diplomatikong patpat sa pagbanta o pag-impluwensiya sa iba pang mga bansa. Masasalakay ng mga superpower ang isa’t isa. At kung tungkol naman sa mga kapangyarihang walang sandatang nuklear, kadalasang sila’y napapalakas-loob na suportahan ang mga superpower taglay ang kaunting takot sa nuklear na pagganti.

Sa wakas, nariyan ang halaga. Sang-ayon sa isang pag-aaral na inilathala sa Bulletin of the Atomic Scientists, noong mga taon ng 1945-85 ang Estados Unidos lamang ay gumawa ng halos 60,000 nuklear na mga warhead.a Ang halaga? Halos $82,000,000,000​—napakaraming salapi para sa isang bagay na inaasahan nilang hindi kailanman gagamitin.

Ang Bomba Bilang Isang Hadlang

Ang ideya tungkol sa deterrence (pananatili ng maraming sandata upang hadlangan ang digmaan) ay marahil kasintanda na ng kasaysayan ng digmaan. Subalit sa panahong nuklear, ang deterrence ay nagkaroon ng bagong mga sukat. Ang alinmang bansa na nagbabalak na nuklear na sumalakay ay nakatitiyak ng mabilis at kapaha-pahamak na nuklear na ganti.

Si Heneral B. L. Davis, komandante ng U.S. Strategic Air Command, ay nagsabi: “Isang nakakukumbinsing kaso ay maaaring sabihin na ginawa ng mga sandatang nuklear . . . ang daigdig na isang ligtas na dako. Hindi nito winakasan ang digmaan; libu-libo ang patuloy na namamatay taun-taon sa mga digmaan sa mga bansang nasasangkot. Subalit ang pagkasangkot ng superpower na bansa sa gayong mga digmaan ay maingat na kinakalkula upang iwasan ang tuwirang komprontasyon dahilan sa potensiyal na paglaki ito tungo sa isang malaking digmaan​—nuklear o karaniwan.“

Gayunman, sa alinmang sambahayan na may mga baril, nariyan lagi ang panganib na mayroong di-sinasadyang mabaril. Totoo rin ang simulaing ito sa isang daigdig na punô ng mga sandatang nuklear. Sa gayon ang digmaang nuklear ay maaaring sumabog sa ilalim ng sumusunod na kalagayan:

(1) Isang pagkakamali ng computer o isang maling pagtakbo ng makina na magpapangyaring akalain ng isang bansa na ito ay nuklear na sinasalakay. Ang pagtugon ay maaaring isang nuklear na kontrasalakay.

(2) Ang mga sandatang nuklear ay maaaring makuha ng isang kapangyarihang ekstremista o terorista na maaaring walang gaanong pagpipigil sa paggamit nito kaysa kasalukuyang mga kapangyarihang nuklear.

(3) Ang paglaki ng isang maliit na digmaan sa isang dako kung saan ang mga kapakanan ng mga superpower ay nasasangkot​—gaya niyaong sa Persian Gulf.

Sa kabila ng gayong mga panganib, pinapanatili ng mga bansa ang patakaran ng seguridad sa pamamagitan ng deterrence. Gayunman, sa isang daigdig na nangingilabot sa mga sandatang nuklear, ang mga tao ay hindi tiwasay. Ang pagkakatimbang ng kapangyarihan ay sa katunayan isang pagkakatimbang ng kilabot, isang pagpapatiwakal na kasunduan kung saan ang bilyun-bilyon sa daigdig ay di-sinasadyang lumagda. Kung ang mga sandatang nuklear ay tulad ng tabak ni Damocles, ang deterrence ang hibla ng buhok na pumipigil dito. Ngunit ano kung mabigo ang deterrence? Ang sagot ay totoong nakatatakot isipin.

[Talababa]

a Sapagkat bumababa ang uri ng materyales nuclear, ang matatandang sandata ay kailangang palitan ng bagong mga sandata.

[Kahon sa pahina 6]

ANG LAKAS NG ISANG-MEGATON NA BOMBA

Thermal Radiation (Liwanag at Init): Ang isang pagsabog na nuklear ay lumilikha ng matinding kislap ng liwanag na bumubulag o sumisilaw sa mga tao na malayo sa lugar ng pagsabog​—hanggang 21 kilometro sa araw at 85 kilometro sa gabi sa isang-megaton na pagsabog.

Sa lugar o malapit sa ground zero (ang lugar na tuwirang nasa ilalim ng sumasabog na bomba), ang matinding init ng bolang apoy ay ganap na tinutupok ang mga tao. Sa banda pa roon (hanggang 18 kilometro ang layo), ang mga tao ay dumaranas ng ikalawa -at ikatlong-antas na pagkapaso ng nakalantad na balat. Ang damit ay nasusunog. Ang mga alpombra at muwebles ay nagliliyab. Sa ilalim ng ilang kalagayan, nagkakaroon ng napakainit na bagyo ng apoy, nilalamon ang mga tao sa isang impierno.

BUGSO NG HANGIN: Ang nuklear na bugso ay lumilikha ng hangin na sinlakas ng unos. Malapit sa lugar ng pagsabog, ganap ang pagkawasak. Sa banda pa roon, ang mga tao na nasa mga gusali ay nadaganan ng bumabagsak na bubong o dingding; ang iba ay nasusugatan o napapatay ng lumilipad na mga labi at mga muwebles. Ang iba naman ay hindi makahinga dahil sa makapal na alikabok ng nadudurog na mga argamasa o laryo. Ang matinding presyon ng hangin ay nagiging dahilan ng pagkabasag ng tainga o pagdurugo ng mga bagà.

RADYASYON: Ang matinding pagsabog ng mga silahis ng neutron at gamma ay inilalabas. Ang bahagyang pagkalantad ay nagdadala ng sakit na kakikitaan ng alibadbad, pagsusuka, at pagod. Ang pinsala sa mga selula ng dugo ay nagpapahina sa resistensiya sa impeksiyon at inaantala ang paggaling ng mga pinsala. Ang labis na pagkalantad sa radyasyon ay nagiging sanhi ng mga kombulsiyon, panginginig, ataxia, at di-normal na pag-aantok. Ang kamatayan ay dumarating sa loob ng isa hanggang 48 oras.

Ang mga nakaligtas sa radyasyon ay madaling tablan ng kanser. Malamang na ipasa rin nila ang namamanang mga depekto sa kanilang anak, pati na ang mas kaunting pag-aanak, kusang nakukunan, may depekto o mga anak na isinisilang na patay, at hindi espisipikong mga kahinaan ng katawan.

Pinagmulan: Comprehensive Study on Nuclear Weapons, inilathala ng United Nations.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share