AIDS—Isang Pandaigdig na Salarin
INAAKALA ng ilang awtoridad sa medisina na ang AIDS ay malapit nang maging isang pandaigdig na kapahamakan. “Ang AIDS ay maaaring maging ang kapahamakang pangkalusugan ng ating panahon,” sabi ng The New York Times. Si Dr. William O’Connor, isang mikrobiyologo, ay nagsabi: “Ang pinakikitunguhan natin ay malamang na siyang pinakamatinding salot na kailanma’y sumapit sa daigdig.”
Si Dr. Halfdan Mahler ng WHO (World Health Organization) ay nagsabi: “Tayo ay hubad na nakatayo sa harap ng napakagrabeng epidemya na nakakamatay na gaya ng anumang epidemya na naranasan. . . . Ang lahat ay palubha nang palubha sa AIDS.”
Sa bawat lumilipas na taon, ang namamatay ay dumarami. Hindi magtatagal, mas marami pa ang mamamatay. At malamang na ito ang maging kalagayan kahit na hindi na maragdagan ng isa pang tao na mahahawaan ng virus ng AIDS. Bakit? Sapagkat ang napakaraming tao ay mayroon na ng virus na ito, na nananatili sa isang tao habang-buhay.
Ilan na ang mayroong virus nito? Ang iba ay nagsasabing may sampung milyon sa buong daigdig. Tinataya ng report na AIDS and the Third World na hindi magtatagal, ang AIDS ay “makakahawa sa 50-100 milyon.” Kahit na kung ang bilang na iyan ay pagpapakalabis, walang alinlangan na angaw-angaw na mga tao ang nahawa na nito. At angaw-angaw pa ang mahahawa rito sa darating na mga taon.
Gayundin, ang karamihan niyaong may virus na ng AIDS ay hindi nalalaman na mayroon sila nito. Sila ay tila may mabuting kalusugan gayunma’y maaari nilang ipasa ang virus sa iba. Kaya ang bilang ng mga taong mahahawa sa virus ng AIDS ay tiyak na tataas.
Ang surgeon general ng Estados Unidos, si C. E. Koop, ay nagsabi: “Walang sakit dati ang kaagad ay totoong misteryoso, lubhang nakamamatay, at lubhang lumalaban sa ginagawang paggagamot at bakuna.” Sabi niya: “Wala pa tayong lunas, ni mayroon man tayo ng bakuna—at malamang na hindi tayo magkaroon ng isa na makukuha ng lahat bago matapos ang dantaon. Huwag kayong magkakamali tungkol dito. Ang AIDS ay nakamamatay at ito ay lumalaganap.” Ganito pa ang sabi ni Dr. Koop: “Ako ay naging seruhano sa loob halos ng 50 taon, at kailanman ay hindi pa ako nakakita ng gayong banta na gaya ng AIDS.