Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 10/8 p. 4-6
  • Mga Tagapagdala ng AIDS—Ilan ang Maaaring Mamatay?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Tagapagdala ng AIDS—Ilan ang Maaaring Mamatay?
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Inihambing sa Digmaan
  • Lalong Malubha sa Aprika
  • Sino ang Nasa Panganib?
    Gumising!—1986
  • AIDS—Isang Krisis sa mga Tinedyer
    Gumising!—1991
  • Pagtulong sa mga May AIDS
    Gumising!—1994
  • Kung Bakit Lubhang Lumaganap ang AIDS?
    Gumising!—1988
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 10/8 p. 4-6

Mga Tagapagdala ng AIDS​—Ilan ang Maaaring Mamatay?

NANG ang AIDS ay unang makilala noong 1981, tinataya ng mga opisyal ng kalusugan na halos 5 sa 10 porsiyento niyaong may virus ang magkakaroon ng AIDS at mamamatay. Subalit ang virus ay may mahabang yugto ng inkubasyon. Maaaring kumuha ng limang taon o higit pa bago makita ang mga sintomas.

Ngayon, dahil sa karanasan sa nakalipas na walong taon, tinataya ng ilang opisyal na 40 hanggang 50 porsiyento, o higit pa, niyaong nagdadala ng virus ng AIDS ang magkakaroon ng sakit na ito at mamamatay. Ganito ang sabi ng AIDS and the Third World: “Isang modelong computer ay sinasabing humuhula na 50% ng mga tagapagdala ng HIV ay magkakaroon ng malalang AIDS sa loob ng limang taon, at 75% sa loob ng pitong taon.” (Ang katagang “HIV” ay mula sa mga salitang “Human Immunodeficiency Virus,” ang virus ng AIDS.)

Pagkatapos ay binanggit ng publikasyon: “Maraming dalubhasa sa medisina, at karamihan ng mga dalubhasa sa virus, ay naniniwala ngayon na ang mamamatay sa gitna ng mga tagapagdala ng HIV ay aabot ng mga 100%. . . . Ang paniniwala na ang lahat ay mamamatay sa dakong huli ay batay ng bahagya sa katotohanan na sa paglipas ng bawat taon, parami nang paraming tao na nahawaan ng virus mga tatlo o apat o limang taon na ang nakalipas ay talagang nagkakaroon ng sakit na ito. At ito ay bahagyang salig sa mga pag-aaral tungkol sa virus mismo ng HIV.” Mangyari pa, ang gayong mga palagay ay mga kalkulasyon. Panahon lamang ang makapagsasabi kung ito ay aktuwal na magkakatotoo.

Si Dr. Anthony Fauci, mananaliksik sa National Institutes of Health sa Estados Unidos, ay nagsabi na halos 90 porsiyento ng mga indibiduwal na nasubok at nakitang positibo sa HIV na mga antibody ay mayroong ilang uri ng pagkasira sa pagkilos ng sistema ng imyunidad ng katawan sa loob ng limang taon.

Kahit na kung 50 porsiyento “lamang” ang namamatay sa 50 milyon hanggang 100 milyong tagapagdala ng virus na inaasahang mamamatay sa malapit na hinaharap, ito’y mangangahulugan ng angaw-angaw na kamatayan sa bawat taon sa susunod na dekada. Sinasabi ng isang balita na ang inaasahang mamamatay sa Aprika lamang ay malamang na sampu-sampung milyon.

Inihambing sa Digmaan

Ang mga kahihinatnan ng salot ng AIDS sa dami ng buhay na masasawi, sa pinsala sa lipunan, at sa halaga sa kabuhayan ay inihahambing sa mga resulta ng malalaking digmaan.

Halimbawa, sa Estados Unidos, halos 40,000 ang namatay na. Mula sa isang milyon hanggang sa dalawang milyon pa ang sinasabing nahawa na. Sa New York City lamang, tinatayang 250,000 hanggang 400,000 mga maninirahan ang may virus. Sa ibang bahagi ng lunsod, ang AIDS ang naging pinakakaraniwang nakahahawang sakit sa kasisilang na mga sanggol.

Bagaman ang bilis ng pagdami sa Estados Unidos ay bumagal sa ilang grupo na madaling mahawa at ang ikinatatakot na pagsabog ng AIDS sa gitna ng mga heteroseksuwal ay hindi pa lumilipas, marami pa rin ang mamamatay sa malapit na hinaharap. Tinataya ng U.S. Centers for Disease Control sa Atlanta na sa pagtatapos ng 1991, mahigit na 200,000 mga Amerikano ang mamamatay dahil sa AIDS. At sa pagtatapos ng 1992​—mga apat na taon lamang mula ngayon​—mas maraming Amerikano ang mamamatay dahil sa AIDS kaysa mga namatay sa Digmaang Pandaigdig I, sa Digmaan sa Korea, at sa Digmaan sa Vietnam na pinagsama.

Sa katunayan, ang The Futurist ay nagsasabi: “Ang AIDS ay makapapatay ng higit na tao sa pagtatapos ng dantaon kaysa namatay sa lahat ng mga digmaan [ng lahat ng mga bansa].”

Ang tinatayang halaga ay nakalilito. Sa Estados Unidos ang tantiya ay $50,000 o mahigit pa sa bawat taon para sa bawat pasyente. Ikinatatakot ng ilan na hindi makaya ng mga sistema na nangangalaga-sa-kalusugan ang dami ng mga pasyente o ang halaga.

Lalong Malubha sa Aprika

Sa Aprika iilang mga digmaan kung mayroon man ang nakagawa na gaya ng ginagawa ngayon ng AIDS. Ganito ang sabi ng New Scientist ng Britaniya: “Ang AIDS ay nagiging palasak sa buong Aprika.” Isang artikulo sa Politiken ng Denmark ang nagsabi: “Ang pinunong opisyal ng Uganda tungkol sa AIDS ay nagsabi, ‘Malibang may mga pagbabago, bawat ikalawang adulto sa bansang ito ay magiging positibo sa HIV sa taóng 2000.’ Halos kalahati ng lahat ng mga kaso ng AIDS sa Aprika ay mga babae na nasa kanilang edad ng panganganak. Isa sa bawat limang kaso ng AIDS sa Rwanda ay mga bata. Sa Zambia, 6,000 mga sanggol ay ipanganganak na may AIDS sa taóng ito. Sa gitna ng 800 mga patutot na sinuri sa Nairobi, siyam sa 10 ang nahawaan ng HIV. At ang mga babaing ito ay sumisiping sa katamtamang 1,000 mga parokyano sa isang taon.”

“Kung wala tayong gagawin, ang kontinente ay mamamatay,” sabi ni Pieter Piot, isang dalubhasang taga-Belgium. Si Jonathan Mann, na siyang nangunguna sa kampaniya ng WHO, ay nagsabi: “Ang mapagpipilian ay sumuko sa Aprika, na para bang ang daigdig ay hindi iisang planeta. Subalit ang epidemya ay hindi maaaring ihinto sa alinmang isang bansa bago ito ihinto sa lahat ng mga bansa.”

Kaya, inaakala ng maraming awtoridad sa medisina na isang pandaigdig na kapahamakan ng AIDS ay nagsimula na. Tinatawag ito ng Kalihim-Panlahat ng UN na si Javier Pérez de Cuéllar na isang “pandaigdig na laban” na “nagbabanta sa atin taglay ang lahat ng resulta ng digmaan.”

Sa ibang paraan ito ay mas masahol pa sa digmaan. Bakit? Sapagkat walang nakikitang wakas, ang mga biktima ay patuloy na dumarami, at ang “nasugatan” ay hindi gumagaling.

[Blurb sa pahina 5]

‘Marami ngayon ang naniniwala na ang mamamatay na mga tagapagdala ng HIV ay aabot ng 100 porsiyento’

[Blurb sa pahina 5]

“Ang AIDS ay makapapatay ng higit na tao sa pagtatapos ng dantaon kaysa namatay sa lahat ng mga digmaan”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share