Kung Bakit ang AIDS ay Lubhang Nakamamatay
UPANG higit nating maunawaan kung paano natin iingatan ang ating mga sarili mula sa AIDS, kailangan nating malaman kung bakit ito’y lubhang nakamamatay. Ano ang gumagawa sa virus na ito na mas mahirap pakitunguhan kaysa iba pang mga virus?
Ang mga virus ang pinakamaliit sa lahat ng mga organismong pinagmumulan ng sakit, mas maliit kaysa baktirya. Ang trangkaso, polio, at ang karaniwang sipon ay likha ng iba’t ibang virus. Minsang nasa loob ng isang selula, maaaring patayin ng isang virus ang selula o basta “matulog” doon hanggang sa ito’y maging aktibo sa dakong huli. Taglay ang virus ng AIDS, maaaring kumuha ng lima o higit pang mga taon bago lumitaw ang mga sintomas.
Kung Bakit Lubhang Nakamamatay
Ang gumagawa sa virus ng AIDS na lubhang nakamamatay ay ang bagay na inaatake at sinasalanta nito ang mahalagang mga selula, pati na ang puting mga selula ng dugo na ginagawa ng katawan upang tumulong sa pag-iwas sa sakit. Ang puting mga selulang ito ng dugo (tinatawag na T-4 lymphocytes) ang pangunahing depensa ng katawan laban sa sakit.
Kapag ang puting mga selulang ito ay nasasalanta ng virus ng AIDS, hindi nito magagawa ang kanilang gawain. Kaya, ang sistema ng imyunidad ng katawan ay nasisira. Ang mga impeksiyon na dati’y maaaring hindi nagsasapanganib sa buhay ay nagsasapanganib na ngayon sa buhay. Kabilang dito ang iba pang mga virus, mga parasito, baktirya, fungi, o sarisaring kanser.
Yamang hindi na malabanan ng katawan ang mga impeksiyong ito, ito ay lumalala hanggang sa ang biktima ay mamatay. Ang mga impeksiyong ito ay tinatawag na oportunista. Sinasamantala nila ang pagkakataon na ibinibigay sa kanila ng nasupil na sistema ng imyunidad ng katawan. Ang isang tao na may AIDS ay maaaring magkaroon ng ilang gayong mga impeksiyon nang sabay-sabay.
Kabilang sa maagang mga sintomas ng AIDS ay: matagal at hindi maipaliwanag na pagod; namamagang mga glandula na tumatagal ng mga buwan; walang lubay na lagnat o pamamawis sa gabi; walang lubay na pagtatae; di-maipaliwanag na pangangayayat; pagsusugat-sugat ng balat o mga singaw na hindi gumagaling; isang walang lubay, di-maipaliwanag na pag-ubo; ang dila at lalamunan ay dinadapulak; madaling magasgas o di-maipaliwanag na pagdurugo. Ang maagang mga sintomas na ito ay kadalasang tinutukoy bilang “AIDS Related Complex,” or ARC.
Kapag ang AIDS ay magulang na, lumilitaw ang nakamamatay na mga sakit. Kabilang sa pinakakaraniwan ay ang mga impeksiyon sa bagà na dala ng parasitikong mga mikrobyo na kilala bilang Pneumocystis carinii, at ang kanser sa balat na tinatawag na Kaposi’s sarcoma, na nagsasangkot din sa panloob na mga sangkap ng katawan. Karagdagan pa, maaari ring maapektuhan ng virus ng AIDS ang utak, nagiging sanhi ng paralisis, pagkabulag, pagkabaliw, at sa wakas ay kamatayan. Si Dr. Richard T. Johnson, isang propesor sa neurolohiya sa Johns Hopkins, ay nagsabi: “Ang HIV [ang virus ng AIDS] ay nasa utak ng hindi kukulanging 1 milyong tao sa E.U.”
Ang magulang nang AIDS ay may kasamang kirot at di-mapigil na pangangayayat, at ang katawan ay humihina nang humihina hanggang sa humantong sa kamatayan. Sa Aprika, sabi ng The Lancet, ang AIDS “ay iniuugnay sa ‘sakit na pangangayayat,’ isang katagang naglalarawan sa malaking pangangayayat dahil sa kasamang pagtatae.” Maaaring kumuha ng isang taon o wala pa, o ito ay maaaring kumuha ng mga ilang taon mula sa simula ng sakit hanggang sa kamatayan.
Isang Walang Lubay na Virus
Mayroon pang isang salik na gumagawa sa virus ng AIDS na nakamamatay kaysa iba. Ito ay may katutubong mga mekanismo sa kaligtasan na hindi karaniwan sa iba pang virus.
Halimbawa, sa mga tao ang virus ng trangkaso ay maaaring tumagal lamang ng mga ilang araw o mga ilang linggo, at pinasisigla nito ang mga antibody na tumutulong upang ingatan ang biktima mula sa higit pang impeksiyon ng partikular na virus na iyon. Minsang makaraos na ang epidemya, ito ay naglalaho. Ang epidemya ng trangkaso noong 1918 ay tumagal lamang ng halos isang taon. Ang virus ng yellow fever ay depende sa mga lamok, na umuunti ang bilang ayon sa mga pagbabago ng panahon. Ang bulutong ay maaari ring mabilis na kumalat sa populasyon na madaling kapitan at pagkatapos ay naglalaho.
Gayunman, ang virus ng AIDS ay ipinalalagay ng walang lubay. Ito ay malamang na nananatili sa loob ng tao habang-buhay at hindi naglalaho sa ganang sarili. Ang biktima ay hindi gumagaling mula sa magulang nang sakit na AIDS kung kaya hindi siya makagawa ng imyunidad na lalaban sa muling paglitaw ng sakit.
Isa pa, ang virus ng AIDS ay may sarisaring genetikong kayarian, ginagawa nitong mas mahirap gumawa ng isang bakuna. At ang mga virus ay karaniwang nagbabago, yaon ay nagbabago ng kanilang katangian. Halimbawa, may iba’t ibang uri ng virus ng trangkaso at sipon. Sa ngayon, mayroon nang ikalawang uri ng virus ng AIDS na nakilala sa Aprika at sa ibang lugar. Maaaring kailanganin ang kakaibang bakuna para sa bawat uri.
Subalit bakit ba lubhang lumaganap ang AIDS? Anong mga gawain ang nasasangkot na nakatulong sa traidor na pagpasok nito sa sangkatauhan?
[Kahon sa pahina 7]
MGA SALIK NA NAGHAHANDA NG DAAN PARA SA AIDS
Sang-ayon sa Britanong babasahin sa medisina na The Lancet, taun-taon mahigit sa 300 milyong karagdagang mga tao sa buong daigdig ang nahahawa ng mga sakit na seksuwal na naililipat, gaya ng gonorrhea, sipilis, herpes, at Chlamydia. Maaaring pahinain nito ang katawan, marahil ay ginagawa itong mas madaling kapitan ng virus ng AIDS. Ang nakaaaliw, o ipinagbabawal, na paggamit ng droga man, ay maaaring gumawa sa katawan na madaling tablan ng AIDS.
Gayundin, sa mahihirap na bansa ang kakulangan ng mabuting pagkain dahil sa kahirapan at kakulangan ng sapat na pasilidad sa pangangalagang-pangkalusugan ay hindi nakatutulong sa paggawa ng katawan ng panlaban sa AIDS. Ang kalusugan ng daan-daang angaw niyaong nasa mga lugar na iyon ay mahina na nga, ginagawa itong mas madaling kapitan ng virus na kumukuha ng karagdagang mga biktima.
[Larawan sa pahina 7]
Karaniwang nilalabanan ng puting T-selula ng sistema ng imyunidad ng katawan ang nakapipinsalang mananalakay