Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 12/22 p. 3-5
  • Ang Iyo Bang Relihiyon ay Dapat na Nakikilahok sa Pulitika?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Iyo Bang Relihiyon ay Dapat na Nakikilahok sa Pulitika?
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Papel ng Relihiyon?
  • Isang Bagong Teolohiya
  • Hinahati Nito ang Simbahan
  • Magtagumpay kaya ang Teolohiya sa Pagpapalaya?
  • Teolohiya sa Pagpapalaya—Isang Lunas Para sa Third World?
    Gumising!—1987
  • Ang Katolisismo sa Third World—Gaano Katatag?
    Gumising!—1987
  • Teolohiya sa Pagpapalaya—Tutulungan Kaya Nito ang Mahihirap?
    Gumising!—1987
  • Isang Problema Para sa Taimtim na mga Katoliko
    Gumising!—1987
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 12/22 p. 3-5

Ang Iyo Bang Relihiyon ay Dapat na Nakikilahok sa Pulitika?

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Brazil

SIYA ay mataas at payat. Kitang-kita, siya ay matagal nang hindi nakapaligo. Bilang isang batang limpiyabota, siya ay naghahanap ng mga parokyano. Sa silid hintayan, may nagbigay sa kaniya ng isang gawang-bahay na cake. Sinunggaban niya ito ng kaniyang maruruming kamay. Walang imik na naupo siya sa sahig at sinimulang kainin ang cake. Naglitawan ang iba pang mga bata, at ang bawat isa ay kumuha ng kapiraso. Di-nagtagal ay naglaho ang cake.

Ang gayong kahabag-habag na mga tanawin ay karaniwan sa malalaking lunsod sa buong daigdig. Doon, di-mabilang na mga taong walang tahanan ang araw-araw na nabubuhay at namamatay sa mga lansangan. Sa mga barungbarong at slums, ang mga ina ay nagpupunyagi, nagugutom pa nga, alang-alang sa kanilang maliliit na mga anak. Gayunman, gaya ng minsa’y sinabi ng dating pangulo ng E.U. na si Lyndon B. Johnson: “Ang aritmetika ng modernong pulitika ay ginagawa itong nakatutukso na huwag intindihin ang mga dukha, sapagkat sila ay isang minoridad lamang.”

Kasabay nito, ang aktuwal na pagmamasid sa mga batang walang laman ang tiyan ay nagtutulak sa isang tao na magtanong: ‘Ano kaya ang mangyayari sa lahat ng abandonadong mga bata? Tumanggap pa kaya ng tulong ang mga naghihirap?’

Ang Papel ng Relihiyon?

Walang pagsalang ikaw ay nababahala sa mga isyu na gaya ng karalitaan, pabahay, at kalusugan. Kaya, kung gayon, naitanong mo na ba sa iyong sarili: ‘Dapat bang maging aktibo ang aking relihiyon sa mga repormang panlipunan?’

Marahil ay isasagot mo: ‘Bakit hindi? Dapat gamitin ng relihiyon ang impluwensiya nito upang gawing mas mabuting dako ang daigdig.’ Sa kabilang dako, ang iyo bang palagay ay gaya ng palagay ng ministro sa katarungan ng Brazil, si Paulo Brossard, na nagsabi: “Ang sekular na mga bagay ay nilulutas ng estado, at ang espirituwal na mga bagay ay nilulutas ng simbahan”?

Sa Brazil, kung saan mas maraming naturingang mga Katoliko kaysa alinmang ibang bansa, ang mga obispo ngayon ay malayang nagsasalita tungkol sa mga isyung panlipunan. Halimbawa, ang Latin America Daily Post ay nagsasabi: “Ang simbahan sa Brazil ay higit at higit na nagiging tagapagtanggol ng kapakanan ng mga walang lupa, sa isang makasaysayang pagbaligtad mula sa panahon nang ang simbahan ay nagbigay ng higit na suporta sa oligarkiya [ang uring namumuno].”

Isang Bagong Teolohiya

Ang pagbaligtad, o pagbabago, sa gitna ng maraming klerong Katoliko ay nagbunga ng isang radikal na bagong teolohiya. Sang-ayon sa isang pahayagan sa Brazil, “ang teolohiya sa pagpapalaya ay tumutukoy sa isang kilusan na laganap sa gitna ng mga paring Braziliano na pabor sa pagsuporta ng simbahan sa rebolusyunaryong mga elemento na nilayon upang labanan ang karalitaan at pang-aapi.”

Ang mapagpipiliang teolohiyang ito ay nagmumungkahi na si Jesus ay isang tagapagpalaya. Itinataguyod nito ang ‘saligang paniniwala na ang pangunahing misyon ng Kristiyanismo ay nagsasangkot ng pulitikal na pagpapakilos sa mahihirap.’ Kaya binibigyang-matuwid ng teolohiya sa pagpapalaya ang pagkilos sa isang daigdig kung saan ang mahihirap ay laging hinihimok na maging walang kibo.

Ganito ang sabi ng aktibistang si Francis O’Gorman: “Dapat magkaroon ng isang pagbabago. May mali sa lipunan kung dalawang-katlo ng daigdig ay nagdurusa sa karalitaan sapagkat sila’y pinagkakaitan ng kanilang mga karapatan. Mayroon tayong likas na yaman upang pakanin ang lahat. Nakikita natin ang mayaman na lalo pang yumayaman samantalang ang mahirap ay lalo pang naghihirap.”

Hinahati Nito ang Simbahan

Malubhang hinahati ng teolohiya sa pagpapalaya ang Iglesya Katolika. Halimbawa, binatikos ni Papa John Paul II ang pagkasangkot ng mga pari rito. Sabi niya: “Ang ideya na si Kristo ay isang pulitikal na tao, isang rebolusyunaryo, bilang ang subersibong tao mula sa Nazaret, ay hindi kasuwato ng katekismo ng simbahan.” Sa katunayan, sinisikap ng papa na pigilin ang mga kilusang aktibista, ikinatatakot na ang simbahang Latin-Amerikano ay pinahihintulutan ang sarili nito na maimpluwensiyahan ng radikal na mga puwersa.

Kamakailan, tahasang tinanggihan ng papa ang teologong si Leonardo Boff sa pagtataguyod sa teolohiya sa pagpapalaya. Kapansin-pansin, hindi binatikos ng mga preladong Katoliko, gaya ng papa, ang mga tagapagtaguyod ng teolohiya sa pagpapalaya dahil sa pagkasangkot nila sa pulitika, yamang ang simbahan ay may mahabang kasaysayan ng gayong pagkasangkot sa pulitika. Hindi, kundi tumutol sila dahil sa pagkakahawig ng teolohiya sa pagpapalaya sa ideolohiyang komunista.

Si Vicente Cardinal Scherer ng Brazil ay nagpahayag na ang mga komunista ay “may kakaibang taktika kaysa roon sa ginagamit noon upang makapasok at mangibabaw. Sa halip na paggamit ng malupit na mga paraan . . . sinisikap nilang akitin ang ilang pangkat ng Simbahan sa kanilang panig, at sa kasamaang palad sila ay nagtagumpay sa paggawa sa mga pangkat na ito na makibahagi sa pagtaguyod sa kapakanang komunista.”

Ganito ang sabi ni Boaventura Kloppenburg, isang obispong Katoliko sa Salvador, Brazil, tungkol sa mga tagapagtaguyod ng teolohiya sa pagpapalaya: “Nais nilang gumawa ng pagbasang-muli ng Ebanghelyo, isang muling interpretasyon ng doktrina at kasaysayan, isang popular na pagwawasto ng liturhiya, isang pag-aalis ng hadlang sa moral na mga budhi sa diwa na ang mga tao ay maaaring gumawa ng mga gawang rebolusyunaryo nang walang mga problema.”

Hindi kataka-taka na nasusumpungan ng taimtim na mga Katoliko na mahirap sundin ang mga lider ng simbahan na lubhang nagtatalu-talo sa gitna nila.

Magtagumpay kaya ang Teolohiya sa Pagpapalaya?

Bagaman ang mga tagapagtaguyod ng teolohiya sa pagpapalaya ay may mabuting intensiyon, ang kinakailangang mga pagbabago ay hindi dumarating nang madali. Ang kasalimuotan ng lipunan ng tao at ang likas na kasakiman ay nagpapakita na kahit na matamo ang pagbabago, hindi pa rin malulutas ang mga problema. Gaya ng sulat ni Lord Halifax: “Kapag ipinaglalaban ng mga tao ang kanilang kalayaan, bihirang makakuha sila ng anumang bagay sa kanilang tagumpay kundi bagong mga panginoon.”

Tanungin ang iyong sarili: Alam ba niyaong mga naniniwala sa gayong mga kilusan na gaya ng teolohiya sa pagpapalaya kung saan sila inaakay nito? Si Jesus ay nagbabala tungkol sa pagpapatuloy na may kabulagan, na ang sabi: “Kaya, kung bulag ang umakay sa bulag, kapuwa sila mahuhulog sa hukay.”​—Mateo 15:14.

Kaya nga, natitiyak mo bang ikaw ay may makatotohanang larawan ng kalagayan ng mga dukha sa Third World at kung paano ito maaaring lutasin? Nakikita ba ng Diyos ang mga problema ng karalitaan at pang-aapi, at mayroon ba siyang gagawin dito?

[Blurb sa pahina 4]

“Kapag ipinaglalaban ng mga tao ang kanilang kalayaan, bihirang makakuha sila ng anumang bagay sa kanilang tagumpay kundi bagong mga panginoon”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share