Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 12/22 p. 12-14
  • Paano Ko Mapamamahalaan ang Aking Salapi?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Ko Mapamamahalaan ang Aking Salapi?
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Salapi​—Kung Bakit Napakahalaga
  • Ang Halaga ng Pagbabadyet
  • Maingat sa Utang
  • ‘Isang Perang Natipid . . . ’
  • Paano Ko Makokontrol ang Aking Paggastos?
    Gumising!—2006
  • Matalinong Paghawak ng Iyong Pera—Paano?
    Gumising!—2011
  • Paano Ako Matututong Humawak ng Pera?
    Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
  • Maging Matalino sa Paggamit ng Iyong Pera
    Gumising!—2009
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 12/22 p. 12-14

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Ko Mapamamahalaan ang Aking Salapi?

ANO ang palagay mo tungkol sa salapi? Ito ba ay isang bagay na dapat gastusin sa balang maibigan? Isang bagay na dapat ipunin o itinggal pa nga? Palibhasa’y nalalaman na ang kanilang mga magulang ay naroroon upang paglaanan sila, maraming kabataan, tapatan, ang hindi gaanong nag-iisip tungkol sa salapi​—maliban sa kung paano ito gagastusin.

Gayumpaman, maaaring hindi ka laging magkaroon ng mga magulang na maaasahan mo. Isa pa, ang bagay na ikaw ay mayroong trabaho pagkatapos ng klase o kahit na ng malaki-laking alawans ay hindi nangangahulugan na maaari kang maging pabaya sa pera. Ang Bibliya ay nagbababala: “Iyo bang itinitig ang iyong mga mata rito [sa salapi], nang ito ay wala? Sapagkat walang pagsalang ito ay nagkakapakpak gaya ng agila na lumilipad sa langit.” (Kawikaan 23:5) Paano mo maiiwasan ang iyong salapi sa ‘paglipad’? Una, dapat mong pahalagahan kung ano ba ang salapi.

Salapi​—Kung Bakit Napakahalaga

Ang salapi ay isang paraan ng palitan​—at isang makapangyarihang paraan. Ang Encyclopædia Britannica ay nagsasabi na ang “salapi ang tanging bagay na lubusang may halaga.” Ang iyong radyo, halimbawa, ay maaaring ituring na isang bagay na may halaga. Subalit subukin mong ikalakal o ipagpalit ito para sa isang pan ng tinapay. Ang radyo ay maaaring mas malaki ang halaga kaysa pan. Subalit kung ayaw ng may-ari ng panaderia ang iyong radyo, malamang na hindi ka niya bibigyan ng pan ng tinapay na kapalit nito. Ang iyong radyo ay para bang walang halaga! Ang salapi, gayunman, ay halos iginagalang sa buong sansinukob.a Ito sa gayon ay mabilis at madaling ipagpalit sa anumang paninda o paglilingkod na nais mo.

Matalino, kung gayon, ang sinabi ni Solomon sa Eclesiastes 7:12 na ang “salapi ay isang sanggalang.” Ang salapi sa gayon ay mahalaga sa pagkakaroon ng mga pangangailangan sa buhay at para rin sa maraming mga kasiyahan sa buhay. Gaya ng sinabi pa ni Solomon: “Ang mesa ay may kaniyang kasiyahan, at ang alak ay nagpapasaya sa buhay; at ang salapi ang nasa likod ng lahat ng ito.”​—Eclesiastes 10:19, The New English Bible.

Gayunman, ang salapi ay hindi laging madaling makuha. Karamihan ng mga magulang ay hindi nagtataglay ng walang-takdang pinagmumulan ng pera; dapat silang magtrabaho nang puspusan para sa ibinibigay nila sa iyo. Ang tanong ni Solomon: “Ano ang tinatamo ng tao sa lahat niyang pagpapagal?” (Eclesiastes 2:22) Ang iyong mga magulang ay maaaring magtamo ng kaunting kasiyahan​—at kaunting sahod​—para sa kanilang pagpapagal. Aba, marami sa mga magulang ay nagtatrabaho mula umaga hanggang gabi upang paglaanan lamang ang kanilang mga pamilya ng mga pangangailangan lamang sa buhay!

Ang salapi, kung gayon, ay hindi dapat ipagwalang-bahala. Ito ay dapat malasin nang may paggalang at dapat na matalinong pamahalaan. Ang isang paraan upang magawa iyan ay matutong badyitin ang iyong salapi.

Ang Halaga ng Pagbabadyet

Ang isang badyet ay isang paraan ng pamamahala sa paggasta at pagtitipid ng iyong salapi. Ang magasing ’Teen ng Mayo 1985 ay nagsasabi: “Ang pag-alam kung saan ‘naglalaho’ ang lahat mong dolyar ang unang hakbang sa pagkakaroon ng kontrol sa iyong salapi at sa paglalagay sa iyong sarili sa isang badyet na gagana sa iyo.” Kaya gumawa ka muna ng isang listahan ng lahat ng iyong inaasahang pagkakagastos​—pagkain, transportasyon, paglilibang, at iba pa. Pagkatapos, subaybayan mo ang iyong aktuwal na mga pagkakagastos sa isang buwan o higit pa. Ngayon ikaw ay nasa kalagayan na gumawa ng ilang makatuwiran at makatotohanang mga tunguhin sa paggasta at pagtitipid.

Minsang matatag mo ang mga ito, maaaring subukan mong kumuha ng ilang sobre at lagyan mo ng pangalan ang mga ito ayon sa bawat kategorya ng pagkakagastos. Halimbawa, ang isang sobre ay maaaring panganlang “Perang para sa Pagkain,” samantalang ang isa pa ay maaaring panganlan para sa ilang bibilhin sa hinaharap, gaya ng “Bagong Blusa” o “Bagong Palda.” Kapag tinanggap mo ang iyong alawans o sahod, hatiin mo ang salapi sa mga sobre ayon sa iyong itinatag na tunguhin sa paggasta. Pagdating ng mga pagkakagastos, bayaran ito mula sa angkop na mga sobre.b

Nasubukan mo na bang sundin ang isang badyet at ikaw ay nabigo? Hindi ka nag-iisa. Si Leah, isang dalagita, ay nagsabi: “Sinubukan kong badyitin ang aking salapi sa maraming pagkakataon, subalit hindi ako nananatili sa aking mga badyet.” Gayunman, sabi niya: “Kapag ako’y nagbabadyet, mas nakapagtitipid ako. Hindi ako bumibili ng mga bagay na hindi ko kailangan.” Ang susi sa tagumpay? Disiplina-sa-sarili. Gumawa ng pasiya at manatili rito! Gayundin, malayang manalangin kay Jehova na tulungan kang supilin ang anumang walang pagpipigil na paggasta.​—Lucas 11:13.

Kawili-wili, iminungkahi ni apostol Pablo na “badyitin” ng mga Kristiyano sa Corinto ang ilan sa kanilang salapi, na ang sabi: “Tuwing unang araw ng sanlinggo ang bawat isa sa inyo sa kani-kaniyang sambahayan ay magtabi ng kung magkano.” (1 Corinto 16:1, 2) Ang salapi ay saka iniabuloy sa isang pantanging pondo para sa nangangailangang mga Kristiyano. Walang alinlangan na ito’y nangailangan ng tunay na disiplina-sa-sarili para sa mga Kristiyanong iyon sa Corinto upang sundin ang mungkahi ni Pablo, subalit ang gayong pagsisikap ay sulit naman sa mga pagpapala!

Ikaw man ay tiyak na makikinabang sa pagsunod sa isang badyet. Isang kabataang nagngangalang Avian ay nagsasabi: “Ako’y katulad niyaong isang binabanggit sa Kawikaan 21:5, “nagmamadali” at ‘patungo sa pangangailangan’ bago ang susunod na sahod. Ang pagbabadyet ay gumawa sa akin na mas responsable.”

Maingat sa Utang

“Bumili ngayon, saka na magbayad!” udyok ng maraming negosyante. Kung maingat at matalinong gagamitin, ang utang ay mayroon ngang kaniyang dako. Gayunman, kung walang ingat na gagamitin, ang utang ay maaaring maging kung ano ang tawag dito ng isang kabataang nagngangalang Kevin na “isang anyo ng pang-aalipin.”​—Ihambing ang Kawikaan 22:7.

Para sa ilang kabataan, ginagawa ng pag-utang na napakadaling bilhin ang mga bagay na alin sa kailangan o kaya nila. At kung hindi mo mabayaran ang iyong natitirang utang sa katapusan ng buwan, ikaw ay sinisingil ng interes sa kung ano ang pagkakautang mo. Mientras mas matagal kang magbayad, mas mahal ang kalalabasan sa iyo ng isang bagay. Kaya, lumalabas na mas nakakatipid ka kung mag-iipon ka para sa kailangan mo at bayaran mo ito nang cash.

‘Isang Perang Natipid . . . ’

Isang kabataang babae na nagngangalang Phyllis ay nagsabi: “Hindi natin nalalaman kung kailan maaaring dumating sa atin ang mga problema kaya’t kailangan nating magtipid.” (Ihambing ang Eclesiastes 9:11.) Oo, maaari kang magkasakit at hindi ka makapagtrabaho. Ang iyong mga magulang din ay maaaring maghirap at baka hindi nila maibigay sa iyo ang iyong alawans. Kaya makabubuting isama sa iyong badyet ang isang halaga na itatabi mo bilang ipon. Ito ay makatutulong sa iyo na mas madaling batahin ang sigwada ng kabuhayan.

Ngayon ang isang alkansiya o isang kahon ng sapatos ay maaaring magtingin isang matalinong dako upang itago ang iyong pera. Gayunman, binanggit ni Jesus ang tungkol sa paglalagay ng pera sa isang bangko kung saan ito ay maaaring tumubo ng interes at lumago. (Mateo 25:27) Kung gayon, bakit hindi ipakipag-usap sa iyong mga magulang ang marapat na pagbubukas ng iyong sariling kuwentang iniimpok sa isang bangko? Hindi mo kailangan ang napakalaking halaga ng salapi upang gumana ang isang pakana sa pag-iimpok, bagaman sa ibang dako ang sapat na halaga ay kailangan upang maiwasan ang service charge. Ang susi sa tagumpay ay ang pagiging regular sa pagdagdag sa iyong iniimpok.

Gayunman, ano naman kung ang iyong pamilya ay mahirap o ikaw ay nakatira sa isang mahirap na bansa kung saan ang mga kabataan ay bihirang magkaroon ng kanilang sariling perang gagastusin? Gayumpaman, ang iyong pamilya ay mayroon pa ring ilang bagay na may halaga, gaano man ito kaliit. Subalit kung ang iyong saloobin sa kayamanan ng pamilya ay ‘madaling kunin, madaling gastusin,’ ikaw ay gumagawa laban sa iyong sariling kapakanan at sa kapakanan ng pamilya. Tiyak, hindi mo nanaising maging isang “walang utang na loob” pagdating sa mga bagay na pinagpagalang ilaan ng iyong mga magulang.​—Kawikaan 29:21.

Kaya magpakita ka ng responsableng saloobin sa salapi​—kahit na kung ikaw ay may kaunti o walang sariling salapi. Halimbawa, maaari mong iwasan ang pag-aaksaya ng mga bagay, gaya ng mga pagkain. (Tingnan ang Juan 6:12, 13.) Tratuhin nang may paggalang ang mga bagay na mahirap-palitan at mamahalin, gaya ng mga salamin sa mata at mga suplay sa paaralan. Walang alinlangan na lubhang pahahalagahan ng iyong mga magulang ang iyong pag-iingat sa bagay na ito.

Ang Kawikaan 11:28 ay nagpapaalaala sa atin: “Siyang tumitiwala sa kaniyang mga kayamanan​—siya nga ay mabubuwal; ngunit ang matuwid ay mamumukadkad na parang sariwang dahon.” Ang salapi ay dapat maglingkod upang pangalagaan ang ating mga pangangailangan. Subalit ang isang Kristiyano ay hindi dapat na maging lubhang abala sa pagyaman. Gaya ng pagkakasabi rito ng isang kabataang nagngangalang Matthew: “Ang salapi ay may kaniyang dako, subalit hindi ito ang lahat ng bagay.” Oo, isa lamang itong kasangkapan, isang “pananggalang.” (Eclesiastes 7:12) Matutong gamitin ito nang may katalinuhan, maingat. Tatalakayin ng isang artikulo sa hinaharap kung paano gagamitin ang iyong salapi nang may katalinuhan upang pangalagaan ang personal at pampamilyang mga pananagutan.

[Mga talababa]

a Ang isang eksepsiyon dito ay sa mga lupain kung saan dahil sa implasyon ang pambansang salapi ay pawang walang halaga.

b Tingnan ang artikulong “Badyitin ang Iyong Salapi​—Ang Madaling Paraan” na lumilitaw sa Oktubre 22, 1985 na labas ng Gumising!

[Blurb sa pahina 13]

“Kapag ako’y nagbabadyet, mas nakapagtitipid ako. Hindi ako bumibili ng mga bagay na hindi ko kailangan”

[Larawan sa pahina 14]

Ang responsableng mga kabataan ay matalinong nag-iimpok ng ilan sa kanilang salapi

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share