“Isa sa Obramaestra ng Kalikasan”
GANIYAN inilalarawan ng isang siyentipikong taga-Timog Aprika ang isang nguso ng elepante. Ang walang buto, kalamnang palawit na ito ay nagpapangyari sa elepante na sumipsip ng 4 na litrong tubig at saka ito papupuslitin sa kaniyang bibig. Kung wala ang kakayahang ito, ang dambuhalang hayop ay magkakaroon ng isang asiwang trabaho na pagluhod upang uminom. Pinangyayari rin ng nguso na ito ay kumain ng 230 kilo o mahigit pa na pananim sa isang araw. Kaya, ang mga elepante ay nanganganib na magutom kung ang mahalagang sangkap na ito ng katawan ay lubhang mapinsala.
Ang nguso ay ginagamit sa maraming iba pang paraan, gaya ng paghudyat ng alarma, paghaplos sa batang elepante, o pagpalo sa batang elepante kung ito ay masuwayin. Ito ay karaniwang ginagamit upang diligin ang may-ari nito ng tubig o putik. Bakit putik? Marahil upang pangalagaan ang balat nito mula sa init at sa mga insekto. Bakit kung minsan ay itinataas ng elepante ang nguso nito sa himpapawid na animo’y isang periscope? Upang madama ang direksiyon ng hangin at mahuli ang amoy ng isang manghihimasok. Oo, karagdagan sa pagiging isang sensitibong sangkap ng pandamdam, ang maraming-gamit na sangkap na ito ay isa ring palawit ng ilong. Ang yumaong Jim Williams, sa kaniyang aklat na Elephant Bill, ay nagsasaysay ng ilang kawili-wiling paraan ng paggamit ng elepante sa kanilang nguso:
“Kung hindi niya maabot sa pamamagitan ng kaniyang nguso ang ilang bahagi ng kaniyang katawan na makati, hindi niya ito laging ikinukuskos sa isang punungkahoy; sa halip, maaari siyang pumulot ng isang mahabang patpat at sa pamamagitan niyaon ay kamutin ang kaniyang sarili. Kung ang isang patpat ay hindi sapat ang haba, hahanap siya ng isa na mahaba.
“Kapag binubunot niya ang damo, at ito ay mabunot na may kasamang isang kimpal ng lupa, ihahampas niya ito sa kaniyang paa hanggang sa maalis na lahat ang lupa, o, kung may tubig, huhugasan niya ito, bago ito isubo sa kaniyang bibig.”
Sa mahigit na 20 taon, ginagamot ni Williams ang mga elepante na sinanay na maghatid ng kahoy sa kagubatan ng mga punong teak sa Burma. Subalit kung minsan hindi siya nagtatago ng gamot sa pagkain ng elepanteng may sakit. Sa pamamagitan ng nguso ng elepante, sabi ni Williams, “kukuha siya ng isang pildoras (kasinlaki ng isang tableta ng aspirin) mula sa bunga ng sampalok na kasinlaki ng bola ng cricket na itinanim ng isa, na may pagmamayabang na nagsasabing: ‘Hindi mo ako maloloko.’”
“Maaalis din ng mga elepante,” sabi pa niya, “ang mahigpit ang kapit na baging, gaya ng ivy, mula sa isang punungkahoy na mas mahusay kaysa tao na gumagamit ng dalawang kamay. Ito’y dahilan sa kanilang mas maselan na paghipo.”
Kaya sa susunod na pagkakataong makakita ka ng isang elepante sa isang parke o zoo, bakit hindi mo gawin ang gaya ng iminungkahi ni Dr. Gerrie de Graaff sa magasin tungkol sa maiilap na hayop sa Aprika na Custos: “Malasin ang hayop na taglay ang pagkasindak at pakundangan dito at bigyan mo ang iyong sarili ng panahon na pag-isipan ito at tingnan ang pagkilos ng isa sa obramaestra ng kalikasan—ang nguso ng elepante.” Pagkatapos tanungin ang iyong sarili, ‘Sino ang dapat papurihan sa gayong kahanga-hangang maraming-gamit na sangkap?’ Ang sagot ng Bibliya sa katanungang iyan ay na ginawa ng Diyos na Jehova “ang bawat gumagalaw na hayop sa lupa ayon sa kani-kaniyang uri” at na kaniyang “nakita ang lahat ng kaniyang nilikha at, narito! napakabuti.”—Genesis 1:25, 31.