Mula sa Aming mga Mambabasa
Ligtas na Pagmamaneho
Bilang ang Kalihim ng Estado ng Illinois, nais ko kayong papurihan at ang patnugutan ng Gumising! sa inyong lathala kamakailan na nagtaguyod sa ligtas na pagmamaneho. (Enero 8, 1988) Ang estadistikal na mga report at mga tip na pangkaligtasan na ginamit sa mga artikulo ay kapuna-puna at idiniin na ang mga ugali sa ligtas na pagmamaneho ay hindi lamang isang pambansang pagkabahala kundi isa ring internasyonal na pagkabahala. . . . Ang sibiko at relihiyosong mga organisasyon na gaya ninyo ay lumikha ng mas malaking kabatiran sa madla tungkol sa kaselanan ng problemang ito. . . . Minsan pa, kayo ay dapat papurihan sa inyong mga pagsisikap na himukin ang ligtas na pagmamaneho. Ang buhay ng tao ay napakahalaga upang isapanganib ng walang-ingat na paggawi. Personal kong ipinaaabot ang aking pagbati at pasasalamat sa pagkasangkot ng inyong grupo.
Jim Edgar, Kalihim ng Estado, Illinois, Estados Unidos
Maikli ang Pasensiya
Isang gabi nang ibinubukod ko ang mga artikulo sa “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . ,” natigilan ako nang makita ko ang tanong na “Bakit Ako Nawawalan ng Pagtitimpi?” (Abril 22, 1987) Pagkatapos basahin ang artikulo nang makalawa, nagtaka ako kung bakit ang payo tungkol sa hindi pagiging magagalitin ay tamang-tama sa akin. Ako’y 22 anyos, gayunman, noong araw na iyon, natuklasan ko sa kauna-unahang pagkakataon na maikli ang pasensiya ko. Hindi ko akalain ang aking sarili na gayon noon. Hanggang kamakailan, ang reaksiyon ko sa aking mga damdamin ay, ‘Tama lamang na magalit sa kasong ito,’ subalit mula ngayon, gagawin ko ang lahat ng magagawa ko upang sugpuin ang aking galit.
Y.O., Hapón
Relihiyosong Pag-uulat
Nalulungkot akong makita sa Disyembre 8, 1987, ng Gumising! ang artikulo sa likuran na may kinalaman sa “Ikinalakal ang Dalaw ng Papa.” Nabasa ko ang pangungusap na—“Iniulat na ang T-shirt na paborito ng mga pari at mga madre ay nagtatampok ng isang ‘larawan ng aso na may nakaanunsiyong beer . . . na nakasuot ng sombrero at damit ng papa.’” Puwede ba—talaga bang pinaniniwalaan ninyo ito? Inaakala kong ang laging pagsulat ng laban sa Katolisismo ay di-tama. Dapat igalang ng lahat ng relihiyon na sila ay mga Kristiyano at kaisa sa Ama. Ang alinmang relihiyon na hindi gumagawa niyaon ay hindi tunay na Kristiyano at walang karapatang mangaral ng nakasasakit na bagay tungkol sa iba. Napakawalang kuwenta, masasabi ko!
S. H., Estados Unidos
Noong Hulyo 8, 1988, ng Gumising! matinding sinaway kayo ni “B.P.” ng Pransiya dahil sa umano’y paninirang puri at masasakit na salita. Hindi ako makapaniwala na ang taong ito ay talagang isang mambabasa ng Gumising!, sapagkat ang Gumising! ay walang pagbabago at magiliw na sumusulat tungkol sa katotohanan mula sa Bibliya. Kung ito ay sumasalungat sa mga gawain ng mga relihiyon sa daigdig, hindi ko pa nakikita ang isang galit na paratang laban sa sinuman! Ang mga pagkakaiba ay ibinibigay sa atin. Ang siniping mga patotoo ay maingat na sinisipi. Pinahahalagahan ko ang paraan ng paghaharap ng mga Saksi ni Jehova ng mga katotohanan at iniiwan sa intelihenteng mga mambabasa na gumawa ng kaniyang sariling konklusyon. Mula sa siyensiya hanggang sa sari, natutuhan kong magtiwala sa inyong pananaliksik at maingat na pagsulat.
C. K., Estados Unidos
Ang maidaragdag lang namin sa mga sinabi ni C. K. ay na ang problema ni S. H. ay waring sa “Newsweek” (Hunyo 29, 1987), na ang ulat ay binuod at sinipi namin nang walang komento. Kung baga “tunay na Kristiyano” na itawag-pansin ang mga pagkakamali ng mga relihiyon, dapat nating tingnan ang halimbawa ni Jesu-Kristo mismo, na binatikos ang mga lider ng relihiyon noong kaniyang kaarawan sa mas matinding mga pananalita kaysa lumitaw sa “Gumising!”—Mateo 15:1-14; 23:2-32.—ED.