Pagmamasid sa Daigdig
Nahintakutan at Tumino
Ang mga hukom sa California ay nagbibigay ng isang “dosis ng katotohanan” sa mga tin-edyer na nadakip dahil sa pagmamaneho nang lasing, ulat ng The New York Times. Bukod sa pagmumulta at paglalagay sa probasyon bilang mga manlalabag sa unang pagkakataon, sila ay hinatulang dumalaw sa morge. Sang-ayon sa Times, sinasabi ng mga hukom na ang hatol ay “hindi upang sindakin nang labis ang mga kabataang lumabag sa batas kundi ilantad sila sa karupukan ng buhay ng tao.” Ang dahilan? Gaya ng sabi ng isang autoridad: “Inaakala ng mga tin-edyer na sila ay hindi magagapi,” kaya “kailangan nila ang isang dosis ng katotohanan.” Iniuulat ng isang hukom sa California na sa mahigit na 400 kabataan na binigyan ng hatol na ito sa Sacramento, 6 lamang ang muling naaresto. Binanggit ng isa pang hukom na ang normal na dami ng bumabalik sa paggawa ng krimen ay 30 hanggang 50 porsiyento. Ang tagumpay ng programa ay gumanyak sa iba pang estado na simulan ang kahawig na mga programa ng pagsentensiya.
Mga Panganib sa mga Babaing Naninigarilyo
Bakit ang mga babaing naninigarilyo ay mas malamang na magkaroon ng sakit sa puso kaysa mga babaing hindi naninigarilyo, isang kalagayan na mas karaniwan sa mga lalaki? Ang isang dahilan ay marahil sapagkat ang paninigarilyo ay nauugnay sa mga pagbabago sa hormone sa mga babae, sabi ng isang pag-aaral ng mga mananaliksik mula sa University of California, San Diego School of Medicine. Ang mga babaing naninigarilyo pagkatapos magmenopos ay may mahigit sa dalawa ng uring-lalaking mga hormone sa sekso sa kanilang dugo kaysa mga babaing hindi naninigarilyo, ulat ng mga mananaliksik sa New England Journal of Medicine. “Ang aming tuklas ay maaaring magbigay ng higit pang katibayan upang himukin ang mga babae na huminto sa paninigarilyo,” sabi ng manggagamot na si Kay-Tee Khaw, pangunahing autor ng pag-aaral.
Baha sa Bangladesh
Sinakmal ng mga tubig ng baha ang kalakhang bahagi ng Bangladesh noong nakaraang Setyembre, nag-iiwan ng kasindami ng 28 milyong mga tao na walang tahanan o nasa kagipitan. “Isa itong kalunus-lunos na pangyayari,” sabi ng brigadier general na namamahala sa pagpapakain at pagpapabahay sa 30,000 biktima sa isang dako ng bansang ito sa timog Asia. Ang Bangladesh, na may 110 milyong mga mamamayan, ay hinampas ng napakalakas na ulan na nagsimula noong Hunyo at noong Setyembre ito ay nag-iwan ng tinatayang 75 porsiyento ng bansa na lubog sa tubig. Ang iniulat na namatay mula sa lahat ng dahilan noong panahon ng pagbaha ay mahigit sa 500.
Ipinahihintulot ng mga Anglicano ang Poligamya
Bagaman itinataguyod ng 70-milyong-membro ng Simbahang Anglicano ang monogamya bilang huwarang Kristiyano, noong Agosto ay binaligtad nito ang isang sandaang-taóng-gulang na pagbabawal sa pagbabautismo sa mga poligamo sa simbahan. Ang resolusyon na bumabaligtad sa pagbabawal ay ipinasa sa isang tatlong-linggong komperensiyang Anglicano sa Canterbury, Inglatera. Dati-rati, kailangang iwan ng isang poligamo ang lahat niyang asawa maliban sa isa upang siya ay maging isang bautismadong Anglicano. Ngayon, sang-ayon sa simbahang iyon, sa mga kultura kung saan ang poligamya ay kinikilala ng lipunan, ang isang lalaki ay maaaring magkaroon ng higit sa isang asawa at maging isang sinang-ayunang membro pa rin ng simbahan. Subalit, sang-ayon sa Salita ng Diyos, ito ay pangangalunya pa rin.—Efeso 5:31; 1 Timoteo 3:2.
Balisang mga Dentista
Kung nais mong tumanggap ng pinakamahusay na makukuhang paggamot sa ngipin, huwag mong ipakita ang iyong takot sa dentista. Waring iyan ang mensaheng inihahatid ng isang surbey sa Hamburg sa 342 mga dentista sa Pederal na Republika ng Alemanya. Isinisiwalat ng surbey na 71 porsiyento ng mga dentistang kinapanayam ang nakadarama ng kaigtingan kapag nakakaharap nila ang isang di-mapalagay na pasyente. Bunga nito, sabi ng pahayagang Aleman na Frankfurter Allgemeine Zeitung, ang mga dentista ay “karaniwang nagiging lubhang maingat at nininerbiyos at nangangailangang magkaroon ng higit na reserba ng lakas upang tiyakin ang mahusay na paggamot.”