Mga Himala at Aparisyon—Tanda Buhat sa Diyos?
“ANG mga himala ngayon ay itinutu-1.0,ring pa rin na . . . isang uri ng liham ng rekomendasyon, isang garantiya ng tunay na mensahe ng Diyos, ang kaniyang makapangyarihang tatak sa isang misyon o salita na galing sa kaniya.” Ang mga himalang tinutukoy dito ni Joseph Vandrisse, kabalitaan sa Vaticano para sa pahayagang Pranses na Le Figaro, ay natural na yaong sinang-ayunan ng Iglesya Katolika. Subalit ano ba ang tuntunin ng simbahan sa pagtiyak kung baga ang isang himala o isang aparisyon ay talagang buhat sa Diyos?
Dapat bang Hatulan ng Simbahan ang Sarili Nitong Kaso?
Sang-ayon sa Katolikong mga autoridad, dapat matugunan ng mga aparisyon ang dalawang kondisyon. Una, ito ay dapat na kasuwato ng mga turo ng simbahan. Isang kapansin-pansing halimbawa ay ang aparisyon sa Lourdes, kung saan ang “Birhen” ay nagpakita bilang “Ang Imaculada Concepcion.” Kapuna-puna, mga ilang taon bago nito, ipinasiya ni Papa Pius IX na sa paglilihi si Maria ay naingatang malaya mula sa orihinal na kasalanan. Noong 1933 ang naging Pius XII ay nagpahayag ng kaniyang opinyon na ang dalawang pangyayari ay magkaugnay, na ang sabi: “Nais patunayan ng Imaculadang Birhen, Ina ng Diyos at pinagpala sa gitna ng mga babae, sa pamamagitan ng kaniya mismong mga labi yaong binigkas sa Roma ng kaniyang hindi maaaring magkamaling Kataas-taasang Papa. Ginawa niya ito pagkatapos sa isang bantog na aparisyon sa Massabielle Groto [Lourdes].”
Ikalawa, ang paggawi ng isa na nakakita ng aparisyon ay dapat na isaalang-alang. Gaya ng sabi ng obispo ng Tours: “Ang simbahan . . . ay naniniwala sa mga aparisyon [sa Lourdes] dahil sa kabanalan ni Bernadette.” At itinuturing ng mga autoridad ng simbahan na natugunan kapuwa ni Bernadette at ni Lucie, na nagsasabing nakakita kay Maria sa Lourdes at sa Fátima alinsunod sa pagkakasunud-sunod, ang kondisyong ito sa pagiging mga madre nang dakong huli.
Ang mga mensaheng inihatid ay kasuwato ng turong Katoliko. Ang buhay ng mga nakakita ng pangitain ay kasuwato ng huwarang itinatag ng simbahan. Sa mga kasong ito, hindi kataka-taka na ang mga aparisyong kinilala ng Iglesya Katolika ay bukod-tanging nagpapatunay sa kaniyang sariling mga tradisyon at mga doktrina, kahit na ang mga pinakabago, gaya niyaong Imaculada Concepcion.
Subalit ang mga himala at mga aparisyon ba ay aktuwal na mga tanda buhat sa langit na nagpapatunay sa pagkatotoo ng mga turo ng simbahan? Si J. Bricout, editor ng Dictionnaire pratique des connaissances religieuses (Diksiyunaryo ng Relihiyosong Kaalaman), ay sinipi ang isa pang Katolikong autor, si P. Buysse, na sumulat: “Yamang ang mga himala sa Lourdes ay may espisipikong kaugnayan sa ‘mga paniwala na natatangi sa Iglesya Katolika’ (ang Imaculada Concepcion, ang kahulugan ng doktrinang ito sa pamamagitan ng autoridad ng papa, pagsamba sa Pinagpalang Sakramento, pagsamba kay Birheng Maria, at iba pa), ang isa ay maaari, bagkus, dapat kilalanin ng isa na ‘ang mga doktrina ng simbahan ay nagtataglay ng tatak ng pagsang-ayon ng Diyos.’”
Gayunman, matuwid na hindi masasabi ng Iglesya Katolika ang gayong banal na patotoo. Sa pag-ako nito sa autoridad na magpasiya kung baga ang mga aparisyon (at kaugnay na mga himala) ay buhat sa Diyos o hindi, inilalagay nito ang kaniyang sarili bilang hukom ng sarili nitong kaso.
Maraming iba pang relihiyon ang naninindigan ng katibayan ng mga himala at nagsasabing taglay nila ang pagtangkilik ng Diyos. Ang Diyos ba ang nasa likuran ng mga himalang ginagawa sa mga kilusang karismatik (pati na yaong mga hindi Katoliko) o maging yaong mga himala sa mga relihiyong di-Kristiyano? Mahirap maniwala na nasa likuran siya nito, sapagkat sinasabi sa atin ng Bibliya na ang Diyos ay “isang Diyos, hindi ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan.”—1 Corinto 14:33.
Ano ang tamang saligan sa paghatol? Ang aklat na Les signes de crédibilité de la révélation chrétienne (Mga Tanda ng Kredibilidad ng Paghahayag Kristiyano) ay nagsasabi na ang tuntunin na dapat isaalang-alang upang alamin kung ang isang himala ay totoo ay pangunahin nang moral at relihiyoso.
Totoo sa Paghahayag?
Ayon sa iba’t ibang Katolikong autor, “ang Unang kahilingan ay na ang inihahatid na mensahe ay maging totoo sa paghahayag ng Ebanghelyo at sa tradisyong pandoktrina ng simbahan.” “Walang bagong paghahayag ang maaaring bumago sa unang paghahayag.” Gayundin, sinabi ni Papa John Paul II na “ang mensahe na ibinigay sa Fátima noong 1917 ay naglalaman ng buong katotohanan ng Ebanghelyo.” Lahat ng ito ay nangangahulugan na higit sa lahat, ang mensahe na ibinigay sa gayong mga aparisyon ay dapat na kasuwato ng “pahayag,” ang Banal na Kasulatan. Talaga bang ganito ang kalagayan?
Anong konklusyon ang makukuha mula sa mga pangitain tungkol sa isang maapoy na impierno na ibinigay sa mga pastol sa Fátima? Maliwanag na ipinakikita ng Kasulatan na ang mga makasalanan ay hindi pinarurusahan sa ganitong paraan kapag sila ay mamatay. Binanggit mismo ni Jesus na dapat nating katakutan ang Isa na makapapatay kapuwa sa kaluluwa at sa katawan, sa gayo’y ipinakikita na ang kaluluwa ay maaaring mamatay. Maliwanag na itinuturo ng iba pang mga teksto sa Bibliya na walang malay sa kamatayan at na ang pag-asang mabuhay-muli ay salig sa pangako ng Bibliya tungkol sa isang hinaharap na pagkabuhay-muli.—Mateo 10:28; Eclesiastes 9:5, 10; Juan 5:28, 29.
At kumusta naman ang tungkol sa “Imaculada Concepcion” na binanggit ni Bernadette? Ito minsan pa ay maliwanag na salungat sa turo ng Bibliya. Ipinakikita ng Kasulatan na si Maria, gaya ng lahat ng inapo ni Adan, ay ‘ipinaglihi sa kasalanan’ at nagmana ng kamatayan. (Awit 51:5; Roma 3:23) Kung si Maria ay ipinaglihi nang walang kasalanan, bakit siya nagharap ng isang hain ukol sa kasalanan pagkatapos isilang si Jesus? (Levitico 12:6; Lucas 2:22-24) Isa pa, walang isa mang teksto sa Bibliya na sumusuporta sa doktrina ng Katoliko na nagsasabing si Maria ay iningatan mula sa orihinal na kasalanan sa pamamagitan ng pantanging biyaya. Yamang ang pagsamba kay Maria ay walang maka-Kasulatang saligan, makatuwirang ibangon ang mga katanungan kung baga ang kaniyang mga aparisyon ay buhat sa Diyos.
Maaari Kayang Buhat Ito sa Ibang Pinagmumulan?
Mangyari pa, nalalaman ng mga iskolar ng Bibliya na ang makahimalang mga tanda ay hindi lahat nagmumula sa Diyos. Pagkatapos banggitin ang mga himala na isinagawa ng mga mahikong Ehipsiyo sa harapan nina Faraon at Moises, ang Dictionnaire de la Bible, inedit ni F. Vigouroux, ay nagsasabi na “sa mga huling araw, ang bulaang mga propeta at huwad na mga Kristo, pawang mga ahente ng Diyablo, ay gagawa ng maraming himala hanggang sa puntong dayain ang tapat na mga alagad mismo ni Jesu-Kristo, kung maaari.”—Mateo 24:24; Exodo 7:8-13.
Subalit paano naman kung, gaya ng kaso sa Fátima, ang aparisyon ay nag-aanyaya sa sangkatauhan na magsisi at humihiling sa mga mananampalataya na manalangin para sa pagbabalik-loob ng mga makasalanan? Kawili-wili, sinisipi ng isang aklat na sang-ayon sa mga aparisyon, na pinamagatang Fátima—Merveille du XXe siècle (Fátima—Kababalaghan ng Ika-20 Siglo), ang pari, na noong panahong iyon ay nasa Fátima, na nagpapahayag ng kaniyang mga pag-aalinlangan tungkol sa pinagmulan ng mga mensaheng ito sa kabila ng kanilang nilalaman. Sabi niya: “Maaaring ito ay panlilinlang ng demonyo.” Oo, ipinakikita ng Bibliya na si Satanas “ay nagkukunwaring anghel ng liwanag” at na “ang kaniyang mga lingkod man, ay nagkukunwaring mga lingkod ng katuwiran.” (2 Corinto 11:14, 15, The Jerusalem Bible) Ang isang tila totoong mensahe kung gayon ay hindi patotoo na ang isang aparisyon ay talagang buhat sa Diyos.
Ito rin ang konklusyon ng Dictionnaire historique de la Bible ni Calmet [Katoliko], na nagsasabi: “Ang mga himala at kababalaghan ay hindi laging tiyak na tanda na yaong mga gumagawa nito ay banal o na ang kanilang doktrina ay tama, ni ang mga ito man kaya ay tiyak na patotoo na ang mga nakakita ng pangitain ay tumanggap ng isang misyon.”
Sa kabaligtaran, si Kristo ay nagsagawa ng maraming himala samantalang nasa lupa. Ano ang kaniyang layunin, at ano ang ipinaliliwanag nito tungkol sa mga himala at mga kababalaghan ngayon? Ang mga tanong na ito ay sasagutin sa susunod na artikulo.
[Kahon/Larawan sa pahina 6]
Disyembre 9, 1531.
Isang Mexicanong Indyan, nagngangalang Juan Diego, ay nagmamadali patungo sa Misa sa Mexico City. Sa daan ay nakasalubong niya ang isang babae na sinugo siyang hilingin sa obispo sa Mexico City na magtayo ng isang simbahan sa mismong lupa na kinatayuan ng babae. Ang obispo ay medyo nag-aalinlangan sa mensahe ng Indyan.
Sa sumunod na aparisyon, ipinakilala ng babae ang kaniyang sarili bilang ang ina ng tunay na Diyos at nang maglaon bilang “Santa Maria ng Guadalupe.” Upang bigyan siya ng tanda, sinabi niya kay Juan Diego na kumuha ng ilang rosas, bagaman hindi iyon ang panahon at lugar para sa gayong bulaklak. Gayumpaman, nakasumpong si Juan ng ilan at binalot ito sa kaniyang balabal. Nang iharap ni Juan ang mga ito sa obispo, isang kasinlaki ng tao na larawan ng “Birhen” ang lumitaw sa kaniyang balabal.
Isang larawan ng tagpo ay nakadispley ngayon sa Basilica ng Guadalupe, malapit sa Mexico City.
[Larawan]
Guadalupe
[Kahon/Larawan sa pahina 7]
Pebrero 11, 1858.
Isang 14-anyos na batang Pranses na nagngangalang Bernadette Soubirous, ang kaniyang kapatid na babae, at isang kaibigan ay namumulot ng panggatong na kahoy malapit sa Lourdes, isang bayan sa timog-kanluran ng Pransiya malapit sa hangganan ng Espanya. Nang tatawid na lamang si Bernadette sa isang sapa, isang “babae” ang nagpakita sa kaniya sa isang groto. Sa iba pang mga okasyon, hiniling ng “babae” ring iyon na isang kapilya ang itayo sa mismong lugar na iyon at nagsumamo siya sa lahat ng tao na magsisi.
At sa isa pang aparisyon, narinig ni Bernadette na sinabi ng “babae” sa wika roon: “Ako ang Imaculada Concepcion.” Nag-iisa laban sa mga autoridad ng bayan at pati ng relihiyon, si Bernadette Soubirous ay nanindigan na ang kaniyang mga sinasabi ay totoo. Sa wakas, opisyal na kinilala ng Iglesya Katolika ang mga aparisyon ng “Birhen.” Ang resulta ay ang santuwaryo sa Lourdes.
[Larawan]
Lourdes
[Kahon/Larawan sa pahina 8]
Mayo 13, 1917.
Isang batang lalaking pastol at dalawang babaing pastol ang nagbabantay ng kanilang kawan sa Fátima, sa sentro ng Portugal, nang makita nila ang kanilang unang aparisyon ng “Birhen.” Sa isang aparisyon noong dakong huli, ang mga tao ay sumugod sa pinangyarihang dako sa pag-asang tumanggap ng tanda. Sinasabi nilang nakita nila ang araw ay nagsasayaw sa langit at pagkatapos ay nahulog sa lupa.
Ang mga bata ay tumanggap din ng “mga sekreto.” Nagkaroon sila ng isang pangitain tungkol sa impierno, kung saan nakita nila ang mga makasalanan na labis na nagdurusa sa katakut-takot na apoy. Hiniling din ng “Birhen” na ang Russia ay ialay sa kaniyang “imaculadang puso.” Nang maglaon tinupad ng mga papa ang kaniyang kahilingan. Ang huling “sekreto” ay iniingatan ng pinakamataas na mga autoridad sa Iglesya Katolika, na tumatangging ipaalam ito sa madla sa kasalukuyan.
[Larawan]
Fátima