Mga Himala at Aparisyon—Nakaraan at Kasalukuyan
Ng kabalitaan ng “Gumising!” sa Pransiya
GUADALUPE, Fátima, at Lourdes—ano ba ang kahulugan ng mga pangalang ito sa iyo? Para sa marami ito ay mga bayan lamang sa Mexico, Portugal, at Pransiya. Subalit para sa angaw-angaw na taimtim na mga Katoliko, ito ay mga santuwaryo, tatlo sa pinakabantog na dambana sa daigdig para kay Maria. Ang debosyon ng mga Katoliko sa mga dakong iyon ay hindi humihina sa ika-20 siglong ito. Halimbawa, noong 1982 mga 4,500,000 bisita ang dumagsa sa Lourdes, samantalang mas maraming tao ang nagkalipumpon sa Guadalupe.
Para sa Iglesya Katolika, ang mga dambanang ito ay mga dako ng sinasabing makahimalang mga paggaling. Totoo ito lalo na may kaugnayan sa Lourdes, inilarawan ni Papa Pius X bilang “ang sentro ng pagsamba kay Maria at ang trono ng misteryong Eukaristiko, na waring nakahihigit sa kaluwalhatian sa lahat ng katulad na mga sentro sa buong daigdig ng mga Katoliko.” Libu-libong mga tao ang nagsasabing napagaling sa panahon o pagkatapos ng isang peregrinasyon sa Lourdes. Gayunman, hanggang sa ngayon 65 “mga himala” lamang ang kinikilala ng simbahan.
Ikaw man ay naniniwala sa Diyos o hindi, may karapatan kang magtanong. Kumusta naman ang tungkol sa mga aparisyong ito, pangunahin na tungkol kay Maria, sa buong daigdig? Ang makahimalang mga pagpapagaling at ang iba pang mga pangyayaring kaugnay nito ay patotoo ba na ito ay sinasang-ayunan ng Diyos? Sa isang komperensiyang ginanap sa Lourdes noong 1986, pinasigla ng obispo ng Tours ang kaniyang mga tagapakinig na ‘magbulaybulay sa kahulugan ng mga aparisyon’ upang ‘makilala ang kaibhan sa pagitan ng huwad at tunay na mga aparisyon.’ Kung ikaw ay isang Katoliko, baka ikaw rin ay interesado na suriing maingat ang paksang ito.
Mga Aparisyon—Tunay o Huwad?
Ang Iglesya Katolika Romana ay walang opisyal na sinasabi tungkol sa mga aparisyong iyon, ni inuobliga man nito ang mga miyembro nito na maniwala sa mga ito. Subalit ano kaya ang mahihinuha ng taimtim na mga Katoliko kung makita nila si Papa John Paul II na umiinom ng tubig mula sa groto ng Lourdes o nakikipag-usap kay Lucie, ang tanging nabubuhay na tao na nakakita ng aparisyon sa Fátima? Hindi ba ito ay isang maliwanag na kapahayagan ng opisyal na pagsang-ayon niya (at ng simbahan)? Isa pa, sa kaniyang mga paglalakbay, hindi kinaliligtaan ng papa na dalawin ang mga santuwaryo para kay Maria, gaya ng dambana ng Itim na Birhen sa Czestochowa sa Poland.
Iba pang kainamang mga dambana ay sinang-ayunan ng simbahan, gaya ng Beauraing at Banneux sa Belgium. Kung minsan ang pagsamba ay ipinahihintulot sa isang lokal na antas lamang, gaya ng kaso sa Tre Fontane, Italya, at sa Marienfried, Alemanya.
Gayunman, simula noong katapusan ng ika-19 na siglo, marami ang nagsasabing nakakita ng mga aparisyon. Tinataya ng aklat na Vraies et fausses apparitions dans l’Église (Tunay at Huwad na mga Aparisyon sa Iglesya) na may mahigit na 200 mga kaso mula noong 1930 hanggang 1976. Bakit kakaunti lamang ang opisyal na kinikilala gayong, ayon sa autor, “ang mga mensahe, bukod sa ilang eksepsiyon, ay malinaw at, sa pagsusuri, ito ay nasumpungang halos magkapareho”?
Ang magasing Pranses na L’Histoire ay nagbibigay ng isang paliwanag sa isang artikulo na may kaugnayan sa mga aparisyon ni Maria noong ika-19 na siglo sa lugar ng Loire gitnang-silangan ng Pransiya. Sang-ayon sa autor, hindi sinuri ng simbahan ang mga pangyayaring ito at iniwan ito sa kalabuan upang iwasan ang “kompetisyon” sa kilala nang mga dambana.
Ngayon, ang ilan ay naniniwala na ang kasalukuyang katahimikan ng simbahan ay dahilan sa pagkabahala nito kamakailan sa “siyentipikong” pagkaeksakto. Si René Laurentin, Katolikong Pranses na isang autoridad sa mga bagay na ito, ay nagsasabi pa nga na ang mga aparisyon na gaya niyaong sa Lourdes ay may maliit na tsansa na opisyal na kilalanin ngayon. Subalit hindi ba dapat tanggapin ang mga tanda—kung ito nga’y buhat sa Diyos—na gayon nga sa anumang panahon sa kasaysayan?
Mas Makabagong mga Aparisyon
Nangyayari pa rin ang mga aparisyon. Sa San Damiano, Italya, pulu-pulutong ng mga peregrino ang nagdagsaan sa dako kung saan sinasabing nakita ni Mamma Rosa (na namatay noong 1981) “ang Birhen.” Ang simbahan ay nananatiling walang kibo tungkol sa paksang ito, subalit inaasahan ng ilang tapat ang isang pagbabago ng saloobin pagkatapos ng mga kombersiyon na ipinalalagay na naganap doon.
Sa maliit na nayon ng Medjugorje, Yugoslavia, ang mga bata at mga tin-edyer ay nag-ulat kamakailan ng mahigit isang libong mga aparisyon ng “Birhen.” Dito minsan pa, sa kabila ng pag-iingat ng simbahan, ipinaglalaban ng ilang grupo na opisyal na kilalanin ng simbahan ang kababalaghan. Gayunman, maaaring magtaka ang mga Katoliko kung anong saloobin ang susundin samantalang hinihintay ang pasiya ng mga autoridad ng simbahan. Samantala, dapat ba silang sumampalataya sa gayong mga pagpapatunay?
Upang kompletuhin ang larawan, may mga aparisyon ding tinanggihan ng simbahan, gaya niyaong nasa Palmar de Troya, Espanya. Tungkol sa huling banggit, binabalaan ng obispo ng Seville ang mga tapat na huwag “paniwalaan ng madla ang mga kababalaghan na hindi kinikilala at hinahatulan pa nga ng simbahan.” Sa kabila ng babala, gayumpaman ay nagkaroon ng pagkakabahagi, na humantong sa ekskomonikasyon ng isang arsobispo at ng ilang pari, na, sa paglaban sa simbahan, ay pinanindigan na ang mga aparisyon ay totoo.
Paano posibleng pagpasiyahan kung baga ang mga aparisyon ay totoo o hindi? Detalyadong tatalakayin ng susunod na artikulo ang katanungang iyan.