Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 3/22 p. 6-7
  • Ang Pinagmumulan ng Tunay na mga Pamantayan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Pinagmumulan ng Tunay na mga Pamantayan
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Talino sa Likuran ng Pinagmulan ng Buhay
  • Ang Bukál ng Tunay na mga Pamantayan
    Gumising!—1992
  • Kailangan ang mga Pamantayang Moral
    Gumising!—2019
  • Nanghahawakan sa Di-Nagbabagong Pamantayan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Saan Patungo ang Moral?
    Gumising!—1993
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 3/22 p. 6-7

Ang Pinagmumulan ng Tunay na mga Pamantayan

ANG alituntunin sa moral ay masusumpungan sa lahat ng lipunan ng tao. Sa tanggapin man natin o hindi, lahat ng tao ay nakadarama ng pangangailangan para sa isang pumapatnubay na puwersa na nakatataas at nakahihigit sa kanilang sarili. Sila’y likas na umaasa sa isang nakatataas na kapangyarihan upang sambahin o paglingkuran. Maaaring ito’y ang araw, buwan, bituin, bundok, ilog, hayop, tao, o isang organisasyon. Ang kanilang alituntunin sa moral ay maaaring nakatala sa isa sa maraming sagradong sulat ng iba’t ibang kultura. Ang pangangailangan ay masusumpungan sa mga tao sa lahat ng dako. Ito’y katutubo sa tao.

“Ang relihiyon,” ayon sa kilalang sikologong si C. G. Jung, “ay isang katutubong saloobin na natatangi sa tao, at ang mga katibayan nito ay matutunton sa lahat ng kasaysayan ng tao.” Ang kilalang siyentipikong si Fred Hoyle ay sumulat tungkol sa “alituntunin sa moral na masusumpungan sa lahat ng lipunan ng tao” at susog pa niya: “Madaling gumawa ng maraming paliwanag upang ipakita na ang moral na damdamin na nasa tao ay nananatili sa kabila ng lahat ng mga tukso [at mga pag-uusig] na patuloy na lumalaban dito.”

Kinikilala ng pinakabantog at pinakamalaganap ang sirkulasyon sa lahat ng banal na mga sulat, ang Bibliya, ang katutubong moral na diwang ito na nasa tao. Sinasabi nito sa Roma 2:14, 15: “Sapagkat kung ang mga tao ng mga bansa na walang kautusan sa katutubo ay nagsisigawa ng mga bagay ng kautusan, ang mga taong ito, bagaman walang kautusan, ang siyang kautusan sa kanilang sarili. Sila mismo ang nagtatanghal ng bagay na ang kautusan ay nasusulat sa kanilang mga puso, samantalang pinatototohanan ito ng kanilang budhi at, sa kanilang sariling mga pag-iisip, sila ay sinusumbatan na may kasalanan o kaya’y pinawawalang-kasalanan pa nga.”

Itinuturing ni Hoyle ang ebolusyon na “isang bukás na karta ng anumang anyo ng mapagsamantalang paggawi,” at sabi pa niya: “Prangkahan, laging sumasagi sa aking alaala ang paniniwala na ang nihilistikong pilosopya na piniling itaguyod ng tinatawag na edukadong opinyon kasunod ng paglalathala sa The Origin of Species ang nagdala sa sangkatauhan sa isang landasin ng kusang pagwasak-sa-sarili. Noon nagsimula ang pagtunog ng makinang Doomsday. . . . Ang bilang ng mga tao ngayon na nakadarama na may mahalagang bagay na kulang sa lipunan ay hindi kakaunti, subalit nakalulungkot sabihin inaaksaya nila ang kanilang lakas sa pagprotesta laban sa sunud-sunod na walang kaugnayang mga bagay.”

Ang Talino sa Likuran ng Pinagmulan ng Buhay

Kung gayon, taglay ang matematikal na kaeksaktuhan, ipinakita ni Hoyle na walang probabilidad na ang buhay ay nagsimula sa lupa nang di-sinasadya. Ang mga siyentipikong orthodoxo, sabi niya, ay napalayo sa ideya ng isang mapanlikhang puwersa sa pamamagitan ng “mga kalabisan ng relihiyon noong una.” Subalit si Hoyle ay naniniwala na ang buhay ay nilikha ng matalinong puwersa sa labas ng pansansinukob na kalawakan. Naniniwala siya na ang imposible sa lupa ay posible sa kalawakan​—subalit ipinalalagay niya na doon man mayroon ding isang uri ng talino na nagtatrabaho. Kahit na ang pinakasimpleng anyo ng buhay, isang baktirya, ay lubhang napakasalimuot anupa’t isang katalinuhan ay tiyak na nasasangkot sa paglikha nito, subalit hindi niya matanggap na tawagin ang talinong iyon na Diyos.

Ang iba na “nakadarama na may mahalagang bagay na kulang sa lipunan” ay hindi gaanong atubiling gawin iyon. Ang isa sa kanila ay ang sikologong si Jung, na sinipi kanina: “Ang taong hindi naniniwala sa Diyos ay walang lakas na labanan sa pisikal at moral na paraan ang panghikayat ng daigdig. Kailangan niya rito ang katibayan ng panloob, nakahihigit na karanasan na siya lamang maaaring magsanggalang sa kaniya mula sa di-maiiwasang pagpapasakop sa masa.”

Ang tagapangasiwang Hukom Francis T. Murphy ng Dibisyon ng Hukuman sa Paghahabol ay nagsasabi na “hindi nalalaman ng modernong tao ang talagang kahulugan ng kaniyang buhay at nag-aalinlangan na ang buhay ay may anumang kabuluhan. Anuman ang kaniyang moral na mga pagpapanggap, sa katunayan ay iniwaksi niya ang Diyos sa kaniyang buhay, sa kaniyang tanggapan, sa kaniyang tahanan. Kaya kulang siya ng sentrong pangmoral.” Mula sa daigdig ng isports, gayunding opinyon ang sinabi ni Howard Cosell nang talakayin niya ang problema tungkol sa pag-abuso sa droga ng mga atleta. Sabi niya: “Wala nang malinaw na sentrong pangmoral sa Amerika . . . at iyan ang problema ng lahat ng kultura.”

“Imposible,” sabi ng kolumnista sa mga pahayagan na si Georgie Anne Geyer, “na magkaroon ng isang moral na pamayanan o bansa nang walang pananampalataya sa Diyos, sapagkat ang lahat ng bagay na mabilis na nauuwi sa ‘ako,’ at ang ‘ako’ mag-isa ay walang kabuluhan. . . . Kapag ang ‘ako’ ang nagiging panukat ng lahat ng bagay​—sa kapinsalaan ng Diyos, ng simbahan, ng pamilya at ng tinatanggap na mga pamantayan ng sibil at sibikong paggawi ng tao​—tayo ay nanganganib.”

Sinabi ni Aleksandr Solzhenitsyn na kung siya ay hihilinging kilalanin sa ilang salita ang pangunahing ugali sa ika-20 siglo, sasabihin niya: “Nakalimutan na ng tao ang Diyos.” Sabi pa niya: “Ang buong ikadalawampung siglo ay nahigup sa alimpuyo ng ateismo at pagkawasak-sa-sarili. . . . Ang lahat ng pagsisikap upang malunasan ang suliranin ng daigdig sa ngayon ay walang saysay malibang ating muling-ituon ang ating kaisipan, sa pagsisisi, sa Maylikha ng lahat: kung wala ito, wala tayong makikitang lunas, at tayo’y patuloy na maghahanap sa kabiguan.”

Sa loob ng anim na libong taon, sinubok ng tao ang kaniyang paraan, nagpapasiya kung ano ang tama at kung ano ang mali. Ngayon ang makabagong kausuhan ay gawin mo ang ibig mo​—walang tama at mali. Itinala ng kasaysayan ang katakut-takot na resulta ng kapuwa mga daan, pinatutunayan na hindi para sa tao ang magtuwid ng kaniyang mga hakbang. “May daan na tila matuwid sa isang tao, ngunit ang dulo niyaon ay mga daan ng kamatayan.” (Kawikaan 14:12, Revised Standard Version; Jeremias 10:23) Ginawa ng Diyos na Jehova ang tao, nakikilala niya ang tao sa loob at sa labas, at siya ay naglaan ng mapa patungo sa kaligayahan: “Ang salita mo’y ilawan sa aking mga paa, at liwanag sa aking landas.” (Awit 119:105) Ipinakikilala ng kaniyang Salita, ang Bibliya, ang tunay na mga pamantayan sa pagpapala ng tao. Itinatala ng kalakip na kahon ang ilan sa dapat at di-dapat gawin.

[Kahon sa pahina 7]

Mga Pamantayan na Dapat Sundin

▸ Ibigin mo si Jehovang Diyos nang iyong buong puso, isip, kaluluwa, at lakas.

▸ Ibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.

▸ Gawin mo sa iba kung ano ang nais mong gawin sa iyo ng iba.

▸ Tularan mo si Jesus bilang iyong Halimbawa.

▸ Patawarin mo ang iba kung paanong nais mong ikaw ay patawarin.

▸ Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina.

▸ Sa paggalang isiping nakahihigit ang iba.

▸ Maging tapat sa iyong mga pakikitungo.

▸ Makipagpayapaan sa lahat.

▸ Hanapin ang kahinahunan, kabaitan, pagpipigil-sa-sarili.

▸ Huwag gumanti ng masama sa masama sa kaninuman.

▸ Daigin ang masama ng mabuti.

▸ Huwag kang sumamba sa huwad na mga diyos.

▸ Huwag kang yuyuko sa mga imahen.

▸ Huwag kang papatay.

▸ Huwag kang magnakaw.

▸ Huwag kang sasaksing may kabulaanan.

▸ Huwag mong babanggitin ang pangalan ng Diyos sa walang kabuluhan.

▸ Huwag mong iimbutin ang pag-aari ng iyong kapuwa.

▸ Huwag hayaang lubugan ng araw ang iyong galit.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share