Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 3/22 p. 8-10
  • Anong Mga Pamantayan ang Umuugit sa Iyong Buhay?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Anong Mga Pamantayan ang Umuugit sa Iyong Buhay?
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Mali ay Pinagtitinging Tama
  • Ang Bukál ng Tunay na mga Pamantayan
    Gumising!—1992
  • Makinabang sa Pagtataguyod ng Espirituwal na mga Simulain
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
  • Mga Pamantayang-asal na Nagdadala ng Kaligayahan
    Gumising!—1990
  • Pamantayang Moral Para sa Maligayang Buhay
    Gumising!—2013
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 3/22 p. 8-10

Anong Mga Pamantayan ang Umuugit sa Iyong Buhay?

BAGO sagutin ang tanong na iyan, baka kailangan mong isaalang-alang ang isang ito: Ano ang nais mo sa iyong buhay? Kayamanan, katanyagan, katuwaan, kagila-gilalas na abentura, seksuwal na katuparan? O marahil ang iyong tunguhin ay isang mabuting pangalan dahil sa katapatan, kawanggawa, kahabagan, paglilingkod sa bayan, espirituwalidad? Anuman ito, ang tuntunin ng Bibliya ay nananatiling totoo: ‘Anuman ang iyong inihahasik, ito rin ang aanihin mo.’​—Galacia 6:7.

Kung ibinabasura mo ang tunay na mga pamantayan, dapat ay handa kang harapin ang mga resulta nito. Binabanggit ng hukom sa Kataas-taasang Hukuman na si Paul R. Huot ang ilan sa mga ito. Binabanggit ang paglayo sa paggalang sa batas, kagandahang-asal sa lipunan, at disiplina, sabi niya: “Ang mga bagay ay hindi na malinaw. Ang lahat ay alanganin. Naiwala natin ang mabuting pag-uugali. Naiwala natin ang pagkamagalang. Naiwala natin ang kagandahang-asal. Mas kaunting tao ang nakakakilala ng kaibhan sa pagitan ng tama at mali. Ang kasalanan ngayon ay ang mahuli, hindi ang paglabag.”

Habang lumalago ang kaalaman lumalaki naman ang kapangyarihan, nagkakaroon ng mas malaking pangangailangan sa moralidad upang pangasiwaan ang gamit nito. (Kawikaan 24:5) Sa kasamaang palad, ang paglago ng kaalaman at kapangyarihan ay sinamahan ng isang paghina sa moralidad. Ang mananalaysay na si Arnold Toynbee ay nagkukomento tungkol dito: “Nakalulunos isipin na tayo’y naging lubhang matagumpay sa larangan ng teknolohiya, samantalang ang ating rekord tungkol sa mga kabiguan sa moral ay halos hindi masukat. . . . Kung ang agwat sa moralidad ay patuloy na lumaki, nakikini-kinita ko ang panahon kapag ang pribadong mga mamamayan ay naglalakad na may de bulsang bomba atomika.”

Ang kasalukuyang hilig ay ibaba ang halaga ng tunay na mga pamantayan at itapon sa basurahan ang kasalanan. Ang saloobin ay katulad niyaong sa mangangalunyang babae ng Kawikaan 30:20: “Ganito ang lakad ng mangangalunyang babae: siya’y kumakain at nagpapahid ng kaniyang bibig at nagsasabi: ‘Hindi ako gumawa ng kasamaan.’” Subalit ang kasalanan ay nasa atin pa rin, malakas at masigla, kaya lang nga ay kumikilos sa ilalim ng mga alyas na gaya ng kawalang-lihim, kalayaan, relativism, paglilinaw ng mga pamantayan, hindi paghatol​—pawang binubuod bilang “ang bagong moralidad.”

Ang Mali ay Pinagtitinging Tama

Talagang walang nagbago mula noong panahon ni Isaias. Ang kaniyang mga salita ay totoo pa rin: “Sa aba nila na nagsitawag ng mabuti ay masama at ang masama ay mabuti, na inaaring dilim ang liwanag at liwanag ang dilim, na inaaring mapait ang matamis at matamis ang mapait!” (Isaias 5:20) Upang magtinging tama ang mga mali, binabago nila ang mga tanda sa termometro upang gawin normal ang lagnat.

Aling mga pamantayan ang nagbubunga ng mabuting mga resulta? Alin ang nagpapaligaya sa iyo, gumagawa ng matapat na mga kaibigan, nagdudulot ng panloob na kapayapaan at kasiyahan? Nais mo ba ng mabuting pangalan dahil sa katapatan, pagiging totoo, pagkabahala sa iba? Ang ikaw ay maibigan, igalang, mahalin? O higit mo bang pinahahalagahan ang pagkakaroon ng walang-takdang mga pag-aari, matikman ang kapangyarihan ng maraming kayamanan? Ang kasiyahan ba ng makalamang mga hangarin ang pinakamahalaga? Mahalaga ba sa iyo na ituon ang isip sa pagbibigay-kasiyahan sa sarili?

Ang bawal na sekso ay laganap, nagtatamasa ng pagsang-ayon mula sa media at sa lipunan sa pangkalahatan. Subalit anong laking pagkawasak sa pag-aasawa at pamilya at sa kapakanan ng mga bata! Dahil sa kaluwagan sa disiplina nariyan ang labis-labis na di-likas na homoseksuwal na kahandalapakan na palasak sa ngayon na ipinahihintulot at tinatanggap pa nga ng ilang pangunahing relihiyon ng Sangkakristiyanuhan. Kaugnay ng gayong mga gawain, ang Salita ng Diyos ay nagtatanong at sumasagot: “Nahihiya ba sila sa kanilang kasuklam-suklam na gawi? Hindi, wala silang hiya; hindi nga sila marunong mamula sa hiya.”​—Jeremias 6:15, New International Version.

Idiniin ni Jesus ang pangangailangang espirituwal, na ang sabi: “Maligaya yaong palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan, sapagkat ang kaharian ng mga langit ay sa kanila.” (Mateo 5:3) Subalit iwinawaksi ng marami ang pangangailangang ito na walang gaanong halaga at wala silang ginagawa upang tupdin ito; at ang buhay na wala nito ay nagwawakas na mababaw lamang. Sa kabila ng maraming makasanlibutang mga tagumpay, ang gayong mga buhay ay mababaw pa rin at walang tunay na kaligayahan at kasiyahan ng espiritu. At nakalulungkot sabihin, yaong nakababatid sa pangangailangan at hinahanap ang katuparan nito sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay umaalis na hungkag, sapagkat gaya ng inihula ni propeta Amos, sa Sangkakristiyanuhan ay may “kagutom, hindi kagutom sa tinapay, o kauhawan man dahil sa tubig, kundi sa pagkarinig ng mga salita ni Jehova.”​—Amos 8:11.

Isa pa, marami sa mga relihiyon ang wala sa kalagayan para sa mabuting espirituwal na pagtuturo, kundi ‘ayon sa kanilang sariling kagustuhan, sila’y magbubunton para sa kanilang sarili ng mga tagapagturo upang kumiliti sa kanilang tainga; at ang mga ito ang siyang maglalayo ng kanilang tainga sa katotohanan, at ibabaling sa walang katotohanang mga katha.’ (2 Timoteo 4:3, 4) Gayon ang nadarama kapuwa ng mga klero at ng mga karaniwang tao gaya noong kaarawan ni Isaias, na sinasabi sa mga nakakakita sa espirituwal na pangangailangan: “‘Huwag kayong kumita,’ at sa mga may pangitain, ‘Huwag kayong manghula sa amin ng mga bagay na matuwid. Magsalita kayo sa amin ng mga bagay na malubay; manghula kayo ng magdarayang mga bagay. Humiwalay kayo sa daan; lumihis kayo sa landas. Papaglikatin ninyo ang Banal ng Israel dahil sa amin.’”​—Isaias 30:10, 11.

Ang mga pamantayan ng Diyos ay kailangang malalim ang pagkakatanim sa iyo. Kung ang iyong pasiya ay ipabanaag ang tunay na mga pamantayan na iminumungkahi ng Diyos, ang pormula na dapat mong sundin ay nakabalangkas sa Salita ng Diyos: “Hubarin ang matandang pagkatao pati ang mga gawain nito, at magbihis kayo ng bagong pagkatao, na sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman ay nagbabago ayon sa larawan ng Isa na lumalang nito.”​—Colosas 3:9, 10.

Gayunman, maaaring hindi ka nagtitiwala sa Bibliya bilang ang Salita ng Diyos. Marahil hindi ka naakit dito dahil sa mga doktrina na gaya ng walang-hanggang pagpapahirap sa walang-kamatayang mga kaluluwa sa isang maapoy na impierno, o dahil sa nakatataas na kritisismo na itinuturing ang Bibliya bilang isa lamang alamat, o dahil sa relihiyoso, mapagpaimbabaw, pagsunggab-sa-pera na maling paggawi ng mga predikador na may kasinungalingang nag-aangking kumakatawan dito.

Ipakikita ng personal na pagsusuri na “ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan,” hindi ang pagpapahirap sa apoy; na pinatutunayan ng modernong arkeolohiya ang Bibliya bilang tumpak na kasaysayan, hindi alamat; na ang marami sa mga klero ng Sangkakristiyanuhan ay gaya ng huwad na mga klero noong panahon ng Bibliya, hindi gaya ng tapat na mga propeta at mga apostol noong mga panahong iyon.​—Roma 6:23; Mateo, mga kabanata 5-7, 23.

Ang Bibliya ang pinagmumulan ng tunay na mga pamantayan. Kung hahayaan mong ugitan nito ang iyong buhay ito ay mangangahulugan ng pagsang-ayon ng Diyos at aakay ito tungo sa buhay na walang-hanggan sa isang bagong sanlibutan ng katuwiran, kung saan “papahirin niya ang bawat luha sa mga mata [ng sangkatauhan], at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.”​—Apocalipsis 21:4; Juan 17:3.

Kaya hayaang ang tunay na mga pamantayan na pinupuring maigi sa Salita ng Diyos ang umugit sa iyong buhay, sa gayon ikaw mismo ay makinabang: “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, na Siyang nagtuturo sa iyo ng mapapakinabangan, na Siyang pumapatnubay sa iyo sa daan na iyong dapat lakaran. Oh kung sana’y talagang magbibigay-pansin ka sa aking mga utos! Kung magkagayo’y magiging gaya ng isang ilog ang iyong kapayapaan, at ang iyong katuwiran ay gaya ng mga alon ng dagat.”​—Isaias 48:17, 18.

[Larawan sa pahina 9]

Kapayapaan na gaya ng isang ilog

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share